ES18
Kristine POV
Inalalayan ko na si Sir Errol papunta sa VIP lounge. Naroon na ang ka-meeting niya na nakilala ko kaagad dahil itinaas nito ang kamay nang makita n’ya kami ni Sir Errol.
Akala ko ay matanda na si Mr. Suarez. Nagulat ako nang mabistahan na kaedad lang pala ni Sir Errol ang aming tatagpuin. Pinauna kong paupuin si Sir Errol pero hindi pa man siya tuluyang nakaupo ay naging alerto ang aking tainga sa papalapit na yabag. Pamilyar iyon dahil lumalagutok ang tama ng heels ng sapatos sa sahig. Hinanda ko ang aking sarili na tumabi kay Sir Errol at patay-malisya na umupo na.
Kumapit ako sa bisig ni Sir Errol at nginitian ng pagkatamis-tamis ang dalawang lalaking kasama ko. Nang lumingon ako ay naroon na si Gweneth na nakatanghod sa aming gilid at nakapamewang na nakatingin sa amin ni Sir Errol.
Nais kong magbunyi dahil parang isang ibong mandaragit ang mukha ni Gweneth na bagaman nakapustora ay alam mong todo pigil ito sa galit.
“Yes, is there anything we could do for you?” tanong ko sa kanya.
“Why are you holding my boyfriend like that?” seryoso nitong tanong sa akin. Ang mga tingin nito ay tila nang-uuri ng tao. Hmnn, typical nga naman sa mga mayayaman na matapobre ang inasal nito. Kaya, binitawan ko ang braso ni Sir Errol at tumayo na. Ginaya ko ang nanunuri niyang tingin. Tiningnan ko rin siya mula ulo hanggang paa at napataas ang kanyang kilay na napakaganda nga naman ang pagkakaguhit.
Aba! Ang maldita naman ng dating kahit drawing lang ang kilay at halos ubusin ang isang kit ng make up para gumanda, sigaw ng isip ko. Nilagay ko ang aking kamay sa aking bewang bago nagsalita.
“The last time I checked, Errol was my boyfriend. Kita mo naman ‘di ba? Sabay pa kami nagpunta dito to meet some important client. And if I were you, I would stop claiming to be someone else’s boyfriend. Like, sa ganda mong iyan, assumera ka?” saad ko sa kanya.
Naningkit ang kanyang mga mata sa sinabi ko at kita ko kung paano kumuyom ang kanyang kamao. Gusto kong bumunghalit ng tawa sa mga linya na binitawan ko sa kanya. Naisip ko tuloy may buting dulot din pala ang panonood ng mga teleserye sa akin at nagamit ko pa ngayon. Iyong eksenang maghahabol ang ex girlfriend sa dating karelasyon dahil nakita na niya ang halaga ng taong iniwan niya ay ganoon ang siste ngayon.
Magsasalita pa sana si Gweneth pero tumayo na si Sir Errol at muntik na namilog ang mata ko nang yapusin niya ako mula sa likod at halikan ang aking batok. Hindi ko iyon napaghandaan. Ramdam ko ang pagbilis ng t***k ng aking puso pero nang umangat ang aking tingin ay nasalubong ko ang mukha ni Gweneth. Muli, gusto ko tumawa dahil parang batang naiiyak ito na nakatingin sa amin ni Sir Errol.
“Honey, let’s take our seat. Excuse us, Gweneth. My girlfriend and I need to talk to Mr. Suarez,” saad ni Sir Errol sa dati niyang nobya.
At bilang isang masunuring ‘girlfriend’ ay umayon ako sa gusto ni Sir Errol. Umupo na ako sa tabi niya at hindi na pinansin pa si Gweneth.
“Babe, come on,” dinig kong saad ng lalaking kasama niya.
Kung anuman ang relasyon ng dalawa ay hindi namin alam po sa himig nito ay medyo possessive ang lalaki. Nilingon ko si Sir Errol na ngayon ay lumambong n ang mukha. Kaya, masasabi ko talaga na mahal pa rin niya ang kanyang dating nobya. Tuloy, parang sinundot ng karayom ang dibdib. Hindi ko pa man nobyo si Sir ay nagseselos na ako.
Aaminin ko na nahuhulog na yata talaga ako sa amo kong ito. Kahit pa siguro na habangbuhay ko siyang aalagaan ay okay lang sa akin. Ang importante ay masaya siya. Ayokong nakikita ang lungkot sa kanyang mga mata dahil nasasaktan din ako.
Nag-umpisa na ang meeting ni Sir Errol at Mr. Suarez. Sandali akong nagpaalam na pupunta ng wash room. Gusto kong sandaling maaliw lalo at halos wala akong maintindihan sa kanilang pinag-uusapan.
Umihi na ako at naghugas ng kamay pagkatapos. Tumaas ang kilay ko nang pag-angat ng aking paningin ay naroon si Gweneth at nakaantabay sa akin. Hindi ko siya pinansin pero hinaklit niya ang aking braso. Matangkad at payat si Gweneth at sa paghila niya sa akin naramdaman ko kaagad ang kakulangan nito ng pwersa. Kaya, hinaklit ko pabalik ang braso ko at nadala siya pabalik.
Gusto kong matawa sa itsura niya lalo at kamuntikan na siyang masubsub sa lababo ng comfort room sa sarili niyang kagagawan. Lumayo ako sa kanya habang inaantay ko siyang ayusin ang sarili niya.
“May gusto kang sabihin sa akin? Miss ?” tanong ko sa kanya. Namumula pa rin ang kanyang mukha sa inis. Halatang nagtitimpi ito at ako ay halos kurutin na ang sarili huwag lang bumunghalit ng tawa. Nang hindi siya umimik ay umalis na ako doon at iniwan siya naiinis sa akin.
Inayos ko ang aking sarili. Hindi pa rin masupil ang aking ngiti sa labi. Gusto kong humalakhak ng pagkalakaslakas pero baka magmukha lang akong tanga kaya nagkasya na lang ako sa pasipol-sipol. Nang lumingon ako sa pinanggalingan na comfort room ay naroon si Gweneth at nagpapadyak na parang bata na hindi nakaganti sa kaaway.
Hindi ko na talaga ang sarili na matawa. Tumawa na lang ako na walang nilikhang tunog habang naglalakad. Naroon na ako sa table ni Sir Errol at nag-iisa na lang siya. Umupo ako sa katabing upuan at napakunot ang kanyang mukha nang makita akong nakahawak na sa aking tagiliran sa sobrang pagtawa.
“What’s wrong with you? Are you crazy?” tanong ni Sir Errol sa akin.
Doon na ako tumigil sa pagtawa at pinahid ang mga luha na nangilid sa aking pagtawa. Inayos ko ang aking sarili bago magsalita.
“Hay naku, Sir Errol kumpirmado ang aking hinala. Mahal pa nga kayo ng ex girlfriend ninyo. Sukat ba naman na abangan niya ako sa comfort room at may balak pa akong saktan. Pero ang ending muntik pa siya masubsob sa lababo. Kaya, kung ako sa inyo Sir Errol ay planuhin mo na ang susunod mong hakbang. Iyong tipo na sasabihin niya na I want you back,” suhestiyon ko sa kanya.
“What do you mean?” naguguluhan pa rin niyang tanong sa akin.
“Sir, ano ba ang mga event na dinadaluhan ni Gweneth sa mga susunod na linggo or buwan. Doon natin siya susunod na sundan. Mas maganda kung may mga pa-overnight na tipong kailangan na mag-stay sa hotel for two or three days. Iyong tipong siya na lalapit sa iyo o gagawa ng paraan para kausapin ka. Naku Sir! Kapag ganoon ay tiyak nangangamoy comeback ang ganyan,” daldal ko kay Sir Errol.
Sa haba ng sinabi ko ay bigla ako nauhaw at pinulot ko ang basong naroon na puno ng lemonade. Inisang lagok ko lang iyon habang si Sir ay nakamasid lang sa akin. Naginhawaan kaagad ang aking lalamunan habang si Sir Errol ay inaa-absorb pa yata ang mga sinabi ko. Nilapag ko ang baso na wala ng laman sa mesa at doon lang tila natauhan si Sir Errol.
Umuwi na kami kaagad at sumakay na lang ng taxi. Sa taxi pa lang ay malalim ang iniisip ni Sir at mukhang nakalimutan na niyang kasama pa niya ako. Nang matapos niyang bayaran ang taxi bumaba na kami at nakasunod lang ako sa kanya.