Kristine POV
Pumasok na kami sa maluwag na bakuran nila Sir Errol. At dahil mabagal pa si Sir maglakad ay umagapay ako sa kanya. Malayo-layo pa ang lalakarin namin papunta sa main door nila. Dangan kasi at kung bakit kay hilig nilang magkaroon ng malawak na bakuran.
“Andito na kaagad kayo, anak? Bakit hindi ka man lang nag-text kay Ronnie at sana ay nasundo kayong dalawa ni Kristine.” Binaba ni Ma’am Rosemarie ang kanyang hawak na garden hose matapos nitong pihitin ang regulator nito. Lumapit siya sa amin ni Sir Errol at inabot nito ang kamay sa anak.
Napailing na lang ako nang nanlaki ang mata ni Sir Errol sa ginawa ng kanyang ina.
“Ma! Antanda ko na para dyan!” maktol ni Sir Errol at akma na sana siyang lalakad nang marinig namin ang malakas na boses ni Ma’am Rosemarie.
“James Errol Reeves! At kailan ka naging bastos sa iyong ina?” asik ni Ma’am Rosemarie.
Gusto ko man matawa pero pinigil ko ang aking sarili. Parang nakainom si Sir Errol ng purong katas ng kalamansi nang buuin ng kanyang ina ang kanyang pangalan. James Errol Reeves. Napakagandang pangalan. Bagay sa aking pangalan na Kristine Joy Acosta- Reeves! Ay! Kinilig naman ako ng bongga kahit ang mag-ina ay nagtitigan pa rin
Napailing ako sa aking mga naiisip. Ang mag-ina sa tabi ko ay nagtatagisan pa rin ng tingin at sa huli ay bumuntong-hininga si Sir Errol at nakasimangot na inabot ang kamay ng ina at nagmano na rin sa wakas. Naglakad na papasok si Sir Errol sa kanilang bahay nang nagsalita na si Ma’am Rosemarie.
“Magandang hapon, Kristine. Mukhang may sumpong yata ang alaga mo?” Nainis man kanina si Ma’am sa kanyang anak ay nakangiti naman niya akong tinanong.
“Nakita kasi niya si Gweneth, Ma’am na may kasamang lalaki. Ewan ko kung nakita ninyo ang article na iyon sa dyaryo,” sagot ko sa kanya.
“May bago pa ba. Noon ay botong-boto ako sa kanya. Pero, nang magpunta kayo ni Errol sa Singapore ay pina imbestigahan ko si Gweneth.” Bumuntong-hininga muna si Ma’am Rosemarie at giniya niya ako palapit sa isang rattan swing na naroon. “May nalaman ako hija. Kaya pala sumali sa karerang iyon si Errol dahil pinilit siya ni Gweneth para lang magpasikat sa mga kaibigan niya. Alam mo naman ang anak ko, baliw na baliw kay Gweneth. At ang nakakainis pa ay nalaman ko sa imbestigasyon na sinabotahe pala ang sasakyan ni Errol. Hindi ito alam ng anak ko at gusto kong manatiling lihim na lang ito sa ating dalawa,” ani Ma’am Rosemarie.
“Oo, naman po makakaasa kayong babaunin ko hanggang sa aking kamatayan ang lihim na iyan,” seryoso kong saad kay Ma’am Rosemarie.
“At saka iha, may isang bagay pa sana akong hihilingin sa iyo. Alam ko na magiging kalabisan ang sasabihin ko pero sana ay pag-isipan mong mabuti ang aking kahilingan,” aniya.
Nagsalubong ang aking kilay. Ano kaya ang gusto ni Madam? Akitin ko si Sir Errol? Kung ganoon ang gusto niya ay oo kaagad-agad ang sagot ko. Sinupil ko ang aking ngiti at patay-malisya na tiningnan ng diretso si Ma’am Rosemarie.
“Ano po ‘yon Ma’am?”
“Akitin at paibigin mo si Errol, Kristine. Sa ganitong paraan lang na mapapanatag ako. Alam ko na kahit anong gawin ni Gweneth ay tatanggapin lang siya ng paulit-ulit ni Errol. Ganyan kabulag ang anak ko pagdating sa babaeng iyon.” Bakas sa mukha ni Ma’am Rosemarie ang pag-aalala.
“Pero Ma’am, hindi naman po tama na pangunahan natin si Sir Errol,” kunwari ay pigil ko sa kanya. Pero ang kalooban ko ay nagdiriwang. Yes, may basbas na ako para akitin si Sir! sigaw ng utak.
Ginagap ni Ma’am Rosemarie ang aking mga kamay at tiningnan ako sa aking mga mata. “Ikaw lang ang tanging babae na gusto ko para sa anak ko. Pinaimbestigahan na kita, kaya ayoko tumanggap ng pagtanggi mula sa iyo,” pinal na saad ni Ma’am sa akin. Tumayo na siya at nginitian ako bago naglakad papasok sa kanilang bahay.
Nang makapasok na si Ma’am Rosemarie ay sumilay sa aking labi ang isang ngiti. Hindi ko na pala dapat problemahin si Sir Errol lalo at dalawa na sila ng ina niya ang may gusto na tulungan ko siya. Gustuhin ko man tumalon sa tuwa ay pinigil ko ang aking sarili. Baka makita pa ako ng guard at mapagkamalan pa akong baliw.
Pumasok akong may ngiti sa labi. Naroon na ang mag-ina sa komedor at nang itaas ni Ma’am ang kanyang kamay ay lumapit na ako sa kanila.
“Kumain ka muna, Kristine,” ani Ma’am. Marahan niyang inilapag ang mangkok sa aking harapan at ang sandok. “Ikaw na sumandok ng sayo para matantya mo.”
Umangat ang aking paningin at nakita kong nakamasid si Sir Errol. Humaba ang nguso ko dahil palagi niya akong binabantayan kapag kumakain. Naningkit ang aking mata at inundayan ko siya ng kamao sa ere.
Nagitla ako nang marinig ko ang halakhak ni Ma’am Rosemarie. Shems, Kristine may amnesia ka ba? Nandito nga pala ang ina at inaaway mo pa ang alaga mo! sermon ko sa sarili. Nagsandok na ako ng champorado at nilagyan na rin ng evaporated milk. Hinalo ko na iyon at tahimik na kumain.
“Huwag mo kasi bantayan si Kristine, anak. Hindi mo yata siya pinakain sa pinuntahan ninyo,” paismid na saad ni Ma’am sa kay Sir Errol.
“Mas okay na iyon Ma, at least dito pwede siya lumamon ng marami,” ani Sir.
At doon na talaga ako napikon. Hinampas ko ang lamesa pero panay subo pa rin ako ng champorado. Bahala si Sir kung matawa siya sa akin! Bawal mag-aksaya ng grasya at kailangan kong ubusin ang nasa mangkok. Sa inis ko ay binilisan ko ng subo at nagsandok pa ulit ako. Nagmamaktol akong nakatingin kay Sir Errol na nagbubuhos ng gatas sa aking mangkok. Habang si Ma’am Rosemarie ay natatawa sa bardagulan namin ng anak niya.
Nakaubos na ako ng dalawang mangkok na champorado ay panay pa rin ang sulyap ni Sir sa akin. Tuloy napadighay ako ng malakas. Gusto kong lamunin na lang ng lupa at maging kamote.
“Wahahaha!” Ang umalingawngaw na tawa ni Sir Errol. Tuloy ay gusto ko siyang lapitan at pasakan ng basahan ang kanyang bibig para tumahimik siya. Kitang-kita ko pa ang ngala-ngala niya sa paraan ng pagtawa niya. Namumula na siya at naluluha kaya para hindi na ako maiinis ay padabog akong umalis at umakyat sa hagdan para pumasok na sa aking silid.