Chapter 3

2869 Words
LUMINGON si Mia sa lalaking bigla na lamang nagsalita. Kilala niya ito. “Ikaw pala, Kuya Rain,” napapangiting sabi niya. “Kumusta? Hindi ka ba pinaiiyak ng kapatid ko?” tanong ni Rain sa kaniya. “Hindi naman, kuya. Mabait si Renny,” aniya. Malapit ang loob niya rito kahit sa simula pa lamang ng pagkikita nila. Mas matangkad lang ito kay Renny. Saradong six footer ito at basketball player sa university. “Hindi ko kayang paiyakin ‘yan!” sabat ni Renny. Naghuhugas ito ng kamay. Napangiti siya sa pagsingit ni Renny sa usapan nila ni Rain. Magkadikit ang magkapatid na ‘yon dahil isang taon lang ang agwat ng edad ng mga ito. “Mabuti kung gano’n,” wika ni Rain. “Sige, maiwan ko muna kayo rito. Nagwa-washing kasi ako ng motor ko sa garahe.” Pagkuwa’y nagpaalam ito. Nasundan lang niya ng tingin ang pag-alis ni Rain. Hindi niya namalayan na nasa tabi na pala niya si Renny. “Magseselos ako niyan,” biro nito nang mapansin ang pagkakatingin niya sa likod ni Rain. “Tumigil ka nga,” mahinang saway niya. “Bakit ka naman magseselos, hindi mo naman ako girlfriend,” angil niya rito. Inakbayan siya nito. Nakahawak siya sa sandalan ng upuan na nakasiksik sa long dining table. “Girl friend kita,” pagtatama nito. “Pero kapag may donor ka na, liligawan na talaga kita.” Napangisi siya. “May gano’n?” “Oo naman. Para kapag healthy ka na, wala nang isisisi ang parents mo sa akin. Liligawan kita, sa ayaw o sa gusto nila. Para maging girlfriend na kita,” anito. “Ang weird mo,” aniya sabay siko sa tagiliran nito. “Aray ko! Lakas ng siko-power mo ah,” angal nitong nakangisi. Maya-maya pa’y nagkulitan na sila. Napansin naman sila ng isang ginang na napadaan. May tatlong metro lang ang layo nito mula sa kinaroroonan nila. Nasaglitan niya ito ng tingin. “Naku! Walang problema sa akin. Sige, maglaro lang kayo,” wika ng ginang. Kilala niya ito, si Manang Lorna, ang tagapagluto ng pamilya ni Renny. Natutuwa ito sa kanila. Ito ang palaging naghahanda ng burger ni Renny. Kaagad din naman itong umalis. “Ang suwerte mo talaga sa buhay. Lahat sila suportado ang kaligayahan mo. Sana all, tulad mo,” pagsisintimyento niya. “Don’t think like that. May kanya-kanya tayong dahilan para sumaya. Ako, bukod sa family ko, ikaw rin ang nagpapasaya sa akin.” Nabuhayan ang loob niya dahil sa narinig. Bago pa man siya makapag-isip ng kung ano ay iginiya siya nito papunta sa pangalawang palapag ng bahay. “Saan tayo pupunta?” nagtatakang tanong niya. “Ipapakita ko sa iyo ang kuwarto ko.” “Talaga?” nagagalak na sabi niya. Noon kasi ay hindi siya nito niyayayang pumunta sa kuwarto nito. Madalas ay sa ground floor lang o kaya sa hardin. Maluwang rin ang silid nito. Mas malaki lang nang kaunti ang silid niya rito. “Ang cool! Blue na blue talaga ang concept. Halos lahat ng mga gamit mo ay blue. Sabagay, halata naman kasing favorite color mo. Ako kasi ay baby pink.” Halos lahat ng makikita niya ay pinupuna niya. Hinahayaan lang siya nito na maglibot sa silid nito. May sarili rin itong banyo at study room. May mini terrace rin ito sa labas. Sumilip siya. Natatanaw niya sa ibaba ang hardin ng mga prutas na dinaanan nila kanina. Hindi niya matatanaw mula roon ang bahay nila. Katabi niya si Renny at sabay nilang pinagmamasdan ang hardin sa ibaba. “Dito ako nagtatambay tuwing kagagaling ko sa school. Hindi naman kasi ako mahilig gumala ‘di tulad ni Kuya Rain,” wika ni Renny. She can’t explain how fabulous she was with him. She can’t stop herself from stealing a gazed at his face. Sa tagal na niya itong nakakasama ay niyon pa lamang siya nakadama ng kakaibang sensasyon. Sa tuwing titigan niya ang mukha nito ay nais niyang isigaw na sana siya lang ang magmamay-ari nito. “Are you still with me?” tanong ni Renny. Napakislot siya nang bumalik sa realidad ang isip niya. Maagap niyang ibinaling sa ibaba ang tingin niya. Sanay naman si Renny kahit pa maghapon silang magtitigan. Pero kakaiba kasi ang isinisigaw ng puso niya nang titigan niya ito. Kumalat ang init sa katawan niya nang maramdaman ang braso ni Renny na masuyong nakaakbay sa balikat niya. Bumilis ang t***k ng puso niya. Hindi sumakit ang dibdib niya, bagkus ay masarap iyon sa pakiramdam niya. Ipinaramdam nito kung gaano siya kaespesyal na tao sa buhay nito. “Kanina ko pa napapansin na wala kang kibo. May problema ka na naman ba?” nag-aalalang tanong nito. “Wala naman. Naalala ko lang ang parents ko,” wala sa loob na sagot niya. Hindi lang talaga niya maamin na may malalim na siyang pagtingin sa kaibigan. Hindi kasi siya sigurado kung mas higit din ba sa kaibigan ang nararamdaman nito para sa kanya. “Ren…” Napasulyap si Renny sa mukha niya habang hindi siya nakatingin rito. “Something wrong?” tanong nito. “What if, you’ll fall in love with someone, ganito pa rin ba tayo ka-close?” nag-alangang tanong niya. He smirked. Hinawakan nito ang magkabilang balikat niya at pinaharap siya nito. Nahihiya siyang titigan ito sa mga mata. Masuyong lumapat ang mga daliri nito sa baba niya upang iangat nito ang mukha niya para titigan niya ito sa mga mata. “Nothing will change. Importante ka sa akin. Dahil magkaibigan tayo,” anito. Madalas niyang naririnig ‘yon kay Renny. Kaya pakiramdam niya ay ordinaryong salita na lamang iyon. Parang naghahanap pa siya ng mas mabigat na dahilan para mapatunayan na nararamdaman nito kung ano ang nararamdaman niya. Kahit papaano ay napasaya siya nito. Ipinasyal siya nito sa mga silid na hindi pa niya napuntahan. Bumalik sila sa ground floor at iginiya siya nito sa isang kuwarto na puno ng mga kagamitang pang-medical. “Ano’ng mayroon dito?” usisang tanong niya. “Private clinic nina Mom at Dad. Dito nila tinatanggap ang mga pasyente kapag emergency na dito tumatakbo lalo na kapag walang bakante sa mga hospital na malapit dito,” paliwanag nito. “Ano na ba ulit ang work nila?” “Si Dad ay general surgeon. Cardiologist naman si Mom.” “Wow! Kaya pala gusto mong maging nurse.” “Oo, pero after ko mag-nursing, balak kong mag-proceed ng doctoral degree. Si Kuya Rain, general pathology ang kinukuha,” anito. “Impressive! Sana ako rin, malayang nakakapagdisisyon. Basta, sisikapin ko na magkapareho tayo ng kurso.” “Ipagdasal mo na magkaroon ka na ng donor para matupad mo lahat ng mga pangarap mo.” Nanlungkot man siya dahil sa naisip niyang kalagayan niya, nilakasan pa rin ang loob at ginawang inspirasyon si Renny. Matapos niyang suyurin ng tingin ang mga kagamitang naroon sa private clinic ay inanyayahan siya ni Renny patungo sa sala. Naabutan nila si Rain na prenteng nakaupo sa single sofa habang nagtitipa ng cellphone. Lumapit sila at magkatabing naupo sa mahabang sofa. “Pinagod mo naman yata si Mia sa kalilibot dito sa bahay,” salita ni Rain nang hindi nakatingin sa kanila. “Hindi naman, Kuya Rain. Natutuwa pa nga ako at sinipag si Renny na i-tour ako dito sa bahay n’yo,” masayang tugon niya kay Rain. “Oo nga naman, Kuya. Gusto ko lang naman mag-enjoy si Mia. Kaysa naman nakakulong lang sa bahay nila,” apila naman ni Renny. “Siguraduhin mo lang na hindi na naman sugurin ni Tita Mariel si Mommy. Ilang beses na niyang inaway si Mommy,” hindi pa rin makatingin na sabi ni Rain. “Pasensiya na kayo kung nanggugulo si Mom sa inyo nang dahil sa akin,” nagkukumbabang sabi niya. “Ano ka ba, Mia? Bakit mo sinisisi ang sarili mo? Ang mommy mo ang may problema, hindi ikaw. Huwag mo nga’ng kaawaan ang sarili mo,” saway ni Renny. Napansin kasi siya nito na dumilim ang mukha niya. “Hindi mo naman talaga kasalanan, Mia. Napansin ko nga na mukhang may personal na galit ang mommy mo kay Mom. Sa dad mo, wala naman akong nakikitang problema,” suporta ni Rain. “Ewan ko nga ba kay Mom. Minsan wala na sa lugar ang ugali niya.” “Pagpasensiyahan mo na lang ang mommy mo. Magbabago rin ‘yon. Basta igalang at mahalin mo pa rin,” payo ni Renny sa kanya. “I did naman e.” “Huwag mo na lang masyadong pansinin kapag nagagalit. Kapag dinibdib mo, ikaw lang din ang mahihirapan,” dagdag ni Rain. “Maraming salamat sa inyo,” aniya sa magkapatid. Natutuwa siya sa mainit na pagtanggap ng magkapatid sa kanya at ng mga kasambahay ng mga ito. Hindi na niya natanggihan ang paanyaya sa kanya na doon na mananghalian. Hindi niya nakita ang mga magulang ni Renny dahil maghapon ang mga ito sa ospital para magtrabaho. Nakisali na rin si Rain sa katuwaan nila. Kasama nila ito sa pamimitas ng mga hinog na prutas. Ipamimigay lang din nila ito sa mga kasambahay at ang iba ay ipababaon sa kanya. Hindi na niya namamalayan ang pagdaan ng mga oras. Malapit nang lumubog ang araw. Kumuha ng basket si Renny para lagyan ng sari-saring prutas na iuuwi niya. Masaya siyang nagpaalam sa magkapatid at sa hardinero na tumulong sa kanila. Hinatid siya ni Renny sa pinto kung saan siya lumabas. Hinintay muna siya nito na makapasok bago ito umalis. Bitbit niya ang basket ng mga prutas at dali-daling tumungo sa terrace ng kanyang kuwarto. Walang nakapansin sa pagbalik niya. Pumasok siya sa loob ng kanyang kuwarto. Inilapag muna sa ibabaw ng mini-dining table niya ang basket. Tumungo siya sa pinto ng library room niya. Gamit ang susi ay binuksan niya ito. Alam niyang walang pumasok sa silid niya dahil kung ano ang ayos sa loob ay ganoon pa rin nang bumalik siya. Tumungo muna siya sa banyo para mag-shower. Baka kasi maamoy siya ni Marta o ng mommy niya. Nag-enjoy kasi siya sa pamimitas ng mga prutas at pawisan siya nang makauwi. Malapit na siyang matapos sa paliligo nang marinig ang doorbell sa pinto. Maraming beses ito tumunog bago siya nakalabas ng banyo. Nakasuot siya ng pink na bathrobe at tinutuyo ng tuwalya ang buhok habang papalapit sa pinto. “Bakit ang tagal mong magbukas ng pinto?” bahagyang nataranta na tanong ni Marta sa kanya nang bumungad ito. “Bakit po, Na-Marta? May problema po ba?” maang na tanong niya. Pumasok muna ito dala ang tray na naglalaman ng panghapunan niya. Isinara niya ang pinto at lumapit kay Marta para kausapin ito. “Pasensiya na po, naliligo pa po kasi ako nang marinig ko ang doorbell.” “Nakalimutan ko kasi ang susi ng kuwarto mo. Tinamad na akong balikan sa kusina kasi may dala akong tray,” rason nito. “Akala ko naman po may malaking problema kaya n’yo ‘ko pinamamadali.” Inaayos ni Marta ang mga pagkain sa lamesita. “Oh, saan nanggaling ang mga prutas na ‘yan?” nagtatakang tanong nito nang mapansin. “May nagmagandang loob lang po na nagbigay niyan sa akin. Kumuha po kayo kung gusto n’yo po,” aniya at inalok niya ito. “Naku, baka kung ano’ng iisipin ng mommy mo kapag makita niya ‘yan dito. Kararating pa naman nila nang paalis ako sa kusina papunta rito,” ani ni Marta. “Gano’n po ba? Bakit parang ang aga naman yata nila,” pansin niya. “Mukhang mainit na naman yata ang ulo ng mommy mo. Panay ang sermon niya kay Kuya Andoy kanina.” “Na naman? Si Mommy talaga, hindi na nagsasawa sa kasesermon.” “Nasaan na pala ang pinagkainan mo kaninang umaga at tanghali?” Paghahanap ni Marta sa pinagkainan niya. Itinuro niya ang tray na may mga maruming utensils na nakapatong sa ibabaw ng mini-sink. Kaagad namang nilapitan at kinuha ni Marta. “O siya, maiwan na muna kita rito. Kumain ka ng hapunan mo. Mamaya babalikan ko ang mga pinagkainan mo. Magbihis ka na rin pero huwag kang matutulog na basa pa ang buhok mo,” mga bilin ni Marta. “Opo, Na-Marta! Maraming salamat po sa pag-aasekaso mo sa akin,” natutuwa na sabi niya. Nasundan lang niya ng tingin ang pag-alis nito. Sandali muna niyang pinatuyo ang buhok at nagbihis ng pantulog. Saka niya binalikan ang nakahanda niyang hapunan. Natakam siya nang makita ang chicken curry at mixed vegetables na niluto ni Linda, ang cook nila. “Wow! Ang sarap ng dinner ko.” Naupo siya at sinimulan na niyang kainin ang hapunan niya. Ninanamnam niya ang pagkain nang bigla na namang tumunog ang doorbell. Hindi pa niya nalingon ang pinto ay bumukas na ito. Bumungad doon si Leehan, ang daddy niya. “Let’s eat, Dad!” anyaya niya sa daddy niya. Hindi pa ito nakapagbihis na tumungo sa kuwarto niya. “Xie xie ni!” pagpapasalamat ni Leehan sa salitang mandarin. Naupo ito katapat niya. Marunong na rin ito magtagalog pero hindi naiiwasan na kausapin siya nito sa mandarin language. “Ni duh shin hao ma?” kinukumusta nito kung okay lang ba ang puso niya. “Shi,” positibong sagot niya. “Waysamo, Dad?” tanong niya kung bakit. Nababakas kasi niya ang pag-aalala sa mukha nito. Natigilan siya sa pagnguya nang bahagyang napayuko ng ginoo. “Nabigo na naman kami ng mommy mo. We almost found a donor pero hindi pa rin mag-matched dahil may edad na ito at may ibang sakit,” dismayadong hayag ni Leehan. Tumayo siya at tumungo sa likuran nito. Niyapos niya ang ama. Pinipigilan niyang mangilid ang mga luha niya. “Don’t worry too much, Dad. I believe, makaka-survive po ako,” aniya. Naaawa siya sa malungkot na mukha ng daddy niya. Iyon lang kasi ang pagkakataon na nilapitan siya nito para kausapin siya. Alam niya kung gaano na kabigat ang pinapasan nitong sakit sa damdamin dahil sa kalagayan niya. MAAGANG hinatid si Mia ng driver na si Andoy sa eskuwelahan. Maganda Ang pakiramdam niya kaya siya pinayagan ng mommy niya na pumasok. Naka-ready lang ang cellphone niya para sa emergency call kapag may kakaiba siyang maramdaman. Hindi muna siya tumungo sa building. May waiting area malapit sa guardhouse at doon muna siya tumambay. Hinihintay niya ang pagdating ni Renny. Nagbukas siya ng cellphone at nagpadala ng mensahe kay Renny. Tinatanong niya kung nasaan na ito. Nagpapasalamat siya at malamig ang ulo ng mommy niya kaya nakalabas siya ng bahay. Sinigurado naman niya na may baon siyang gamot in case umatake ang sakit niya sa puso. Napapangiti siya nang matanggap niya ang reply ni Renny. On the way na ito papunta sa school. Marami na ang nagdatingan na mga kamag-aral niya nguni't hindi niya napapansin ang mga ito dahil abala siya sa pagtitipa ng cellphone niya. "Chinita, let's go!" tawag pansin sa kaniya ng babaeng kaklase niya nang mapansin siya nito na nakaupo sa waiting area. Malapit lang kasi sa walkways ang kinaroroonan niya. Sumulyap lang siya at ngumiting kumaway. Sumenyas siya na mauna na ito. Nauunawaan naman siya ng kaklase. Mayamaya pa ay may dumating na sasakyan. Pamilyar siya rito. Matatanaw lang niya ang parking area dahil nasa kabila lang ito ng waiting area. Inaabangan niya ang pagbaba ng nakasakay roon. Biglang nagdiwang ang puso niya nang makita ang kaguwapuhan ni Renny. Malinis at maayos ang pananamit nito. Malayo pa lang ay sumilay na ang matatamis na mga ngiti nito na tila kinasasabikan ang muling pagkikita nila. "How are you today? How's your heart?" Immune na siya sa linyang iyon ni Renny. Tumayo siya at sinalubong ng matamis na ngiti ang binata. Pakiramdam niya ay buo na naman ang araw niya. Magiliw nitong inilahad ang palad para abutin niya. "Let's go!" masayang turan nito. Walang kagatul-gatol na tinanggap niya ang kamay nito at masayang sumabay sa paglalakad. Papunta na sila sa malaking gusali. "Himala, pinayagan ka yata ng tiger mong ina," pilyong saad nito. Napangisi lang siya. Kinuha nito ang bag niya at ito na ang nagdala. Gumagaan ang loob niya kapag inaasekaso siya nito. "Ano'ng nakain ng mommy mo at pinalaya ka niya sa hawla mo?" Kumibit-balikat siya. "Hindi ko alam. Baka nakaramdam na siya ng awa sa akin. Kinausap kasi ako ni Dad about sa donor na hindi na naman puwede." Sinaglitan siya nito ng tingin habang tuloy ang paglalakad nila. "Ano ba kasi ang mayroon sa iyo at ang hirap mong hanapan ng donor? Sana matagal ka nang gumaling kung noon ka pa nagpa-transplant." "Ewan ko nga ba. Baka talagang minamalas lang ako. Pero hindi naman ako nawawalan ng pag-asa. Alam ko na gagaling pa ako," buo ang loob na sabi niya. "Ganyan dapat, hindi sumusuko sa mga pagsubok. Dapat lang na gumaling ka para hindi naman ako malulungkot." Nakapasok na sila sa gusali. Gumamit sila ng elevator para hindi siya mapagod sa pag-akyat gamit ang hagdan. May kasabay sila sa loob ng elevator, si Trisha. May lihim itong pagtingin kay Renny. Hindi naman niya ito nahalata dahil masaya siya kapag kasama si Renny. Panay ang ngiti niya kay Trisha nguni't hindi niya nahahalata ang madalas na pagnakaw nito ng sulyap kay Renny.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD