Chapter Two

2589 Words
“SABI ko na nga ba! Wala talagang magandang naidudulot ang pakikipagkaibigan niya sa lalaking ‘yon!” dismayadong sabi ni Mariel, ang kuwarenta anyos na mommy ni Mia. Nasa kuwarto na si Mia at nagpapahinga. Nagkamalay na siya pero hindi siya nagpahalata. Naririnig niya ang paninermon ng mommy niya kay Andoy. Nasa silid niya ang mga ito. Naabala kasi ang trabaho nito dahil sa kan’ya. “Madam, pasensiya na po. Pero, wala naman po talagang ginawang masama si Renny sa kanya. Bigla na lamang po siyang nahimatay kanina,” paliwanag ni Andoy. Nakikinig lang siya sa usapan ng mga ito. Naroon din ang trenta y nuwebe anyos na si Marta, ang personal nanny niya. Pero abala ito sa pag-aayos ng mga damit niya sa cabinet. Ekseheradong bumuntong-hininga si Mariel habang nakapamaywang. Hindi nito nagustuhan ang naging rason ni Andoy. “I don’t wanna hear his name again!” galit na wika ng ginang. “Okay, i-ready mo na ang sasakyan at ibalik mo ako sa factory. Mahalaga ang inventory roon at sana hindi na mauulit ang ganitong pangyayari. This is wasting of time. Maraming trabaho ang naghihintay.” “Yes, Madam!” kaagad na tugon at pagtalima ni Andoy. Hindi nagtagal ay lumabas si Mariel. Nababakas sa mukha nito ang galit at pagkadismaya sa naabalang trabaho. Nakalulungkot nga lang para kay Mia na makitang tila mas mahalaga pa ang trabaho ng mommy niya kaysa sa kanya. Ni hindi man lang siya nito nilapitan para kumustahin kung ano ang nararamdaman niya. Basta’t bumuti na ang kalagayan niya ay okay na lang na iwanan siya nito at bahala na ang mga kasama niya sa bahay. Napansin ni Marta ang pagkilos niya kaya ay kaagad itong lumapit sa kan’ya. Inalalayan pa siya nito para maupo at sumandal sa headboard ng kama niya. “Kumusta na ang pakiramdam mo, Miss Mia? May masakit pa ba?” nag-aalalang tanong ng nanny niya. “Okay na po ako,” walang sigla na sagot niya. “Nagugutom ka ba? Ikukuha kita…” “No!” pigil niya rito. “Hindi na po muna, Na-Marta.” ‘Na-Marta’ ang tawag niya rito, short cut niya sa Nanny Marta. Bata pa lamang siya ay ito na ang nag-alaga sa kan’ya. Para niya na itong nanay. “Nalulungkot ka na naman.” Napansin nito ang malungkot niyang mukha. “Huwag mo nang isipin ang mga sinabi ng mommy mo. Lalo lang makasasama ‘yan sa puso mo,” payo nito. “Bakit kasi gano’n si mommy, Na-Marta? Parang ang laki ng galit niya kay Renny. Magkaibigan lang naman kami ni Ren. Dapat nga magustuhan niya na maging magkaibigan kami dahil magkapitbahay lang naman,” himutok niya. Hinaplos ni Marta ang balikat niya. “Hindi naman talaga si Renny ang kinaiinisan niya,” anito. “Hindi si Renny? Eh sino po?” nagtatakang tanong niya. “Si Rena, ang mommy ni Renny.” “What? And what is the reason?” “Mahabang estorya.” “I-short cut n’yo po,” suhistiyon niya. Napangisi si Marta. “Ikaw talagang bata ka. Hindi ko talaga alam kung ano ang totoong kuwento. Basta palagi ko na lang naririnig na galit ang mommy mo kay Rena. Damay-damay na lang ‘ika nga nila.” “Gano’n po ba? Napansin ko nga rin na parang ang daming galit ni Mom sa sarili. Lahat na lang yata pinag-iinitan niya ng ulo. Si Dad naman, madaling maniwala kay Mom at siya ang laging nasusunod,” aniya saka nagpakawala ng malalim na hininga. “Pagpasensiyahan mo na lang ang mommy mo.” Tumayo ito. “O siya, tama na muna’ng chikahan, aayusin ko lang ang mga damit mo sa cabinet. Tinamad na kasi si Tina na ideretso sa cabinet matapos niyang itupi,” anito at binalikan ang ginagawa. Si Tina ang labandera. Kanya-kanyang toka kasi ang mga kasambahay nila. Hindi kasi kaya ng isa o dalawang tao lang para magawa nang maghapon ang trabaho sa apat na palapag ng bahay. Lahat ng mga kasambahay nila ay kasundo niya at kinakaibigan niya. Maliban na lamang sa mga guwardiya na nao-overruled ng kaniyang mommy. Maluwang ang silid niya at may sariling banyo sa loob. May mini-living room at sariling library room. Kabisado ni Marta ang bawat sulok ng kuwarto niya. Alam din nito kung saan siya dumadaan kapag gusto niyang lumabas ng kuwarto na hindi nalalaman ng mommy at daddy niya. May pinto papunta sa terrace. Nakalalabas siya roon kapag gusto niyang tumakas. May hardin sa likod ng bahay malapit sa kuwarto niya. Maraming mga halaman at matataas na puno ng palm tree roon. Itinataon niya na sabado at linggo ang pagtakas niya dahil day-off ng hardinero nila na madalas nandoon para maglinis. May lihim na pinto kasi ang mataas na pader doon na tila natatakpan na ng makapal na halamang berde na gumagapang sa pader. Matagal na siyang nakakuha ng duplicate ng susi niyon. Itinatago lang niya para kapag tumakas at makipagkita siya kay Renny ay mabubuksan niya. “Na-Marta…” “Oh bakit?” Kaagad nama siyang napansin nito. “Bukas po pala, pakidalhan n’yo nalang po ako ng food for breakfast and lunch na. Maghapon po kasi akong magkukulong. Marami po akong ire-review sa library ko,” hiling niya kay Marta. “Your wish is my command!” Palaging iyon ang kataga ni Marta kapag humihiling siya. Sanay na si Marta sa ginagawa niya tuwing weekend. Ang alam nito ay totoong nagkukulong lang siya. Hindi naka-lock ang kuwarto niya. Pero kapag wala siya ay iniiwan niyang naka-lock ang library niya at dinadala ang susi. Maliwanag na kay Marta na naroon siya sa loob ng library niya at ayaw niyang maisturbo.   KINABUKASAN, alam ni Mia na maagang umalis ang mga magulang niya. Hinintay lamang niya na maihatid ni Marta ang pagkain niya. Nag-lock siya ng pinto pati na ang pinto sa library. Sinadya niyang magsuot ng pantulog na ternong dilaw at bulaklakin na blusa at padyama. Para hindi siya mahalatang lumabas ng bahay sakaling may makakakita sa kan’ya. Nasa ground floor lang kasi ang silid niya. Tumungo siya sa terrace ng kuwarto niya. Ini-lock niya ang pinto roon pagkalabas. Sinigurado muna niya na walang nakakita sa kanya saka dali-daling tinungo ang pinto sa pader. Sa gabi lang kasi nagroronda roon ang guwardiya. Mahigit sampung metro ang layo ng pader mula sa kuwarto niya. Dahan-dahan niyang binuksan ang makapal na bakal na pintong ‘yon. Kasya lang na makadaan ang isang tao roon. Masayang-masaya siya kapag ginagawa niya ‘yon. Paglabas niya ay natanaw niya ang mataas na pader ng bahay ni Renny. May pinto rin sa pader na ‘yon tulad ng sa kanila. Sinigurado muna niyang naisara niya’ng mabuti ang pinto pagkalabas saka nagpatuloy sa paglalakad. Dumiretso na siya sa kakahuyan dahil doon ang napag-usapan nilang hintayan. Kabisado na niya ang daan dahil ilang beses na niyang pinupuntahan ang lugar na ‘yon. Alam niyang nandoon na si Renny dahil nakikita niya ang red ribbon na nakatali sa sanga ng kahoy na madadaanan niya. Iyon ang tanda ng bakas nito kapag naglalakad at kinukuha din nito kapag pauwi na sila. Ang sa kanya naman ay yellow ribbon. Kung sino ang mauuna sa kanila ay ‘yon ang maglalagay ng ribbon. “Mia!” hiyaw ni Renny at kumakaway-kaway pa buhat sa malayo. Mababakas niya ang matinding tuwa sa mukha nito. Napangiti siya habang papalapit sa kinatatayuan nito. Napansin niya ang picnic mat na inilatag nito sa lupa. “Kanina ka pa ba?” tanong niya rito nang makalapit siya. Inilapag niya ang isinupot niyang pagkain na ibinigay kanina ni Marta. May basket na nakapatong sa nakalatag na mat. Dala ‘yon ni Renny. Naglalaman ng mga pagkain at prutas. “Halos kararating ko lang nang dumating ka. Akala ko nga hindi ka makapupunta. Galit na naman siguro sa akin ang mom mo,” anito. “Never mind her. Basta hindi niya ako mapipigilan na makipagkita sa ‘yo. Wala naman tayong ginagawang masama.” “Halika! Maupo muna tayo rito,” alok nito. Inabot pa nito ang kamay niya at masuyong inalalayan siya para maupo. Si Renny na ang nag-asekaso ng kakainin nila. Pinagsama nila ang mga baon nila. Parang mga bata lang na naglalaro ng bahay-bahayan. “Akalain mo, ilang taon na tayong pumupunta dito sa planeta natin pero parang hindi tayo nagsasawa. At wala ring nangingialam sa gubat na ‘to kaya lalong dumadami ang mga puno,” aniya habang hinihiwa ng tinidor ang pancake sa lunch box. Pancake kasi ang paborito niyang almusal. Si Renny naman ay ham and cheese burger. Naghati na sila sa mga baon nila. Dalawang hot choco ang dala ni Renny na nakalagay sa disposable na basong may takip. “Planet lang natin ‘to,” giit nito. “Siyempre naman,” sang-ayon niya. “Hindi ka ba pinagbabawalan ng parents mo ‘pag pumunta ka rito?” “Hindi naman. Ang alam nila ay lumalabas ako ng bahay para mamasyal. Pero hindi nila alam na dito ako pumupunta kasama ka,” tugon nito. “Si Rain, alam ba niya?” “Si Kuya? Ewan ko lang kung alam niya. Balewala lang naman kasi sa kan’ya ‘pag umaalis ako. Mabarkada kasi ‘yon at walang pakialam sa mga ginagawa ko. Pero mabait sa ‘kin si Kuya.” “Mabuti ka pa kahit papa’no, may nakakaintindi sa iyo,” malungkot na sabi niya. “Oh! You looks sad again,” puna nito. “Nandito naman ako.” Tila napilitan ang mga ngiti niya. “I know.” “Kahit sa ganitong paraan man lang e mapasaya kita. Alam ko kung gaano ka kalungkot sa bahay n’yo.” “Salamat, Ren. Sana nga, walang sisira sa planeta nating ‘to,” aniya at itinuloy ang pagkain. “Bilisan na natin mag-breakfast. Dalawin natin ang mga alaga natin sa batis,” anito. Tinutukoy nito ang mga isda sa batis. Pagkatapos nilang mag-almusal ay pansamantala muna silang umalis. Tumungo sila sa batis na hindi naman kalayuan mula sa puwesto nila. Madalas silang pumupunta roon para pagmasdan ang mga malilit na isdang lumalangoy. Malinaw kasi ang tubig at makikita ang lupa sa ilalim niyon. Magkatabi silang naupo sa gilid habang nakalubog ang mga paa nila sa tubig at pinaglalaruan ng mga isda. Masaya sila sa ginagawa nila. “Sana ganito na lang tayo araw-araw,” hiling niya. Napalingon ito sa kanya. “At ganito ka rin kalaya.” “Gusto ko pa sanang mamasyal sa ibang lugar bukod dito at sa school.” “Pasyal ka sa bahay kung gusto mo,” suhistiyon nito. “Talaga, puwede?” nabuhayang loob na sabi niya. “Oo naman. Dati namang nakapupunta ka sa bahay ah. Mababait ang mga tao sa bahay at walang magpapalayas sa’yo.” Napangiti siya. “Sige! Ipasyal mo ako bago ako uuwi mamaya,” tuwang wika niya. Ngumiti na tumango si Renny. Halos isang oras din silang nagtampisaw sa tubig habang nagkukuwentuhan. Bumalik sila sa puwesto nila at nagmeryenda ng prutas. May malaking puno roon na puwede nilang sandalan. Pero siya lang ang naupo at sumandal. Hinayaan niya ito na humilig sa magkadikit na mga hita niya. Wala lang ‘yon sa kan’ya dahil sanay na siya. Komportable naman siya rito. Maaliwalas na mukha nito ang makikita niya kapag yuyuko siya. Sinusubuan niya ito ng ubas at gano’n din naman ito sa kan’ya. “Nakaisip ka na ba ng kursong kukunin mo?” tanong nito sa kan’ya. “Gusto ko pareho tayo,” aniya. Napasulyap ito sa mukha niya. “What?” Medyo nagulat ito.    “Bakit naman? May masama ba?” balik-tanong niya. “Hindi naman. Pero nursing ang kukunin ko. Kaya mo ba?” “Kaya ko basta magkasama tayo,” giit niya. “Pero hindi ka pa fit para maging nurse. Imbes na ikaw ang gagamot sa pasyente, e ikaw ang gagamutin,” anito. Sumimangot siya dahil sa nasabi nito. “Ang sakit naman no’n!” “Hindi naman kasi biro ang papasukin nating kurso. Kailangan physically fit ka. Magpagaling ka muna,” payo nito. Bumuntong-hininga siya. Hindi na niya namalayan na sunud-sunod na ang pagsubo niya ng ubas sa bunganga ni Renny. Nakatingin kasi siya sa malayo at dinamdam ang mga sinabi nito. Bumalikwas na lamang ito dahil hindi na makapagsalita. “Naku! Sorry!” nagulat na sabi niya. Napansin kasi niya ang biglang pagbangon at pagluwa ni Renny ng mga ubas na bumusal sa bibig nito. “Galit ka ba sa akin?” napapailing na sabi nito matapos mabasyo ang bibig. Hindi niya napigilan ang humagikgik. Tinitigan siya nito at ngumisi nang nakakaloko. “Ikaw naman kasi, pinalulungkot mo ako,” sisi niya rito. “I’m just telling the truth. Iniisip ko lang ang kalagayan mo,” rason nito. “Ah basta!” Humalukipkip siya. “Kung mamatay lang din naman ako, gusto kong pareho tayo ng kukuning kurso. Magamit ko man o hindi ang pinag-aralan ko, mahalaga magkasama tayong magtatapos.” “Ikaw ang bahala. Basta sinabi ko na kung gaano kahirap maging nurse.” “Choice mo ba talaga ‘yan o dahil sa kagustuhan ng parents mo?” “Choice ko,” matibay na sagot nito. “Sana ako rin, magkaroon ng sariling choice. Baka mamaya, about business management ang ipakukuha nila sa akin,” nangangambang wika niya. “Nasa line of business naman kasi ang parents mo. Malamang, ‘yon ang tatapusin mo.” “I’m not into it! Gusto kong pareho tayo,” pilit niya. “Parents mo lang ang makapagpapasya niyan.” Napalabi siya. Pakiramdam niya ay nawawalan siya ng kalayaan. “Never mind it. Tara na lang sa bahay,” pag-iba nito sa usapan. Biglang nabuhay ang dugo niya. Sinipag siyang magligpit ng pinagkainan nila. Napansin nito ang galak sa mukha niya. “Oh! Ako na ang magbuhat niyan,” pigil nito sa kanya nang akma niyang buhatin ang basket. “Okay! Nandiyan na lahat pati mga kalat natin.” “Let’s go!” yakag nito. Pinatiuna siya nito. Tinulungan na lamang niya ito sa pagtanggal ng mga ribbon sa sanga ng kahoy. Gagamitin ulit ‘yon kapag babalik na naman sila sa tagpuan nila. Pagkadako sa pinto ng pader ay gumamit ng susi si Renny para mabuksan nito. Halos tulad din ang lawak ng bakuran niyon sa bakuran ng bahay nila. Sari-saring prutas nga lang ang mga nakatanim roon. “Wow! Ang dami na palang bunga ng rambutan at lansones. Dati kasi wala pa,” tuwang sabi niya. Nalula siya sa kumpulang bunga ng mga puno roon. May dwarf mangoes, kalamansi at makopa pang namumunga. “Libre lang mamitas diyan. Basta kainin mo lang lahat nang napitas mo,” bilin nito. Nakabuntot ito sa kanya. Hindi tuloy niya alam kung saan ilalagay ang limang pirasong bunga ng kalamansi na pinanggigilan niyang pitasin. Ang sabi kasi nito ay kainin niya kung ano ang mapipitas niya. “Hindi ko mapanindigan,” aniya sabay hulog ng mga kalamansi sa loob ng basket na bitbit ni Renny. Napangisi ito. “Ang dami namang matatamis, kalamansi pa talaga ang inuna mo,” puna nito. Nagpatuloy sila sa paglalakad. Inunahan na siya nito para igiya siya nito papunta sa pinto ng bahay. Pinto iyon papasok sa kusina. “Halika!” anyaya nito sa kanya. Palingalinga siya upang pagmasdan ang kabuuan ng kusina. Maluwang ito at may mga mamahaling gamit sa kusina. Parang wala rin itong ipinagkaiba sa bahay nila. Ilang beses na rin siya nakapasok dito. “Nandito ka lang pala, Ren!” biglang wika ng lalaking nasa likuran niya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD