NAGISING si Amarantha sa malumanay na hagod sa mahabang buhok niya. Nagulat pa siya nang pag-angat niya ng paningin ay nakaupo na si Lola Charito sa kama habang buong pagsuyong nakatingin sa kanya. Naroon din ang nurse na kasama ng doktor kagabi. Nakangiti itong sumulyap sa kanya bago ibinalik ang atensyon sa isinusulat sa medical chart.
“Hello, apo!” bungad ni Lola Charito. Walang pagsadlan ang ningning ng mata nito habang nakatitig sa kanya.
“L-Lola Charito?” anas niya saka sinipat ang kamay nito. Naroon pa rin ang suwerong nakakabit doon. “Bakit po umupo na kayo? Mahiga po muna kayo,” nag-aalalang sambit niya.
“Tiningnan na ni Joyce ang mga vitals ko. Dumating na rin ang mga doktor kanina. Medyo maayos na raw ako,” masayang balita nito.
“Parang magic, biglang nag-normal ang vitals niya. Kahapon kasi, medyo mahina pa ang lagay niya. Ayaw ka niyang ipagising kanina kaya hinayaan ka na lang naming matulog. Mukha ring pagod na pagod ka,” wika naman ni Joyce saka hinimas sa balikat si Lola Charito.
“Dapat ginising n’yo po ako. Nakakahiya naman po,” namumulang anas niya. “Anong oras na ba po? Ang tagal ko yatang nakatulog! Eh, si Rene po, nasaan nga pala?” Inilibot niya ang paningin sa loob ng kuwarto at hinanap ang binatilyo.
“Ala-una na. Bumili yata siya ng pagkain,” sagot ni Joyce bago ibinalik ang chart sa ibabang bahagi ng kama at bumaling sa kanila. “Maiwan ko po muna kayo. Let me know if you need anything,” paalam nito saka tuluyang lumabas.
Tumayo siya at sinipat ang kaharap. “Sigurado po kayo na hindi kayo nahihilo?” naninigurado niyang usisa.
Marahan siyang hinila nito at niyakap.
“Naku, ang apo ko! Yakap mo lang, eh, lalakas na ako,” malambing nitong tugon. Saka siya mahigpit na niyakap.
“Ako po ang mag-aalaga sa inyo, Lola, kaya huwag po kayong mag-alala,” pangako niya.
Lalong humigpit ang yakap nito, pagkuwa’y narinig niya ang paghikbi nito. Iniharap niya ito bago nagtanong.
“Bakit po kayo umiiyak? Baka makasama po sa inyo.”
“I’m just happy, hija! In fact, very happy!” Ginawaran siya nito ng halik sa pisngi saka pinisil ang kamay niya.
“Bilisan n’yo po ang pagpapagaling para makalabas na po kayo rito’t maipasyal n’yo kami ni Rene rito sa Maynila. ‘Di ba po, eh, noon n’yo pa ako gustong ipasyal dito?” Umayos siya ng pagkakaupo saka hinimas ang kamay nito na may suwero bago nagpatuloy. “Dapat po matanggal na po iyan para makain n’yo ang mga pagkaing ipinadala nina Lola Agusta, Inang Chichay, at Ate Isabel para sa inyo. Panigurado, kukulitin n’yo po ako na papuntahin sila rito para lang magbitbit ng mga pagkain.”
Napatawa ang lola niya. Batid nito na pinapalakas lang niya ang loob nito. Naputol ang pag-uusap nila nang dumating si Rene, bitbit ang mga pagkaing binili nito.
“Mabuti’t nakasama ka, Rene. Maaasahan ka talagang, bata ka,” magiliw na salubong ni Lola Charito rito.
Ngumiti ito at nagsimulang maghain. Palibhasa ay hindi pa puwedeng kumain ang matanda kaya sila lang ni Rene ang kumain ng sinigang na baboy na binili nito sa karinderya sa labas ng ospital. Hindi raw kasi masarap ang menu sa canteen kaya’t sa malapit na karinderya ito bumili ng pananghalian nila.
“Kailangang magpagaling po kayo agad para makakain kayo nito,” tudyo niya rito nang makita niya itong nananakam.
Napatawa ito saka magiliw na nagsalita. “Of course, apo. I’ll get better sooner dahil sa pag-aalaga n’yo ni Rene.”
Ngumiti lang siya at nagpatuloy sa pagkain. Pagkapananghalian ay sinabihan niya si Rene na mag-send ng text message kay Dante. Nagtext daw kasi ito kaninang umaga kay Rene at nagsabing darating ito kasama ng mga kaibigan nito mula sa Bahay-Kalinga para dalawin si Lola Charito.
Hindi pa man nakukuha ni Rene ang telepono sa may side table ay dumating na si Dante kasunod ang asawa nitong buntis at dalawang matandang babae. Tuwang-tuwa naman ang Lola Charito niya pagkakita sa mga bisita. Kulang na lang ay bumangon sa kama at yakapin ang mga ito.
“Parating na rin yata sina Julius,” anang isang matanda pagkayakap sa lola niya.
Ipinakilala sila ng matanda sa mga bagong dating bago muling nakipaghuntahan.
“Ikaw muna rito. Bibili lang ako ng mamimiryenda nila,” bulong niya kay Rene habang magiliw na pinagmamasdan ang mga matatanda na halit ang kasiyahan.
“Ako na lang ang bibili, ‘Te. ‘Kunin ko lang ‘yong shorpit ko,” prisinta nito saka kinuha sa ibabaw ng bedside table ang baseball cap.
“Hindi, ako na. Tatawagan ko na rin ang mga Inang at Lola,” tanggi at dahilan niya.
Nag-text lang kasi sila kay Estella kahapon tungkol sa kalagayan ng Lola Charito niya. Pagkuwa’y nagpasabi ang kanyang Inang Chichay na tumawag sa mga ito bago bumalik ang mag-ina ni Estella sa bahay nito mamayang gabi.
Halos beinte minutos din ang iginugol niya sa paghihintay bago nabakante ang telepono dahil may mga nauna pa sa kanyang gumamit ng payphone sa labas ng ospital.
Tila nabunutan ng tinik ang mga abuela niya sa probinsya nang sa wakas ay makausap siya. Panay bilin at payo naman ang mga ito lalo’t higit dahil sa babae siya at hindi sanay sa lungsod. Matapos ang ilan pang mga tagubilin nito at matapos makausap si Estella ay nagpaalam na rin siya dahil may kasunod na siyang gagamit ng awditibo.
Muli niyang binagtas ang daan pabalik ng ospital. Mabuti na lamang din at maaasahan niya talaga ang matalik na kaibigan sa mga ganitong sitwasyon. Para na nga silang tunay na magkapatid kung maituturing.
Papasok pa lamang siya sa ospital nang bigla siyang matabig ng isang lalaki na humahangos at tila balisa. Mabuti na lamang at napahawak siya kaagad sa may pader dahil kung hindi ay paniguradong napasubsob siya sa sahig.
“Oh, I’m sorry! Are you okay? I’m just in a hurry,” wika nito habang nasa tainga nito ang telepono, ni hindi man lang siya diretsong tiningnan sa mata, sa halip ay mabilis na binagtas ang hallway ng ospital nang hindi siya dumaing.
Nagbuga siya ng hangin at nagngingitngit na inirapan ang papalayong lalaki. ‘Kabanas! Naturingang lalaki, eh, napakawalang modo!’ Muli siyang bumuntong-hininga para alisin ang panggigigil na nararamdaman bago muling umusal. ‘Ayos lang iyan, Mara. Marami ka pang makakasalamuhang masama ang ugali rito sa Maynila kaya dapat maging matapang ka,’ kumbinsi niya sa sarili saka nagpatuloy sa paglalakad.
Nasa pasilyo pa lang siya ay dinig na niya ang tila bandang tumutugtog at laking gulat niya nang malamang sa silid ng lola niya iyon nanggagaling. Ito siguro ‘yong binanggit ng matanda na paparating kanina. Hindi naman iyon nakakabulahaw dahil banayad sa pandinig ang tugtog.
Hindi na muna siya tumuloy sa loob ng kuwarto, sa halip ay naupo siya sa may waiting area sa tapat ng nurses’ station saka bahagyang napangiti. Natutuwa siyang malaman na maraming nagmamalasakit at nagmamahal sa abuela niya.
Nahiya siya sa sarili niya. Naturingang siya ang kadugo ay siya pa ang wala sa tabi nito nang atakihin ito.
Nagpakawala siya ng hininga at ibinaling ang atensyon sa TV na naroon sa waiting area.
“Nandito ka lang pala. Pupuntahan na sana kita sa labas, eh,” untag sa kanya ni Rene makalipas ang mahigit-kumulang isang oras. Kasunod nito ang mag-asawang Dante at Delilah at mga matatandang kasama nito kanina.
“Nahihiya kasi ako, eh,” bulong niya saka tumayo at sinalubong ang mga pauwing bisita. “Salamat po sa pagdalaw,” aniya matapos magmano sa dalawang matanda.
“Mauuna na kami, Mara. May gagawin pa kasi kami sa Bahay-Kalinga,” paalam ni Dante na lumipat ang paningin nang tingnan niya ang bandang nanggaling din sa kuwarto ng lola niya at noon ay palabas na ng ward. “Ah, sila ang banda na tumutugtog sa Bahay-Kalinga. Iyong dalawa roon ay kambal, anak sila ng may-ari ng Bahay-Kalinga,” pagbibigay-alam nito.
Tumango lang siya at muling bumaling dito.
“Maraming salamat sa pagdalaw, Kuya Dante,” kimi niyang pasasalamat ulit sa lalaki bago tumingin sa asawa nito. “Salamat po.”
“Nice meeting you, Mara! Naku, nakakailang kang kausapin ng Tagalog,” anitong manghang-mangha. “Sana ay makasama kayo kay Lola Cha sa Bahay-Kalinga. Siguradong magugustuhan n’yo roon.”
Napangiti rin siya sa tinuran nito saka tumango.
Inihatid ni Rene ang mga ito, siya naman ay bumalik na sa kuwarto ng kanyang lola. Naabutan niyang may kausap pa ito at lumapit lang siya nang kawayan siya ng abuela.
Halos magsalubong ng mga kilay niya nang makilatis ang lalaking kausap ng matanda nang lumingon ito sa direksyon niya nang yayain siya ng abuela na lumapit.
“At ano’ng ginagawa mo rito?” mataray niyang tanong nang ganap nang makalapit sa mga ito.
Buong pagtataka naman ang lumarawan sa mukha nito nang pakatitigan siya.