“AKO PO si Mara… Amarantha Davies, apo po ni Lola Charito,” pakilala niya.
Unang reaksyon nito ay gulat, pagdaka’y napakamot sa batok bago nahihiyang ngumiti sa kanya.
“Ah, ako si Dante, ‘yong nakausap mo kahapon,” pakilala nito saka nakipagkamay sa kanya.
“Salamat po sa pag-aaruga kay Lola,” sinserong turan niya habang nakikipagkamay rito.
“Walang anuman. ‘Di na siya iba sa ‘min. Parte na rin siya ng Bahay-Kalinga, kahit hindi siya roon permanenteng nakatira,” sagot nito. “Huwag kang mag-alala kay Lola Cha, okay na siya. Hindi pa lang siya muling nagkakamalay pero sabi ng doktor ay wala na siya sa peligro at kailangan lang talaga ng pahinga,” paniniguro nito sa kanya, pagkuwa’y napansin ang mataman niyang pagkakatitig sa kanyang abuela. “Naku, siguradong pagod ka sa biyahe. Kung gusto mo, magpahinga ka na muna at dito muna ako. Kumain ka na ba?”
Tatanggi sana siya subalit nauna nang mag-alburoto ang tiyan niya na hindi nakalampas sa pandinig ng lalaki. “Pasensya na po. ‘Di na kasi kami nakakain kahit sa bus man lang gawa ng dito na kami tumuloy sa ospital pagsakay namin ng jeep,” namumulang paumanhin niya saka sinulyapan si Rene na noon ay lumapit na rin sa kanila. “Si Rene nga po pala, pinsan ko,” pagpapakilala niya sa mga ito.
Napangiti ito saka nakipagkamay kay Rene bago nagsalita. “Sige, dito muna kayo. Bibili lang ako ng makakain sa ibaba. Nagugutom na rin ako, eh. Puwede kayong manood ng TV diyan, nasa lamesa ang remote.”
“Naku, huwag na po kayong mag-abala’t may bugong po kami’t mga kakaning dala,” pigil niya rito.
“Ah.” Kagyat iyong nag-isip bago tumango nang ituro ni Rene ang baunan na nasa ibabaw ng mga bag na iniahon ng binatilyo kanina habang nasa loob siya ng kuwarto. Pagkuwa’y napuna ng lalaki ang mga gamit nila na nasa may pintuan. “Dito natin ilagay ang gamit n’yo sa loob at baka may kumuha n’yan,” anito na sinimulan ang pagbubuhat sa gamit nila. Kinuha naman niya ang mga baunan at inilapag sa side table sa gawi ni Lola Charito habang sina Rene at Dante naman ay inilagay ang iba pa nilang dalahan sa ilalim ng kama ni Lola Charito. “Maiwan ko muna kayo. Bibili lang ako ng maiinom natin sa ibaba,” paalam nito.
Pagkalabas nito, marahan siyang lumapit kay Lola Charito. Si Rene naman ay nanatiling nakamata sa kanya, saka umupo sa katabing bakanteng kama at kumuha ng suman sa plastik bag. Banayad niyang hinaplos ang humpak na mukha ng Lola Charito niya. Hindi maikakailang mas namayat ito kumpara sa huling pagkikita nila. Sadya itong balingkinitan, kabaligtaran ng mga kapatid nitong medyo may katabaan.
Yumuko siya at hinagkan ang noo nito. Pagkuwa’y umupo sa stool na kinauupuan ni Dante kanina bago hinawakan ang kamay ng abuela. Nasa ganoon siyang ayos nang bumalik si Dante. May bitbit itong dalawang plastik na upuan na pinagsama at sa kabilang kamay naman ay may tangan itong plastic bag na may lamang bote ng tubig at ilang pagkain.
“Halika’t kumain muna tayo,” yaya ng lalaki saka inilapag ang dalawang upuan sa pagitan ng kinauupuang kama ni Rene at kama na kinahihigaan ni Lola Charito. “Pasensya na at walang malaking lamesa rito,” paumanhin ni Dante bago kinuha ang mga dala nilang pagkain at ipinatong sa stool.
“Naku, mas maigi nga po rito kaysa sa probinsya, eh,” sambit ni Rene na dumukwang at kumuha na ng pagkain saka ibinigay sa kanya.
“Mabuti nga at walang kasama si Lola Cha rito. Kahit paano, makakapahinga siya nang maayos,” pahayag ni Dante.
“Oo nga po. Salamat po ulit,” buong pusong saad niya.
“Wala iyon,” tugon nito saka ngumiti sa kanya. “Akala ko talaga, foreigner ka. ‘Buti marunong kang mag-Tagalog. Kundi, naku po, dudugo ang ilong ko,” birong-totoo na patuloy nito.
Napatawa siya sa tinuran nito saka nagpatuloy sa pagkain. Namana kasi niya halos ang lahat ng pisikal na katangian ng tatay niya—asul na mata, maalon at kulay mais na buhok, at ang maputi at pekasin niyang balat na kahit matagal siyang mabilad sa araw ay ‘di siya nangingitim kundi namumula lang. Sa malas ay hindi niya namana ang height ng ama, bagkos ay hindi pa nga umabot ng limang talampakan ang taas niya na kapareho ng ina. Iyon ang dahilan kaya’t tinawag siyang ‘punggok na Amerikanang hilaw’ ng matalik na kaibigang si Estella.
Matagal din silang nagkakuwentuhan pagkatapos kumain. Nagpaalam na rin ito makalipas ang isang oras. Kailangan na kasi nitong umuwi sa Tagaytay dahil ang pamilya nito nangangasiwa sa Bahay-Kalinga, isang home for the aged private facility. Mayroon itong sangay sa iba’t ibang lugar, partikular sa mga karatig-probinsya at Maynila, kung saan kasapi ang kanyang Lola Charito.
“Salamat po ulit, Kuya Dante. Tatawagan na lang po kita kung anoman ang mangyari,” sambit niya.
Bago ito umalis ay binigyan niya ito ng ilang kakanin para makain nito sa biyahe dahil pihadong hahapunin na ito sa daan. Inihatid pa ito ni Rene sa labas ng ospital kaya bumalik siya sa pagkakaupo sa harap ni Lola Charito nang mapag-isa siya habang hinihintay bumalik ang pinsan.
Muling bumigat ang dibdib niya sa kalagayan ng abuela. Buong pagmamahal niyang hinimas ang kulubot nitong kamay. Tumungo siya sa kama at hinayaan ang luha na bumukal mula sa kanyang mga mata. Marahil ay dahil na rin sa pagod at puyat kaya hinila siya ng antok habang gagap ang kamay ng lola niya. Mahimbing na siyang natutulog nang kalabitin siya ni Rene.
“Ate Mara, lumipat ka na lang doon sa kabilang kama para kumportable ka,” bulong nito sa kanya.
“Ayos lang ako. Ikaw na lang ang matulog doon,” pupungas-pungas niyang tugon saka panandaliang sinipat ang bintana. Kalat na ang dilim sa labas. Natagalan pala ang pag-idlip niya.
“Sabi ng nurse, darating daw mimiyang alas-otso ang doktor ni Lola Charito,” balita ni Rene sa kanya.
Maingat siyang nag-inat saka tinanong ang binatilyo.
“Anong oras na ba, Rene?” tanong niya.
“Alas-siete y media. Gusto mo, maghapunan na tayo? Mukhang masasarap ang luto sa canteen ng ospital, eh,” suhestyon nito.
“Ah, eh, sige’t mauna ka na. Bilhan mo na lang ako ng kahit na ano,” aniya dahil hindi niya pa kayang iwan ang abuela.
“Sige, ‘te. Ipababalot ko na lang at sabay na tayong kumain dito,” anito saka lumabas ng kuwarto.
Hindi naglaon ay dumating ang nakatokang doktor sa lola niya. Binasa nito ang medical chart ng matanda saka tiningnan ang lola niya. Marami itong sinabing ‘di niya maintindihan. Mabuti na lang at ipinaliwanag iyon ng mabait na nurse ng abuela niya pagkaalis ng doktor. Nakahinga siya nang maluwag nang masigurong umiigi na ang kalagayan ng matanda.
Pagkahapunan ay saglit lang silang nagpahinga, pagdaka’y nagpasya siyang punasan ang matanda.
“Ako na’ng magbabantay kay Lola Charito mamaya. Doon ka na matulog sa kabilang kama para kumportable ka,” untag ni Rene habang pinupunasan niya ng basang bimpo ang mukha’t braso ng matanda.
“Ayos lang ako. Gusto ko, ako’ng unang makita ni Lola paggising niya,” aniya saka hinaplos ang buhok nito. ‘Ako na po’ng mag-aalaga sa inyo, Lola Charito. Pangako, ‘di ko po kayo iiwan,’ anang isip niya saka suminghot at pinahid ang luhang namilibis sa pisngi niya.