“ATE MARA! Ate Mara!” Sunud-sunod na pagtawag mula sa labas ng bahay ang narinig ni Amarantha habang nasa loob siya ng kanyang silid. Hinawi niya ang kurtina na tumatakip sa malaking bintana at dumungaw.
“Ikaw pala, Rene. Ano’ng sadya mo?” tanong niya sa binatilyo. Hawak nito sa kabilang kamay ang telepono nito.
Tumingala ito sa kanya bago sumagot. “May tawag ka galing Maynila, ate.”
“Ah, gano’n ba? Pumasok ka na’t papanaog na ako,” wika niya saka binaybay ang palabas ng silid niya. Nakasalubong pa niya sa puno ng hagdan si Inang Chichay na marahil ay nagising mula sa siesta nito nang marinig ang pagtawag ni Rene.
“Sino ba iyon, Mara’t katanghaliang tapat, eh, kung makatawag, eh, kay inam?” tanong nito na sumunod sa kanya sa pagbaba ng hagdan.
“Si Rene po. May tawag daw po galing Maynila, pihadong si Lola Charito po iyon. Baka po uuwi rito’t magpapasundo sa terminal,” sagot niya.
Palibhasa ay wala silang telepono kaya’t sa nakababatang pinsang makatlo niyang si Rene tumatawag ang Lola Charito niya sa tuwing nagbabalak itong umuwi ng probinsya at magpapasundo sa terminal. Bukod sa apo ito ng pinsang-buo ng kanyang mga abuela ay ang bahay rin ng mga ito ang pinakamalapit sa kanila.
“Mag-syower ka nga’t malameg ang simento,” pigil ni Inang Chichay kay Rene nang akmang huhubarin nito ang suot na tsinelas bago pumasok ng bahay.
Tumango lang ang binatilyo saka mabilis na ibinigay sa kanya ang telepono pagkapasok.
“Hello, Lola Chari—” alanganin niyang bati na pinutol ng nasa kabilang linya.
“Ah, hello? Ito ba si Mara?” tanong ng lalaking nasa kabilang linya.
Napakunot-noo siya saka nagpalipat-lipat ang tingin kina Rene at Inang Chichay niya na kapwa nakatunghay sa kanya. Sa isang iglap ay parang may bumundol na kung ano sa dibdib niya.
“A-Ako nga po. Sino po sila?” kumpirma’t tanong niya.
“Ako si Dante. Ikaw kasi ang nakalagay na guardian ni Lola Cha, kaya ikaw ang tinawagan namin,” pauna nito.
“B-Bakit po? A-Anong nangyari kay Lola Charito?” Napatayo siya mula sa pagkakaupo sa upuang kahoy.
“Huwag kang mag-alala. Wala na siya sa peligro, pero under observation pa siya. Na-mini-stroke kasi siya kagabi—”
“S-Stroke?” Hindi niya malaman kung ano ang iisipin at gagawin sa pagkakataong iyon.
“Oo, pero huwag ka nang mag-alala. Mabuti na nga lang at pumasyal siya sa amin sa Bahay-Kalinga. Kung hindi’y baka mas malala pa ang nangyari sa kanya lalo’t wala siyang kasama sa bahay niya ngayon. Inilipat na rin namin siya sa ospital dito sa Maynila...” kuwento ng lalaki na para namang hindi rumehistro sa kanya.
Para siyang binuhusan ng malamig na tubig at nanlalambot na napaupo sa upuan. Mabilis siyang inalalayan ni Rene, kinuha naman ni Inang Chichay ang telepono mula sa pagkakahawak niya.
“Hello? Kapatid ako ni Charito. Ano ba’ng nangyari sa kanya?”
Inulit ni Dante ang sinabi nito kay Amarantha. Matagal pang nag-usap ang inang niya at ang lalaki habang tulala siya. Si Rene naman ay kinuhanan siya ng tubig saka hinagod ang likod niya. Ilang saglit pa ay natapos ang pag-uusap ng mga ito at ibinigay ang telepono kay Rene.
“Apo,” tawag ng matanda sa binatilyo. “Ipapadala raw ang lugar kung nasaan ang Lola Charito n’yo. ‘Di ko maintindihan, eh.”
“Ah, baka po ite-text, inang,” saad nito. Pagkuwa’y tumunog ang message tone ng telepono nito. “‘Andito na po. Isusulat ko na lang po... Ate, okay ka lang ba?” may pag-aalalang baling nito sa kanya nang tumayo siya.
Tumango siya saka humugot nang malalim na hininga.
“Kukuha lang ako ng papel at ballpen,” aniya bago muling pumanhik. Nanginginig pa rin siya kaya’t nangunyapit siya sa hawakan ng hagdan paakyat. Kahit hindi siya masyadong malapit sa direktang abuela ay mahal na mahal niya ito, siyempre naman.
Pagbalik niya ay agad na isinulat ni Rene ang address ng ospital kung nasaan ang Lola Charito niya.
“Salamat, Rene,” aniya.
“Magpapasa-Maynila ka ba, ‘te? Gusto mo, samahan kita?” pagprisinta nito.
Ngumiti siya rito at umiling bago tumanggi. “Salamat na lang, Rene. Kaya ko naman magpunta ro’n nang mag-isa.”
“Aba’y sasamahan ka namin ng Lola Agusta mo,” prisinta rin ni Inang Chichay.
“At ano, para pati ikaw, eh, maging pasyenteng alagain? Aba’y hindi na nga magkamayaw sa pagpahid ng langis si Mara sa tuhod mo dahil sa katigasan ng ulo mo, eh, bibiyahe ka pa?” mataray na singit ni Lola Agusta na naroon na pala at nakikinig sa kusina.
“Ako na lang po’ng sasama kay ‘Te Mara,” giit ni Rene.
“Kuu! Anihan na sa makalawa, Rene. Siguradong ‘di ka papayagan ng ama mo’t kailangan ka sa linang,” kontra ni Inang Chichay.
“Eh, dumating na naman po ang Kakang Domeng, eh. Kaysa naman po puma-Maynila si ‘Te Mara na mag-isa. Sigurado pong mag-aalala lang kayo palagi sa kanya,” punto ng binatilyo.
Nagkatinginan ang dalawang matanda. Siya naman ay nakatungo lang habang naglalayag ang isipan.
Umupo sa tabi niya si Inang Chichay saka ginagap ang kamay niya.
“Hena’t ayusin natin ang gamit mo’t puma-Maynila kayo bukas nang umaga,” buong pang-unawang sambit nito.
Niyakap niya ito saka marahang umiyak. Hindi siya makaapuhap ng sasabihin. Ang gusto lang niya ay ilabas ang lahat ng pangambang lumulukob sa kanyang dibdib.
“Huwag kang mag-alala. Sabi ng nakausap natin kanina ay wala na sa panganib ang buhay ni Charito. Kailangan lang talaga ng mag-aalaga lalo at mahina pa siya. Huwag ka nang mag-isip ng kung anu-ano,” wika nito habang inaalo at hinihimas ang likod niya.
WALA pang alas-quatro ng madaling-araw ay bumangon na si Amarantha at nagsimulang magluto. Hindi siya dinalaw ng antok magdamag dahil sa pag-aalala. Bagama’t nanunuot sa balat ang lamig dala ng hamog mula sa labas na pumapasok sa kanilang kusina, tila hindi naman niya iyon alintana dahil okupado ang isip niya nang maraming bagay.
Nagulat pa siya nang untagin siya ni Estella mula sa likuran. Kasama nito si Rene na alam niyang siyang nagsabi rito tungkol sa nangyari sa Lola Charito niya.
Agad siyang niyakap ng kaibigan saka nagsalita. “Kung wala lang akong anak, sasamahan talaga kita sa Maynila, eh,” anito bago tumabi sa kanya at inihilig ang ulo sa balikat niya. “Pero mapapanatag naman kami’t kasama mo naman si Rene.”
“Oo nga. Saka ayos lang ako, Estella. Nabanggit naman ng tumawag kahapon na wala na sa peligro ang Lola Charito.” Gumanti siya ng yakap dito. Pagkuwa’y kumuha siya ng tatlong tasa at nagsalin ng kapeng barako na inilaga niya kanina.
“May padalang mga kakanin at mais ang inay ko para raw kay Lola Charito,” wika naman ni Rene na noon ay umupo na rin sa harap ng lamesa sa tapat nila ni Estella.
Mayamaya ay narinig na nilang bumaba ang magkapatid na matanda at dinaluhan sila.
“Ano ba’ng niluto mo, Mara?” tanong ni Inang Chichay habang sumisinghot-singhot dahil pumapailanlang ang amoy ng piniritong daing na galunggong sa buong kabahayan.
“Maupo muna po kayo’t maghahain na po ako,” aniya bago iginiya ang mga ito sa upuan.
Sabaw-kape at daing ang agahan nila. Taas-paa ang mga ito sa bangko at maganang kumain samantalang siya ay tila hindi malasahan ang pagkain.
Alam niyang matatagalan siya sa Maynila para alagaan ang Lola Charito niya. Pagkakataon na rin niya para makabawi rito. Alam niya kasing kahit anong pilit ang gawin niyang pagkumbinsi rito na roon na manirahan sa probinsya ay hindi ito sasang-ayon. Ayon nga kay Inang Chichay ay lehitimong rebelde raw ang Lola Charito niya mula pa pagkabata at nagpasa-Maynila na nang tumuntong ito ng kinse dahil sadyang nababagalan ito sa takbo ng buhay sa probinsya.
Pasado alas-otso nang marating nina Amarantha at Rene ang terminal ng bus. Inihatid sila ng magulang ni Rene gamit ang owner-type-jeep na ginagamit nito sa pagbibiyahe ng mga gulay at prutas sa mismong bayan at karatig-bayan ng Kalayaan. Siyempre, sumama rin sa paghatid ang mga abuela niya at si Estella.
“Mag-iingat kayo roon, ha? Hamo’t kapag maige na ako, eh, kami naman ang dadalaw roon sa inyo,” wika ni Inang Chichay saka siya buong higpit na niyakap.
“Basta’t kapag may nanloko sa iyo roon, eh, nandya’an sa bulsa ang balisong,” paalala naman ng Lola Agusta niya na agad na kinontra ng Inang Chichay niya.
“Por Dios por santo! Kung anu-ano’ng sinasabi mo sa apo mo, Agusta!” kastigo ni Inang Chichay sa kapatid.
“Aba’y naglipana ang mga luko-luko ro’n, ‘no! Maiging maunahan niya. Aba, eh, hihintayin niya pang mapahamak siya bago manlaban?” katwiran naman ni Lola Agusta.
“Huwag kang mag-alala, Mara. Hindi namin papabayaan ang mga inang,” paniniguro naman ng ina ni Rene.
“Alam ko po iyon, Ate Isabel,” sagot niya.
Ngumiti lamang ito, pagdaka’y tinapik ang likod niya. Si Rene naman ay isa-isang ibinaba ang mga dalahan pati na rin ang mga pabaong pagkain para sa Lola Charito niya.
“Anak, babantayan mong mabuti ang Ate Mara at Lola Charito mo, ha? Iwasan mong lumabas doon. ‘Di ‘yon tulad dito sa’tin. Baka mimiya, mapa-away ka pa. Basta’t pumirmi ka sa loob ng bahay,” paalala ng ama ni Rene na tinanguan lang ng binatilyo.
Hindi naglipat-saglit ay sakay na sila ng bus na pa-Maynila. Habang daan ay malakas ang kabog ng kanyang dibdib, samantalang ang katabing si Rene ay medyo malalim na ang tulog. Puno ng pangamba ang isip niya. Hindi pa rin niya maiwasang hindi mag-aalala sa Lola Charito niya. Gayon din naman ang pag-aalala niya sa mga naiwang abuela sa probinsya.
Lampas makaing-tanghali na nang marating nila ang ospital. Medyo nahirapan silang tuntunin ang ospital lalo’t marami silang bagahe. Mabuti na lamang at mabait ang matandang driver ng nasakyan nilang jeep at nang naubos ang pasahero nito ay inihatid sila mismo sa tapat ng ospital.
Sa entrada pa lamang ay sumalubong na sa kanila ang kakaibang amoy ng ospital. Matapos makapagtanong sa nurses’ station ay tinunton nila ang kuwarto ng kanyang Lola Charito.
Nanunuot sa ilong ang amoy-alkohol na kuwarto ng Lola Charito niya. Nakakasilaw ang liwanag ng kulay puting mga tela at gamit na nakapaligid sa buong silid nito. Mayroong apat na kama na naroon ngunit isa lamang ang okupado, kung saan kasalukuyang nakahiga ang kanyang Lola Charito.
Inilapag nila ni Rene ang mga dala sa may gilid ng pintuan saka tuluyang pumasok. Napabuntong-hininga siya habang papalapit sa kama ng kinahihigaan ng kanyang abuela.
Nangilid ang luha niya sa awa dahil sa ilang aparatong nakasaksak sa katawan nito habang wala pa rin itong malay.
Napadako ang tingin niya sa lalaking pihadong nasa mahigit treinta anyos na at medyo may kapayatan. Nakaupo ito sa silya paharap sa kama ng lola niya at kasalukuyang kinakalikot ang telepono nito kaya siguro hindi namalayan ang pagpasok nila ni Rene sa kuwarto.
Bahagya siyang tumikhim upang kunin ang atensyon nito. Alanganin itong napatayo at nagtatanong ang mga matang tumingin sa kanya.