CHAPTER 1.1

1189 Words
“MARA!” Mula sa ikalawang palapag ng bahay ay hiyaw ng abuela ni Amarantha na si Lola Agusta. Muntik nang mabitiwan ng dalaga ang bitbit na timba pagkarinig sa malakas na pagtawag ng lola niya sa kanya. Nakikini-kinita na niya ang hitsura nito. Ang mamula-mula at matambok nitong pisngi at tuwinang nanlilisik na mga mata na kahit na sino ay masisindak. Habang pandalas ang takbo ay iniisip na niya kung ano na naman ba ang ginawa niyang mali at mukhang masasabon na naman siya ng mataray niyang lola. Mula sa likod-bahay—kung saan naroon ang malawak na taniman ng gulay, punung-kahoy at kulungan ng manok—ay nagmamadaling tumakbo ang dalaga papunta sa bahay na bato na ipinatayo pa ng magulang ng kanyang mga lola. Pumasok siya sa may silong, kung saaan naroon ang mga isinalansan na bagong sibak na kahoy para panggatong, mga palayok at mga talyase na kalimitang ginagamit sa mga handaan. At saka siya dumaan sa may kusina—kung saan naroon din ang kanilang lutuang kahoy—padiretso sa sala. Kaunti lamang ang mga gamit nila roon. Ang mga muwebles—katulad ng haligi sa itaas na bahagi ng kanilang bahay, hagdan at pinto—ay pawang yari sa narra at kamagong. Ang mga bintana naman ay pawang yari sa capiz at nahaharangan ng manipis na kurtina na halinang sumasayaw sa bawat dampi ng mabining hangin. Payak ang pamumuhay niya sa probinsya kasama sina Lola Agusta at Inang Chichay, ang mga nakatatandang kapatid ng kanyang Lola Charito, ang ina ng pumanaw niyang nanay, na sa Maynila nakatira. Ang mga ito ang nakasama niya matapos maaksidente ang magulang niya noong limang taong gulang pa lamang siya. Hindi kaagad nakauwi ang Lola Charito niya noon dahil kasalukuyan itong TNT sa Amerika nang mangyari ang aksidente. Nang magkaroon ng amnesty, agad itong umuwi at tinangka siyang bawiin sa mga kapatid nito para isama sa Maynila, ngunit siya na mismo ang tumanggi dahil mas kilala niya ang dalawang abuela. Hindi na rin nagpumilit ang matanda. Sa halip ay dumadalaw na lang ito sa probinsya at minsang tumitigil doon nang ilang araw para makasama siya. Bukod-tanging si Lola Charito lang ang nagka-nobyo sa magkakapatid. Kalaunan ay nagtanan at nabuntis. Sa kasamaang-palad, namatay ang Lolo Damian niya bago pa man nito napakasalan ang Lola Charito niya. Dulot ng pangyayari ay mas umugong ang haka-haka sa maliit na bayan ng Kalayaan na ang mga babae sa kanilang angkan ay pawang isinumpa dahil maging ang mga kapatid na babae ng ama ng mga abuela niya ay pawang namatay na hindi man lang nangagsipag-asawa. Siyempre, napatunayan ng kanyang ina na hindi iyon totoo. Dangan nga lang at maaga itong namatay kasama ng Amerikano niyang ama. Kaya palagi siyang nagpapanata na sana ay hindi totoo ang sumpang iyon… sana. “Mara!” ulit na sigaw ni Lola Agusta nang nasa may hagdanan na siya. “Ano pong nangyari, ‘la?” humihingal na tanong niya. “Dang kupad, eh! Pumarine ka’t ‘di ko makamot ‘tong likod ko. Dang kati, eh! Ako, eh, nayayamot na, eh!” naiinis na utos nito habang nakaupo sa silyang tumba-tumba at hindi mapakali kung saan ibabaling ang katawan. “Diyos ko! Akala ko kung napaano na po kayo, eh! Kung kayo’y makatawag, ke inam, mahiya mo kayo kinakatay, eh!” aniya habang sapo ang dibdib. Napailing na lang siya sabay upo sa may gilid ng silyang tumba-tumba at kamot sa likuran nito.  “Aba, ako ba’y maririnig mo kung ‘di ako hihiyaw?” depensa nito habang gigiling-giling at sarap na sarap sa pagkamot niya. Bahagya siyang napangiti sa ginawi ng matanda. “Kaigi’t hindi umulan maghapon!” anito saka siya tinapik sa hita para patigilin siya sa ginagawa. “Ayos na po ba, ‘la?” nakangisi niyang tanong. Tumango ito saka tumayo. “Kanina pa ako tawag nang tawag sa Inang Chichay mo, eh. Nabingi na yata nang tuluyan! ‘Asan na ba’ng matandang ‘yon?” tanong nito na ang tinutukoy ay ang panganay na kapatid. “Pumanaog po kanina. Sasaglit daw po kila Ti Giyong sa ilaya’t kukunin ‘yong ibinibigay na manok-Tagalog. Eh, balak po ‘atang magluto ng pidayus,” imporma niya bago tumayo. Pinaikot-ikot niya ang kanyang baywang at saka nag-inat. “Nakaw! At umalis mag-isa? Kahapon lang, eh, panay reklamo sa rayuma. Tapos ngayon, eh, naglaboy na walang kasama! Ka-tigas ng ulo! Mamaya, sinasabi ko sa’yo, panay daing na naman sa tuhod ang matandang ‘yan!” umiiling na palatak nito saka naglakad patungo sa bintanang capiz at dumungaw. “Aba’t ‘di pa pala naisisilong ang mga damit! Kundanga’t nalaman ko’y ‘di ako naggantsilyo! Pa’no kung umulan, eh, ‘di uulit ka ng laba?” patuloy na pagtataras nito nang madungawan sa bintana ang mga nakasampay na damit na nilabhan niya kaninang umaga. “Ako na po’ng magsisilong ng damit. Tatapusin ko lang pong diligan ang mga tanem. Diyos ko, para iyon lang, eh. Sige na po’t nang matapos na ako. Parating na rin po pihado si Inang,” pahayag niya para lang hindi na ito magreklamo pa. Panay pa rin ang salita ng matanda nang lisanin niya ang kuwarto nito at pumanaog pabalik sa likod-bahay.   KASALUKUYANG naghuhugas ng paa si Amarantha pagkatapos magdilig ng mga tanim sa likod-bahay nang dumating si Inang Chichay niya. Katulad ng Lola Agusta niya, medyo may katabaan rin ito. Morena ang kulay ng balat ng Inang Chichay niya hindi katulad ng dalawang nakababatang kapatid na kapwa mga mestiza. Matatangkad din ang mga abuela niya, katangiang hindi niya namana. Paano’y namana nila ng kanyang ina ang pagkakulang sa tangkad mula sa partido ng kanyang Lolo Damian. “Parine, Mara. Tulungan mo ako dine sa kipit-kipit ko. Naku, ka-suwerte natin, eh. Aba’y mantakin mong nagkataong namimitas ng margoso’t kalamismis sina Ramiro’t nakita akong dumaan, eh, haya’t nabigyan ako. Ma’ri ka, pati alamang, eh, ipinaghango ako’t pinagmirindal pa ng bualaw sa kanila!” masayang kuwento nito hindi pa man ganap na nakakalapit sa kanya. “Si Donio po ba ‘yon?” tanong niya nang matanaw ang papalayong binatilyong naghatid sa Inang niya. Pagkasalubong niya rito ay kinuha niya kaagad ang mga bitbit nitong bayong na hindi magkamayaw sa laman na mga gulay at prutas. “Hala! Ang bigat po nito, ah! Para kayong namalengke,” bulalas niya. Malakas talaga ang inang niya sa mga tagaroon. Palibhasa ay hindi naman gaano ang katarayan, hindi kagaya ng Lola Agusta niya na ipinaglihi yata sa sama ng loob. “Kuu! Hinabol nga ako’t nag-abot pa ng pamutat, eh. ‘Andyan at isinalalay ko’t baka ‘kako matapon. Eh, kaigi’t inihatid pa ako, eh, gusto pang hanggang loob, sabi ko’y nandiyaan ka naman. Mangyari, eh, pupunta raw siya r’yan kila Rene,” sagot nito, pagkuwa’y humawak sa braso niya habang papasok na sila sa kusina mula sa likod-bahay. “Nakaw! Iyang tuhod n’yo po ba, eh, ayos lang? Magpahinga muna po kayo’t ako na’ng magluluto,” aniya matapos iabot sa matanda ang isang baso ng tubig. “Kuu, kaigi’t nakapag-ehersisyo ako, eh. Hamo’t ako na. Akina muna nga ‘yong labakara’t isilong mo na ang mga sampay at baka mahamugan. Kuu! Paniguradong magtatatalak na naman ang Lola Agusta mo ‘pag nakita ‘yon!” saad nito saka ininom ang ibinigay niyang tubig. Napangiti na lang siya sa tinuran nito bago iniahon at isinalalay sa ibabaw ng lamesang gawa sa kawayan ang laman ng bayong. Hindi lang pala iilang gulay ang laman niyon kundi ‘sandamakmak ding prutas tulad ng papaya, pinya, manggang supsupin at manggang kalabaw na manibalang. Ang kabilang bayong naman ay may lamang bagong katay na manok-Tagalog at alamang.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD