CHAPTER 1.2

1296 Words
PAPASOK na sana si Amarantha sa sala habang bitbit ang mga isinilong na sampay nang dumating si Ador na maagap na kinuha sa kanya ang mga labada. “Tutulungan na kita, Mara,” alok nito. “Salamat, Ador,” sagot niya bago ito pinagbuksan ng harapang pinto. “Papatong na lang dito.” Itinuro niya ang malapad na upuang narra bago bumaling sa binata. “Para nga pala sa iyo.” Ibinigay nito ang plastic bag na may lamang prutas na hindi niya napansing dala nito kanina. “Salamat, nag-abala ka pa. Magtitimpla lang ako ng kape, maupo ka muna,” pahayag niya pagkaabot sa plastic bag. “Hindi na, Mara. Dinala ko lang talaga ‘yan para sa iyo. Kailangan ko na rin kasing bumalik sa kanluran at baka ako, eh, hanapin na ni Itay,” tanggi nito, pihadong tumakas na naman ito sa ama imbis na pangasiwaan ang mga nanggagapas sa sakahan. “Kuu! Akala ko’y kung sino’ng kausap mo, eh,” bungad ni Inang Chichay mula sa kusina habang tangan ang sandok. “Tamang-tama, Ador, nagluluto ako’ng pidayus. Sumalo ka nang maghapunan sa ‘min,” baling nito kay Ador matapos magmano rito ng binata. “Salamat po, inang. Hindi na rin po ako magtatagal at kailangan ko nang bumalik sa kanluran, eh,” paalam ng binata. “Ganoon ba? Sayang naman. Teka’t ipagbubugong na lang kita. Sandali na lang at lalambot na ang manok,” giit nito na akmang babalik sa kusina ngunit napigil din ng binata. “Eh, nagluto rin po kasi ang inay ko ng hapunan para sa mga naggagapas, eh. Doon na lang po ako kakain,” tanggi nito. “Sigurado ka ba? O, eh, ‘di sige,” pahayag ng matanda bago bumalik sa kusina para ipagpatuloy ang pagluluto. “Mauuna na ako, Mara. Babalik na lang ako bukas,” anito bago tuluyang lumabas ng bahay pagkatango niya. Pagkapinid niya ng pinto ay hinarap na ng dalaga ang pagtitiklop ng damit. Hindi pa siya natatapos sa ginagawa ay muli siyang tinawag ng Inang Chichay niya para kumain. “Tawagin mo na rin ang lola mo,” utos nito. “Opo,” sagot niya saka mabilis na tinapos tiklupin ang natitira pang labada. Kaagad siyang pumanhik sa kuwarto ni Lola Agusta para sana yayain ito subalit naabutan niyang malalim na ang tulog ng matanda sa tumba-tumba habang hawak pa rin ang ginagantsilyo. Hinayaan na muna niya itong magpahinga at baka maging aburido pa ito kapag ginising niya. “Hindi mo pa rin ba sinasagot si Ador, apo? Aba, ako’y botong-boto sa binatang iyan, eh. Siya lamang ang bukod-tangi mong manliligaw na nagustuhan ko, sa totoo lang. Napakagalang at napakababait sa magulang at kapatid. Isa pa, eh, medyo nagkakaedad ka na, Mara, aba’y baka naman mapag-iwanan ka nang tuluyan,” salaysay nito habang kumakain ng pidayus. “Si Inang talaga. ‘Ayan na naman po kayo, eh. Beinte-sais pa lang po ako,” reklamo niya. Siya na naman ang nakita nito. Palibhasa’y halos lahat ng ka-edaran niya sa baryo nila ay mga nangagsipag-asawa na at karamihan nga ay may mga anak na. Sa totoo lang, wala nang maipipintas pa kay Ador. Bukod sa mabait at masipag ito ay nagmula pa sa maayos na pamilya. Maganda rin ang pangangatawan at tindig ng binata na lalong nagdala sa simpatikong hitsura nito. Malamlam ang medyo bilugang mata, makapal ang kilay, matangos ang ilong,  at may kakapalan ang pinaghalong kulay kape at pulang labi. Kayumanggi at Pinoy na Pinoy ang kulay ng balat nito kaya naman marami sa kadalagahan sa kanila ang may pagtatangi sa binata. Masuwerte nga siya kung tutuusin dahil siya ang niligawan nito kahit pa kakaiba ang hitsura niya sa mga taga roon. Sa tagal na rin ng pagsuyo nito sa kanya, kahit papaano ay nagkaroon na rin ito ng puwang sa puso niya. Balak na sana niya itong sagutin ngunit ipinasantabi na muna niya nang malaman niyang luluwas ito ng Maynila, na tumagal nang mahigit isang buwan. Hindi naglaon ay bumalik ulit ito sa lugar nila dahil hindi raw kasi para rito ang buhay-siyudad at wala itong naiisip kundi siya lamang. Nang bumalik ito noong nakaraang linggo ay mas naramdaman niya ang pagpupursige nito sa panliligaw sa kanya. Marahil ay iyon ang nagtulak sa kanya para sagutin na ang binata. Isipin pa lamang ang nakatakdang gagawin ay kinikilig na siya. Paano’y hindi pa niya nararanasang magka-nobyo sa edad na beinte sais.   KASALUKUYANG nagsusungka sina Amarantha at si Inang Chichay nang bumaba si Lola Agusta. “Kuu! ‘Kala ko, eh, ‘di ka na maghahapunan, eh!” salubong ni Inang Chichay sa noon ay papasok sa kusina na si Lola Agusta. “Nakaw! Ikaw nga, eh, laboy nang laboy, eh! ‘Wag kang makadaing-daing na masakit ‘yang tuhod mo, ha!” ganting pagtataray ni Lola Agusta saka inismiran ang kapatid na bumaling sa nilalarong sungka habang tatawa-tawa. “Kakain na po ba kayo, ‘la?” maagap na tanong niya habang tumitira si Inang Chichay. “Oo. Kunin mo mimiya ‘yong ginantsilyo ko sa ibabaw ng tokador at nang magamit mong palandong,” sagot nito. “Sige po,” sagot niya. “Teka po, inang at ipaghahain ko lang po ang lola,” paalam niya kay Inang Chichay. Kagyat siyang napatigil at lumingon dito bago ito pabirong pinandilatan at sinaway. “Inang, bawal po mandaya, ha!”  Umismid ito saka tinanggal ang kamay sa sungkaan. “Kuu! Pambihira ‘tong batang ‘to! At kailan naman ako nandaya, aber? Bilisan mo na’t nang matapos tayo rine,” anito saka sumimangot. Natatawang tuluyan siyang pumasok sa kusina. Tangkang magsasandok siya ng pidayus para ihain ay pinigilan siya ng Lola Agusta niya nang makita ang tuyong dilis na natira kaninang tanghalian nila. “Itong dilis na lang ang ihahapunan ko’t sayang naman. May kanin pa naman diyan, ‘di ba?” anito. Tumango siya at ipinaghain ang matanda saka naupo sa harap nito. Nanunukso niya itong tiningnan saka nagsalita, “‘La, gusto n’yo po, kadkaran ko kayo ng mangga para sawsawan n’yo? May dala kanina si Inang, eh, ‘yong kalabaw po, eh, medyo maniba-lang. Tiyak ayon po ‘yon sa dilis, ‘la!” “Aba, eh, hindi mo na ako kailangan pang tanungin, Mara!” Natawa ito sa tinuran niya dahil alam nitong paborito niya ang manggang sawsawan, kung dangan nga lang at naubusan sila ng burong mangga. Nagmamadali niyang kinuha ang kampet at tinalupan ang manggang kalabaw. Pagkuwa’y said sa buto itong kinayod. Kumuha rin siya ng bawang at siling-labuyo bago ginayat ang mga iyon saka inihalo sa mangga. Pagdaka’y tinimplahan niya ito ng kaunting asin, pamintang durog, at kaunting tubig saka hinalong maigi. Nananakam na idinampi niya ang hinliliit at tinikman ang ginawang sawsawan. “Dang sarap po, lola! Pihadong malilimutan n’yo po’ng pangalan n’yo!” naglalaway niyang palatak habang tila ba kinikilig. “Makakain nga po ulit. Natakam ako, eh!” Inilapag niya ang sawsawan sa harap ng matanda bago agad na kumuha ng kanin saka kumuha ng tabo at inilagay iyon sa gitna ng lamesa. Sabay pa sila ng abuela na magdawdaw ng kamay roon bago nagsimulang magkamay. “Marami bang nakain ang inang mo?” tanong nito sa pagitan ng mga subo. “Nakadalawang mangkok din po, eh. Kaigi’t tandang pala po ‘yong manok-Tagalog na ibinigay ni Ti Giyong, kaya’t mas malinamnam,” imporma niya rito. “Ah, teka, pumarine ba si Ador? Parang naulinigan ko’ng boses niya kanina, eh,” pag-iiba nito ng usapan. Tumango siya bago tumayo at kumuha ng baso saka nagsalin ng tubig mula sa tapayan. Pagkuwa’y ipinatong iyon sa tapat ng mga pinggan nila. “Opo, may dinala lang pong prutas,” aniya. “Nakaw, ikaw, eh, huwag magpapadala sa pagbibigay ng mga prutas at gulay ng lalaking iyan, ha. Ako, eh, hindi talaga boto r’yan!” pahayag nito na may kasama pang palatak. Imbis na sumagot ay nagpatuloy na lang siya sa pagkain. Nakakailang subo pa lang siya nang marinig ang pagtawag ng inang niya. Napamulagat siya at muntik pang mabulunan kaya’t napainom agad siya ng tubig. Nalimutan niya na ang paglalaro ng sungka nang dahil sa pananakam niya sa pagkain. “Aba, ineng, at kay tagal mo namang maghain dya’an! Parine na’t nang matapos na ito!” patuloy na sigaw nito mula sa sala. “Hala, nalimutan ko na!” Mabilis niyang inubos ang pagkain at nagdawdaw ng kamay sa tabo bago iniwanan ang Lola Agusta niya na iiling-iling at natatawa sa pandalas na takbo niya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD