Chapter 2

1991 Words
ISANG basket ng mais ang bitbit ko nang pumunta sa bahay ni Mr. Javier. Agad akong pinapasok ng mga gwardiya at isa sa kanila ang sumama sa akin papasok sa loob ng malaking bahay. Isang unipormadong katulong ang sumalubong sa akin at iginiya ako patungo sa dining room kung saan naroon ang amo nito at kumakain ng umagahan. “Senyor, may bisita po kayo.” Agad namang nag-angat ng ulo si Mr. Javier at nakita ako. “Gigi, ikaw pala? Come in! Take a seat! This is quite a surprise!” Puno ng excitement ang boses niya nang tumayo at salubungin ako. Hindi naman ako nagpakita ni katiting na ngiti. “Hindi po ako magtatagal, Mr. Javier. May pasok kasi ako sa trabaho at medyo late na nga po ako. Pinadala lang po sa akin ni Tita Donna ang mga ito,” sabay pakita ko sa basket na puno ng mais. Kinuha iyon sa akin ng katulong. Ngumiti at umiling ang matanda. “Napakamaalalahanin naman talaga ng aking magiging biyenan.” Hindi ko mapigilan ang paggulong ng mga mata. Si Mr. Javier ay isa lang sa mayayaman sa aming bayan na nagmamay-ari nang malaking taniman ng mais. Alam kong humahanap lang ng paraan ang madrasta ko para pagkitain kami ng matanda. “Aalis na po ako. Maiwan ko na kayo.” Tumalikod na ako pero, tinawag ako ng matanda. “Gigi, sandali lang naman. H’wag kang umalis. Hayaan mo muna ang trabaho mo. I can give you a more decent and high-paying job if you want. Samahan mo na lang akong kumain. You see? Ang daming nakahain at hindi ko mauubos lahat ng iyan.” Pinasadahan ko ng tingin ang mahabang hapag. “E, bakit kasi kayo nagpapaluto nang marami kung hindi n’yo pala kayang ubusin?” maanghang na tanong ko. Ngumiti ang matanda. “Ikaw naman, Gigi. Parang hindi mo alam. Nakakahiya naman kung iilang piraso ng tinapay at isang klase ng putahe ang ipapahain ko sa aking mesa. I am rich. And one of the advantages of being rich is having many options. Come on. Let’s eat.” Nakaismid na umiling ako. “Hindi na lang po. Hindi ako gutom at hindi ko rin kayang saluhan kayo sa pagkain. Aalis na po ako.” “Gigi! Masyado yatang matalas ang bibig mo?” salubong ang mga kilay na tanong ni Mr. Javier. “Inaalok lang kitang kumain pero, ang sagot mo ay pawang nakakainsulto!” Hindi ako natinag kahit tumaas nang bahagya ang boses ng matanda. “Mr. Javier, hindi mo kasi ako kilala. Ganito talaga ako magsalita at makipag-usap sa ibang tao. Sinasabi ko kung ano ang nasa isip ko at kapag hindi ko gusto sa isang tao, ipinapakita ko ‘yon sa kaniya. Aalis na po ako. Magandang araw sa inyo.” Dumirecho na ako sa trabaho pag-alis sa bahay ni Mr. Javier. Pasalamat na lang ako na kahit late na ako ng kalahating oras ay pinapasok pa rin ako. Sa isang patahian sa mismong bayan ng Sta. Magdalena ako nagtatrabaho bilang mover. Ang trabaho ko ay kumuha sa warehouse at stockroom ng mga tamang materyales at mag-issue ng mga ito sa mga mananahi upang kanilang gamitin sa daily operation. Pagdating ng tanghalian ay sumabay ako sa ilang mananahi at mover na dati ko nang nakakasama sa tuwing lunchbreak. Pagkatapos pumila para bumili ng kanin at ulam ay naupo na ako sa kanilang mesa. Naabutan kong pinag-uusapan nila ang tungkol sa welcome party sa Villa Isabelle. “Ang saya ng party! Bumaha ng pagkain! At higit sa lahat, ang gwapo ng apo ni Don Hernando!” “Sinong apo? ‘Yong abogado na nakabase sa Maynila na balitang narito raw para magbakasyon?” “'Yun nga! Iisa lang naman ang apo ni Don Hernando dahil hindi na nagkaanak si Ma'am Samantha. Si Attorney Matthew ang nag-iisang anak ng namayapang Ma’am Sofia.” Tahimik na lang akong kumain habang nakikinig sa mga usapan nila. Hindi talaga mapipigilang pag-usapan kapag ang isang tao ay mayaman at kilala sa lipunan. Bukod sa dalawa sa mga kasama ko sa mesa ay sa loob din ng lupain ng mga Ylustre naninirahan ang pamilya kaya alam nila ang kaganapan sa hacienda. “Sa pagkakaalam ko nag-asawa na si Attorney Matthew?” “Hindi raw natuloy. Matagal na sanang ikinasal pero, umurong daw si Attorney. Sabi nga ng nanay ko, baka taga-rito talaga sa atin ang tadhana ng apo ng mga Ylustre!” Pagkatapos kumain ay nauna na ako sa kanilang pumasok. Kinuha ko ang cellphone ko sa locker at tiningnan kung may nagtext. Pangalan pa lang ni Tita Donna ang nabasa ko pero, alam ko na kung tungkol saan ang mensahe niya. Hindi na ako nag-abalang basahin ang text ng aking madrasta at kinuha ko na lang ang aking grooming kit at pumasok sa comfort room. Alas kwatro ang uwian namin sa trabaho. Tricycle ang karaniwang sinasakyan kapag paroon at parito sa aming bayan. May apat na daang papasok sa Hacienda Isabelle. Ang unang pasukan ang siyang tinatawag na Main Gate dahil patungo iyon sa elganteng tahanan ng mga Ylustre, ang Villa Isabelle. At bawat entrance ay may mga nakatalagang gwardiya para matiyak ang security sa loob ng hacienda. Sa ikatlong gate o Gate 3 naman malapit ang aming bahay at doon ako nagpababa sa driver. Nagbayad ako ng pamasahe pagbaba. Pagpasok ng gate ay binati ko ang dalawang nakatalagang bantay at mula roon ay nilakad ko na ang daan pauwi sa amin. Pagdating sa bahay ay nakita ko roon ang tricycle ni Tatay. Nagtaka ako dahil karaniwan nang mas nauuna akong umuwi kaysa sa kaniya. Nagtuloy-tuloy na ako pagpasok matapos maghubad ng sapatos sa labas ng pinto. “Tay…” tawag ko habang papasok. Dumirecho ako sa kusina at natigilan nang makita kung sino ang kaharap at kausap ni Tatay sa aming mesa. Ang taong naririnig ko lang ang pangalan sa mga usapan ay naririto ngayon sa aming bahay at kasalukuyang umiinom ng kape. Bigla akong sinalakay ng kaba. “Gigi, andiyan ka na pala? May bisita tayo,” sabi ni Tatay sabay turo kay Senyorito Matthew. Makalipas ang mahigit pitong taon ay wala halos ipinagbago ang abogado. Maliban na lang sa tila mas lumapad ang mga balikat nito at may manipis na bigote at balbas na mas nagpapatapang ng kaniyang hitsura. Ito ‘yong tipong supladong tingnan dahil naaalala kong madamot pa sa ngiti. “Magandang hapon,” pormal na bati sa akin ng abogado. At mukhang gaya pa rin ito ng dati, mamahalin ang ngiti. Hindi pa rin ako nagsalita. Medyo gulat pa kasi ako dahil hindi ko inaasahan na makikita ko siya. Alam ko namang narito lang siya sa bayan namin pero, hindi ko naisip na maliligaw siya sa aming bahay. Ang lakas-lakas ng kabog ng puso ko at parang ipinaalala lang sa akin ng sandaling iyon kung gaano ko kagusto si Senyorito Matthew noong trese anyos pa lang ako. “Senyorito, siya ang anak ko sa aking unang asawa. Nakita mo na siya noon.” Tumango ang abogado at tumingin sa akin. “Of course, I remember. Maliit na bata ka pa lang noong huli akong nagpunta rito. Pero ngayon, dalagang-dalaga ka na. Nag-aaral ka pa ba?” Hindi man lang nabawasan ang kapormalan sa pagsasalita niya. Umiling lang ako at si Tatay ang tuwirang sumagot. “Hindi na namin pinag-aral ng kolehiyo, Senyorito. Magmamanugang na rin naman kami riyan ni Donata.” Nagusot ang noo ni Senyorito Matthew, nagtatakang tumingin muli sa akin. At bago pa ako mapagkamalang pipi ng aming bisita ay nagsalita na ako. “G-gusto n'yo pa ba ng kape, Senyorito? Ipaghahanda ko na rin kayo ng meryenda.” “Hindi na, salamat. Busog pa 'ko.” “Gigi, ikaw na ang bahala rito. Umalis ang tiya mo at bumisita sa mga kamag-anak sa bayan. Kasama niya si Jaypee. Magsaing ka na at magluto ng ulam para pagdating nila ay may makakain na,” bilin ni Tatay sa akin bago tumayo at tumingin sa bisita. “Senyorito, mabuti pa ay ihatid ko na kayo kay Pedring. Siguro naman ay tapos na niyang kumpunihin ang makina ng jeep n’yo.” “Sige, Mang Gardo.” Tumayo na rin si Senyorito Matthew at nakita kong muli ang height niya na isa sa mga hinangaan ko. Bihira kasi akong makakita ng ganoon katangkad na tao sa aming lugar kaya natangi talaga ang pagtingin ko noon sa abogado. Kasunod nila ako papunta sa pintuan. Bago tuluyang lumabas ay nilingon pa ako ni Senyorito Matthew. “Aalis na ‘ko.” Hindi ko malaman kung tatango ba o ngingiti ako dahil nagpaalam siya sa akin. “S-sige po, Senyorito. M-mag-ingat po kayo,” halos mautal na sagot ko bago niya ako talikuran. Natitigilang tumayo pa ako sa pintuan. Nakita kong sumakay ang abogado sa backride ng tricycle. Halos magmukhang duwende ang manipis na bulto ng Tatay ko sa malaking sukat ni Senyorito Matthew. Halata rin na hindi ito komportable dahil sa mababang bubong ng motorsiklo ay yukong-yuko ito. Hanggang sa makaalis sila ay nanatili pa rin akong nakatayo sa pintuan kung hindi ko lang naalala ang bilin sa akin ni Tatay. Dali-dali akong bumalik sa kusina upang makapagsaing. Nang gabing iyon ay nahirapan akong matulog. Pabalik-balik kasi sa isip ko ang mukha ni Senyorito Matthew. Ang gwapo-gwapo niya pa rin! Kaya siguro crush ko na siya noon ay dahil ibang-iba talaga siya. Lalaking-lalaking tingnan. Hindi ko lang siguro matukoy pa noon dahil bata pa nga ako. Hindi na halos nawala sa isip ko ang tungkol sa abogado. Hanggang sa pagpasok sa trabaho ay naaalala kong nagpunta siya sa amin. Sa pagkakaintindi ko ay nagpagawa ito ng sasakyan sa kapitbahay naming mekaniko. Baka napadaan nga lang kaya naabutan ko sa bahay. Paano kaya kung pag-uwi ko ay naroon ulit siya? “Dito na lang po ako, Manong,” sabi ko sa tricycle driver nang malapit na kami sa Gate 3 ng Hacienda Isabelle. Huminto kami at pagbaba ay saka ko hinugot ang wallet ko para kumuha ng pambayad. Hindi ko iyon nakapa sa mga bulsa ng aking pantalon kaya binuksan ko na ang bag ko at hinanap ang wallet. Lumipas ang ilang mga segundo pero, hindi ko pa rin matagpuan ang lalagyan ko ng pera. “Manang, pakibilisan,” ang sabi sa akin ng naiinip na tricycle driver. Medyo nataranta ako sa paghalughog ng aking bag pero, hindi ko talaga makita ang aking pitaka. Wala pa man din ako kahit barya sa bulsa dahil kahit ang pisong sukli ko kanina sa canteen ay ipinasok ko sa aking wallet. Pinagpapawisan na ako sa hiya at kaba. “M-Manong… hindi ko kasi makita ang wallet ko. Sandali lang, ha!” Tumalikod ako at kumaway sa gwardiya sa gate. Pinagbuksan ako ng bantay at pagpasok ko ay agad akong nagsabi rito. “Sir, pwede ba akong manghiram ng sampung piso? Nawawala po kasi ang wallet ko at wala akong maibayad sa driver. Ibabalik ko na lang sa’yo bukas ng umaga pagdaan ko rito.” “Gigi?” Natigilan ako nang marinig ang baritonong boses na iyon. Paglingon ko sa guard house ay nakita kong nakatayo sa labas si Senyorito Matthew at katabi niya ang isa pang bantay ng gate. Nakasuot siya ng puting kamiseta, pantalong maong at topsider at sa mga mata niya ay asul na sunglasses. Kitang-kita ko ang bahagyang pamumula ng mga pisngi niya na marahil ay bunga nang madalas na pagbibilad sa araw. Dahil natulala na lang ako sa pagkakatayo ay hindi ko na namalayan ang paglapit ng abogado. Nakita kong nilingon niya ang labas ng gate kung saan ang tricyce na sinakyan ko. “Is there a problem?” tanong niya na pumukaw nang bahagya sa pagkatulala ko. Awang ang mga labing tiningnan ko ang naghihintay na driver bago bumaling sa abogado. “E-e… w-wala po kasi akong pambayad ng pamasahe... Senyorito.” Tumango si Senyorito Matthew. “All right. Ako na ang magbabayad ng pamasahe mo.”
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD