MATAPOS kong padalhan ng message sina Sky at Reign, huli kong sinabihan si Pip. Pinapunta ko rin sa kanya sina Huck, Ish at Caleb. Gusto ko rin sanang imbitahin si Wendy pero wala pa akong number niya. Napapansin ko rin na palagi siyang nakadistansya sa amin kaya hindi ko siya magawang kausapin palagi.
Nang makapag-ayos ako ay niyaya ko si Pip na samahan akong mamili ng kakainin namin at iinumin mamayang gabi.
Ilang sandali lang ay nariyan na siya sakay ng kanyang motor.
"Okay lang ba sa mommy mo na uminom tayo ng alak?" tanong niya nang makarating kami sa convenient store at dumeretso sa liquors.
Pinakita ko agad sa kanya ang alak. "Light lang to. Saka sasamahan natin ng juice para hindi tayo malasing. Bakit hindi ka ba iinom?"
"Iinom siyempre, pero ikaw ang ayaw kong uminom." aniya at napangiti naman ako.
"Edi bantayan mo nalang ako para di ako malasing."
Sunod naming binili ang mga pulutang tsetserya. Kaunti lang ang kinuha ko dahil may mga lulutuin din si mommy.
Nang makauwi kami ay agad ding umalis si Pip dahil may trabaho pa siya. Ang sabi niya ay makakarating siya before mag-7pm kasama ang mga barkada niya.
Dahil wala naman akong ginagawa, pinuntahan ko sina mommy sa kusina na abala nang nagluluto ng handa ko mamaya.
"Oh here you are." salubong ni mommy saka ako inakay palapit sa babaeng ngayon ko lang nakita. "Anak, this is your tita Sheryll, the one I mentioned to you earlier. Sheryll, she's Summer, you already saw her nung baby pa siya. "
"Talaga?" gulat na sabi ng babae at lumapit sakin ng nakangiti. "Dalaga na pala ang anak niyo ni Charles, Sarina." agad nitong kinuha ang kamay ko. "Hi, ija. Kumusta ka naman."
Napatingin ako sa kanya. Alam niya kaya kung nasan ang Daddy ko?
"Mabuti naman po." itatanong ko sana kung alam niya ang kinaroroonan ni Daddy pero baka hindi magustuhan ni Mommy at magalit siya sakin dahil nakapag-usap na kami tungkol doon.
"May gusto ka ba anak?" tanong ni mommy. Marahil nagtataka kung bakit ako bumaba.
"Gusto ko po sanang tumulong sa inyo, kung okay lang."
"Pero birthday mo anak, hayaan mo nang kami ang magprepare para sa birthday mo."
"Wala po kasi akong magawa sa taas."
"O sige na nga kung yan ang gusto mo. Ipaghiwa mo na lang kami ng mga sangkap, ayun sa mesa."
Tumango naman ako at pumunta sa mesa para magbalat ng sibuyas, bawang at ilang mga gulay.
"Ang ganda ng anak mo, Sarina. Bagay maging modelo." narinig kong bulong ni tita Sheryll kay mommy. Hindi naman ako nagpahalatang nakikinig ako sa kanila.
"Syempre, mana sakin." natatawang sagot naman ni mommy.
"Oo pero mas kamukha naman niya ang daddy niya di ba?"
"O-oo nga." nasagot nalang ni Mommy. Mukhang madaldal ang kaibigan niyang ito. Baka makakakuha ako sa kanya ng impormasyon tungkol kay Daddy nang hindi siya tinatanong. Hihintayin ko nalang siyang madulas na sabihin iyon.
"Tanda ko pa noon, sa sobrang guwapo ni Charles, andaming may inggit sayo."
Pati ang buntong-hininga ni mommy ay rinig ko. Palibhasa ay nasa likuran ko lang sila habang inaasikaso ang niluluto nilang potahe. "Marami ring kaagaw."
Natigilan ako sa sinabi ni mommy. Natawa sila matapos niyon habang ako ay malalim ang iniisip tungkol don.
"Di mo rin masisi, campus crush ba naman ang asawa mo noon." natatawa pang dagdag ni tita Sheryll. "At least ikaw ang pinili di ba?"
"Nung una oo, pero---Teka, bakit ba natin pinag-uusapan iyan. Matagal nang panahon iyon. Baka marinig pa tayo ng anak ko." bulong na saway ni Mommy kay tita. Siguradong nilingon nila ako matapos niyon kaya nagpanggap akong busy sa ginagawa.
Iniba nila ang usapan kaya wala na kong nakuhang impormasyon tungkol kay daddy. Pero isa lang ang sigurado ako ngayon, alam ni tita Sheryll kung anong nangyari sa pamilya namin.
"Oh siya kailangan ko nang umalis." paalam ni tita Sheryll nang sumapit ang hapon at natapos sila sa pagluluto. "Naghihintay pa ang mga anak ko sa bahay."
"Thank you talaga ng marami sayo, Sheryll. Babawi ako sayo next time." sabi naman ni mommy habang sinasamahan ito palabas.
"Sus, wala yon. Na-miss din naman kita at matagal na nung huli nating pagkikita. Thank you dito sa mga food, magugustuhan to ng mga anak ko." anito saka bumaling sakin na nasa likuran lang nila. "Happy birthday ulit sayo, Summer, ija. Just enjoy your youth. Ikaw na bahala sa mommy mo ha."
Ngumiti naman ako. "Thank you po, tita."
Maya maya ay nakaalis na siya. Nang makita kong babalik na sa kusina si mommy para maglinis doon ay agad ko siyang pinigilan.
"Mommy, ako na po ang bahala sa kusina. Magpahinga na po kayo."
"H-hindi okay lang anak, kaya ko naman---"
"Ako na po, mommy. Masama sa pagbubuntis niyo ang mapagod." pigil ko sa pamimilit niya.
Tila hindi naman niya inaasahan ang sinabi ko kaya naman napapangiti siya matapos saglit na matigilan.
"S-sige na nga. Okay lang ba talaga sayo?" paniniguro pa niya. Tumango ako kaya napabuntong hininga siya. "Thank you anak."
Akma na siyang aalis nang yakapin ko siya na hustong ikinabigla niya.
"T-thank you, mommy." sinserong sabi ko saka napabuntong hininga. "Thank you sa paghahanda sa birthday ko."
"Welcome, anak." aniya at hinaplos ang likod ko.
Nang nakaakyat na siya sa kwarto niya ay agad kong tinungo ang kusina at nilinis ang kalat doon.
Pagkatapos ay pumunta ako sa garden. Nilinis at inayos ko ang magiging pwesto namin nina Pip doon. May lamesa doon at upuan. May mga monoblocks naman sa bodega kung magkulang sa upuan. may silong din ang pwestong iyon at ilaw kaya pwede kaming manatili doon kahit magdamag. Hindi rin malamok doon dahil palaging inaasikaso ni mommy.
Nang matapos iyon ay papadilim na kaya naman nagpahinga muna ako ng konti sa kwarto ko. Saka naligo para maghanda para mamaya.
6:55pm dumating si Pip. Dala niya si Ish sakay ng motor niya.
"P*ta, wag mong sabihing ako pa maghahatid sayo pabalik ah." singhal ni Pip kay Ish.
"Natural! Alangan namang pabayaan mo kong maglakad mag-isa." sagot naman ni Ish.
"May motor ang kuya mo di ba? Ba't di ka humiram?"
"Alam mo namang madamot yun!" nakasimangot na ani Ish.
Maya maya ay dumating sina Caleb at Sky. Huling dumating sina Huck at Reign na inasar ng nina Ish dahil magkasama ang mga ito sakay ang kotse ni Huck.
"Oh saan tayo, Sum?" tanong ni Sky.
"Doon tayo sa garden. Tara dito."
Nauna akong maglakad papunta sa garden. Naandoon na ang mga drinks at snacks.
"Aba, lalasingin tayo ni Summer!" natatawang sabi ni Ish.
"Guys, I can't drink." mahinang sabi ni Reign. "Pagagalitan ako ng daddy ko."
"Okay lang, Reign. Ano ka ba. Kaya nga may juice at iced tea akong pre-ni-pare para sa mga hindi iinom. Ikaw, Sky, iinom ka ba."
"Konti lang, para hindi mahalata ni mommy haha." ani Sky.
"Okay lang kahit hindi na makalakad sa sobrang kalasingan yan, Summer." sabat ni Caleb. "Kasama naman niya ako. Ako maghahatid diyan."
"Tse! Hindi ako magpapaalalay sayo. Baka nga ikaw pa ihatid ko pauwi eh." asik ni Sky dito.
Nang pumwesto na kami sa kanya kanya naming upuan ay dumating si mommy dala ang isang tray na may mga potahe at spaghetti. Agad na tumayo si Pip para kunin dito ang mga dala ni mommy.
"Are you guys doing well?" bati nito.
"We're good po, tita. Thank you po sa mga pagkain."
"Alright. Pakabusog kayo ha." aniya pa saka bumulong kay Pip.
Sumama si Pip kay mommy papasok ng bahay habang ako naman ay nagtataka kung anong sinabi ni Mommy sa kanya.
Maya maya ay dumating sila. Nagulat ako nang may hawak na cake si Pip. At yung favorite strawberry flavor pa ang binili ni mommy kaya napangiti ako dahil hindi niya nakakalimutan iyon.
"Happy birthday to you." pinangunahan ni mommy ang pagkanta sa harap ko at sinabayan naman iyon nina Pip.
Namuo bigla ang mga luha sa mga mata ko habang pinakikinggan silang kinakantahan ako.
"Happy birthday, happy birthday. Happy birthday to you..."
"Happy birthday, Summer!!!" sabay sabay na bati nila.
"Magwish ka muna anak." sabi ni mommy.
Pumikit naman ako at humiling na sana makita ko si Daddy, soon.
"What's happening here??!"
Natigilan ako nang marinig ang boses na iyon. Unti-unting nawala ang ngiti sa labi ko at tumingin sa kinaroroonan niya. Maging si mommy ay nagulat dahil maaga siyang umuwi ngayon, samantalang noon ay minsan ay halos doon na siya nakakatulog sa bahay ng mga kaibigan niya kapag may inuman.
Dumating ang epal sa buhay ko. Si Rico.