Kabanata 2

1075 Words
Nakatitig lang ako sa walang buhay na katawan ni Inay. Nakahiga siya sa lumang papag namin na may saping banig. Nakabalot din siya ng puting kumot. Si Aling Liz ang gumawa ng paraan para matulungan niya akong maipalibing sa Inay. Kaagad siyang lumapit sa barangay. Pinapagawaan ng plywood na kabaong si Inay. Masakit man sa akin pero kailangan niyang mailibing kaagad dahil wala kaming pera para patagalin ang kanyang katawan at paglamayan. Yun lang daw kasi ang kayang itulong nila sa akin. Kasama na rin doon ang kapirasong lupa na kanyang paglilibingan sa sementeryo. Hinayaan ko na lamang si Aling Liz dahil alam kong wala naman akong magagawa. Wala kaming pera ang natitira ko lang na pera sa bulsa ay ang kinita ko kaninang umaga sa paglalako ng gulay. Hangang ngayon ay hindi ko pa rin magawang kumain. Ayaw kong iwan si Inay. Dahil alam kong hindi ko na siya matagal na makakasama. Babantayan ko siya habang nandidito pa siya at hindi pa naililibing. May mga nagdadatingan na ring mga tao pero mas marami sa kanila ang nakikitingin lang sa pagsasa-ayos ng magiging ataul ni Nanay. May mga pumapasok dito at nakikiramay sa akin pero iilan lamang sila. May nag-aabot din sa maliit na lagayan pero hindi ko na yun pinapansin. Tuluyan na akong iniwan ni Inay. Kanina lamang ay masaya pa akong nagpaalam sa kanya bago ako umalis ng bahay. Hindi ko inakala na huling beses ko na palang masisilayan ang mga ngiti niya. Kung alam ko lamang na mangyayari ito hindi ko sana siya iniwan. Mas nakasama ko pa sana siya ng matagal. Kaysa naman ganito uuwi ako na wala na siyang buhay na aking dadatnan. Paano na ako? Paano na ako Inay? Paano ako magiging malakas kung ikaw na nagbibigay sa akin noon ay wala na? Ano na ang aking gagawin? Natatakot ako Inay, natatakot ako dahil baka hindi ko kayanin na maging malakas. Natatakot ako na baka sumuko na lang din akong mabuhay at sumunod sa inyo. Hindi ko alam kung paano ako mag-uumpisang muli. Hindi ko alam kung saan ako kakapit. Muling nabasa ang aking pisngi ng masaganang luha. “Emerald, magpahinga ka muna o kumain. Sigurado akong pagod ka na.” Nag-aalalang tanong ni Aling Liz. Sunod-sunod akong umiling sa kanya. Sa sobrang sakit na nararamdaman ko ni hindi na makaramdam ng gutom ang tiyan ko. Pakiramdam ko ay wala ng sasakit pa sa lahat ng nararamdaman ko ngayon. Pinahid ko ang aking luha at humarap sa kanya. “Aling Liz, ano na po ang mangyayari sa akin?” “Hindi ko din alam, Kung pwede lang kitang kupkupin para matahimik si Mila kung saan man siya naroroon ay gagawin ko. Naaawa din ako sayo kaya lang baka hindi pumayag si Nardo.” Wika niya sa akin. Napayuko akong muli at pinipigilan ang muling pagluha. Naalala kong malapit na pala ang kaarawan ko at tatlong araw na lang yun mula ngayon. Tapos ngayon pa siya nawala. Ngayon pa niya ako iniwan. Hindi ko man lang nasabi sa kanya ng maraming beses kung gaano ko siya kamahal. Napakabuti niyang Ina. Kahit salat kami sa pagkain sa araw-araw ay hindi niya ipinaramdam sa akin na nahihirapan siya. Palagi niyang sinasabi na magpasalamat sa lahat ng biyaya maliit man ito o malaki. Kaya kahit na hirap kami sa buhay ay natutunan kong magpasalamat sa araw-araw. Makalipas ang ilang oras ay natapos na rin ang simpleng kabaong ni Inay. Kaagad siyang pinagtulungan na buhatin ng iba pang taga barangay at inilagay sa loob ng kabaong. Halos isang oras din siyang nakalagay sa labas ng bahay dahil inaayos pa daw ang paglilibingan ni Inay. Tumabi sa akin si Aling Liz habang nakatunghay ako sa harapan ni Inay at pinagmamasdan siya sa loob ng kabaong. Alam kong masakit din sa kanya ang nangyari kay Inay at nararamdaman ko na gusto niya din akong tulungan kaya lamang ay mahirap talaga ang buhay at isa pa marami din siyang anak. Ayoko naman na maging pabigat sa kanila lalo pa at malaki na rin ako. Kaya ko ng maghanap buhay magtigda ng gulay sa kalsada upang mabuhay. Pero ang maibsan ang lungkot na aking nararamdaman hindi ko alam kung hangang kelan ko kakayanin ang lahat.  “Emerald, alam ko nauunawaan mo na ang mga nangyayari. Alam ko, alam mo nang wala na ang Inay mo. Mag-isa ka na lamang sa buhay. At hindi ko akalain na darating ang oras na ito. Bago mawala ang Inay mo ay inihabilin ka niya sa akin. Sabi niya ihatid daw kita sa Tatay mo. Siguradong matutulungan ka niya Emerald.” Wika niya na ikinakunot ng noo ko. “Sa Tatay ko po? Paano? Hindi ko po siya kilala. Kahit nga larawan hindi ko po nakikita.” Sagot ko sa kanya. May ini-abot siyang kapirasong larawan sa akin. Medyo luma na ito at kalahati lamang. May sulat sa likuran. At dahil grade four lang ang natapos ko ay hindi ko maintindihan ang dikit-dikit na sulat. “Address ng tinitirhan ng Tatay mo ngayon.” Ibig sabihin alam na ni Inay na darating ang oras na ito kaya nasabi na agad niya kay Aling Liz ang dapat gawin? “Inay….” Sambit ko napayuko ako habang nakahawak sa kanyang ataul. Paano niya nasasabing ibabalik niya ako sa aking Tatay gayong hindi ko naman ito kilala ng personal? Makalipas ang ilang sandali ay lulan na kami ng sasakyan ng barangay patungo sa sementeryo kung saan ililibing si Nanay. Habang nasa daan ay walang tigil ang pagpunas ng aking luha at pati na rin ang aking paghikbi dahil na rin sa ilang sandali ay hindi ko na siya makikita at makakasamang muli. Bukod doon ay aalis na rin kami ni Aling Liz upang puntahan ang address ni Tatay. Hindi ko alam kung ano ang magiging buhay ko at kung tatangapin ako ni Tatay pero ang totoo ay galit pa rin ako sa kanya dahil iniwan niya kami ni Inay. Pero sa isang banda ay gusto ko ding makilala siya at malaman kung bakit niya kami iniwan. Pagkarating namin sa sementeryo. Nagdasal lang ng maiksi ang pari at nagsaboy ng holy water bago ipasok si Inay. Patuloy lang ako sa pagtangis habang unti-unting nawawala na sa aking paningin ang kanyang kabaong dahil tinatakpan na nila ito ng lapida. Tuluyan na akong napagod at bumigay ang aking tuhod. Naramdaman ko ang labis na panghihina kasabay ng pagdilim ng aking paningin at ang tuluyan kong pagbagsak sa aking kinatatayuan. 
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD