“Oh, ito ang premyo mo.”
Kinuha ko mula sa palad ni coach Kiko ang isang limang daang piso at tatlong isang daang piso. Napangiwi ako. Lalo tuloy kumirot ang sugat sa pumutok na labi ko. Katatapos lang ng laban ko at nasa labas na kami ng gym kung saan nangyari ang laban. Napanalo ko naman iyon, pero marami akong sugat na nakuha. Nakapikit na nga ang kaliwa kong mata. Mas malaki kasi sa akin ang nakalaban ko na taga kabilang barangay. Malaki ang katawan niya pero mas mabilis ako kaya napatumba ko siya.
“Akala ko po limang libo ang premyo, coach?” nagtatakang tanong ko habang tinitingnan ang pera.
Humithit ng sigarilyo si coach Kiko. “Kinaltas ko na kasi yung mga inutang mo no’ng nakaraan. Kailangan ko na rin kasi ng pera, Gelo. Sana na iintindihan mo?”
Sandali akong natigilan sa sinabi niya. Pagkatapos ay bumuntonghininga ako. Oo nga pala, ang dami ko ng utang kay coach. Noong nakaraan kasi ay gustong magpabili ng laruan ni Jay-jay. Pag-iipunan ko muna sana kasi magda-dalawang linggo na akong walang laban. Kaso nagalit si Sofia kaya wala akong nagawa kundi ang mangutang kay coach. Idagdaga pa ang iba kong utang sa kanila.
“Sige po, coach. Salamat po rito,” sabi ko. “Aalis na po ako.” Tumalikod na ako sa kanya. Napailing ako, siguradong magagalit na naman si Sofia dahil wala sa isang libo ang nakuha ko.
“Teka.” Napatigil ako sa paglalakad noong hawakan ni coach ang balikat ko. “Sumama ka muna sa amin para magamot ‘yang sugat mo.”
Muli akong tumingin sa kanya. “Ho? Hindi na ho, coach. Hilamos lang po ito.”
“Ay nako. H’wag nang makulit. Halika na.” Inakbayan na ako ni coach.
Napakamot na lang ako sa ulo at nagpahila sa kanya. Kinse anyos pa lang ako ay hawak na ako ni coach Kiko. Nakita niya akong nanonood lang noon sa isang pa-contest sa barangay noong may pista sa amin. Tinanong niya ako kung gusto ko raw maglaro dahil likas na matangkad ako at may kalakihan ang katawan. Bagay na bagay raw na maging boksingero. Noong una ay nag-alangan ako dahil wala pa akong ideya sa pagbo-boxing, pero kalaunan ay napapayag din ako ni Coach. Sabi niya kasi ay kikita raw ako rito. Kaso madalas ay hindi sumasapat sa aming mag-anak.
Dise-nwebe anyos pa lang ako ay nobya ko na si Sofia. Bente dos siya at ako naman ay bente kwatro noong mabuntis ko siya. Hindi naging madali sa amin ang pagpapamilya dahil high school lang ang tinapos ko. Tapos pagsasaka lang at boxing lang ang alam kong hanap-buhay. May maliit na lupa kasi ang tita ko at palagi akong kinukuha sa tuwing kailangan mag-ani ng mga palay.
Mag-aapat na taon na ang anak naming lalake at papasok na sa eskwela. Gusto ni Sofia na maaga itong pumasok. Nakakatuwa naman dahil asikasong-asikaso niya ang anak namin. Kaya naman ginagawa ko sa abot ng aking makakaya na kumita para sa pangkain namin. Kahit na palagi na lang siya nagagalit sa akin. Naiintindihan ko naman siya kasi kulang ang pera na nauuwe ko sa kanya. Kaya nga hindi ko pinapansin ang sinsabi ng ibang tao na labanan ko si Sofia. Mahal ko si Sofia. Ayaw kong makita ni Jay-jay na sinsaktan ko ang nanay niya.
Hindi ako gagaya sa tatay ko.
Dito sa purok sais sa barangay namin, ang bahay ni Coach Kiko ang pinaka malaki. Kami ay taga-purok dos pa, tabi ng dagat. Madalas na iinggit ako sa bahat nila Coach. May kalakihan kasi iyon at maganda ang ayos sa loob. Tapos iyong sahig nga ay pwede ka nang magsalamin sa kintab. May gate pa ang bahay nila na bakal. Malalaki na kasi ang anak ni Coach Kiko, lahat sila ay abroad na kaya maganda ang bahay nila.
Nasa singkwenta anyos na ang edad ni coach. Magkasingtangkad lang din kami kahit mas matanda siya sa akin. Manipis na rin ang buhok niya at kita na ang anit. Halata pa rin sa braso nito ang matigas nitong mga laman at maganda pa rin ang hulma ng pangangatawan. Sabi niya noon sa akin at dati rin siyang boksingero. Kasabayan niya raw si Macpan na sikat na sikat ngayong boksingero. Kaso nabuntis niya raw ang asawa niyang si Aling Lita kaya mas pinili niyang magtrabaho na lang. Kita
Hindi ko naman kinuwestiyon ang kaalaman niya dahil marami akong natutunan sa kanya. Utang na loob ko ngayon na marami na akong alam.
Kami? Nakatira kami sa kubo ni Sofia. Binigay sa amin ng pamilya niya noong mabuntis siya. Sabi ko sana sa bahay muna kami pero ayaw naman niya. Mas pinili niya sa kubo kaso katagalan ay nagagalit na naman siya dahil maliit daw ang bahay namin.
Minsan ay hindi ko maintindihan si Sofia. Hindi naman kasi siya ganito noon.
“Upo ka riyan.” Tinuro ni Coach Kiko ang pahabang kahoy na upuan sa may bakuran nila. Umupo ako roon at nahihiyang hinintay siya.
Madalas akong pumunta rito. Minsan kasi ume-extra rin ako sa paglilinis sa baboyan nila coach Kiko. Meron silang tatlong malalaking baboy. Ako ang inuutusan nilang magpakain doon at binibigyan lang nila ako ng dalawang daan.
Mabuti nga at mabait si coach. Yung kita ko lang sa boxing ang binabawasan niya.
Ilang segundo lang ay bumalik na si coach sa labas. May dala na siyang maliit na plastic storage box. Medical kit nila iyon na halos ako na ata ang umubos ng betadine at alcohol dahil siya na rin ang naging nurse ko. May bitbit din siyang plastic na upuan at pumwesto siya sa harapan ko. Tiningnan niya ako sa mukha at umiling-iling.
“Mabuti na lang talaga at nanalo ka,” aniya. Nilapag niya ang maliit na box sa tabi ko at binuksan iyon. Saka inumpisahan nang linisan ang mga sugat ko.
“Hindi naman siya marunong eh,” tugon ko. Napangiwi ako noong maramdaman ko ang hapdi ng alcohol na pinapahid niya sa may sugat ko sa pisngi.
Hindi na ulit nagsalita si coach hanggang sa matapos niya akong linisan. Nilagyan niya ng bandaid ang sugat ko sa gilid ng kilay ko at binigyan niya ako ng ice bag para ilagay naman sa may pisngi ko. Pagkatapos ay tumabi siya sa akin at nagsindi ng sigarilyo.
“Paano ‘yan? Eight hundred lang pera mo?” tanong niya.
Sandali ko siyang tiningnan. Pagkatapos ay muli akong tumingin sa harapan namin. Sementado ang kalahati ng gate nila at ang kalahati ay bakal na nakahilera. May mga siwang iyon kaya kita namin ang nasa labas. Berde ang kulay ng pintura ng gate nila. Isa sa simleng bagay na hinihiling kong mayroon din kami.
“Sakto na naman po ito pambili ng bigas at ulam.”
“Hindi ka ba aawayin ni Sofia?”
Nangiwi ako ulit. Hindi siya pabor na naging kami ni Sofia. Mas nagalit pa siya kaysa kay nanay noong mabuntis ko si Sofia. Ilang beses niyang tinanong ito kung ako ba raw talaga ang tatay.
“Eh… lalambingin ko na lang po,” pabirong sabi ko.
Pumalatak siya. “Alam mo, Gelo. Gwapo ka naman. Bakit ka pa ba nagtatyaga sa asawa mong hindi mo naman sigurado kung sa ‘yo ba ang anak?”
Napabuntonghininga ako noong marinig ko iyon. Tumayo na ako. “Salamat po, coach. Uwe na po ako,” paalam ko sa kanya.
Ayaw ko kasi talaga na pinag-uusapan ang tungkol kay Jay-jay. Marami ang nagsasabi na hindi ko raw anak si Jay-jay dahil hindi ko kamukha. Ano ba ang alam nila? Kailangan bang makukha ko para masabing anak ko siya? Eh kamukhang-kamukha niya si Sofia eh. Anak ko si Jay-jay kahit na ano pa ang sabihin nila.
“Teka! Aalis ka na agad?”
Tumango lang ako sa kanya at hindi na lumingon. Binuksan ko ang gate at lumabas na ako.
“May ulam dito! Magdala ka!” sigaw niya pa.
Napatigil ako sa paglalakad at muling lumingon sa kanya. Nakita ko agad na ngumisi siya. Alam niya kasi na hindi ko tatanggihan ang pagkain. Kinampayan niya ako.
“Bumalik ka rito! Ang bilis mo naman talaga magtampo.”
Napailing na lang ako at bumalik sa loob. Tumayo na rin si coach at muling pumasok sa loob ng bahay nila. Halos araw-araw rin siya kung magbigay sa akin ng ulam nila. Hindi iyon tira dahil madalas ay mainit pa. Lumabas siya na may dala nang tupper na nakalagay sa isang supot.
“Oh, kanina pa sana ‘yo eh. Nakalimutan ko lang dalhin.” Inabot niya sa akin iyon.
“Salamat po.”
“Sus!” Hinawakan niya ang ulo ko at bahagyang ginulo-gulo ang buhok ko. Nagulat ako noong inabot niya sa akin ang ibang pera na kinuha niya sa akin kanina. “Oh, h’wag mong ibigay kay Sofia, ha? Baka kung ano lang bilhin no’n.”
Nagtatakang tiningnan ko siya. “Akala ko po ba bayad ito-”
“Umalis ka na, Gelo. Ikamusta mo na lang ako kay Jay-jay,” pigil niya sa akin. Bahagya niya akong tinulak palabas ng gate. “Puntahan na lang kita kapag may laban ulit.”
Napangito ako at naglakad na palabas. Kahit na madalas niya akong pagalitan tungkol kay Sofia ay tinutulungan niya pa rin kami. Sa totoo lang, mas naging tatay ko pa siya kaysa sa totoo kong tatay. Muli akong nagpaalam kay coach Kiko at masayang umuwe sa amin.