“Five thousand? Saan naman ‘to mapupunta, Gelo? Eh kulang pa ‘yan para sa isang linggo natin!” reklamo agad ni Sofia noon iniabot ko sa kanya ang limang libo na kinita ko sa pagbo-boxing.
Nahihiyang tiningnan ko lang siya. “Eh ‘yan lang kasi ang premyo namin, Sofia. Buti nga binigay ng buo ni coach. Kakaltasan nga sana niya kasi ang dami na nating utang sa kanila.”
“Pisti! Ang dami mong dahilan! Bakit ba kasi ikaw pa ang na asawa ko?!” inis na sabi niya at nagmartsa palabas ng maliit naming bahay.
Napabuntonghininga ako at nanlalambot na napaupo sa maliit naming papag. Wala rin sa bahay si Jay-jay, mukhang nasa lola niya na naman. Araw-araw ay ganito kami. Sanay na naman ako kay Sofia. Kahit na madalas ay nasasaktan ako sa mga sinasabi niya ay hindi ko inisip na iwanan siya. Naiintindihan ko naman kung bakit siya gano’n. Nag-aaral kasi siya noong mabuntis ko siya.
Mataas ang pangarap niya. Pangarap na kahit ilang palarong bayan sa mga pista ang maipanalo ko ay hindi ko maibibigay.
Hinintay ko pa ng ilang minuto si Sofia pero hindi na siya bumalik. Hapon na halos pero wala pa rin sila. Mukhang doon na naman sila matutulog sa nanay niya. Maliligo na lang muna ako bago ako pumunta roon.
Pagkatapos ko maglinis sa sarili ay naglakad na ako papunta kila nanay Sula- ang nanay ni Sofia. Nakatira sila sa gitna ng barangay sa purok singko kaya may kalayuan sa amin dahil sa may pantalan kami.
“Gelo! Mukhang napalaban ka na naman ah!”
Napatingin ako sa may court at tumigil sa paglalakad noong may tumawag sa akin. Si Moises. Kababata ko siya at naging matalik na kaibigan na rin. Bola siyang pinapatalbog sa kanang kamay niya habang nakatingin sa akin.
“Oo. Kanina pa.” Tumingin ako sa court. Medyo madilim na ang court pero may mga naglalaro pa rin. Wala pa kasing ilaw roon at open area lang iyon.
Lumapit si Moises sa may harang at hinawakan na lamang ang bola. “Papunta ka ba kila Manang?” tanong niya. Pinsan kasi ni Moises si Sofia at Manag ang tawag niya kay nanay Sula.
Tumango ako. “Oo eh. Hindi ko pa nakikita si Jay-jay.”
“Ha? Akala ko ba naghiwalay na kayo?”
Nanlaki ang mga mata ko dahil sa sinabi niya. “Hiwalay? Hindi ah!” tanggi ko agad. Nangunot ang noo ni Moises. Binato na niya ang bola sa mga kasama niya dahil tinatawag na siya. Sumampa siya sa harang at bumaba sa harapan ko.
“Oo. Kanina pang umaga sila Sofia riyan. May dalang bag at umiiyak. Hiwalay na raw kayong dalawa ni Sofia dahil sinasaktan mo siya. Alam mo, h’wag ka na tumuloy dahil galit na galit sa ‘yo si Manang.”
“Ano?! Ni minsan hindi ko sinaktan si Sofia!” aniko.
“Hoy, teka! Saan ka pupunta?!”
Hindi na ako nagpapigil kay Moises. Dali-dali akong nagpunta sa bahay nila nanay Sula at kumatok sa bakal na gate nila. Kahit papaano kasi ay may kaya sila Sofia. Kaya napakaswerte ko na ako ang napangasawa niya.
“Sofia! ‘Nay! Jay-jay!” tawag ko agad noong nasa may labas na nila ako. Sinubukan kong buksan ang gate pero hindi ko mabuksan. Mukhang naka-lock sa loob.
“Gelo! Sabi ko h’wag ka na pumun-”
“Gelo! Hayop ka!”
Parehas kaming napaatras ni Moises noong marinig namin ang malakas na sigaw ni Nanay Sula mula sa loob ng bahay nila. Hinawakan ako ni Moises sa braso at sinubukang hatakin.
“Sabi ko na sa ‘yo h’wag na tayo pumunta rito eh,” pabulong at halatang kabado na sabi ni Moises. Sa lahat kasi ng mga kamag-anak nila Sofia ay ang nanay nito ang pinaka nakakatakot. Bukod sa mabunganga ito ay hindi rin ito nagdadalawang-isip na manakit. Kinakabahan din ako pero kailangan kong makita ang anak ko. Kailangan kong linawin sa kanila na ni minsan ay hndi ko pinagbuhatan ng kamay ni Sofia. Boksingero ako. Kailangan namin nang matinding disiplina.
Maya-maya lang ay bumukas na ang gate. Lumabas roon si nanay Sula na salubong ang kilay at matatalas ang mga tingin sa akin. Nakapamaywang pa siya. Bakas na sa mukha nito ang katandaan. May kaunti nang kulubot sa mga braso nito at bahagya nang namumuti ang mga buhok.
“Ang kapal ng mukha mong magpakita rito pagkatapos mong saktan ang anak ko!” malakas na sabi ni nanay Sula. Wala sa loob na napatingin ako sa gilid ko. Nakatingin na sa amin ang mga kabarangay namin na nakatambay sa labas ng bahay. Ang ibang naglalakad ay napatigil at tumingin sa amin.
“‘Nay, hindi ko po ‘yon magagawa kay Sofia! Alam mo ‘yon!” salungat ko sa kanya. Nakita ko si Sofia sa gilid ng gate at walang ekspresyon na nakatingin sa akin. “Sofia! Umuwe na tayo at mag-usap tayo!”
“Ano’ng uuwe? Hindi siya uuwe! Mula ngayon ay h’wag ka nang magpapakita sa anak ko at apo! Napaka walang kwenta mo talagang tao! Hindi mo na nga sila mapakain tapos may gana ka pang manakit?!”
“‘Nay! Hindi ko nga sinaktan si Sofia!” Tumingin ako kay Sofia. “Sofia, ano ‘to?”
Nag-iwas ng tingin si Sofia. Nakaramdam na lang ako nang matinding pagkirot sa aking dibdib noong makita kong wala siyang balak salungatin ang sinasabi ng nanay niya. Ano’ng nangyayari? Ni sa panaginip hindi ko kayang saktan si Sofia. Kaya napaka imposible ang sinasbai nito. At bakit nagsisinungaling si Sofia?
“Umalis ka na rito, Gelo! Baka gusto mo ipa-barangay pa kita?!” banta ni nanay Sula.
“Gelo. Halika na.” Bahagyang hinila ni Moises ang braso ko.
Umiling ako at muling tiningnan si Sofia. Naluluha na ako pero pinigilan ko ang sarili ko. “Sofia, ano ba ‘to? May nagawa ba akong mali? Alam mo naman na hindi kita kayang saktan, ‘di ba? Hinding-hindi ko kayang gawin ‘yon-”
“Tama na, Gelo!” sigaw ni Sofia. Bahagya akong napaatras noong lumakad siya sa palapit sa amin. “Ayoko na! Sawang-sawa na ako sa ginagawa mo sa amin! Walang mapatutunguhan ang mga buhay namin kung na sa puder mo kami!”
“S-Sofia, ginagawa ko naman ang lahat, ah? Binibigay ko sa ‘yo ang lahat ng kinikita ko. Wala akong ibang hiniling kundi ang mapabuti kayo ng anak ko.”
“Ano? Itong limang libo?” May hinugot si Sofia sa bulsa niya at ipinakita iyon sa akin. “Kulang pa ‘to! Kulang na kulang ‘to, Gelo! Tapos ako pa ang sasaktan mo?!” Bigla na lamang humagulhol si Sofia. Lumapit sa kanya si Nanay Sula at hinawakan sa magkabilang braso. Inalo-alo niya ito.
“Hindi kita sinaktan, Sofia. Alam mo ‘yan!” Napaiyak na ako. “Oo! Hindi ako kasing mapera kagaya niyo. Pero hinding-hindi ko magagawang manakit ng tao na wala kami sa loob ng ring!” Hinatak ko ang braso ko na hawak pa rin ni Moises. Sinubukan kong hawakan si Sofia pero tinabig niya ang kamay ko. “Please, Sofia. Umuwe tayo. Pag-usapan muna natin ‘to,” kalmado na ngunit garalgal ang boses na sabi ko.
Umiling-iling si Sofia. “Hindi kami uuwe hangga’t hindi ka nagbabago, Gelo! Umalis ka na!” taboy niya sa akin.
“S-Sofia, h’wag naman ganito. Hindi ko-”
“Sabing umalis ka na eh!” Biglang humarap sa akin si Nanay Sula at itinulak ako.
Pakiramdam ko bigla ay nanlambot ang mga tuhod ko dahil sa nangyari. Buong buhay ko ay wala naman akong ginawa kundi ang mahalin at alagaan si Sofia. Ginawa ko ang lahat para mabigyan siya nang maayos na buhay. Lahat kahit na alam kong hindi ko na kakayanin. Sinubukan kong higitan ang magandang buhay na ibinibigay sa kanya ng magulang niya. Hindi ko nga siya pinagtatrabaho sa bahay kahit na pagod ako galing sa paghahanap-buhay.
Kaso, bakit ganito? Bakit parang kulang pa rin?
© 03/18