Parang bata na iyak ako nang iyak habang nakatulala sa malawak na karagatan. Hiniwalayan na ako ni Sofia. Kasama pa niya ang anak namin. Tapos wala pa siyang itinira sa akin kundi ang mga damit ko lang. Na nitong pag-uwe ko lang napansin.
Kanina noong sinusubukan kong kausapin si Sofia ay hindi ako agad umalis. Sabi ko kahit kausapin ko lang si Jay-jay pero hindi naman sila pumayag. Ayaw ko nga sana umalis doon kung hindi lang ako pinuntahan ng mga tanod. Pinauwe muna nila ako at magpalamig daw muna.
Hindi ko maintindihan si Sofia. Kung bakit siya nagkagano'n. Oo nga't nahihirapan kami palagi. Pero ni minsan ay hindi sila nagutom ni Jay-jay. Araw-araw ay ginagawa ko ang lahat nang makakaya ko para lang may makain sila. Madalas nga ay nakikikain na lang ako kila Coach o Moises dahil sakto lang sa kanila ang pagkain na dala ko.
Kaht wala na ako, basta busog lang silang dalawa.
Walang kwenta iyong sakit ng katawan ko sa sakit na nararamdaman ko ngayon. Pero kahit na gano'n ay hindi ko alam kung bakit hindi ako makaramdam ng galit kay Sofia. Siguro nga kasalanan ko pa rin. Siguro kung hindi ako mahirap. Kung may maayos ako na trabaho ay hindi niya ako hihiwalayan. Kung may maraming pera lang sana ako kagaya nila Coach ay baka sakaling hindi na sila aalis sa bahay namin.
Pinunasan ko ang mga luha ko at suminghot. Mabuti na lang wala na si Moises dahil akala niya kanina ay tulog na ako. Kung hindi ay aasarin niya ako bukas dahil sa pag-iyak ko.
Mahal na mahal ko ang pamilya ko kaya hindi ko kayang mawala sila sa akin. Bukas ay kakausapin ko ulit si Sofia. Sana lang ay pakinggan niya na ako.
Ngunit gano'n din ang nangyari kinabukasan. Hindi ako nilabas ni Sofia at pinagbantaan ako ni Nanay Sula na ipapa-barangay ulit kapag hindi ako umalis. Pero hindi ako natakot, naghintay pa rin ako sa labas ng bahay nila para makausao si Sofia.
“Gelo!”
Napatingin ako sa gilid ko noong marinig ko ang boses ni Coach. Napatayo ako agad mula sa pagkakaupo sa sementong harang sa halaman sa katabing bahay nila nanay Sula.
“Narinig ko ang nangyari kagabi.” Tumingin siya sa bahay nila nanay Sula. “Halika na. Hindi ka dapat nandito eh.” Inakbayan ako ni Coach at hinila. Pero kumawala ako sa kanya.
“Hindi po. Kailangan kong makausap si Sofia, coach. Hindi ako aalis dito,” mariin kong sabi. Hinila pa rin ako ni coach kahit na umaayaw ako.
“Gelo. Hayaan mo muna si Sofia. Isipin mo ang sarili mo,” mahinahon na sabi ni Coach.
Pakiramdam ko, biglang may bumara sa lalamunan ko. Hinawakan ako ni Coach sa braso at tinapik-tapik iyon.
“Alam kong masakit para sa 'yo. Pero kailangan mong tanggapin na may mga bagay na hindi na natin pwedeng ipilit.”
Bigla na lang tumulo ang mga luha ko. Tumungo ako at suminghot-singhoy.
“H-Hindi ko po kaya, Coach. Mahal ko ang pamilya ko. Ayaw kong mawala ang mag-ina ko sa akin!”
Mula noong maging magkasintahan kami ni Sofia ay pinangako ko sa sarili ko na siya lang ang magiging babae sa buhay ko. Na kapag magkaroon na kami ng anak ay bibigyan ko ito ng kompletong pamilya. Ayaw kong maranasan ni Jay-jay ang hirap na dinanas ko.
Muling tinapik ni Coach ang balikat ko. “Kaya nga halika na sa bahay at magpalamig ka muna. Hindi mo makukuha ang asawa mo niyan sa paganyan-ganyan mo.” Inakbayan ako ni Coach.
Pinahid ko ang mga luha ko at lumingon sa bahay nila Sofia. Saradong sarado pa rin iyon. Bumuntonghininga ako at nagpahila na lang kay Coach papunta sa kanila. Tama siya. Siguro, tamang palamigin ko muna ang lahat.
Pagkarating namin kila Coach ay nagulat ako noong bigla siyang bumili ng alak. Puno pa ng pagtatakang tiningnan ko siya. Hindi ako na inom ng alak dahil bukod sa hindi ako nasanay ay ayaw ni Sofia.
Nasa tapat lang kami ng bahay nila sa loob din ng bakuran nila. Kinuha ni Coach ang maliit na lamesa at doon nilagay ang inumin. May pulutan pang inihaw na baboy.
“Alam kong hindi ka nainom pero pagbigyan mo na ako. Kailangan mo rin 'to para makapag-isip-isip ka.”
Napakamot ako sa ulo. Alam na alam ni coach na hindi ako na inom ng alak. Nagsalin siya ng beer sa isang baso na punong-puno ng yelo at iniabot sa akin. Tiningnan ko lang iyon. Nakatikim na naman ako ng alak pero tikim lang. Hindi ko ininom. Hindi ko lang alam ngayon kung bakit parang may nag-uudyok sa akin na tunggain ang alak na nasa baso.
Gano'n ata siguro kapag may pinagdaanan ka?
“Inumin mo na 'yan,” utos ni Coach.
Napalunok ako at inabot ang baso. Halos manigas na agad ang kamay ko dahil sa lamig ng baso. Huminga ako ng malalim saka tinungga iyon. Nakaramdam ako agad ng pait noong makalagok ako ng alak. Naghalo ang init at lamig na dumaloy sa lalamunan ko. Gusto ko na ibaba ang baso pero tiniis ko iyon hanggang sa tanging yelo na lang ang natira sa baso.
Napaubo-ubo ako noong maubos ko na iyon. Pabagsak ko pang ibinaba ang baso sa lamesa at agad na kumuha ng pulutan namin para maibsan ang pait.
“Ang pangit talaga ng lasa!” reklamo ko.
“Sus! Naubos mo nga eh,” natatawang biro ni Coach sa akin.
Napailing ako. Kung hindi ko lang talaga siya coach eh nagalit na ako sa kanya.
“Alam mo, Gelo. Mas maige na 'yan na hiwalay kayo ni Sofia.” Biglang sumeryoso si Coach. Natahimik din ako at muling napasubo ng inihaw. “Mas mapapabuti ka.”
“Eh Coach, pamilya ko sila. Hindi ko pwedeng hayaan na ganito lang kami,” tanggi ko.
Umiling-iling si Coach. Sinalinan niya ulit ng alak ang baso ko.
“Eh sigurado ka ba anak mo si Jay-jay?”
Muli akong natigilan sa tanong niya. Kinuha ko agad ang baso at tinungga ulit ang laman no'n. Napaka pait talaga!
“Syempre! Ako ang nakauna kay Sofia at ako lang ang naging boyfriend niya. Kaya nga ang swerte ko, Coach. Pinapangarap ko lang siya noon pero sinagot niya ako. Kaya pipilitin kong ayusin ang pamilya namin." Huminga ako nang malalim. “Kung sana lang may maayos akong trabaho,” malungkot kong sabi.
Siguro kung maganda ang trabaho ko ay hindi na magagalit sa akin si Sofia. Hindi na niya kailangan pang magsinungaling.
“Kilala ko 'yang si Sofia, Gelo. Kahit na ano'ng gawin mo ay hindi 'yan sasapat sa kanya. H'wag mong sayangin ang sarili mo kay Sofia. Gwapo ka naman.”
Napaingos ako sa sinabi ni Coach. Oo, gwapo naman daw ako sabi nila. Palagi nga akong kinukuhang escort noong nag-aaral pa lang kami. Maitim ako pero matangos ang ilong.
“Aanhin ko naman po ang kagwapuhan kung wala naman akong matinong trabaho. Mahal ko ang pagbo-boxing pero kulang pa rin.”
Muli akong uminom ng alak. Tama. Mung may trabaho lang sana ako.
“Sige. Gusto mo talaga ng trabaho?”
Napatingin ako kay Coach. Nanguya siya ng inihaw. “Opo.”
“Kaya mo bang tumira sa Maynila?”
Napakunot ang noo ko. Ni minsan ay hi di pa ako nakarating sa Maynila. Hanggang sentro lang ako. Hanggang mga barangay lang naman kami lumalaban ng boxing.
“Hindi ko alam, Coach. Bakit?”
“May kapatid ako sa Maynila. Kung gusto mo, ipapasok kita sa factory na pinapasukan niya.”
Bigla akong nabuhayan sa sinabi ni Coach. “Talaga po? Aba'y sige! Papasok ako!” Kahit na wala akong alam sa Maynila ay kung magkakaroon naman ako ng trabaho ay lalakasan ko ang loob ko.
Kailangan ko lang ng trabaho para maging maayos kami ulit ni Sofia.
“oh, sige. Tatawagan ko bukas na bukas. Sa ngayon, ubusin muna natin 'to,” aniya saka sinalinan ang baso ko.