“Napakaganda naman ng iyong likha Ms. Luna!” manghang-manghang ani ni Lourdes, isa ito sa empleyado sa Connor’s texture.
Napangiti naman ako habang abala pa rin ang aking mga kamay sa pagpipinta. At sila naman ay nasa likuran ko at ‘di na magkamayaw sa pagsambit na hinahangaan nila ang galing ko raw sa aking ginagawa.
Nagsimula na akong magtrabaho sa kompanyang ito. At talagang naramdaman ko ang malugod at mainit nilang pagtanggap sa ‘kin.
“He’s here!”
Nagitla na lamang ako nang bigla na lamang nataranta at halos madapa na ang ilan sa kanila sa pagmamadali na makaupo o makabalik sa kanilang mga upuan.
“Anong nangyayari?” nagtatakang asik ko sa sarili dahil kitang-kita sa mga mukha nila ang takot at matinding kaba.
“Bilisan mo Martin!” sigaw ng isang empleyado sa kasamahan nila sapagkat ‘di pa ito nakakabalik sa kaniyang upuan sa likuran.
At halos kitang-kita ko ang panginginig ng mga paa niya, at ang pawis nito ay tumatagaktak na. At namilog na ang aking mata nang biglang napahinto ito dahil sa lalaking humarang sa dadaanan niya at awtomatiko na lamang siyang unti-unting napaluhod.
“Senior, ‘wag niyo po akong tatanggalan ng trabaho. Parang awa niyo na. Bread winner po ako, at ako lang ang inaasahan ng pamilya ko. Ako po ang nagpapaaral sa mga kapatid ko at may sakit po ang aking ina---”
“You’re fired.”
Napakurap-kurap naman ang mata ko sa walang kagatol-gatol na saad ni Dallas sa kaniyang empleyado. At ang paraan ng titig niya rito ay walang bahid nang kahit anong emosyon o awa man lang. At pawang wala itong pakialam at nakapamulsa pa itong nilampasan ang kaawa-awa niyang empleyado. At nagmamadali rin ang mga bodyguard nitong sundan siya.
Hindi naman ako makapaniwala sa ginawa niya at pawang kumulo ang dugo ko sapagkat tila wala itong pakiramdam kahit na sobrang nagmakaawa na at nagpakababa sa harapan nito ang kaniyang empleyado.
Wala namang nagawa ang kaawa-awang empleyado kun’di ang mapayuko na lamang at humagulhol sa pag-iyak.
Napakuyom ako sa aking palad at matinding panggigigil ang aking naramdaman kaya’t lakas loob akong tumayo at agad naman akong pinigilan at sinenyesan ng lahat ng empleyado na umupo ako at kumalma ngunit ‘di ako nagpatinag, agad akong naglakad patungo sa empleyado na nakaluhod pa rin at inalalayan itong tumayo.
“Bumangon ka riyan! Hindi iyon santo o Diyos para luhuran at iyakan mo o magmakaawa ka!” sigaw ko at talagang nilakasan ko ito para maging malinaw ito sa pandinig ng lahat lalo na sa lalaking papasok sa kaniyang opisina.
At tulad nang aking inaasahan ay bigla itong napahinto sa kaniyang paglalakad. At ‘di na ako nag-isip pa nang kahit ano at binilisan ko ang paghakbang ng aking mga paa papalapit sa kaniya.
Kahit na halos mabingi ako sa lakas nang kabog ng dibdib ko ay ‘di ko ‘yon ininda bagkos ay mas lalong lumakas ang loob ko.
“Mali ang ginagawa mo, gano’n na ba kalaki ang kasalanan niya para tanggalin mo siya agad-agad? Nasaan ang pakiramdam mo? Ang puso mo? Hindi lang nakaupo sa upuan niya mawawalan na agad ng trabaho? Wala ka bang konsiderasyon, wala ka bang---”
Awtomatiko namang tumigil sa pagbuka ang bibig ko nang lumingon ito sa direksyon ko at tinapunan nang malamig na tingin.
“Wala,’’ matipid pa nitong sagot sa akin.
Napasalubong naman ang kilay ko sa sinambit nito at bakas pa sa boses niya na wala talaga itong pakialam o hindi man lang naapektuhan sa mga tinuran ko.
“Napakasama mo…” madiin at nanggigil na sambit ko sa kaniya.
Napalunok naman ako nang ilang beses nang bigla nitong nilapit ang kaniyang mukha sa akin. Kaya’t namilog ang mga mata ko sa gulat. Konting galaw ko lang ay maaaring magdikit ang mga labi namin sa isa’t isa. Halos naaamoy ko na rin ang kaniyang mabangong hininga na tila naghatid sa akin nang kakaibang pakiramdam.
“Alam ko, hindi mo na kailangang sabihin,” seryosong tugon niya pa at napangisi pa ito. ‘Di ko ma-explain ang kakaibang kabog nang dibdib ko nang biglang dumako ang tingin nito sa aking mga labi. At awtomatiko ring lumipat ang tingin ko sa labi nito. Ang pula nito at lalo itong namula nang kinagat pa nito nang marahan ang ibabang labi niya.
“ ‘Wag mong masyadong titigan ang labi ko baka ‘di ka makapagpigil matikman mo na iyan.”
Para bang nabuhusan ako nang malamig na malamig na tubig nang marinig ko ang sinambit nito. At agad akong nag-iwas nang tingin sa kaniya. ‘Di naman nakaligtas sa akin ang mahina nitong pagtawa.
“Tinitingnan ko iyan kasi nag-iisip ako kung paano ko paduduguin ‘yang labi mo,” nakapangising saad ko sa kaniya.
‘Di ko alam kung bakit napakalakas nang loob ko at tila kahit kabado ako ay nagagawa kong sagutin ito sa sarkastikong paraan.
“Tila ba nakakalimutan mo kung sino ang kausap mo ngayon? Kung anong lugar mo rito at kung saan ka nakatapak sa mga oras na ‘to?” sambit niya at tiningnan ako nito diretso sa aking mga mata.
“Hindi ko nakakalimutan kung sino ka, ikaw ang may-ari ng tanyag na kompanyang ito. At alam ko rin ang lugar ko po rito. Isa akong magpipinta na nanalo sa contest niyo at higit sa lahat, alam ko kung nasaan ako. Sa office niyo kung saan alam ko na simula ito at magiging daan ko para matupad ko ang pangarap ko---”
“Buti naman at alam mo, pero hangga’t maaari mas linawan mo pa ang mata mo para mas makita mo na isang hamak ka lang na tauhan ko. Wala kang karapatan na pagsabihan ako o pangaralan. Dahil wala kang panama sa akin. Hindi man ako Diyos o Santo, mas mataas pa rin ako sa inyo at kayo ay isang hamak na mababang nilalang lamang,” mapang-insultong saad niya sa akin at bawat salitang sinambit nito ay talagang diniinan niya at talagang pinapamukha nito na nakakataas siya sa aming lahat.
Halos sumingkit naman ang mata ko sa mga tinuran nitong salita. Pawang napakataas ng tingin nito sa sarili niya.
Tinapunan ako nito nang mapang-insultong tingin bago ako nito tinalikuran. Nagngitngit naman ang ngipin ko sa inakto nito.
“Kahit gaano ka pa kataas, kayaman o kahit gaano kalawak ang kapangyarihan mo. Balang araw darating din na babagsak ka. Lahat ng nasa sa’yo mawawala na parang bula. At baka ‘yong sa tingin mong mas mababa pa sa’yo ang hihila sa’yo sa lupa,” makahulugang saad ko sa kaniya at agad na bumalik sa upuan ko.
Hindi ko na nagawa itong tingnan pa ngunit damang-dama ko ang mataman na titig nito sa akin.
Alam kong bukas o baka mamaya ay mawawalan na rin ako ng trabaho. Siguradong ang pinaghirapan ko ay mawawala na rin ng saysay ngayon. Ngunit mas pipiliin ko iyon kaysa manatili pa sa kompanya na may ganitong pamamalakad. Importanteng makilala ang aking mga obra, ngunit bilang manggagawa ay mas gusto ko ng respeto at tamang trato.
Sabay-sabay namang huminga nang malalim ang lahat at agad naman akong lumingon at nakita ko ngang pumasok na ito sa kaniyang opisina.
Pagkapasok na pagkapasok niya pa lang sa opisina ay mabibilis akong nilapitan ng mga empleyado. At samutsaring mga salita ang pinukol nila sa akin.
“Luna! Ilang kape ang nainom mo kanina at gano’n ka katapang?”
“Girl paano mo nakayang magsalita? ‘pag ako halos ‘di ko maibuka ang bibig ko kapag andiyan na si Senior, pati nga paghinga ko ay ipit na.”
“Oo nga, ang lakas ng loob mo. Pero sigurado na mamaya ay maiiyak ka, dahil first day mo ngayon at last day mo na rin.”
Awtomatiko akong napahinto nang bigla kong naisip iyon. Ang pangarap kong maging tanyag na pintor ay mananatili na siguro lamang na pangarap.
Ngunit ‘di ko na lang iyon inintindi bagkos ay hinawakan ko na lamang ulit ang paintbrush at nagsimula ulit na magpinta.
**
Napatingin naman ako sa aking pinipinta. ‘Di ko alam kung anong pumasok sa isip ko at ang mga kamay ko ay tila nakapagdesisyong iguhit siya. Ang lalaking patuloy na sumisira ng buhay ko at pagkatao ko.
“Malalaman ko rin kung sino ka at sinisiguro kong pagbabayaran mo lahat ng ginawa mo sa akin!” nanggigigil na bulong ko at halos mapudpod na ang lapis na hawak ko sa sobrang pagkakadiin ko nito sa papel.
Biglang nakuha ang atensyon ko sa kulay pula nitong mata, at kahit ginuhit ko lamang ito ay pawang buhay na buhay itong nakatitig sa akin. At napakurap-kurap pa ako sapagkat kitang-kita ko ang maaalab nitong mga tingin.
Kusang lumapat ang mga palad ko sa itim na maskarang nakaharang sa mukha nito. Kung kaya ko lang sana itong tanggalin at alamin kung sino ito ay ginawa ko na. Napakamisteryoso talaga ng lalaking iyon. Sa tagal ko nang nang-iimbestiga ay wala akong nakuha. Bagkos pansin ko na malaki ang kapit nito sapagkat kahit pulis ay ‘di ako magawang tulungan. Nagsasabi pa ito na baka baliw na ako o kaya kinulang na sa pag-iisip.
“Kuya!!!”
Halos mapatalon ang puso ko nang may bigla na lamang may sumulpot at nagsisigaw pa ito na animo’y nagwawala.
Kitang-kita naman sa mga mata ng empleyado ang takot at panginginig. Sino naman ito? Tiningnan ko ang kabuuan nito at halos ‘di maipinta ang mukha ko sapagkat kakaiba ang kaniyang porma’t postora.
Maluwang ang pants nito at pawang napakalaki pa para sa kaniya ang suot nitong black t-shirt. At nagtataka ako sapagkat tila nanginginig ang labi nito kung magsalita.
“Sino ‘yan?” bulong ko sa katabi ko. At mahina naman ang boses din nitong sumagot agad sa akin, “Siya si Dievor, ang stepbrother ni Senior Dallas.”
Pawang ‘di naman ako nagulat sa sagot nito sapagkat kitang-kita at halatang-halata naman ang pagiging arogante ng Dievor na iyon. Kilos pa lamang at pananamit nito ay makikitaan mo talaga na may pagkagago ito at tulad ng kaniyang kapatid ay hindi marunong makiramdam o makaunawa sa damdamin ng iba.
“Anong titingin-tingin mo riyan?” malakas na sigaw nito.
Napatingin naman ako sa buong paligid. Sino naman kaya ang pinaparinggan o pinagsisigawan nito.
“Wala ka bang naririnig o gusto mong paputukin ko ito para masiguro natin kung gumagana ang tainga mo.”
Matinding kilabot at kaba ang namayani sa akin dahil sa biglaang paglabas nito ng kaniyang baril mula sa kaniyang bag at lumaki ang mata ko nang tumutok sa akin ang baril na iyon.
Kitang-kita ko ang mahigpit na paghawak nito sa kaniyang baril. At napatingin naman ako sa paligid at humihingi ng simpatya sa kanila upang humingi ng tulong ngunit tila kita sa mga mukha nilang wala silang magagawa.
“Papatayin ko ba siya? Oo sige! Patayin mo!” nakakatakot pang singhal nito na tila may kinakausap.
Nababaliw na ba ito? s**t! Kusang napapikit ang mga mata ko nang biglang narinig ko ang pagtunog ng gatilyo. Senyales na katapusan ko na.
“Hey, bro. Stop. She’s our painter,” mahinahon na saad ni Dallas. At mabilis na kinuha ang baril mula sa kaniyang kapatid.
Nanginginig naman ako sa takot dahil sa nangyari. At pawang na-estatwa ako’t ‘di nakagalaw nang ilang minuto.
“Ibang klase talaga si Dievor habang tumatagal ay lalong lumalala ang sakit niya,” napapailing na wika ng isang empleyadong halata sa boses nito ang labis na pagkabahala.
Napalingon naman ako sa kaniya na may pagtataka, “Anong sakit niya?” tanong ko.
Humugot naman ito nang isang malalim na hininga bago magsalita.
“May sakit daw iyan sa pag-iisip. Pabago-bago ng ugali. Minsan mabait, isip bata. Akala mo nasa ikalimang taong gulang pa lang umasta kasi pati pagkain ay magpapasubo pa. Samantalang kadalasan naman ay nagiging bayolente ito at talagang nananakit. Kaya marami talagang natatakot sa lalaking iyan. ‘Di kasi mapigilan o masuway e. Ang tanging nagpapakalma lang talaga sa kaniya ay Senior Dallas. Tingnan mo kanina, kung hindi dumating ng tamang oras si Senior ay siguradong patay ka na.”
Nanindig naman ang balahibo ko sa mahabang litanya nito.
Agad naman akong tumayo at dali-daling tumakbo patungo sa banyo at pagkapasok ko ay agad kong nilocked iyon.
Nagmamadali akong naghilamos ng aking mukha. At pilit na pinapakalma ang sarili. Ano ba itong sunod-sunod na kamalasang nangyayari sa akin? Kailan baa ko malalagay sa tahimik?
Patuloy ko lamang binabasa ang aking mukha hanggang sa tuluyan na nga akong nakahinga nang maluwag at nakapagdesisyon na ako sa gagawin ko. ‘Yon ay ang umalis na sa lugar na ito.
Pagkalabas na pagkalabas ko nang pinto ay biglang kumabog nang malakas ang dibdib ko nang niyapos ako nito nang mahigpit.
Dahil sa pinagsamang takot at gulat ay buong lakas ko itong tinulak papalayo sa akin kaya’t bigla itong nawalan nang balanse at napasalampak sa sahig.
Nanginginig ang kalamnan ko sapagkat naalala ko ang mga sinambit ng empleyado kanina. Mukhang ito na ang huling sandali ng buhay ko dahil kahit anong hakbang ko palayo ay tila natuod ang aking binti dahil sa labis na takot at kaba.
“Bakit mo ako tinutulak? Anong ginawa ko sa’yo? Hindi naman kita inaano e! Ang bad mo!” maiyak-iyak na sambit nito na ikinagulat ko at pawang bata talaga ito kung umakto.
“Gusto lang naman makipagkaibigan ni Dievor sa’yo tapos bigla mo pa ako tinulak, ang sakit-sakit kaya!” dagdag pa nito at ngumawa pa nang malakas na nakapagpatulala sa akin.