Kagat-kagat ko ang pin habang hawak-hawak ang nakatakas na buhok sa aking pormal na puyod. Inayos ko itong mabuti at siniguradong walang gusot, pati na rin sa pulang blusa at itim na paldang hanggang tuhod. Ito kasi ang uniporme namin sa nakatakdang gabing ito. Bumukas ang pintuan ng banyo at nakita ko sina Ava, Amaris, Genesis at Paloma. Pare-pareho kami ng mga suot. Hindi tulad kanina noong nasa entablado pa ako. “Rina, hindi ba masyadong luwagin itong palda ko?” iyak kaagad ni Ava sa akin. Sumunod ang dalawa hanggang sa apat na kaming nagsasalamin. “Hindi, Ava. Maganda ka.” ngiti ko. Totoo naman dahil ngayong nakapuyod si Ava, kitang-kita ko ang dugong Pilipina sa kanyang mukha. “Tama si Rina, Ava. Ngunit mas maganda ako!” humalakhak naman si Amaris. “Ako kaya!”

