Nakaapak sa maputik na palayan ang dulo ng aking isang paa. Ang isa naman ay nakataas sa ere. Nababanat ang baywang ko, ngunit magaan naman ang katawan sa perpektong balanse.
“Hiyang talaga si Sir Kai rito, ano? Naalala ko noong unang tapak niya sa rancho, naka-americano pa! Ang gara!” ani Amaris sa tabi.
“Sinabi mo pa. Astigin, Rina!” tugon naman ni Ava.
Habang nagbabalanse, itinaas ko ang dalawang kamay upang makagawa ng arko sa ere.
“Siguro,” kibit-balikat ko.
Limang araw na ang nakalilipas matapos ang unang tapak ang isang Donofrio sa kanyang rancho. Limang araw nang nagpapantasya ang mga kababaihan ng lungsod tungkol sa nagbabalik na taga-pagmana. At limang gabi, hindi pa rin ako nakakatulog ng maayos.
Minulat ko ang mga mata, hindi pa rin gumagalaw mula sa mahirap na aksyon. Pumapasok sa isang tainga ko ang mga talak ng aking mga kaibigan, lumalabas sa kabila. Busy kasi ang mga mata ko sa katitingin.
Mula sa ituktok ng burol, naroon ang isang Sir Kai.
Ang kanyang bilugan at kyuryus na mga mata rati ay ngayo’y may patulis na sa dulo at maitim na maitim ang mga mata. Mahahaba ang pilik-mata, kaya tuloy nakakapangselos. Mas lalong nakakapaso ang titig, para akong nag-aapoy tuwing nagku-krus ang landas namin. Palaging maganda ang istilo ng buhok, matangos pa rin ang ilong, mas pumula ang labi. Mula sa maliit na katawan, nahubog ito at nagkaroon ng hulma. Ibang-iba talaga siya sa Kuya Kai ko noon.
“Siguro? Nahihibang ka na ba, Rina?” Binalik ko ng boses ni Ava sa realidad.
“Hindi pa,” sagot ko.
Pinagsmadan ko kung paano inikot ni Sir Kai ang isang balingkinitang babae sa kanyang bisig, at binigyan ito ng isang matamis na halik. Hindi ko alam kung kailan tatagal ang babaeng iyan, dahil sa limang araw na pagpaparito ni Sir, limang iba’t ibang babae na rin ang kanyang naikakama.
Sa pagpatak ng alas kwatro na aking normal na gising, noon pa lang ito uuwi. At may iuuwi. Naaabutan ko. Ibang-iba na talaga siya.
“Magulat ka!” Sumigaw ang isang malakas na boses sa tainga ko, kaya nawalan ako ng balanse at sumubsob sa putikan.
Ang mga kaibigan kong si Amaris at Ava binitiwan ang ginagawa, at nakisabay sa pagtawa ng nanulak sa akin.
Pinagmasdan ko ang ginawang daster ni Nanay Merida, na ngayo’y kulay kape. May kasama pang malagkit na putik. Ang pwet ko! Ang binti at braso! Punong-puno ako ng putik!
“Haliiiiiiiiiil!!!” tili ko.
Hindi ako mapaniwala. Traydor! Tama ba akong gulatin ng ganoon?
Dalawang beses kong hinugot ang sarili mula sa putik at iniwan silang tatlong nagsisipaghalakhakan sa tabi. Buhat-buhat ko ang daster gamit ang dalawang kamay, habang kunot-noo nagmamartsa patungong quarters.
“Rina, saglit!” tawag ni Halil sa likod ko.
“Rina! Sorry! Patawad!” habol niya.
Sa kanyang pagsigaw ay mas lalong nakakakuha kami ng atensyon. Bawat ranchero at rancherang nadaraan ay napapalingon sa gawi ko, partida dalawang beses pa. Lumalaki ang mga butas ng ilong ko.
“Rina! Hija ka, anong nangyari?” Nabitiwan ni Nanay Merida ang hawak na bilao, nang magkita kami sa quarters. Walang lingon kong dinuro ang likod kung saan naroon ang humihingi ng pasensiyang si Halil. Mabilis akong pumasok ng cr at nagbanlaw, pangalawang beses ngayong araw.
Si Halil ay isa pa sa mga kaibigan ko na naninilbihan sa mga Donofrio. Ang kanyang tatay ay isa sa tiga-pastol ng mga hayop. Tuwing makikita ko ang babyface nito ay naaalala ko ang bawat kautuan na ginagawa niya sa akin. Mga bata pa lang kami, ako na ang punterya at inaasar.
Nakaupo si Halil sa katre nang lumabas akong cr, nakabihis na ng panibagon daster.
Napatayo si Halil. “Rina, sorry na. Bati na tayo,” aniya.
Bumuntong-hininga ko at ngumiti ng matamis. Marahil siguro mabilis ko itong patawarin ay palagi niyang ginagawa sa akin. “Sige. Sana lang, kapag itutulak mo ako ay hindi sa paborito kong daster.”
“E ang ganda mo lang kasi, Rina, kaya tinulak kita. Baka sakaling kapag tumaob ka sa putikan, papangit at mawawalan ka ng ganda.”
Napanguso ako kay Halil, ngunit hinila itong mabilis papunta sa labas. “Humayo ka na, Halil. Hinahanap ka na ng trabaho mo!” Tinulak-tulak ko ito. Humahalakhak itong nagpatianod sa tulak ko at tumakbo na rin paalis. Kumurba ang isang gilid ng labi ko.
“Mga bata kayo, oo. Magulingging! Tatarang!” puna ni Nanay Merida sa tabi na may ngiti sa labi.
Dumalo ako sa kanya upang tulungan sa ginagawa sa sitaw. Matapos noon, nagpunta na ako sa kama ng mga prutas at gulay na nakadestino sa akin. Iyon ang trabaho ko. Ang magbunot ng mga d**o, mag-alaga, at mag-ani. Simpleng-simple lang. Hindi tulad ng iba na nagpapastol ng mga kambing, iginagala ang mga kabayo, nagtatanim at nagdidilig. Mahal ko ang rancho at mga Donofrio, at mahal ko rin ang trabaho ko.
Nasilayan ko ang huling sinag ng araw bago nagpasyang tapos na ang trabaho ko. Tumayo ako at inikot-ikot ang nangawit na baywang.
“Ava! Amaris! Tayo na?” tanong ko sa kanilang dalawa.
Tumayo si Ava at Amaris na nagpapagpag ng mga kamay. Tumango sila at kita ko ang pagod sa kanilang mga mata.
“Ang sakit ng likod ko. Sakit ng paa ko...” Nakatulala si Ava habang naglalakad kami pabalik.
“Ako rin, Ava. Sana makasalubong natin si Sir Kai. Mawawala ang pagod ko,” segunda ng isang pagod ding Amaris.
Hindi ako kumibo, imbes natulala sa dulo ng bangin. Ang ganda. May mumunting sinag pa ng araw.
Nilingon ko pabalik ang dalawa at nagpaalam. Tango na lamang ang kanilang isinagot dahil sa kapaguran.
Tinakbo ko ang hindi kalayuang bangin. Hawak-hawak ng isa kong kamay ang daster, ang isa naman ay ang mahaba kong buhok. Tumigil ako na hingal na hingal. Mula rito, tanaw ko ang kapatagan ng rancho. Unti-unting kinakain ng dilim, at nagigising na ang mga alitaptap.
Kusang gumagalaw ang mga paa at kamay ko sa himig ng hangin.
Una kong natutunan ang pagba-baley noong tatlong taong gulang pa lang ako. Nasa puder pa ako ng mga Donofrio noon. Natutuwa siguro talaga sa akin si Señora Eunice dahil ikinuha niya ako ng pribadong master. Simula noon hanggang umalis sila, panay na ang ensayo ko dahil may natuklasan ding koneksyon doon. Noong nag-eighteen ako, natigil ang lahat dahil kailangan kong magtrabahong tunay. Ngunit syempre, naisisingit ko ang sayaw na ito kahit pa nagbubukid ako.
“Who are you?” ani ng isang malalim na boses.
Nanlaki ang mga mata ko at mabilis na nawalan ng balanse. Namali ako ng tapak ng paa, kaya sumubsob ang mula sa damuhan putik.
“Halil! Ang kulit! Pangalawang beses na, wala ka paring kasawaan!” Winisik ko ang putik na pumagkit sa mga mata ko. Nalalasahan ko na ang mala-dahong putik.
Dalawang kamay ang nagtayo sa akin.
“Hindi ako si Halil.”
Mabilis akong napamulat sa lalim ng kanyang boses. Napanganga ako. “S-Sir Kai!”
Tumango ang isang kunot-noong Sir Kai sa akin. Pinagmamasdan niya ang katawan kong puno ng putik, pati na ang mukha kong tsokolate na ngayon. Humahataw ang dibdib ko sa hiya. Uminit ng todo ang pisngi ko, ngunit kulay kape na ang pisngi ko. Parang gusto kong iuntog ang ulo sa biyas ng kabayo.
“Sorry...” Gumagala pa rin ang kanyang mga mata sa aking mukha. Humakbang siya ng isang beses patungo sa akin. Ang tindig niya ay ang gigiba sa banging ito.
Kumakalabog ang sistema ko sa tulis ng kanyang tingin.
“Paano mo iyon nagawa? You’re balancing without the proper footwear. Naka-daster ka pa.” Pinasadahan niya ng tingin ang suot ko.
“S-Sanay na ho, S-Sir Kai.” Nangangatal ang labi ko sa hiya. Hiyang-hiya ako!
“You have grace. What’s your name?” aniya. Hinawakan nito ang labi. Pumaere ang kanyang kamay upang hawakan ang pisngi ko, ngunit mabilis din niya iyong binawi dahil siguro sa tae ng kalabaw.
“R-Rina, Sir.”
“Rina?” Kumunot saglit ang kanyang noo. “Anyway, halika na sa loob ng kwarto ko. Let’s clean this mess up. Really sorry about it.” Kinagat niya ang labi.
Kumalabog ng malakas na malakas ang dibdib ko. Lumunok ako ng isa. Ang lalim ng kanyang tingin sa akin at mas nadedepina lantik ng pilikt-mata.
“S-Sige po, Sir Kai—”
“Kai! Here you are! Sabi mo ay dadalhin mo ako sa spa ng villa?”
Sabay naming nilingon ang isang mestizang babaeng masyadong hapit at maikli ang dilaw na dress. Mahahaba at may kulay ang kanyang kulo, maraming kolorete sa mukha.
Tumagilid ang kanyang mukha sa akin na para bang natutuwa.
“Maybe next time.” Umiling sa akin si Sir Kai at mabilis na dinaluhan ang babaeng humahalakhak na ngayon.
“Amoy tae,” halakhak nito.