CHAPTER 36 – PRIORITY Lumipas ang ilang buwan. Patuloy pa ring naninirahan sa bahay ni Lia ang mag-inang Carmen at Roxanne kasama si Jayson. Sa kabila ng lahat, wala pa ring balak si Lia na paalisin sila. Samantala, si Camille ay marunong nang maglakad—bagama’t pasuray-suray pa. Si Gino naman ay mas naging abala sa trabaho. Tuluyan nang nagretiro si Don Ramon, kaya halos sa kanya na napunta ang pamamahala ng negosyo. Dagdag pa rito ang pag-aasikaso niya sa mga iniwan ni Lucas para kay Lia. Madalas, halos hatinggabi na siya kung umuwi. Minsan, tulog na si Camille. Minsan… pati si Lia. Pero kadalasan—inaantay siya nito. Gabi na nang makauwi si Gino. Halos alas-dose na. Si Lia ang nagbukas ng pinto. “Gino…” malambing niyang bati sabay halik sa pisngi ng asawa. “Bakit gising ka pa?”

