“Maxine, tama na.”
Punong-puno ng pagod at frustration ang boses ni Wilson habang nakatayo sa gitna ng maliit nilang sala. Nakapikit pa siya sandali bago muling tumingin sa babae na mahal niya.
“Nagtatrabaho naman ako para tulungan ka, hindi ba? Nag-o-overtime ako kapag may pagkakataon, tumatanggap ako ng kahit anong trabaho para lang makadagdag sa gastusin natin. Ginagawa ko naman ang lahat ng kaya ko.”
Tahimik na nakinig si Maxine habang dahan-dahang inilalapag ang kanyang bag sa mesa.
“Hindi pa rin sapat, Wilson.”
Parang sinaksak sa dibdib si Wilson sa narinig.
“Paano mo nasasabing hindi sapat? Lahat ng kinikita ko ibinibigay ko na halos sa pamilya ninyo.”
Humugot ng malalim na buntong-hininga si Maxine bago siya tumingin ng diretso sa nobyo.
“Dahil iyon ang totoo. Kahit maghapon pa tayong magtrabaho, kahit hindi tayo matulog, kahit pagsabay-sabayin pa natin ang tatlong trabaho, hindi pa rin sasapat.”
Unti-unting tumigas ang ekspresyon ni Wilson.
“Maxine—”
“Hindi pa ako tapos.”
Natahimik ito.
“Alam mo kung magkano ang kailangan para mabuksan muli ang kaso ni Papa? Alam mo kung magkano ang hinihingi ng mga abogado para seryosohin ang laban natin? Alam mo kung magkano ang kailangan para mapatunayan na hindi kriminal ang isang taong nagtanggol lang sa sarili niya habang ginagawa ang trabaho niya bilang security guard?”
Walang naisagot si Wilson. Dahil alam niyang tama ang sinasabi ni Maxine.
Napakamahal ng hustisya. At kadalasan, para lamang iyon sa mga may pera.
“Lahat hindi sapat, Wilson,” mahinahon ngunit mabigat na sabi ni Maxine. “Sa ating mahihirap, walang sasapat.”
Napakuyom ng kamao si Wilson.
“Hindi mo naiintindihan ang punto ko.”
“Hindi, ikaw ang hindi nakakaintindi.”
Napataas ang boses ni Wilson. “Pinagtatawanan na ako ng mga tao!”
Biglang natahimik ang buong apartment.
“Alam mo ba kung gaano kahirap pumasok araw-araw sa trabaho habang pinag-uusapan ka ng lahat? Alam mo ba kung gaano kasakit marinig ang mga sinasabi nila tungkol sa'yo? Tinatanong nila ako kung totoo bang isa kang high-end escort. Tinatanong nila ako kung paano ko natitiis ang ginagawa mo.”
Namula ang mga mata nito dahil sa sama ng loob.
“At wala akong maisagot.”
Tahimik lamang na nakatingin si Maxine sa kanya.
“Pinagtatawanan ako ng mga tao, Maxine.”
Mapait na ngumiti si Maxine. “Pinagtatawanan ka ng mga tao?”
Tumango si Wilson.
“Hindi ako mabubuhay sa kanila.”
Natigilan si Wilson.
“Hindi sila ang nagpapakain sa akin. Hindi sila ang magbabayad ng abogado ni Papa. Hindi sila ang pupunta sa kulungan para ilabas siya.”
Unti-unting nangilid ang luha sa mga mata ni Maxine ngunit hindi ito bumagsak. “Madaling magsalita tungkol sa dangal kapag hindi ikaw ang nasa posisyon ko—ang tatay mo na tumatanda sa loob ng selda.”
Napayuko si Wilson. “Maxine, hindi iyon ang ibig kong sabihin.”
“Pero iyon ang naririnig ko.”
Tumalikod siya at napatingin sa lumang larawan ng kanyang ama na nakapatong sa estante.
“Limang taon ng nakakulong si Papa. Limang taon na akong naghahanap ng paraan para mailabas siya. Limang taon na rin akong nakikiusap sa mga taong may kapangyarihan na tulungan kami.”
Muling humarap si Maxine kay Wilson.
“Mahal kita.”
Napapikit si Wilson. Dahil iyon pa rin ang pinakagusto niyang marinig mula sa babae. Ngunit ang sumunod na mga salita ay mas masakit pa sa kahit anong insulto.
“Mahal kita, Wilson, pero hindi ko kayang piliin ka kaysa sa responsibilidad ko sa pamilya ko.”
Parang nanikip ang dibdib ng binata.
“Maxine...”
“Kung hindi mo kayang tanggapin ang ginagawa ko, huwag mo nang pilitin ang sarili mo.” Nanginginig na ang boses niya ngayon. “Kung bawat araw ay masasaktan ka lang dahil sa mga desisyon ko, mas mabuti pang maghiwalay na tayo.”
Parang bumagsak ang buong mundo ni Wilson. Hindi siya nakapagsalita agad. Hindi dahil wala siyang gustong sabihin. Kundi dahil alam niyang hindi niya kayang kontrahin ang katotohanang matagal na niyang iniiwasan.
Ginagawa ni Maxine ang lahat para sa ama nito. At siya, sa kabila ng lahat ng pagmamahal niya, ay wala pa ring kakayahang ibigay ang tulong na kailangan ng babaeng mahal niya.
Tahimik na bumagsak ang luha ni Wilson habang nakatingin kay Maxine.
“Hindi, Maxine. Mahal kita. Ayokong mawala ka sa akin.”
Basag ang boses ni Wilson habang mahigpit niyang hinahawakan ang magkabilang kamay ng babae. Kita sa mga mata nito ang takot na matagal na nitong kinikimkim ngunit ngayon lamang tuluyang lumabas.
Napapikit si Maxine at marahang napailing.
“Pero marumi akong babae, Wilson.”
Agad na umiling ang binata..“Huwag mong sabihin iyan.”
“Bakit hindi?” tanong niya habang pilit na ngumumingiti. “Hindi ba iyon naman ang tingin ng mga tao sa akin? Ginagamit ko ang ganda ko para kumita ng pera. Nakikipaghalubilo ako sa mga mayayaman na hindi ko naman mundo. Araw-araw akong nagpapanggap na kabilang ako sa kanila kahit ang totoo, pag-uwi ko, itong maliit na apartment pa rin ang hinihigaan ko.”
“Wala akong pakialam sa sinasabi nila.”
“Pero ako meron, sabi mo nga diba nasasaktan ka?” mahinang sagot ni Maxine. “Hindi dahil nasasaktan ako para sa sarili ko, kundi dahil ikaw ang nasasaktan para sa akin.”
Natahimik si Wilson…Alam niyang hindi nagsisinungaling ang babae.
“Pinagtatawanan ka ng mga tao dahil sa akin. Kapag pumapasok ka sa trabaho, may mga bulungan sa likod mo at tinatanong nila kung paano mo natitiis ang magkaroon ng girlfriend na katulad ko.”
“Hindi ko kailangan ang opinyon nila.”
“Pero kailangan mo ng respeto,” sagot ni Maxine. “At dahil sa akin, unti-unti nila iyong inaalis sa iyo.”
Naramdaman ni Wilson ang paninikip ng dibdib niya. Hindi dahil sa galit. Kundi dahil alam niyang kahit kailan ay hindi naging madali para kay Maxine ang lahat ng ito.
Nakikita lamang ng mga tao ang maganda nitong mukha, ang mamahaling damit, at ang elegante nitong kilos. Ngunit walang nakakakita kung gaano ito nahihirapan gabi-gabi para lamang kumita ng perang sapat upang ipagpatuloy ang laban para sa ama nito.
“Maxine, tingnan mo ako.”
Dahan-dahang nag-angat ng tingin ang babae.
“Mahal kita.” Napakagat siya sa labi. “Mahal kita hindi dahil perpekto ka. Mahal kita hindi dahil madali ang buhay mo. Mahal kita dahil ikaw si Maxine.”
Unti-unting namuo ang luha sa mga mata ng babae.
“Wilson...”
“Kung iniisip mong hiwalayan ako hindi ako papayag.”
“Pero—”
“Nasasaktan ako dahil nahihirapan ka. Galit ako dahil pakiramdam ko wala akong magawa para tulungan ka. Pero hindi ako nahihiya sa'yo.”
Tuluyan nang bumagsak ang luha ni Maxine.
“Hindi ko alam kung hanggang kailan ko kakayanin ito,” bulong niya kay Wilson.
.
Lumapit si Wilson at marahang niyakap siya.
“Hindi mo kailangang kayanin mag-isa. Tutulungan pa rin kita para mawala ka na sa ganyang klaseng trabaho, okay?”
Napasandal si Maxine sa dibdib nito habang nakapikit. Sa loob ng ilang segundo ay tila nawala ang lahat ng problema. Wala ang mga mayayamang kliyente. Wala ang mga tsismis. Wala ang kaso ng kanyang ama. Wala ang kahirapan. Tanging silang dalawa lamang.
Ngunit biglang nag-vibrate ang cellphone ni Maxine sa ibabaw ng mesa. Pareho silang napalingon. Muling nag-vibrate ang telepono. At sa pagkakataong ito ay malinaw nilang nakita ang pangalan sa screen.
Adriano Morello
Parang biglang bumigat ang hangin sa loob ng apartment. Unti-unting humigpit ang panga ni Wilson habang nakatitig sa cellphone.
Samantalang si Maxine naman ay nanatiling tahimik. Hindi niya agad kinuha ang telepono. Hindi rin niya pinatay ang tawag.
Tinitigan lamang niya ang number na kumikislap sa screen. Alam niyang si Mayor yun.