Bed Spacer

1700 Words
Sabi nila kapag bakante daw ang kamang hinihigaan mo at walang matutulog dito, huwag mo raw itong aayusin na para bang may inaasahan kang hihiga rito. Ayon sa mga matatanda, mas mabuti pang guluhin mo ito ng sa ganoon ay hindi ito hihigaan ng mga naliligaw na ispirito sa inyong tahanan. Pahinga ni Rachel sa trabaho ng araw na iyon dahil Sabado. Malapit lamang sa tinutuluyang condo unit nito at ng kalive-in na boyfriend ang private school for kids na kaniyang pinagta-trabahuan. Guro ang dalaga sa mga kindergarten kids. Mahilig ito sa mga bata kaya naman pinilit nito ang mga magulang noon na Education ang kuning kurso. Ngayon ay ikatlong taon na niya sa trabaho bilang guro. Mahal na mahal siya ng kaniyang mga estudiyante dahil mabait siya sa mga ito at masayahing tao pa. Karamihan sa mga tinuturuan niya ay nakatira rin sa condo nila. Ang nobyo naman niyang si Gab ay lumabas kasama ng mga kaibigan nito sa Cubao. Birthday ng isang barkada nito kaya sumama ang binata sa kasiyahan. Pinayagan naman siya ng dalaga dahil bihira lang din itong makalabas at makisaya kasama ng mga katropa niya. Abala kasi silang dalawa sa pagta-trabaho dahil may binabarayan silang bahay at lupa sa Cavite. Plano nilang doon manirahan kung sila ay bubuo na ng pamilya. Pagkatapos kumain ng hapunan ni Rachel, kinuha nito ang kaniyang school bag at inilabas ang mga report books. Inisip ng dalaga na gumawa muna ng lesson plan para maantok siya at makatulog kaagad. Alam niyang madaling araw na darating si Gab sa condo unit nila. Magkatext sila ng nobyo habang gumagawa si Rachel ng lesson plan. Nag-a-update ang binata kung ano na ang nangyayari sa kanila. Lilipat daw diumano ang mga ito ng bar. Bar na mayroong nagsasayawang mga babaeng nakahubad. Nagpaalam si Gab sa nobya kung puwede ba siyang sumama. Alam ng dalaga na hindi gagawa ng kung ano mang ikasisira ng kanilang relasyon ang nobyo at malaki ang tiwala niya rito kaya pinayagan niya itong sumama. Alas dose ng gabi. Hindi pa rin makatulog si Rachel. Samantalang nasa bar pa rin si Gab at mga barkada nito. Sa inip ng dalaga, itiniklop niya ang mga notebooks na nasa harapan at nagbukas ng cellphone para manood sa YouTube. Isa isa niyang pinanood ang mga clips galing sa isang teleserye na sikat na sikat ng taon na iyon. Isang oras na ang nakalipas subalit hindi pa rin inantok ang dalaga. Kaya naman kumuha ito ng libro at nagbasa. Ilang sandali lang ang lumipas ay bumuhos ang ulan. Hindi naman ito kalakasan pero tuloy tuloy ang bagsak nito. Nabalot ng lamig ang buong unit nina Rachel dahil sa pagbuhos nito. Dahil sanay naman sa aircon ang dalaga sa school, binalewala lamang niya ito. Muli niyang ibinaling ang atensiyon sa binabasang libro. Itinuloy niya ang pagbabasa nito. Habang tumatagal, natutuwa ang dalaga sa binabasang aklat. Tungkol kasi ito sa Leadership style. Kahit papaano ay tugma sa pagiging guro niya. Nakasaad rito ang mga hakbang kung paano humawak ng mga teams mula sa grupo ng mga bata, mga teenagers at mga professionals. Alas-dos ng madaling araw. Wala pa sa kalagitnaan ng libro si Rachel ay nakaramdam na siya ng antok. Kaagad na itinabi niya ang libro at nag-ayos siya ng kaniyang sarili. Nagtungo ito sa banyo, nagtoothbrush at naghilamos. Pagkatapos mag apply ng soothing gel sa mukha at magsuklay, pumasok na ang dalaga sa kuwarto nila at inayos ang kamang pandalawahan. Naglagay siya ng dalawang unan na magkatabi at nahiga sa kanang bahagi nitong katabi ng dingding. Pinili niya ang puwestong iyon para pagdating ni Gab mamaya ay didiretso na lamang itong hihiga at hindi na siya gigisingin para umusod. Habang nakahiga at nakatingin sa kisame, naalala ni Rachel ang kasabihan ng mga matatanda sa kanilang probinsya. Tungkol ito sa kamang kapag nabakante raw ng matagal, pinaglalagian ito ng mga multo o maligno. Minsan naman daw ay ayaw lisanin ang kama ng mga ispiritong nakasanayan ng tulugan ito noong nabubuhay pa. Kinilabutan ang dalaga sa kaniyang naisip. Kaagad na nagdalawang-isip ito kung guguluhin ba niya ang kama o hahayaan na lamang niya ito at huwag ng paniwalaan ang mga sabi sabi ng mga matatanda. Bilang sanay naman na si Rachel sa mga condong katulad ng kanilang niri-rentahang unit, hinayaan na lamang niya ito. Naniniwala naman ang dalaga na sa modernong panahon ngayon, wala ng mga ispirito o kaluluwang gumagala pa sa mga gusali sa siyudad. Kahit na isang buwan pa lamang silang nagrirenta ni Gab sa condo unit na iyon, wala naman silang kakaibang nararamdaman. Maliban na lamang sa lumalamig ang hangin kapag madaling araw. Siguro ay sa kadahilanang nasa tabi ng ilog Pasig ang kanilang bintanang palaging nakabukas. Nasa ikaanim na palapag naman sila kung kaya't ligtas sa mga akyat bahay. Hinahayaan lamang nila itong nakabukas palagi para makapasok at makalabas ang hangin. Pinalitan na lamang ni Rachel ang iniisip para hindi siya matakot. Hindi pa rin siya gumagalaw mula sa kaniyang puwesto sa kama. Hanggang sa inantok na siya at makatulog. Alas-tres ng umaga, naalimpungatan si Rachel. Napakahimbing ng kaniyang naging pagtulog dahil hindi niya namalayan na dumating na pala si Gab at natutulog na sa tabi niya. Napakalamig na naman ng hangin sa loob ng kanilang kuwarto. Dagdagan pa ito ng patuloy na pagbuhos ng ulan sa labas. Nakalimutan pa ng dalaga na isara ang mga bintana kanina bago ito matulog kaya naman nanunuot ang lamig ng hangin sa kaibuturan ng kaniyang mga kalamnan. Nanindig ang kaniyang mga balahibo ng mga sandaling ito. Iniusod ng dalaga ang sarili sa nobyo na nakahigang patalikod sa kanya. Niyakap niya ito at kinumutan niya ang katawan nilang dalawa. Hinigpitan pa ni Rachel ang yakap sa nobyo para mawala ang lamig na nararamdaman. Nangangamoy putik ang nobyo ng dalaga. Naisip ni Rachel na sobrang lasing lang siguro ito at umuulan pa sa labas kaya naputikan. Mahaba siguro ang naging lakad ng mga kabarkada nito. Baka nagpalipat-lipat pa ang mga ito ng bar. Tiniis na lamang ng dalaga ang amoy ng nobyo. Baka hindi na rin niya ito magising sa sobrang kalasingan para pagsabihan. Ipagpapabukas na lamang niya ang kung ano mang puna ang ibibigay niya rito. Hindi rin nakabihis ang binata ng pambahay, nakadamit panggala pa rin ito ng long sleeve at maong pants at nakasinturon pa. Halatang pagod na pagod ito at lasing na lasing din. Alas singko ng madaling araw, nagulantang si Rachel sa tunog ng iPhone niya na nakapatong sa mesang nasa kanang bahagi nila. May tumatawag sa kaniyang cellphone. Hindi ito pinansin ng dalaga dahil tamad na rin siyang bumangon. Ipagpapabukas na lamang niya ang pakikipag-usap sa kung sino mang tumatawag na iyon. Tinakpan ng dalaga ang mga tainga at ipinikit ang mga mata. Nang mawala ang tunog ng cellphone, muli ay niyakap ni Rachel ang nobyong nakatalikod pa rin sa kaniya ng mga oras na iyon. Sarap na sarap ang dalaga sa pagkayakap sa binata. Hindi lang nito mawari kung bakit ang lamig lamig pa rin sa kaniyang pakiramdam kahit nakayakap na siya rito at nababalutan na sila ng kumot. Dapat ay umiinit ang kanilang mga katawan kasi nagkakadikit na ang mga ito. Inisip na lamang ng dalaga na dahil siguro bukas ang kanilang mga bintana kaya napakalamig ng kanilang kuwarto. Ilang segundo lamang ang nakalipas ay tumunog na naman ang iPhone ni Rachel. Nairita ang dalaga dahil wala sa tamang oras ang pagtawag ng kung sino mang taong iyon. Ayaw man niya itong sagutin subalit naririndi na siya sa ingay ng tunog nito. Nais sana niyang makipagyakapan pa at matulog lamang katabi ng nobyong himbing na himbing sa pagtulog. Nang hindi makatiis, kumalas ang dalaga sa pagkakayakap kay Gab at inabot ng kamay ang nagri-ring at nagba-vibrate na cellphone sa side table na kaharap ng kaniyang nobyo. Pagkadampot sa cellphone, agad niya itong binuksan ng hindi tinitingnan kung sino man ang tumatawag. Minura ni Rachel ang nasa kabilang linya dahil sa pag-abala nito sa pagtulog nila. "Babe, ako ito, si Gab. Low-bat na ang cellphone ko kaya nakitawag lang ako sa cellphone ni Gino. Dito muna ako magpapalipas ng gabi sa kanila kasama sina June at Cris. Ang lakas kasi ng ulan eh. Bukas na bukas ay uuwi rin ako kaagad. Sorry." Parang binuhusan ng malamig na tubig si Rachel. Nanindig ang kanyang mga alahibo sa sinabing iyon ng kaniyang nobyo na nasa kabilang linya. Naging malabo na sa kaniyang pandinig ang mga sumunod na sinabi ni Gab. Unti unting ibinaba ng dalaga ang hawak na cellphone at dahan dahang tiningnan niya ang taong nakahiga sa kaniyang kanang tabi at nakatalikod. Literal na tumaas ang kaniyang mga balahibo sa katanungang sino ang katabi niya sa kama ng mga sandaling iyon. Nauutal niyang kinausap ulit ang nobyo. "Babe, may multo sa kuwarto natin at nakahiga ngayon sa tabi ko." Nanginginig ang boses ni Rachel pati na rin ang kaniyang katawan sa takot. Ibinaling ng dalaga ang paningin sa kisame at naramdamang tumutulo na ang kaniyang luha sa takot. "Sure ka babe? Baka namamalikmata ka lamang. Sige, uuwi na ako diyan ngayon din. Huwag ka ng matakot kasi multo lang iyan. Papara na ako ng taxi." Nataranta naman si Gab sa nabalitaan. Agad na nagpaalam ito kina Gino at sumakay na ng taxi. Umupo ang dalaga at humarap sa bintana. Inilibang nito ang sarili sa view ng tahimik na ilog at sa mga buildings na malapit rito. Makalipas ang ilang minuto, nagdasal ang dalaga na sana ay umalis na ang kung sino mang humihiga sa kama na katabi niya. Maya maya pa ay naluluha at dahan dahan siyang lumingon sa kabilang gilid ng kama. Kinilabutan siya ng makita niyang naroon pa rin ang lalaking nakatalikod ng higa sa kanya. Pagdungaw ulit ng dalaga sa bintana, mas taimtim ang naging panalangin nito. Maya maya ay nagtaasan lahat ng kaniyang balahibo dahil sa lamig ng hangin na dumampi sa batok niya. Sa kuryusidad niyang malaman kung nawala na ang multo, dahan dahan at nanginginig siyang lumingon para silipin ito. Napasigaw na lamang ng ubod lakas si Rachel ng makitang nakaharap na sa kanya ang lalaki. Itim na itim ang mukha at duguan ang dalawang malalaking matang may maliliit na itim sa gitna at nakangiti sa kaniya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD