Ang kuwentong ito ay ibinahagi lamang sa akin ng katropa ko. Kaibigan ko ito noong elementary at high school. Pareho kaming nakatira sa isang baryo sa Cordillera province na malayo sa kabihasnan. Malayo sa siyudad ng Baguio.
Dahil walang college sa amin, lahat kaming magka-klase ay lumipat sa Baguio para dito magtuloy ng pag-aaral ng kolehiyo. Ngunit hindi lahat ay nakapag-aral. Ang iba ay talagang salat sa perang panggastos samantalang ang iba naman ay maagang nabuntis at nag-asawa. Nagkataon lamang na iskolar kaming apat na magkakatropa ni Mayor kaya kami nakapag-enrol at natuloy sa kolehiyo.
Sa kadahilanang iba iba kami ng kinuhang kurso, magkakahiwalay kami ng kolehiyong pinasukan. Iba iba man ang aming naging kurso at eskuwelahan, lagi naman kaming nagkikitang magkakatropa. Minsan ay sabay kaming kumain sa gabi at minsan naman ay sabay kaming umuwi sa baryo namin kapag weekend. Hindi rin siyempre pahuhuli ang mga kuwentong panliligaw namin sa mga babaeng natitipuhan namin sa kani-kaniyang paaralan.
Si Jolo ang kaibigan kong tinutukoy na may kuwento sa amin ng kaniyang karanasan sa multo sa kaniyang unang dorm na tinirahan sa Baguio. Halos nag-iba ang pananaw namin sa buhay tungkol sa mga ispirito ng marinig namin ang kaniyang kuwento.
Naalala ko pang minsan ay dinala niya kaming tatlong tropa niya sa dorm nila. Dahil hapon iyon, wala naman akong naramdamang nakakatakot at kakaiba sa kanilang dorm. Maliban na lamang kung sisilip ka sa bintana ng kanilang sala. Tanaw mo kasi ang abandonadong sementeryo sa katawid na kalsada nito. Hindi halatang maraming nakalibing dito dahil napakataas na ng mga damo. Makikita rin ang ibang nitsong sira na dahil sa tagal ng panahon.
Hindi naman kalayuan ang nasabing dorm sa mismong town proper ng Baguio. Isang tricycle lamang ang iyong sasakyan para makarating dito. Mura ang bayad sa renta ng dorm na iyon kaya maraming estudiyante ang nagri-renta rito at puro lalaki lamang.
Ilang kuwartong may tigda-dalawang double deck sa loob ang bumubuo sa isang palapag na dorm na iyon. Hindi rin naman ito mukhang lumang building. O dahil baka bago ang mga pinturang ginamit sa mga dingding nito kaya mukhang bago.
May karumihan na nga lang ang public CR nila. Siguro ay dahil nga puro lalaki ang nakatira, napabayaan na ng mga ito ang kalinisan. Marami itong mga kalawang sa mga gilid at sira na rin ang mga pintura sa dingding at sa pinto ng mga cubicles. Napakarami din ng mga vandals dito. Kung ano ano na lamang ang mga nakasulat at naka-drawing. Nakakaagaw pa ng pansin ang malaking sulat na 666 sa taas ng salamin ng lababo nila. Parang nasa horror movie ka kung papasok ka rito.
Noong mga unang linggong pagtira ni Jolo roon ay wala naman siyang naging problema. Mababait ang tatlong roommates niya at pati na rin ang may-ari ng dorm. Minsan ay nagtatanong pa siya tungkol sa kaniyang assigments sa kaniyang mga roommates na ka-batch din niya pero sa ibang kolehiyo lamang nag-aaral. Lagi din silang kinukumusta ng kanilang land lady sa loob ng isang linggo. May libre pa itong mga medisina para sa lahat kapag kailangan nila. Malapit din ang kuwarto nina Jolo sa public CR ng dorm kung kaya't hindi malayong lakarin ito kung maliligo o iihi ka.
Laki kami sa bundok kaya literal na hindi kami naniniwala sa kahit anong multo o anumang kababalaghan na nangyayari sa kung saan man. Kahit may mga tradisyon at kultura kaming sinusunod, hindi kami naniniwala sa mga bagay na hindi namin nakikita o nahahawakan.
Sa komunidad namin malakas ang paniniwala ng mga matatanda na kapag namatay ang isang tao, iyon na iyon. Tapos na. Wala ng ispirito pang puwedeng maiwan sa mundong ibabaw na puwedeng gumambala sa kung sino mang buhay na tao.
Subalit nabago ang lahat ng aming paniniwala ng ikinuwento ni Jolo ang kaniyang karanasan sa multo pagkatapos niyang tumira ng tatlong buwan sa dorm na iyon.
Nangyari ito ng isang madaling araw. Dahil intramurals ng kanilang kolehiyo, maghapong nasa practice si Jolo para sa basketball na kaniyang sasalihan ng Biyernes na iyon. Pagod na ito ng umuwi sa dorm ng mga alas diyes ng gabi. Dahil kumain na ito ng libreng hapunan sa school, dumiretso na siya sa kuwarto para magpahinga. Hinubad lamang niya ang kaniyang sapatos at nahiga na sa kaniyang kamang nasa ilalim ng isang double deck.
Kaagad siyang nakatulog sa sobrang pagod.
Pagdating ng alas kuwatro ng madaling araw, nakaramdam siya ng pagkaihi. Gusto niya itong pigilan pero pakiramdam niya ay puputok ang kaniyang pantog sa pagpipigil. Kaya naman kahit na antok na antok siya ay pinilit niyang tumayo para umihi.
Pagtayo niya, nanlalabo pa ang kaniyang paningin habang nagpupungas pungas pero nakita niyang nakaupo ang tatlo niyang roommates sa kani-kaniyang higaan. Nagtaka si Jolo kung bakit nakaupo ang mga ito sa higaan. Inisip niya na siguro ay nagri-review ang mga ito para sa first periodical exam sa buwang iyon. Nagtaka lamang siya dahil nakapatay ang mga ilaw. Inisip na lamang niya na baka nagmi-memorize lamang ang mga ito at gumagamit lang ng liwanag mula sa cellphone ng mga ito para hindi makaistorbo sa akin na natutulog dahil sa liwanag ng ilaw.
Paika-ika na naglakad si Jolo palabas sa room nila. Halatang antok na antok talaga siya sa mga oras na iyon pero hindi na niya mapigil ang pag-ihi.
Paglabas niya ng pintuan, napakadilim ng makitid na hallway ng dorm. Nagtaka si Jolo dahil ang aga pa para patayin ng land lady ang mga ilaw sa kanilang hallway. Sa pagkakantanda ni Jolo, tuwing alas sais ng umaga ito pinapatay ng kanilang land lady.
Wala siyang mapagtanungan sa mga oras na iyon tungkol sa nangyayari. Malamang tulog pa ang lahat ng mga nasa dorm ng madaling araw na iyon pati na rin ang kanilang land lady.
Inikot ni Jolo ang kaniyang paningin sa hallway baka may makita pa siyang gising sa mga oras na iyon.
Sa kabilang dulo ng hallway na malapit sa sala ay may matandang babaeng nakatayo at nakaharap kay Jolo.
Pinanindigan si Jolo ng balahibo ng makita niya ito. Para itong multo sa isang pelikula na nakakatakot. Dahil naantok pa at may kadiliman, hindi naaninag ni Jolo ang mukha ng matandang nakatayo. Inisip na lamang niya na siguro ito ay ang kanilang land lady. Pinapatay talaga kasi nito ang mga ilaw sa hallway bago sumikat ang araw.
Nagtaka lang si Jolo dahil napakaaga ng pagpatay ng land lady nila sa mga ilaw ng umagang iyon. Baka dahil Sabado na at wala naman silang pasok tuwing weekend. Lahat ay umuuwi sa kani-kanilang baryo sa ganoong mga araw.
Halos ilang segundo ring nakatingin ang matandang babae kay Jolo. Hindi talaga maaninag ni Jolo ang mukha nito dahil sa dilim. Parang nakikiramdam lamang ito sa kaniya at sa susunod niyang gagawin.
Tatawagin sana ito ng Jolo para magtanong kung puwede pang buksan ang ilaw kahit sandali pero bigla itong tumagilid at dumiretso pakanan papuntang sala hanggang sa hindi na ito makita ni Jolo.
Nakakapagtaka ang naging paglakad nito dahil parang hindi ito humahakbang at lumulutang lamang. Wala ring yabag na narinig si Jolo mula sa mga paa nito.
Ikinibit na lamang niya ng balikat. Dahil madilim talaga sa mga oras na iyon, dinukot niya ang kaniyang cellphone sa bulsa at binuksan ito. Hindi man ganoon kalakas ang liwanag mula sa screen ng kaniyang cellphone pero sapat na ito para malaman niya ang tamang daanan patungo sa CR.
Habang papalapit siya sa CR, unti unting lumalamig ang hangin. Nanindig ang kaniyang mga bahahibo. Ganoon naman talaga kalamig sa Baguio kahit pa summer kaya binalewala rin niya kaagad ito. Itinuloy lang niya ang kaniyang paglakad.
Ilang segundo pa ay narating na niya ang CR. Hindi naman naging mahirap sa kaniya ang pagbukas dito dahil hindi naman kailangan pa ng susi.
Pagbukas ng pinto, bumulaga sa kaniya ang napakadilim na looban nito. Paghakbang niya papasok, napakalamig na hangin ang sumalubong sa kaniya. Sa pagkakataong iyon ay ramdam na ni Jolo na iba na ang ibig sabihin ng lamig na iyon. Sinabayan pa ito ng langitngit ng lumang pintuang gawa sa kahoy kaya naman kinilabutan pang lalo si Jolo.
Nagmamadali niyang hinagilap ang switch ng ilawan at pinindot para magbukas ang ilaw. Pero ayaw nitong mabuksan. Walang ilaw ang sumisindi. Inulit niya ang pagpindot rito pero wala talagang sumisindi. Nakalimutan rin siguro niyang pinatay na ng landlady ang mga ilawan.
Lalong lumamig ang ihip ng hangin sa loob ng CR. Hindi mawari ni Jolo kung saan nanggagaling ang malamig na hangin na iyon dahil sarado naman ang bintana ng CR.
Pinindot pindot niyang muli ang switch ng ilaw pero ayaw talaga.
Kinuha niya ang kanyang cellphone, binuksan muli ito at inilawan ang switch. Sobrang natakot siya ng makitang mayroong maputing kamay na nakahawak din sa switch. Agad niyang itinutok ang liwanag ng cellphone sa mukha ng kung sino mang tao ang may-ari ng puting kamay na nakahawak sa switch. Iyon ang unang pagkakataong nakakita si Jolo ng multo. Mukha ito ng babaeng puro itim ang mata at nakangiti sa kaniya.
Agad na napatakbo si Jolo sa labas ng CR at dumiretso sa labas ng dorm na iyon. Hindi niya alam kung ano ang gagawin. Agad siyang lumabas sa gate at mabilis na pumara ng tricyle at dumiretso sa apartment na tinitirahan ko.
Hingal na hingal ito ng pagbuksan ko ng pinto. Minura ko pa siya dahil napakaaga pa niya para sa pag-uwi namin sa baryo ng Sabadong iyon.
Agad siyang pumasok sa loob ng apartment ko at nagkuwento. Doon din ako kinilabutan.
Pagsikat ng araw, tinawagan namin ang kanilang land lady. Ayon dito alas siyete ito nagising ng umagang iyon. Natuwa pa raw ang land lady dahil may pumatay na ng mga ilaw sa hallway para sa kaniya. Nakalimutan niya raw kasi ito dahil sa sobrang himbing ng kaniyang tulog. Nagtaka lamang ito dahil walang naman kahit na isang taong naiwan sa dorm. Lahat ay umuwi. Alam niya iyon dahil mayroon siyang log book ng mga nakatira roon.
Mas lalo kaming kinilabutan sa mga sinabing iyon ng land lady. So sino ang matandang nakita ni Jolo sa hallway? Sino ang mga nakita niyang nakaupo sa loob ng kanilang room?