Magkasama kami ni Chino sa trabaho sa isang coffee shop sa may Metrowalk sa Ortigas Center. Parehong middle shift kaming dalawa sa 24-hours na shop na iyon. Halos dalawang buwan na rin akong nagta-trabaho sa nasabing establishment. After graduation ko sa probinsya ay lumuwas na ako ng Maynila at nakitira sa aking tito sa Taytay, Rizal na nagta-trabaho naman bilang agent sa isang call center sa Cubao.
Si Chino ay dalawang taon ng nagta-trabaho sa coffee shop na iyon. Ayon dito, ito rin ang unang trabaho niya pagkatapos niyang mag-aral sa isang unibersidad dito sa Manila. Dahil matagal na siyang nagta-trabaho dito, nagbabalak na itong mangibang bansa. Sabi niya sa akin ay sinimulan na niya ang pag-aayos ng kaniyang mga papeles at passport.
Nang gabing iyon, isang surpresa ang dumating sa coffee shop namin. Nagbisita ang country manager sa aming branch. Gulat na gulat kaming lahat sa pagbisita ng manager na iyon pati na rin ang mga customers na naroroon ay nakatingin sa amin.
Agad na nag-anunsiyo ang country manager tungkol sa award na ibibigay sa amin. Ang aming branch ang nanalong pinakamalinis na branch sa buong stores dito sa Maynila. Kaya naman malakas ang naging hiwayan naming lahat na sinabayan naman ng mga palakpakan ng mga customers na nasiyahan para sa amin.
Ibinigay nito sa amin ang malaking portrait ng certificate at nagpakuha kami ng group picture sa guard. Hindi rin namin pinalampas ang kumuha ng selfie sa country manager na mukhang half Filipina at half American.
Isa din sa mga consolations na ibinigay sa amin ay mga sobre. Tig-iisa kaming lahat ng mga employee sa branch namin ng sobre.
Laking tuwa ko ng malamang tig-dalawang libong piso ang laman ng aming mga sobre.
Alas otso ng gabi ang out namin ni Chino sa coffee shop. Habang nagbibihis kami ng bagong damit at inililigpit ang aming mga uniform, nag-aya si Chino sa akin na uminom kami. Aayain daw diumano nito ang iba pa naming workmates na mga babae.
Dahil biyernes naman at off naming dalawa ng weekend na iyon, pumayag ako. Lalo pang mayroon kaming extrang perang puwedeng gastusin.
Sa isang KTV bar kaming lahat napadpad. Malapit lamang ito sa coffee shop kaya hindi naging hadlang ang traffic sa pagpunta rito.
Kaagad na umorder kami ng dalawang buckets ng light beers at sinimulan na namin ang inuman.
Hindi maawat ang dalawang babae naming kasama sa pagkanta sa videoke. Halos lahat ng kanta ni Whitney Houston ay inubos ng mga ito.
Si Chino ay hindi rin nagpatalo, kayang kaya rin nitong kantahin ang mga awiting Buloy, Laklak, Magdalena at iba pa. Mahilig ito sa mga kantang pinoy.
Kahit anong pilit ng mga ito sa akin na kumanta ay hindi ko sila pinagbigyan. Hindi talaga ako marunong kumanta at nahihiya ako sa aming mga kasamang babae.
Umorder pa si Chino ng dagdag na dalawang buckets ng light beers. Kahit sinisenyasan ko na itong tama na dahil hindi ako malakas uminom ng beer. Alam kong hanggang apat lang ang kaya ko. Kapag sumobra ako rito, matutumba ako sa lasing at hindi na makakalakad pa.
Nagrequest ang isang kasama naming babae na umorder kami ng pulutan. Pinindot ni Chino ang alarm bell at umorder ng chicharon at fries.
Tuloy tuloy ang naging kasiyahan namin. Unti-unti na rin akong nahihilo sa mga oras na iyon. Iniisip kong kapag hindi ko na kayang magbiyahe pa, sa coffee shop na lamang ako matutulog, sa personnel's area. Sa layo ng uuwian kong bahay sa Rizal, baka makatulog lang ako sa biyahe o hindi kaya ay masuka. Kung mangyari man iyon ay nakakahiya sa mga makakasabay ko sa biyahe at sa driver.
Umabot na ang ala una ng madaling araw at tuloy pa rin ang aming kasiyahan. Nabibingi na ako sa ingay ng kantahan ng dalawang babae.
Pagkatapos maubos ang huling bucket ay nagpasya na kaming lahat na magsiuwian. Kaagad na nakapara ng mga taxi ang mga kasama naming babae. Si Chino naman ay sinabihan ako na sa kanila na lamang ako mag-overnight ng gabing iyon at puwede naman akong umuwi ng umaga na. Wala naman daw ang mga magulang nito at bunsong kapatid sa kanilang bahay na nasa Rosario, Pasig lamang.
Dahil sa sobrang lasing na ako, sumama na lang ako kina Chino pauwi. Akay-akay ako nitong isinakay sa taxi. Nadagdagan pa lalo ang aking pagkahilo sa aircon ng taxing sinakyan namin. Halos sampung minuto lamang ang itinagal namin sa taxi at nakarating na kami kaagad sa kanilang bahay na mayroong dalawang palapag. Muli ay inalalayan ako ni Chino na bumaba sa taxi at pumasok sa kanilang gate.
Pagpasok namin sa sala ay kumuha si Chino ng malamig na tubig at ininom naming dalawa. Umakyat kami kaagad sa kuwarto ni Chino at ng kapatid nito sa ikalawang palapag. Paika-ika akong humahakbang sa lumalangitngit na hagdanan nila. Nakaalalay naman si Chino sa aking likuran baka matumba ako at bumagsak sa unang palapag.
Pagbukas ni Chino ng pintuan ng kuwarto, napakalamig na hangin ang sumalubong sa amin. Nakaramdam ako ng kaunting kilabot at lalo pang nahilo sa malamig na hanging iyon.
Dalawang double deck ang laman ng kanilang kuwarto. Hindi na namin binuksan ang ilaw dahil natatanglawan naman ang kuwarto ng dilaw na liwanag ng ilaw galing sa poste ng kalsada sa labas ng bintana. Tinungo ni Chino ang bintanang gawa sa transparent glass at isinara. Marahil ay naramdaman din nito ang malamig na hangin sa pagpasok nila.
Itinuro sa akin ni Chino ang double deck na nasa kaliwa. Senyas niya ito na doon na ako humiga. Siguro ay sa bunsong kapatid niya ang higaan. Mabuti na lamang at wala ito noong mga panahong iyon sa bahay nila. Dahil kung naroon ito, wala akong mahihigaan.
May kalumaan na tingnan ang itinurong double deck sa akin ni Chino. Gawa ito sa kahoy kaya nakikita ang mga dinaanan ng mga anay rito. Subalit dahil makakapal naman ang bawat tabla ng kahoy nito ay mukha paring matibay higaan.
Kaagad ko itong tinungo at humiga sa ilalim nito. Lumangitngit pa ang double deck na iyon ng bahagya akong tumagilid. Nagsabi ako kay Chino na hindi ko na tatanggaling ang sapatos ko dahil hindi ko na kaya. Pumayag naman ito. Itinabi ko na lamang ang aking bag sa gilid ng kama at itinabon ang isang unan sa aking mukha.
Sa kabilang double deck naman nahiga si Chino.
Ilang minuto lang ay nakatulog kaagad kaming dalawa. Siguradong sa sobrang kalasingan iyon. Rinig na rinig ko pa ang malakas na hilik ni Chino bago ako maidlip.
Naalimpungatan ako bandang alas tres ng madaling araw dahil pakiramdam ko ay may umuuga-uga sa itaas ng double deck na hinihigaan ko. Bagamat mahina lamang ito pero nararamdaman ko pa rin. Inisip kong baka lumindol lamang ng mabilis kaya mayroong pag-uga na naganap.
Patuloy akong nakiramdam at umalog na naman ang double deck. Sa pagkakataong iyon ay lumakas ito ng kaunti dahil narinig kong tumunog ang double deck.
Bahagya kong inalis ang unan na nakatabon sa aking mukha at kabadong sumilip sa itaas ng deck ng dahan dahan. Muntik na akong mapaihi sa gulat ng makita ko ang dalawang paang nakalawit sa gilid ng higaan sa itaas. Paa ito ng kung sino mang taong nakaupo sa itaas ng kamang aking hinihigaan.
Hindi ko natandaan na may tao pala roon na nakahiga kanina pagpasok namin. Baka nakalimutan lang ni Chino na bumalik na iyong bunso niyang kapatid sa bahay nila kung saan man ito galing. Pero bakit ito nakaupo at nakalawit ang mga paa sa taas ng kama? Gising ba ito at naglalaro ng cellphone?
Dahil sa kadiliman ng loob ng kuwarto, tanging mga paang nakalawit lamang ang aking nakita.
Sa hindi malamang dahilan, nakaramdam ako ng takot sa mga oras na iyon. Marami akong naalalang kuwento sa akin ng mga kaibigan ko noon sa probinsya tungkol sa mga multo at maligno. Napamura ako ng mga sandaling iyon. Nagdasal ako na sana hindi elemento ng kadiliman ang aking nakita sa itaas ng kama. Kung ano man ito, sana ay hindi ako gagawan ng masama.
Kinalma ko ang aking isipan at pinaniwala ko ang aking sarili na kapatid ni Chino ang nagma-may-ari ng mga paang nakalawit sa itaas ng kama na aking nakita. Gusto ko sanang gisingin si Chino pero masarap na ang tulog nito at napakalakas pa ng hilik. Muli kong itinaklob ang isang unan sa aking tenga. Ipinikit ko nalang ang aking mga mata at pinilit na matulog muli.
Ilang segundo lang ang nakalipas, naramdaman ko na namang lumilikot ulit ang kung sino man ang nasa itaas ng kama. Lalo akong kinabahan sa mga sandaling iyon.
Tinanggal ko ulit ang unan sa aking ulo at dahan-dahan ko ulit itong sinilip sa itaas. Napakabilis ng naging pintig ng aking puso sa kaba. Natatakot rin ako sa kung ano man ang aking madidiskubre sa gagawin kong pagsilip dito.
Nanindig lahat ng aking mga balahibo dahil hindi na dalawang paa ang nakita ko kundi maputing mukha ng babaeng multo na mayroong dumudugong mata. Natatabunan pa ng maitim na buhok nito ang ilang bahagi ng mukha. Nakadukwang ito mula sa itaas ng kama at matalim na nakatitig sa akin.
Halos maihi ako sa takot kaya sumigaw ako para magising ko si Chino. Pupungas pungas pa ito ng mata ng magising. Nataranta ito kaya nagtanong ng kung ano ano.
Umiiyak na ako sa takot habang sinasabi ko sa kaniyang buksan niya ang ilaw sa loob ng kuwartong iyon. Mabilis namang tinungo ni Chino ang switch at binuksan.
Lumapit ito sa akin at nagtanong kung ano ang nangyari. Tinatanong nito kung nabangungot ba ako o maysakit ako.
Tumayo na lamang ako at kinuha ko ang aking bag. Agad kong tinungo ang pintuan at walang lingon-likod na bumaba ng unang palapag ng kanilang bahay at nag-abang ng sasakyan sa labas ng gate.
Mabilis namang nakasunod si Chino at patuloy pa rin ang pagtatanong nito sa kung ano ang nangyari sa akin. Dinahilan ko na lamang na may susunduin pala ako sa airport ng umagang iyon kaya kailangan kong umuwi ng Rizal.
Bumuntong hininga lamang si Chino. Akala siguro nito ay napaano na ako. Agad akong humingi ng pasensiya sa kaniya na tinanggap naman nito.
Nang pasakay na ako ng napara kong dyip, sabi ni Chino puwede daw ako bumalik doon kahit kailan kasi nasa probinsya pa ang lahat ng kaniyang pamilya kaya solo niya ang bahay. Tumango lang ako pero sa isip ko, hindi na ako babalik sa bahay na iyon kailanman.
Habang papalayo ang sinasakyan kong dyip, naisipan kong kumaway kay Chino. Nang dumako ang aking mga paningin sa bintana ng kuwarto ni Chino, naroon ang babaeng multong may duguang mata. Nakatingin sa akin na para bang may gustong sabihin.