Si Lila ay isa sa mga kilalang make-up artists sa kompanya nila. Patunay dito ang ilang national make-up contest na naipanalo na niya para sa kanilang kompanya kaya naman tuwang tuwa ang management sa dalaga. Isa siya sa mga ipinagmamalaki ng kanilang modeling agency. Halos lahat ng mga importanteng trabaho para sa pagmi-make up ay kay Lila napupunta.
Lagi rin itong suki ng mga artista bilang kanilang freelance make up artist. Kilalang kilala ang pangalan ni Lila sa showbiz dahil sa kagalingan nito sa pagmi-make up.
Halos mapuno na rin ng dalaga ng mga trophies at certificates ang sala niya sa condo sa Makati. Maliit lamang ang unit niya pero punong puno ito ng mga damit pang-model at mga gamit pang-make up gaya ng mga malalaking salamin, lights, tiffany chair at mga naglalakihang make up sets.
Dagdag din sa naging daan ng kasikatan ni Lila ay ang pagba-blog niya na kung saan siya ay regular na nagsusulat ng reviews, make up tutorials, at kung ano ano pang may kinalaman sa pagmi-make up. Gamit na gamit ng dalaga ang social media para makaipon ng maraming mga tagahanga mula sa Pilipinas at kahit pa sa ibang bansa.
Natutuwa ang dalaga kapag nakakatanggap ito ng mga mensahe galing sa kaniyang mga tagahanga. Mensaheng nagsasabing siya daw ay napakalaking inspirasyon sa kanila at gusto nilang maging kagaya niya. Minsan naman ay nakakatanggap din ng mga make up products si Lila mula sa mga hindi niya kilalang mga tagahanga at sa iba't ibang cosmetic brands. Tuwang tuwa ang dalaga sa mga tinatamasang tagumpay sa mga panahong iyon.
Dahil nga sa husay at angking talento ni Lila, opisyal siyang pinili at ipapadala ng kompanya nila sa Singapore bilang participant para lumaban sa isang international make-up contest.
Sobrang nasabik ang dalaga ng unang ibinalita sa kanya ng management na dadalo siya sa nasabing contest. Hindi lang dahil unang pagkakataon niya itong makapunta ng Singapore kung hindi dahil tanyag ang patimpalak na ito sa buong mundo at dadaluhan pa ng ilang mga sikat na personalidad at mga artista.
Nanginig sa kilig ang dalaga ng makita niya ang line up ng mga judges sa website ng contest na iyon. Tatlo sa mga ito ay kaniyang hinahangaan at sinusundan sa social media at sa mga blogs ng mga ito. Sa tatlo siya nakakakuha ng naparaming inspirasyon sa pagmi-make up at pagba-blog. Pati ang klase ng pananamit ng mga ito ay inaral din niya at ginagaya.
Halos mapuno ni Lila ang GrabCar na six seater sa kaniyang mga make up sets na dadalhin patungong Singapore. Tinulungan na siya ng driver sa pagsakay ng mga kagamitan sa sasakyan nito.
Ilang minuto lamang galing ng Makati ay nasa NAIA na si Lila. Hindi naman naging mahirap ang boarding sa kaniya dahil kumpleto siya sa papeles at maraming tatak ng visa ang kaniyang passport.
Lumapag ang sinasakyang eroplano ng dalaga ng umagang iyon sa Singapore. Mabilis naman siyang nakahanap ng taxi at nagpahatid sa binook niyang hotel. Malaking pasasalamat ng dalaga ng tulungan siya ng isang boy ng hotel sa pagbaba ng kaniyang mga gamit mula sa sasakyan at dalhin ang mga ito sa kaniyang hotel room.
Matapos ang isang oras na pag-aayos ng gamit sa kuwarto, naidlip muna si Lila.
Alas tres na ng hapon ng siya ay magising. Agad siyang naligo, nagbihis at lumabas ng hotel.
Dahil kinabukasan pa ng umaga ang patimpalak, nagpasyang maglibot muna si Lila sa ilang sikat na make up stores sa Singapore. Tinungo niya ang pinakasikat na mall rito at binusog ang sarili sa pagmamasid ng mga nagmamahalang mga cosmetic products at make up sets. Umaabot ng milyon ang bentahan ng mga ito sa mall na iyon. Nakakalula. Naisip ng dalaga na balang araw, makakabili din siya sa mga shops doon.
Matagal ang naging pag-ikot ni Lila. Sinamahan na rin ito ng dalaga ng shopping. Bumili siya ng ilang mga branded na damit, sapatos at mga accessories sa katawan.
Nag-aabang na siya ng taxi pabalik sa hotel ng may mahagip ang kaniyang mga mata na isang antique shop. Sa pinakagilid ng mall ito nakapuwesto. Mukhang maganda naman ang nasabing shop at kahit papaano ay may taong tumitingin tingin dito.
Naisip ng dalaga na maaga pa naman kaya nagtungo ito sa antique shop.
Nang papasok na siya sa nasabing shop, nagulat si Lila ng may mabilis na lumapit sa kaniyang dalagitang baliw at niyakap siya nito ng sobrang higpit. Hindi naman mukhang gusgusin ang baliw na dalagita subalit nakakatakot ang naging asal nito. Napakalakas ng pagkakapit ng mga kamay nito kay Lila at dumidikit din ang laway nito sa balat niya at tumutulo sa kaniyang puting pantalon.
Sa sobrang inis, itinulak ni Lila ang baliw na dalagita. Bumagsak ito sa sahig at nagalit ang mukha. Unti unting namula ang mga mata nito at umiyak. Sa umpisa ay mahina ang iyak nito ngunit ng tumagal ay palakas ng palakas hanggang sa matawag na ang atensiyon ng ibang taong nakapaligid sa kanila.
Maya maya lang ay lumapit ang isang matandang lalaki sa kanila. Inalalayan nito ang baliw na dalagita at itinayo. Paulit ulit na humihingi ang matanda ng paumanhin kay Lila sa pamamagitan ng pagyuko. Dinala nito ang dalagita sa isang room sa likurang bahagi ng mall na sa tingin ni Lila ay room ng mga tindero at tindera.
Sa nakitang iyon ni Lila, alam niyang apo ng matandang lalaki ang dalagitang baliw. Nainis ang dalaga dahil hindi man lamang nila binantayan ito o hindi kaya ay iniwan na lamang sa bahay nila kung saan puwedeng alagaan ng ibang kamag-anak nila.
Lumapit naman ang asawa ng matandang lalaki kay Lila. Katulad ng una, humihingi din ito ng paumanhin sa dalaga habang nagpapaliwanag. Ayon sa matandang babaeng nakakapagsalita ng English, kilala daw si Lila ng kaniyang apo mula sa mga blog nito. Naka-follow din daw diumano ito sa kaniyang mga social media. Iniidolo diumano siya ng babaeng baliw.
Bahagyang nahiya naman si Lila sa matanda dahil naitulak nito ang kaniyang apo at nasaktan. Agad din siyang humingi ng paumandhin rito para sa kaniyang nagawa.
Niyaya siya ng matandang babae sa loob ng antique shop ng mga ito. Inilibot pa siya ng matanda habang kini-kuwentuhan ng mga istorya ng bawat antique na kagamitang nadadaanan nila.
Sa lahat ng mga kagamitan sa loob ng shop na iyon. Isang bagay lamang ang nakaagaw ng pansin ni Lila. Ito ay ang hanggang baywang na salaming gawa sa lumang kahoy ng Narra. Alam ni Lila na binarnisan lang ito kaya nagmukhang bago. Kitang kita rin sa mga gilid ng pabilog na salamin ang kaunting kalawang rito. Tanda ito na napaka-antigo na nga ng salamin.
Manghang- mangha ang dalaga sa lumang salamin na nakita. Sa tantiya niya ay kasintaas lang nito ang mesa niya sa condo sa Makati. Naisip niyang napakaganda ng salamin na iyon idikit sa dingding niya sa sala dahil lahat ng mga gamit niya rito ay puro mga antigo. Kung saan saan pa niya hinagilap ang mga kagamitang iyon para lang madekorasyunan ang kaniyang sala.
Ayon sa matandang babae, panahon pa daw ito ng World War 2 sa Singapore. Nadiskubre lamang daw ito sa isang sirang mansion ng isang mayamang pamilya sa Singapore. Kahit pa nabagsakan na ito ng semento galing sa dingding ng mansion, hindi pa rin ito nabasag. Ganoon ito katibay. Nabasa lamang diumano ito ng ulan kaya may mga kalawang sa gilid.
Pero dahil nilinisan na ito at nilagyan ng barnis, napakaganda talaga nitong tingnan. Hindi mo masasabing luma na. Naisip rin ng dalaga na puwede siyang mag-ensayo ng pagmi-make-up sa harap nito mamaya sa hotel pag-uwi niya.
Hindi makapaniwala si Lila ng sabihin ng matandang babae na ibibigay na lamang niya iyon sa dalaga. Nahiya daw diumano ito sa ginawa ng apo kaya gusto niya itong regaluhan. Bukal naman sa pusong tinanggap ito ni Lila.
Alas-siyete ng gabi pagkatapos maghapunan sa labas ng hotel, inilabas niya ang salamin at ipinatayo sa mesang nakadikit sa dingding sa loob ng room niya sa hotel. Umupo siya at tinitigan ang kaniyang sarili sa harapan nito. May kilabot siyang naramdaman habang nakatingin dito. Hindi niya alam kung ano ang dahilan pero pinanindigan siya ng mga balahibo. Subalit dahil hindi naman siya naniniwala sa mga multo, nagpatuloy lang siya sa ginagawang pagsusuri ng kaniyang sariling mukha.
Sa mga oras na iyon ay alam na ni Lila ang teknik na gagawin niya sa patimpalak kinabukasan. Sinimulan niya ang pag-i-ensayo ng kaniyang make up. Inilabas niya ang pinakamahal at magarbo niyang make up set at kinuha ang mga brush at pencils dito. Pati na rin ang suklay at mga liquid make up bottles ay inilabas rin iya kasabay ng marami pang iba.
Sinimulan niya ang pag-aplay ng foundation sa kaniyang mukha. Sa paglagay ng eye shadows at pagguguhit ng kilay.
Ilang minuto lang ang nakalipas ay naramdaman ng dalagang biglang lumamig ang buong kuwarto. Nanindig na naman ang balahibo niya sa lamig. Kaagad na tumayo ang dalaga, kinuha ang remote sa taas ng telebisyon at pinatay ang aircon sa pamamagitan ng remote control.
Ipinagpatuloy ng dalaga ang pagmi-make up. Gumuguhit na ito ng eyeliner nang biglang nalaglag ang suklay niya sa ilalim ng mesa.
Napataas ang kilay ni Lila sa nangyari dahil hindi nakalagay ang suklay sa pinakagilid ng lamesa para ito'y malaglag. Wala rin namang electric fan na nakatutok dito para lumipad at mahulog. Hindi rin naman niya nagalaw ang mesa. Takang taka ang dalaga kung paano nangyaring nalaglag ang suklay.
Kumunot lamang ang noo niya at kaagad siyang yumuko at kinuha ang nahulog na suklay.
Muntik na siyang mamatay sa gulat nang pag-angat niya sa taas ng mesa ay iba na ang babae sa repleksyon ng salamin. Hindi na mukha ni Lila ang nakareplek dito kundi mukha ng babaeng chinese. Walang reaksyon ang mukha nito at nakatingin lamang kay Lila.
Napasigaw ang dalaga sa takot at nanindig ang lahat ng balahibo niya sa katawan. Maputla ang buong mukha ng babae at galit na galit na nakatingin ito sa kanya habang sinusuklay ang mahaba at itim na buhok nito. Animo'y may ginawa siyang masama sa multo. Animo's papatayin siya nito.
Pabilis ng pabilis ang naging pagsuklay ng babaeng multo sa repleksyon ng salamin. Nanggigigil rin ang mga kamay nito sa paghawak sa suklay na kulay pula habang ginagamit.
Gulat na nakatulala lamang si Lila sa harap ng salamin. Maya maya pa ay ngumiti ang multo sa kaniya at lumabas ang nakakadiring itim na likido mula sa bibig nito, dahan dahan pang bumuka ang bibig nito at lumaki ng lumaki hanggang sa mabiyak ang buong mukha nito.
Napasigaw ng ubod lakas si Lila sa takot. Mabilis na tumakbo ang dalaga patungo sa pintuan at palabas ng unit niya.
Halos maubusan na siya ng hininga ng makarating sa elevator. Hindi mapigil sa panginginig ang kaniyang mga kamay habang pinipindot ang down button. Awa ng Diyos, mabilis naman itong bumukas. Gustong gusto niyang makababa kaagad para makahingi ng tulong sa lobby.
Pagpasok niya sa loob ng elevator, nahimatay na lamang ang dalaga sa sobrang takot dahil pagtingin niya sa repleksyon sa dingding ng elevator, nakita niya ang multo ng babae. Nakangiti ito sa kanya habang nagsusuklay ng mahaba at maitim na buhok gamit ang pulang suklay.