Taxi IRP 0228

1817 Words
Nahihilo na si Sandra ng mga sandaling iyon. Alas dose na ng hatinggabi kaya naman halos lasing na ang lahat ng mga kasama at ka-klase niyang dumalo sa 18th birthday party ng classmate niyang si Jela sa isang club sa Tomas Morato. Ang iba ay nasa mga upuan na at nakatungo dahil sa kalasingan. Ang iba naman umiinom pa rin ng alak. Bagamat alcohol, flavored beers at pop cola lamang ang binibigay ng bartender, hindi pa rin maiwasang malasing ang mga ito. Kagaya ni Sandra na kanina ay maayos naman ang pakiramdam subalit dahil tuloy tuloy ang kaniyang pag-inom ng flavored beers, tinamaan ito ng kalasingan. Agad itong umalis sa gitna ng sayawan at pumagilid patungo sa mga upuang nasa tabi. Mabilis naman siyang sinundan at inalalayan ni Mico na makaupo sa isang couch na naroroon. Nakasandal si Sandra sa dibdib ng kanyang manliligaw na si Mico sa isang sulok na iyon ng club. Hindi naman ganoon kalakas ang hilong nararamdaman ng dalaga kaya malinaw pa rin ang kaniyang pag-iisip. Masayang pinapanood ng dalawa ang mga nagsasayawan sa gitna ng dance floor lalo na si Lexie - ang bestfriend ni Sandra mula pa noong mga bata sila. Kapit bahay ito ng dalaga kaya halos sabay silang lumaki ni Lexie. Sabay na nag-aral ng elementarya at sabay din na nag-high school at kapareho pa ng section. Aliw na aliw si Lexie na kasayaw si Darwin - ang bagong transferee sa kanilang paaralan. Bakas sa mukha ng kaniyang best friend na may paghanga ito sa lalaki. Ngiting ngiti ito tuwing niyayakap ni Darwin habang sumasayaw. Hindi naman kaguwapuhan si Darwin. Matipuno lang ang pangangatawan nito at napakalinis tingnan sa kaniyang pananamit. Moreno ang binata at maganda ang mga ngipin lalo na kung ngumingiti. Kaya naman maraming babae itong tagahanga at kabilang na si Lexie. Ilang minuto ding nag-usap si Mico at Sandra sa sulok ng club na iyon ng magtanong ang binata tungkol sa estado ng panliligaw nito sa kanya. Halos anim na buwan na rin namang nanliligaw si Mico kay Sandra. Guwapo, mabait at maalaga naman si Mico. Sikat ito sa kanilang school dahil sa tsinitong feature nito at maliban dito, varsity player din siya ng basketball. Nagkataon lang na hindi pa handa si Sandra noong mga naunang buwan na nanliligaw ito. "Oo, sinasagot na kita." Kahit may kaunting kalasingan, alam ni Sandra ang kanyang nararamdaman. Naikonsulta na rin naman niya ito sa bestfriend niyang si Lexie at sa kaniyang mga magulang. Wala namang tutol ang mga ito sa kanila ni Mico. Nangako lamang ang dalaga na uunahin nito ang pag-aaral at gagawing inspirasyon ang pakikipagrelasyon niya sa binata. Nagulat pa siya ng tumayo si Mico at nagsisigaw sa tuwa. Kahit malakas ang tugtugan sa loob ng club, naririnig pa rin niya ang malakas na sigaw nito. Kaya naman tumayo na rin siya at niyakap ito para tumigil na. "Basta, uunahin muna natin ang ating pag-aaral at gagawin nating inspirasyon ang isa't isa, okay?" Kondisyon ni Sandra na agad namang tinanguan ni Mico habang tumutulo ang luha sa kasiyahan. Ganoon na lamang ang pagiging emosyonal ng binata dahil sa tuwang naramdaman. Unang pagkakataon niya itong magka-girlfriend at si Sandra pa. Si Sandra ang babaeng alam niyang kapag pinakilala niya sa kaniyang mga magulang ay matutuwa ang mga ito. Maliban sa maganda at mabait ito ay napakatalino pa. Masayang bumalik ang dalawa sa dance floor na magkayakap. Pinuntahan ng mga ito si Lexie at Darwin at masayang nagsayawan. Sumali ang dalawa sa kanila at naglundagan silang apat. Alas dos na ng madaling araw ng mag-ayang umuwi si Sandra. Pumayag din naman si Lexie dahil nakaramdam na rin ito ng pagod sa buong gabing pagsasayaw. Kina Sandra matutulog si Lexie ng gabing iyon at si Mico ang maghahatid sa kanila sa bahay ng mga ito. Pagiwang-giwang na naglalakad si Lexie palabas ng club habang naka-akbay kay Mico. Si Sandra naman ay nakabantay rin at nakasunod sa kanilang likuran. Wala ng tao sa labas ng club paglabas nila. Nasa isang liblib kasing lugar ang nasabing club. Mangilan-ngilang taxi lamang ang dumaraan dito. Tuloy tuloy na naglakad ang tatlo patungo sa isang bakanteng parking space kung saan naka-park si Mico. Medyo may kalayuan din ito pero kaya naman nilang lakarin. Sa parking lot ay biglang nalugmok si Mico ng maalalang naiwanan nito ang susi sa loob ng kanyang sasakyan kanina bago sila lumabas patungong club. Hindi malaman ng binata kung ano ang gagawin nito. Halos maiyak ito ng ibalita kina Sandra at Lexie ang sitwasyon. Hiyang hiya ito sa sarili sa nangyari. Nahiya rin ang binatang kausapin si Sandra. Umupo sa gilid ng parking lot ang dalawang dalaga. Mangiyak-ngiyak din ang mga ito ng maalalang nasa loob ng kotse ang lahat ng kanilang mga gamit; pera, cellphone, at iba pa. "Ok, wala naman na tayong magagawa." Kalmadong sabi ni Sandra na nagpapakapositibo. "Maglakad nalang tayo palabas doon sa kanto at mag-abang ng taxi. Kahit sa bahay nalang tayo magbayad. Gigisingin na lamang natin sina mama at papa." Halos manikluhod si Mico sa paghingi ng tawad sa dalawa. Naunawaan naman ito ni Sandra. Walang dapat sisihin aniya. Lalong humanga si Mico sa kabaitan ni Sandra at sa haba ng pasensiya nito. Nagsimulang maglakad ang tatlo. Hindi na nagpaalalay si Lexie. Nawala ang kalasingan nito sa nangyari subalit may kaunting hilo pa rin siyang nararamdaman. Napadako ang tatlo sa isang madilim na kanto sa pag-aabang ng taxi. Halos bakanteng lote, abandonadong gusali at mga malalaking puno na ang kanilang nakikita sa lugar iyon. Malamlam din ang ilaw ng mga street lights sa kanto. Kaya naman kahit alam nilang nasa siyudad sila, may kaunting kaba at takot pa rin silang naramdaman sa mga sandaling iyon. Lalo na si Mico dahil wala talaga silang nakikitang mga taong puwede nilang lapitan kung mayroon mang kapahamakang mangyari sa kanila. Ilang minuto pa ang lumipas at may dumaan na taxi. Naglulundag sa pagkaway si Mico para tumigil ito subalit tila hindi sila nakita ng driver at dire-diretso lamang ang pagpatakbo nito. Nadismaya naman Lexie sa nangyari. Maya-maya pa ay nagsusuka ito sa tabi ng malaking puno ng Akasya dahil sa tindi ng pagkahilo. Halos punuin nito ng suka ang mga nakausling ugat ng matandang puno. Alalang alala naman si Sandra habang hinahagod nito ang likuran ng kaibigan. Maya-maya pa ay may isa pang taxi na paparating. Dahan-dahan ang takbo nito. Maaring nakita sila ng driver kaya titigilan sila nito at pasasakayin. Nilingon ni Sandra si Mico na nasa bandang likuran nila at nginitian. Gustong iparating ng dalaga sa binata na ok na, may sasakyan na silang mapapara. Napasimangot na lamang si Sandra ng makitang may pasaherong sakay pala ang taxi. Tatlong babae ang nakaupo sa likod nito. Laking pagtataka ni Sandra ng pinara pa rin ito ni Mico. Pero bago pa puntahan ng lalaki ang tumigil na taxi ay tinawag na ito ng dalaga at pinalapit ito. "Mico, may sakay si Kuya." Pabulong na paliwanag ni Sandra ng lumapit ang binata sa kanya. "Ha? Walang sakay. Kaya ko nga pinara e." Nagulumihanan ang dalaga. Alam niyang nakita niya ang tatlong babaeng pasahero. Subalit sa naisip na baka lasing lamang siya ay sinensayasan niya ang binata na bumalik at kausapin o kontratahin ang driver ng taxi. Ngunit pagbalik ni Mico ay wala na ang taxi. Hindi maunawaan ng dalawa kung paanong bigla itong nawala. Wala naman silang narinig na umandar na sasakyan palayo sa kanila. Halo-halong emosyon ang naramdaman ni Sandra. Pag-alala sa kaibigan, takot sa kasalukuyang sitwasyon at kilabot sa kababalaghang nagaganap sa mga oras na iyon. Sa kabutihang palad, napadaan si Darwin sa kantong iyon. Eksaktong pauwi pa lamang ito galing sa birthday party. "Guys, ano ang nangyari sa inyo? Gusto niyo bang ihatid ko na kayo?" Nakakahiya man sa parte ni Mico, siya na ang nagpaliwanag kay Darwin sa nangyaring pagkaiwan ng susi sa loob ng kaniyang sasakyan na agad naman nitong naunawaan. Lumabas ito at inalalayan si Lexie para makasakay sa back seat kasama ni Sandra. Sa likuran na lamang nila ito pinaupo para kahit papaano ay makahiga ito. Samantalang nasa driver's seat naman pumuwesto si Mico. Nang makasakay na silang apat. Nag-double check si Darwin kung ayos na ang lahat. Sa pagtataka ni Sandra, bigla natahimik at natulala ang binata ng mapadpad ang tingin nito sa likurang bahagi ng sasakyan na kinauupuan nila ni Lexie. "Ayos ka lang bro?" Tanong ni Mico sa natulalang binata. Nakatingin pa rin ito sa likurang upuan. "Ha? Yap, ayos lang." Ibinaling nito ang paningin sa harapang kalsada at pinaandar na nito ang sasakyan at umalis na sila sa lugar na iyon. Habang tumatakbo ang sasakyan, hindi nakatiis si Sandra at ikinuwento ng dalaga ang nangyari sa taxing may sakay na tatlong babae na dumaan kanina at pinara ni Mico. "May naalala ako." Biglang naging seryoso si Mico. Naalala daw nito ang nakakatakot na kuwento tungkol sa isang taxi na may plakang IRP 0228. Napatingin si Sandra sa tahimik na si Darwin. Hindi nito alam kung sadyang malikot lang ang mga mata nito na laging nakatingin sa puwesto nila sa likuran o tsini-tsek lang nito ang kaibigan niyang si Lexie. Nagpatuloy si Mico sa pagkuwento. Mayroon daw isang taxi sa Quezon City na nakabangga ng tatlong babae. Galing daw diumano ang mga babae sa isang club at nag-aabang ng taxi papauwi. Dahil siguro sa sobrang antok noong driver, hindi niya nakita ang mga babaeng kumakaway sa kanya kaya nabangga niya ang mga ito na naging dahilan ng pagkamatay ng tatlo, on the spot. Halos kumalat daw sa buong kalsada ang iba't ibang parte ng katawan ng mga babae. Patay din ang driver na sumalpok sa isang malaki at matandang puno. Wasak daw ang taxi, at naligo sa sariling dugo ang driver. Nagmumulto raw ang tatlong babae sa mga dumadaang sasakyan sa kantong pinangyarihan ng trahedya. Lagi daw pumapara at sumasakay ang mga ito sa mga inosenteng driver ng mga taxi. "Mico, tama na please." Nagsimula ng makaramdam ng takot si Sandra. Natahimik nalang ang lahat habang mas mabilis na tumakbo ang sasakyan ni Darwin. Pagdating sa tapat ng bahay nina Sandra. Taos-pusong nagpasalamat si Mico kay Darwin habang inaalalayan ng binata si Lexie papasok ng gate nina Sandra. Samantalang si Sandra naman ay kinusap ang binatang may-ari ng sasakyan. "Darwin, alam mo, dito ka na rin matulog muna sa bahay. Wala 'yung Kuya ko na may-ari ng isang kuwarto. Sama nalang muna kayo ni Mico roon. Ang lalim na kasi ng gabi baka mapahamak ka pa sa daan." "Thanks Sandra, pero ok lang. May kailangan pa kasi akong ihatid e." "Ha? So babalik ka pa niyan?" Ngumiti lang ang binata at nagpaalam na kay Sandra. Habang papalayo ang sasakyan ni Darwin, lumingon si Sandra para kawayan ang binata. Halos mahimatay ang dalaga ng makita ang tatlong babaeng nakita niya kanina sa taxi na nakasakay sa likod ng kotse ni Darwin. Nakatingin ang mga ito sa dalaga habang lumuluha ng dugo.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD