Sabado. Alas kuwatro ng hapon.
Umiikot si Cheska sa SM Supermarket na nasa tapat lang ng apartment nila ng nobyong si Brandon. Namimili siya ng mga sangkap para sa lulutuing seafood pasta at mashed potato ng hapong iyon. Napagkasunduan nilang magnobyo na doon maghapunan sa apartment nila kaysa sa labas para makabawas sila ng gastos. Hindi na niya pinasama ang nobyo sa pamimili. Hinayaan na lamang niya itong makapagpahinga sa apartment.
Tatlong taon na ring magka-live in silang dalawa. Wala namang problema sa parehong mga magulang ng mga ito dahil magaganda ang kanilang trabaho at malalaki ang suweldo.
Sa edad na 28, isa ng manager si Cheska ng isang kilalang bangko samantalang si Brandon naman na dalawang taon ang tanda sa kaniya ay isang Financial Adviser.
Nagkakilala ang dalawa sa isang dating app. Kapag pinagkukuwentuhan nila ito, natatawa na lamang sila. Hindi inakala ng dalawa na magiging magkasintahan sila sa pamamagitan ng isang dating app.
Bago magtungo sa counter, dumaan si Cheska sa section ng mga desserts. Nagki-crave ang dalaga sa ice cream kaya bumili ito ng isang box. Isang box na kaya nilang ubusin ni Brandon. Ayaw na ayaw ng nobyo niya na kumakain sila ng unhealthy foods. Very conscious si Brandon sa kalusugan at nagpapasalamat naman si Cheska at naimpluwensyahan siya nito. Parehong balingkinitan na ang kanilang pangangatawan at parehong malusog. Kaya sana ay pagbigyan siya ng nobyo na kumain sila ng ice cream sa dinner nila.
Maraming nagiging kliyente ang kaniyang nobyo dahil sa guwapo ito, moreno at maganda ang pangangatawan. Kaya naman pursigido itong i-maintain ang healthy lifestyle. Dalawang beses din sila kung bumisita sa gym sa isang linggo. Tuwing bakanteng oras naman nila sa hapon o madaling araw ay nagja-jogging sila sa loob ng compound ng kanilang apartment.
Pagkatapos magbayad ay nilakad na ni Cheska ang kalsadang pabalik ng kanilang apartment.
Pagbukas niya ng pintuan, nakita niyang nakaupo si Brandon sa sala. Nginitian ng dalaga ito pero hindi ito gumanti. Nakatulalang nakatingin lamang ito sa kaniya. Inisip na lamang ng dalaga na baka dahil bagong gising ito at wala pa sa mood.
Dumiretso ang dalaga sa kusina at inilapag nito ang mga plastic bags sa mesa at isa-isang inilabas ang mga laman nito. Kinuha din niya ang box ng ice cream para ilagay sa ref.
Muntik na niyang mabitawan ang hawak na ice cream ng makita niya si Brandon sa gilid ng ref. Tuwid na nakatayo ang kaniyang nobyo roon. Hindi namalayan ng dalaga na sumunod pala ito sa kaniya.
"Babe, huwag mo naman akong ginugulat ng ganyan." Reklamo ni Cheska sa nobyo na ginantihan lamang nito ng awkward na ngiti.
Iniabot ni Cheska ang ice cream kay Brandon at inutusan nito ang binatang ilagay iyon sa ref. Kaagad namang sumunod ang lalaki. Hindi pa rin nagsasalita ito sa mga oras na iyon. Siguro nga ay wala pa talaga sa mood.
Pagkatapos ilabas ni Cheska ang mga sangkap sa lulutuing pasta, inuutusan ng dalaga si Brandon na hiwain nito ang lahat ng dapat hiwain sa mga pinamili niya habang siya ay maglilinis ng mga sea foods na ihahalo nila sa pasta.
Agad namang sumunod ang kaniyang nobyo sa utos ng dalaga. Kaya naman tinungo na nito ang lababo at inumpisahang linisin ang mga sea foods.
Tahimik lamang ang dalawa habang gumagawa ng kani-kaniyang trabaho. Hindi sanay si Cheska na ganito ang kaniyang nobyo. Madaldal ito dahil kailangan sa trabaho. Subalit ngayon ay sobrang tahimik nito. Inisip na lamang ng dalaga na pagod na pagod pala ito kagabi dahil may event sila sa BGC.
Tinungo ni Cheska ang refrigerator para kumuha ng malamig na tubig dahil nakaramdam siya ng pagkauhaw. Nagtaka ang dalaga ng makitang wala ang water tumbler ni Brandon na ginagamit nito tuwing magja-jogging sa loob ng compound nila tuwing hapon.
Hindi niya alam kung bakit bigla siyang kinabahan. Naalala niya ang kuwento ng isang kaibigan niya sa office tungkol sa mga doppelganger. Mga nilalang daw ito na nanggagaya ng anyo ng totoong tao at minsan ay pumapatay pa.
Madalas daw itong nagpapakita sa mga lugar o tirahan na nabakante ng matagal na panahon. Minsan daw ay mabait ang mga ito at nanlalaro lamang ng tao. Pero minsan ay masama rin ang mga ito. Kaya din daw pumatay ng mga ito. Ayon pa sa kaibigan ni Cheska, kapag daw nagkasalubong ang totoong tao at ang doppelganger nito at nagtama ang kanilang mga mata, magpapalitan daw diumano ang mga ito ng ispirito. Kinilabutan ang dalaga sa isiping iyon.
Naisip niyang baka nakalimutan lang ng nobyo na ibalik sa ref ang tumbler nito. Baka nailagay lamang nito sa kung saan.
Gayunpaman, hindi pa rin nawala ang kaba at kilabot na naramdaman ni Cheska. Parang may mali sa mga oras na iyon pero hindi lang niya matukoy kung ano.
Dala ng kuryusidad, dahan-dahan niyang nilingon ang lalaki. Kinilabutan siyang lalo ng makitang nakatingin ito sa kanya at nakangiti na para bang may binabalak na hindi maganda habang hinihiwa ng matalim na kutsilyo ang mga kamatis.
Alam ni Cheska na may mali sa anyo nito, kaya hindi nawala ang kaniyang kilabot.
Mabilis siyang nagtungo sa nag-iisang kuwarto nila at kinuha ang kaniyang cellphone na katabi ng lagayan ng mga susi nila. Kumpirmadong wala rin ang cellphone at susi ng kaniyang nobyo. Senyales na lumabas nga ito sa mga oras na iyon. Biglang lumakas ang t***k ng kanyang puso sa takot kaya isinarado niya ang pinto. Ini-lock niya ito para hindi makapasok ang kung sino man ang nasa kusina ng hapong iyon.
Kahit nakasara ang pintuan ng kuwarto, rinig na rinig ni Cheska ang tunog ng kutsilyong pinapanghiwa ng lalaki sa kusina. Mukhang hindi na kamatis ang hinihiwa nito sa lakas ng tunog. Lalong binalot ng takot ang dalaga.
Nanginginig na tinawagan niya ang cellphone ni Brandon ngunit walang sumasagot. Tinawagan niya ito ng paulit ulit. Nagri-ring lamang ito ngunit walang sumasagot. Hindi alam ng dalaga kung nasaan ito. Nasa gym ba o nagja-jogging.
Natakot si Cheska dahil hindi talaga sinasagot ni Brandon ang cellphone nito. Hindi niya alam kung sino pa ang puwede niyang hingian ng tulong. Lahat ng kaniyang kamag-anak ay nasa probinsya. Wala rin siyang mga cellphone number ng mga kaibigan ni Brandon. Tanging f*******: lamang ang connection niya sa mga ito.
Patuloy pa rin ang tunog ng paghiwa ng lalaki sa kusina gamit ang matalas na kutsilyo. Unti unting bumibilis ang paghiwa nito. Lalo lamang nataranta si Cheska sa tunog nito.
Agad niyang binuksan ang f*******: at nagmessage sa mga kaibigan ni Brandon. Sinabi rin niya sa chat ang kaniyang kasalukuyang sitwasyon kaya kailangan niya ng tulong sa lalong madaling panahon.
Napalundag siya sa gulat ng biglang may kumatok sa pinto ng kuwarto. Marahan lamang ang naging pagkatok dito. Takot na takot si Cheska ng mga sandaling iyon. Hindi niya alam kung ang nasa labas ba ay ang kaniyang totoong nobyo o ang lalaki sa kusina.
Agad na pumasok sa isip niya na ito ang lalaki sa kusina dahil tumigil ang tunog ng paghiwa sa kusina ng kumatok ito. At kung ang totoong Brandon man ang nasa labas, hihintayin niya itong magsalita.
Muli ay binuksan niya ang cellphone at tinawagan si Brandon. Ngunit wala pa ring sumasagot rito. Naisip din ni Cheska na kung si Brandon ang nasa labas ng pinto, dapat tumunog ang cellphone nito.
Unti unting lumakas ang pagkatok ng lalaki sa pintuan. Pabilis din ito ng pabilis. Animo'y galit na galit ito.
Halos mawalan na ng pag-asa si Cheska dahil walang nagrireply sa mga chinat niya. Nang makita niya ang bintana sa kanilang kuwarto, nakaisip siya ng magandang ideya. Inilapag niya ang cellphone sa mesang katabi ng pintuan at nagtungo sa bintana. Binuksan niya ito at nagbantay ng mga taong daraan sa lugar na iyon. Hihingi siya ng tulong sa kung sino mang daraan doon.
Takip silim na sa mga oras na iyon. Unti unti ng dumidilim ang kapaligiran dahil lumubog na ang araw. Naging kulay pula na ang buong kapaligiran dahil sa paglubog. Mas lalong nanindig ang balahibo ni Cheska sa senaryong iyon.
Tuloy tuloy ang malakas na pagkatok sa pinto. Tuloy tuloy rin ang pag-abang ni Cheska sa taong daraan sa tabi ng kanilang bintana. Nagdasal sa isipan ang dalaga na sana ay may taong dumaan at tulungan siyang mailigtas ang sarili sa kapahamakang naghihintay sa kaniya.
Subalit makalipas ang ilang minuto ay wala pa ring dumaraan kaya halos mawalan na ng pag-asa si Cheska. Nagtaka ito ng biglang tumigil sa pagkatok ang lalaki. Biglang nilingon ni Cheska ang pintuan.
Napasigaw ang dalaga sa takot ng makita ang malignong nakatingin sa kanya at abot tenga ang ngiti. Nakapasok na ito sa loob ng kuwarto. Hindi alam ni Cheska kung paano nangyari iyon dahil naka-lock pa rin ang pinto.
Hindi na niya napigilang sumigaw ng malakas ng iniangat ng lalaki ang kutsilyong hawak nito kanina habang naghihiwa ng kamatis. Napahagulhol na rin siya dahil sa takot at kawalan ng pag-asa.
Biglang tumunog ang cellphone ni Cheska na nasa tabi ng pinto. Alam niyang si Brandon ang tumatawag dahil special ang ringtone na sinet nito sa nobyo. Ngunit hindi makalapit ang dalaga sa mesa para kunin ang cellphone dahil katabi ito ng lalaking nasa pinto.
Kinuha ng lalaki ang cellphone at nakangiti pa rin itong nakatingin kay Cheska. Maya maya ay namatay na ang tunog nito. Mas lumapad pa ang pagkakangiti ng lalaki. Binalot ng kilabot ang buong katawan ni Cheska ng unti unting naging itim ang mga mata ng lalaki. Para itong nagbabagong anyo sa mga sandaling iyon.
Nanghina ang loob ng dalaga sa nasaksihan kaya napaupo na lamang ito sa sahig. Hindi na niya malaman kung ano ang kaniyang gagawin para mailigtas ang sarili sa mga sandaling iyon.
Muli ay tumunog ang cellphone ni Cheska. Subalit hawak pa rin ito ng lalaking nakangiti. Mariin ang pagkakapit nito sa cellphone ng kaliwang kamay habang nilalaro nito ito ng kutsilyong hawak naman ng kanang kamay. Waring binabantaan nito ang cellphone gamit ang kutsilyo.
Dahil mahina ang loob, nawalan na ng lakas si Cheska para tumayo pa. Nagsimula siyang magdasal habang umiiyak. Bagamat hindi siya nagsisimba, malakas naman ang kaniyang paniniwala sa Diyos. Malakas niyang binigkas ang Ama Namin habang umiiyak at nakapikit.
Sobrang nanghihina na siya at para na rin siyang mahihimatay.
Nanindig ang lahat ng kaniyang balahibo ng maramdamdan niyang may yumakap mula sa kaniyang harapan.
Hindi iminulat ng dalaga ang kaniyang mga mata sa pangambang mukha ng maligno ang kaniyang makikita.
Maya maya pa ay naramdaman ni Cheska ang malamig na kutsilyong idinikit ng lalaki sa kaniyang leeg. Natigil lang ito sa ginagawa ng tumunog ang cellphone na hawak pa rin nito.
"Hello Hon, sorry nagjogging ako ngayon. Pero pabalik na ako." Sabi ng voice mail sa cellphone.
Karumal-dumal na krimen ang naabutan ni Brandon pagkauwi niya sa kanilang apartment. Patay na ang nobya nito sa kanilang kuwarto. Ginilitan nito ang sariling leeg gamit ang kutsilyong pinanghiwa nito ng kamatis sa kusina.