Lumipat kami ng kaibigan kong si Leo sa isang apartment sa San Roque village sa Libis. Una, dahil mura lamang ang renta rito at pangalawa, malapit sa pinagta-trabahuan naming dalawa sa Eastwood.
Masuwerte kami at nakakuha kami ng isang apartment na may dalawang kuwarto. Ito talaga ang hinahanap naming dalawa dahil gusto namin magkaroon ng privacy sa isa't isa. Nagsusulat kasi ako ng mga articles sa aking blog samantalang freelance designer naman si Leo. Kaya kailangan talaga namin ng kani-kaniyang kuwarto para magawa ang mga sideline naming dalawa.
Dito sa Manila na kami nagkakilala ni Leo. Nagkasabay kami sa pag-apply sa isang restaurant sa Eastwood bilang mga waiter at sabay rin kaming natanggap. Nakikitira lamang daw siya noon sa isang kaibigan samantalang ako naman ay nakikitira kina ate sa Cainta. Nang ma-regular kami ni Leo, napagkasunduan naming maghanap at kumuha ng apartment at masuwerte ngang nakita namin ang apartment na iyon sa San Roque.
Isang buwan ang nakalipas at tuloy naman ang normal na takbo ng buhay naming dalawa. Sabay kaming pumapasok ng alas otso ng umaga at umuuwi ng alas singko ng hapon.
Si Leo ay conscious sa kaniyang pangangatawan kaya lagi itong nagja-jogging o nagdi-gym. Ayon sa kaniya, bilang waiter daw, mas nakaka-agaw siya ng pansin sa mga customers dahil maganda ang kaniyang pangangatawan. Maliksi rin daw ang kaniyang mga kilos dahil hindi siya mabilis mapagod.
Nakasanayan na ni Leo ang magjogging tuwing alas-kuwatro ng madaling araw sa paikot na kalsada ng San Roque village. Rason nito ay para presko daw sa pakiramdam kapag pumasok na kami ng alas-otso. Hindi naman daw delikado dahil may mga security guard naman na umiikot. Minsan daw ay may kasabay itong tumatakbo, minsan naman ay wala.
Sa sobrang sipag nitong mag-work out, minsan ay niyayaya niya akong maglakad mula sa apartment hanggang sa aming opisina. Kapag nasa mood ako, pinapatulan ko ang mga request nito. Pero dahil ako'y chubby, hindi ko talaga siya nasasabayan minsan.
Tatlong linggo pa ang nakalipas at napansin kong pumapayat na si Leo. Gumaganda lalo ang hubog ng katawan nito. Siguro's epektibo ang araw araw na pagja-jogging nito at pagpunta sa gym. Umiinom din ito ng mga shakes na pampahubog ng katawan. Dahil medyo tumataba na talaga ako ng mga panahong iyon, naisipan kong sumabay sa kanya na magjogging sa loob ng village.
Lunes. Alas-kuwatro ng madaling araw. Ito ang unang pagkakataon na makakasabay ako kay Leo. Pinaghandaan ko ang araw na iyon. Sabado pa lamang ay nakabili na ako ng jogging pants, dryfit na damit at running shoes. Hindi na niya ako pinadala ng tumbler na may tubig dahil puwede naman daw kaming tumigil sa harap ng apartment para uminom at umikot uli sa loob ng village.
Lumabas kami ni Leo ng apartment. Sinusian ko ito at ibinulsa ang susi. Tatakbo na sana ako pero pinigilan ako nito at sinabing mag-inat daw muna ako ng katawan para hindi sumakit at mabigla ito. Mula ulo, leeg, balikat, braso, bewang, tuhod hanggang paa ay pinaiinat nito sa akin. Sabi ni Leo, mag-inat daw muna ako at tatakbo na siya ng isang ikot. Pagbalik daw nito sa akin ay sabay na kaming dalawang tatakbo.
Agad ko namang sinunod ang utos nito hanggand sa tumakbo na ito. Nakakailang ikot pa lamang ako ng balikat ng nakita kong lumiko na si Leo palabas sa kanto namin. Naisip kong bigla, hindi kaya nakakatakot doon sa dulong kanto? Iyong katabi ng basketball court? Mayroong malaking puno kasi ng Duhat na nakatayo roon. Para pa namang pinamamahayan iyon ng maligno.
Nang tiningnan ko ang kalangitan, mas lalo akong kinilabutan dahil walang buwan ng gabing iyon. Tanging mga dilaw na liwanag lamang ng street lights ang tanglaw sa kalsada.
Makalipas ang ilang minuto, nakita ko ng paparating si Leo mula naman sa kabilang kanto. Ito'y hudyat na naikot na nito ang buong compound. Nang makalapit ito, agad itong nagtanong kung handa na akong tumakbo. Dahil nakainat na ako, tumango ako sa kaniya.
Nagsimula na kaming mag-jogging. Pinakiramdaman ko ang bilis niya habang tumatakbo. Kung kaya ko bang makisabayan o kung kailangan ko siyang sabihan na bagalan niya. Ngunit mukhang alam na nito kung ano ang nasa isip ko dahil binagalan nito ang takbo.
Tinanong ko si Leo kung marami bang nagja-jogging. Umiling lamang ito bilang sagot. Wala daw kahit isa.
Habang tumatakbo kami ng mabagal, sinabi ni Leo na may madadaanan daw kaming isang kalye na medyo may kadiliman. Huwag daw akong matakot kasi hindi naman delikado. Ang kalye siguro na malapit sa basketball court ang tinutukoy nito. Iyong may malaking puno ng Duhat sa bandang dulo ng court.
Kahit tumango ako sa sinabi niya, hindi pa rin nawala ang kaba ko. Paano kung may multo o maligno sa puno ng Duhat na iyon? Paano kung biglang magpakita ang mga ito sa amin? Lalo akong kinilabutan ng maisip ko ang mga iyon.
Nang papaliko na kami sa basketball court na may kadiliman, tumakbo ng mabilis si Leo at iniwan ako. Sinadya talaga akong takutin nito kasi alam niyang matatakutin ako. Hindi ko tuloy alam kung ano ang aking gagawin ng mga sandaling iyon. Kung tutuloy pa ba ako o hindi na? Nagkataon pang wala akong nakikitang ibang nagja-jogging na kasabayan namin.
Nakita ko si Leo na nasa gilid na ng basketball court. Medyo binagalan na nito ang takbo. Sinadya lang talaga nitong iwanan ako sa kalyeng iyon.
Inisip ko na lamang na wala naman sigurong masamang mangyayari sa akin sa kalyeng iyon. Kung mayroon mang kababalaghan mangyari, hindi ko na lamang uulitin ang pagdaan doon kailanman. Dahil palayo na ng palayo si Leo, nilakasan ko ang aking loob at nagsimulang ituloy ang jogging sa kalsadang katabi ng basketball court.
Tumuloy tuloy ako sa pagtakbo ng mag-isa sa madilim na kalyeng iyon. Nagsisimula na ring maglaho si Leo sa dulo ng kanto. Dahil hindi ganoon kalakas ang mga streetlights, hindi mo na maaninag ito. Habang tumatakbo, inisip ko na lamang na bibilisan ko para makalampas kaagad ako sa kalyeng iyon.
Nang nasa kalagitnaan na ako kalsadang katabi ng baskeball court, naramdaman kong may sumusunod sa aking likuran na tumatakbo rin. Medyo kinabahan ako ng bahagya dahil wala naman akong nakitang nagja-jogging kanina aking likuran. Baka naman kalalabas lang ng kung sino mang iyon sa kanilang bahay o baka hindi ko lang napansin ito kanina kaya akala ko walang tao.
Kahit may kaunting bilis na ang takbo ko noong mga oras na iyon, napansin kong mas binilisan ng taong nasa aking likuran ang takbo nito. Pabilis ito ng pabilis.
Natakot naman akong lingunin ito. Baka kasi hindi pala ito tao. Kung ano man ito, hahayaan ko na lamang.
Kinabahan ako ng maramdaman kong malapit na sa likuran ko ang taong sumusunod sa akin. Kung lilingunin ko ito, malamang isang dipa na lamang ang layo nito sa akin. Dahil madilim pa rin sa lugar na iyon, malakas pa rin ang aking takot. Sa isip ko, kung multo ang sumusunod na iyon sa akin, siguradong mahihimatay ako.
Nang dumating na ako sa tapat ng Duhat, halos kadikit ko na sa kanan ang nagja-jogging. Sa bandang gilid ng aking mga mata, nakita kong lalaki ito. Mas matangkad sa akin isang dangkal at naka-green na basketball uniform. Medyo nawala ang kaba ko nang makita kong jogger din pala ito. Natuwa pa ako dahil naka-complete uniform ito ng isang basketball player.
Kahit hindi ko ito tinitingnan ng harapan, halatang maganda ang pangagatawan ng lalaki. Siguro ay varsity player ito ng isang basketball team. Napansin ko rin ang pawis nito. Parang napakabilis nitong pawisan. Halos basa na ang buong green jersey uniform nito. Naging kulay pula na tuloy ang green color nito. Naisip ko na ganoon talaga siguro kapag laging nagja-jogging. Mabilis pagpawisan kahit ilang metro pa lamang ang natatakbo.
Gumaan ang aking pakiramdam ng malaman kung tao rin pala ito. Akala ko talaga makakakita na ako ng multo ng gabing iyon. Kahit papaano ay nabawasan ang bilis ng pintig ng aking puso.
Patuloy lamang ang aking takbo katabi ang lalaking naka-basketball uniform. Inisip ko kung nasaan na si Leo. Kapag nagkita kami ulit sa bahay, mumurahin ko nalang ito sa kaniyang ginawa.
Nang papalampas na kami ng malaking puno ng Duhat, napansin kong humihina ang tunog ng takbo ng lalaki. Hindi ko alam kung nabibingi na ba ako o baka natabunan ng pawis ang aking mga tainga kaya hindi ko ito naririnig. Hanggang sa nawala ang tunog nito. Parang akong nanonood ng movie na naka-mute ng mga sadaling iyon. Wala akong naririnig kundi ang sarili kong takbo at pintig ng aking puso.
Sa pamamagitan ng gilid ng aking mga mata, sinuri ko ang lalaking katabi ko sa pag-jogging. Bahagya akong nagtaka dahil tumangkad itong bigla. Nang tiningnan ko ang kaniyang mga paa, tumigil ang t***k ng puso ko. Muntik na akong himatayin. Hindi na sumasayad sa lupa ang mga paa ng lalaking naka-basketball uniform.
Para akong binalot ng malamig na hangin dahil nagtindigan ang aking mga balahibo. Nanghina ang aking mga tuhod. Nanginig ako at halos hindi na makatakbo. Pakiramdam ko, nawala ang lahat ng dugo sa aking katawan.
Nang hindi ko na kayang tumakbo, bahagya akong huminto at kumapit sa aking mga tuhod. Hindi ko tinitingnan ang lalaking kasabay ko. Tuloy tuloy naman ang takbo nito. Maya-maya, tumigil din ito sa aking unahan na halos kalahating dipa lamang ang layo.
Lumingon ang lalaki sa akin. Dito na ako bumagsak sa kilabot. Biyak ang kanang bahagi ng ulo nito at butas ang nag-iisang mata.
Dumilim na lamang ang aking paningin ng sinabi ng multo sa akin na "Sa susunod ulit."
Nasa clinic na ako ng magising kinaumagahan. Ikinuwento ng isang nurse ang nangyari sa akin. Nakita daw ako ni Leo na nakabulagta sa gitna ng kalye. Akala daw nito ay inatake ako sa puso kaya nagpatawag ito ng guard at ang guard naman ang kumontak sa clinic.
Naroon din sa kuwarto ang kaka-out lang sa trabaho na guard. Sa katabing upuan nito ay nakaupo si Leo. Tiningnan ko ito ng masama.
Nagulat pa ako ng magtanong ang nurse kung ano ang nangyari sa akin.
Hindi ko alam kung iku-kuwento ko ba ang nangyari sa akin o sasabihin ko na lamang na napagod ako kaya ako nahimatay. Baka kasi pagtawanan ako ng mga ito kapag sinabi kong nakakita ako ng multo.
Subalit ikinuwento ko pa rin ang totoo.
Nagtaka ako ng biglang tumayo ang guard. Napakamot ito sa ulo at doon na nagkuwento. Ayon sa guard, may isang basketball player daw na binugbog at pinatay noong 2001 sa basketball court na iyon. Binugbog daw ito ng nakalaban niya sa laro. Hindi pa raw nakuntento sa bugbog at pinaghahampas pa ng bato na halos mawasak na ang buong ulo nito. Nangyari daw iyon habang nagja-jogging ang binata suot ang kaniyang uniform.
Samantalang nakakulong naman na raw ang pumatay rito na kapitbahay lamang pala nila ni Leo.