“Hindi ko akalain makakatagal ka sa bundok na iyon, Sarah.” Pinsan nitong si Audrey.
“May takot akong naramdaman pero naibsan naman. Hindi naman ako pinabayaan ni Andy.”
“Pero Sis, bago lang kayo nagkakilala. 1 day nga lang. Nagtiwala ka na agad? Ano yan? Love at first sight?”
“Maaring ganoon na nga, Insan. Hindi ko alam pero ang gaan ng loob ko sa kanya. Sa mga sandaling magkausap lang kami parang ang tagal na naming magkakilala. Ang saya sa pakiramdam na ngayon ko lamang naramdaman. Insan promise iba talaga ang saya ko pag kasama ko siya.”
“Puppy love lang yan, marami ka pa makikilala diyan na mas deserving kaysa sa kaniya.”
Hindi na lamang sinagot ni Sarah ang pinsan at inilihis ang paningin sa kalangitan mula sa bintana ng kaniyang silid, at tinanaw ang mga bituin, inalala ang mga bawat sandaling kapiling ang lalaking sa kaniyang palagay ay ang magpapatibok ng kaniyang puso kahit nasa murang edad pa lamang.
Lumipas ang dalawang buwan, tulad ng palaging ginagawa tuwing gigising sa umaga bago bumangon ay pagmamasdan muna nito ang singsing sa kaniyang daliri na ibinigay sa kaniya ni Andy. Gumaganda ang araw niya kapag nakikita niya ito tuwing umaga, pakiramdam niya ay nasa tabi lamang niya ang binata. Labis ang pananabik niya na makitang muli ang binata ngunit ng kaniyang balikan ang tahanan nito ay wala na ito doon, pati ang mga hayop na kasama nito na sina Dada at Nene.
“Sarah, bumaba ka na diyan handa na ang agahan, baka ikaw ay mahuli sa school.”
“Opo Lola, “ sagot nito. Lola na niya ang nagpalaki sa kaniya pagkat ang kaniyang Ama at Ina ay kapwa nasa Singapore at doon naghahanap buhay.
Sa kaniyang pagbangon ay tila nawalan ito ng balanse at bumagsak sa sahig. Narinig ito ng kaniyang Lola mula sa kusina na nasa ilalim lamang ng kaniyang silid.
“Anong nangyari sa iyo Sarah?” tanong ng kaniyang Lola na nag aalala.
“Hindi ko po alam Lola, tila nakaramdam ako ng pagkahilo.”
“Huwag ka na muna pumasok ngayon para ikaw ay matingnan ng Doctor.”
“Huwag na po Lola, nabigla lang po siguro ako sa pagtayo.” Ngunit pagkaduwal naman ang kaniyang naramdaman kaya dali dali itong nagtungo ng palikuran.
“Iba na yan Apo, may nangyari ba sa Daguldol? Sinasabi ko na nga ba, dapat hindi na kita pinayagang sumama doon.”
“Wala ito, Lola, baka may nakain lamang ako kagabi na hindi maganda sa tiyan.”
“Magbihis ka, pupunta tayo sa OB.”
“Pero Lola.”
“Walang pero pero, magbihis ka.”
Pagkatapos masuri ay agad sinabi ng Doctor ang dahilan ng pagduwal at pagkahilo nito.
“Ikaw ay dalawang buwan ng nagdadalangtao Iha.”
“Sinasabi ko na nga ba. Sino ang Ama niyan?”
Hindi na sumagot pa si Sarah, ngunit batid niyang si Andy ang Ama ng dinadala niya at masaya siya sa ulat ng Doctor.
“16 ka pa lang, paano mo palalakihin ang batang iyan, anong alam mo sa pag-aalaga ng sanggol, naku malalagot ka sa Daddy mo.”
“Wala man akong alam sa pag-aalaga ng ng sanggol Lola, ngunit batid ko na ito ay kaloob ng Panginoon at malugod ko itong tinatanggap. Handa kong matutunan ang maging isang Ina kahit nasa murang gulang pa lamang ako.”
Napakamot ulo na lamang ang kaniyang Lola.
Hindi pa rin masukat ang sayang nadarama ng malamang dinadala nito ang magiging anak nila ni Andy.
“Huwag ka mag-alala Andy, aalagaan ko siya hanggang paglaki, tuturuan at mamahalin. Hindi man kita kasama pangako mamahalin ko siya ng triple sa kaya ko, magiging mabuti akong Ama at Ina sa kaniya.”
Lumipas pa ang ilang buwan at patuloy pa ang paglaki ng kaniyang tiyan. Ipinagpatuloy pa din ang pagpasok nito sa Paaralan at hindi kinahihiyang maaga itong nagdalang tao kahit pa man may tuksuhang naririnig kahit saan sulok ng Unibersidad ay hindi niya ito pinansin.
“Naawa na ako sa iyo Sarah, tila nahihirapan ka sa dinadala mo.”
“Ayos lamang ako Ana, medyo hirap nga ako magbuntis pero kakayanin ko. Andiyan naman ang aking Lola kahit palagi ako pinagsasabihan, si Audrey at ikaw. Kaya alam ko malalagpasan ko ito. Naniniwala ako balang araw magkikita kami ni Andy. Ipapakilala ko siya sa Anak namin.”
“Mahal mo na?”
“Sa palagay ko nga minamahal ko na siya, lalo na ngayong magkaka anak pa kami.”
“Umaasa ka pa magkikita kayo? Baka pagdating ng araw na iyon ay may asawa na siyang iba.”
“Hindi na mahalaga kung makakita siya ng iba. Ang maipakilala ko sa kaniya ang anak niya ay sapat na para maibsan ang pagkukulang ko sa aking anak. Dahil batid kong hahanapin siya ng kaniyang anak.”
Habang nagku kwentuhan ang magkaibigan ay lumapit si Lance, isa sa kanilang kaibigan na kasama nilang namundok sa Daguldol at may lihim na pagtingin kay Sarah mula ng maging kaklase noong pumasok sila sa Mataas na Paaralan at hanggang ngayong magtatapos na sa ikaapat na taon.
“Huwag kang mag-alala Sarah, kahit anong mangyari andito lang kme, handa kaming sumuporta sa kahit anong desisyon mo.”
“Salamat Lance, maasahan ko talaga kayo.”
“Kunwari ka pa Lance, ayaw mo lang isuko si Sarah kahit alam mong may iba na siyang mahal.” tukso ni Ben sa kaibigan.
“Tumahimik ka nga diyan.” Saway ni Lance.
Natawa naman si Sarah sa mga kaibigan. Nakakatulong naman ang mga ito manatiling masaya habang dinadanas ang paghihirap sa pagdadalan tao nito.
Batid na din ng kaniyang Daddy at Mommy sa Singapore ang kundisyon niya. Nagalit man ito sa una ngunit tinanggap na lamang marahil dahilan na din ng pagkukulang ng isang magulang kaya nangyari ito sa anak, na hindi siya nasubaybayan dahil sa pagka abala sa paghahanapbuhay. Hindi naman sila sinisisi ni Sarah, sarili naman niyang desisyon kaya nangyari ito at hindi niya pinagsisisihan. Natuwa naman ang kaniyang mga magulang dahil sa tibay ng loob na harapin ang mga pagsubok nito sa buhay kahit malayo sa kanilang piling ang nag-iisang anak ay marunong na itong tumayo sa sariling mga paa.
"Tulong, tulong, Lola, Audrey, masakit na ang tiyan ko." sigaw ni Sarah habang kapit kapit ang tiyan.