TULAD ng ipinangako ni Mr. Fowler sa kaniyang sarili, araw-araw siyang dumadaan sa lugar kung saan niya nakita noon si Emily. May mga pagkakataong bigo siya sapagkat wala roon ang dalaga. May mga pagkakataon din namang nandoon siya at nagpapahinga.
Tuwang-tuwa si Mr. Fowler kapag nakikita niya ang masiyahing mukha ng dalaga. Mag-iisang linggo na rin simula nang una silang magkakilala.
"Ah, Mr. Fowler?" nahihiyang tawag ng dalaga sa pangalan niya.
Laman sila ngayon ng isang pamilihan. Ibinibili ni Mr. Fowler si Emily ng maayos na kasuotan at ganoon din ang mga kapatid nito kahit hindi pa niya ito nakikita.
"Bakit, Emily? May iba ka pa bang gustong damit?" nakangiti nitong tanong sa dalaga.
"Ah, e, w-wala naman po. Sa makatuwid, sobrang dami na nga po nitong mga damit, e."
"Mabuti iyan nang hindi ka na magsusuot ng madudungis na damit." Ginulo ni Mr. Fowler ang buhok ng dalaga.
"Ah, M-Mr. Fowler? B-Bakit po ang b-bait niyo sa akin? N-Nakikita niyo po ba sa akin iyong anak ninyong ka-apelyido at ka-edad ko?"
Nagulat si Mr. Fowler sa tanong na iyon ng dalaga ngunit napangiti pa rin siya.
"Tama ka, hija. Hindi ko rin alam pero sobrang gaan ng loob ko sa 'yo. Teka, ano nga pa lang pangalan ng mga magulang mo?"
"Ang mga magulang ko po? Ah, anak po ako nina Antonio Delos Reyes at Cecille Delos Reyes. Ang Papa ko po ay dating construction worker sa Saudi Arabia pero naaksidente po kasi siya roon at naputol ang dalawa niyang paa. Si Mama ko naman po, nalulong po sa sugal at panglalalaki. Naubos po niya ang mga inipong pera ni Papa na para po sana sa pagpapatayo namin ng maliit na bahay kapag umuwi siya kaya heto po kami ngayon. Sa isang squatter area na lang po kami nakatira simula nang palayasin kami sa apartment na tinutuluyan namin noon. Umalis na rin po ang mama ko at sumama sa ibang lalaki kaya ako na lang po ang kumikilos para may makain kami. Kawawa rin naman po ang mga kapagid kong anim at dalawang taong gulang pa lang kung pare-parehas kaming hindi kakain dahil hindi pa po kaya ni Papa. Sariwa pa po kasi ang mga sugat niya," dere-deretsyong paliwanag ni Emily na ikinatigas ng pagkakatayo ni Mr. Fowler sa kaniyang kinalalagyan.
Mistulang binuhusan ng malamig na tubig ang matanda. Natigilan siya sa ginagawa niyang paghahanap ng bistida para sa dalaga. Unti-unti niyang nilingon si Emily na halos ay mawalan na ng kulay ang balat niya dahil sa sobrang kaba.
"A-Anak ka ni Cecille?" muli niyang pag-uulit.
Tumango si Emily. "Opo! Anak po ako ni Mama Cecille. Alam niyo po? Kahit na iniwan kami ng mama ko, mahal na mahal ko pa rin po iyon dahil siya ang mama ko. Alam kong mabubuo rin ang pamilya namin. Hindi po ako nawawalan ng pag-asa." Napakagat labi ang dalaga at umukit sa kaniyang mukha ang isang mapait na ngiti. Nami-miss na niya ang kaniyang ina.
Samantala, namuo ang mga luha sa gilid ng mga mata ni Mr. Fowler at nabitawan niya ang kaniyang mga hawak na damit. Napaluhod siya sa harap ni Emily na siyang ikinagulat ng dalaga at ng mga taong naroroon.
"I-Ikaw si E-Emily Delos Reyes na anak nila Antonio at Cecille Delos Reyes?" hindi makapaniwala at paulit-ulit niyang tanong sa dalaga. Mas lalong naguluhan ang isipan ni Emily.
"A-Ako nga po. B-Bakit po? H-Huwag po kayong lumuhod diyan at madudumihan ang pantalon nin—" Hindi na naipagpatuloy ng dalaga ang sinasabi niya nang bigla siyang yakapin ng mahigpit ni Mr. Fowler.
"A-Ah, e, M-Mr. Fowler?" Unti-unting inangat ni Emily ang dalawa niyan kamay upang tapikin ang likod ni Mr. Fowler na kasalukuyan na ngayong umiiyak sa kaniya.
Mistulang sinulid na buhol-buhol naman ang isip ng dalaga. Hindi niya maintindihan kung bakit bigla na lamang naging emosyonal si Mr. Fowler matapos niyang ibahagi ang sitwasyon ng kaniyang pamilya.
"M-Mr. Fowler, a-ayos lang po ba kayo?"
"A-Ah, oo." Kumalas si Mr. Fowler sa pagkakayakap niya kay Emily at saka siya tumayo. Pinunasan niya ang mga luha niyang umagos sa kabuuan ng mukha niya.
"E, bakit po kayo umiiyak? May masakit po ba sa inyo o may nasabi po ba akong hindi maganda?"
"H-Hindi, anak."
"Anak?"
Kapwa sila natigilan. Napakagat labi pa si Mr. Fowler dahil sa kaniyang sinabi habang si Emily ay nagsalubong naman ang mga kilay.
"A-Ang ibig kong sabihin, a-anak, a-ano, p-para na kasing anak ang turing ko sa iyo dahil sobrang gaan ng loob ko sa iyo. Ano? M-May gusto ka pa bang damit?" pag-iiba niya ng topic.
"W-Wala na po. Ayos na po ito, Mr. Fowler. Maraming salamat po."
Naguguluhan na ng lubusan ang dalaga sa biglaang pag-iiba ng kilos ni Mr. Fowler. Nagpunta na sila sa kahera upang ipatuos kung magkano ang lahat ng damit na napili nila. Nang matapos ay pinagpalit ni Mr. Fowler si Emily ng damit sa dressing room at binilan niya na rin ito ng sandalyas dahil luma at sira-sira na ang suot nitong tsinelas. Nang lumabas si Emily sa dressing room ay muling naluha si Mr. Fowler nang makita niyang maayos ang kasuotan ng dalaga. Ngayon niya napagtanto ang lahat kung bakit unang kita pa lamang niya kay Emily ay lubos na ang gaan ng loob niya rito.
Si Emily ang nawawalang anak ni Mr. Fowler sa loob ng labing walong taon. Si Cecille Delos Reyes ang kasintahan niya at nagbunga ang pagmamahalan nilang iyon bago sila naghiwalay.
Muling niyakap ni Mr. Fowler si Emily. Sabik na sabik siya sa anak niyang matagal na nawalay sa kaniya.
"Mr. Fowler, kanina pa po kayo naiiyak. Pati po tuloy ako, naiiyak na. Ano po ba kasing problema?" kumukuskos sa matang tanong ni Emily.
"Wala, anak. Ayos lang ako."
Napangiti ang dalaga nang muli siyang tawaging anak ni Mr. Fowler. "Baka hanap-hanapin ko po ang pagtawag niyo sa aking anak, ha?" natatawa niyang biro.
"E, pwede ba kitang tawaging anak kahit kailan ko gusto?"
"Aba! Oo naman po! Kung nakikita niyo po sa akin ang anak ninyong matagal niyo nang hinahanap, okay lang po. Alam ko pong napakaswerte niya. Kapag nagkita kayong muli, alam kong magiging masaya siya sapagkat ang amang pinagmulan niya, mabuting tao at padre de pamilya."
Lalong nanggilid ang luha ni Mr. Fowler. Hindi alam ng dalaga na siya ang anak na sinasabi niya. Parang mamon na pinipisil-pisil naman ang puso ng matanda.
Masasabi niyang muling nagkaroon ng kulay at silbi ang kaniyang buhay ngayon na nahanap na niya ng hindi sinasadya ang kaniyang unica hija.
Dinala ni Mr. Fowler si Emily sa isang sikat na fast food chain. Kapwa sila maganang kumain na dalawa. Masaya habang sila ay nagkukwentuhan. Palihim ding kinukuhanan ng mga larawan ni Mr. Fowler si Emily habang ito ay kumakain.
"Sobrang sarap po talaga sa kainan na ito, Mr. Fowler!" punong-puno ang bibig na puri ni Emily.
Nagpatuloy sila sa pagkain hanggang sa magsimulang magtanong muli si Mr. Fowler sa kaniyang anak.
"Emily, wala ka bang alam na pwede mong maging trabaho?"
Natigilan si Emily at sandaling napa-isip.
"Wala po akong alam, e. Saka sino naman po ang tatanggap sa akin na walang pinag-aralan?"
"Ako! Ako, anak."
Hindi na napigilan ni Mr. Fowler ang kaniyang sarili. Ayaw na niyang muling makita na namamalimos ang kaniyang anak sa lansangan.
"P-Po?"
"Gusto mo ng trabaho? Bibigyan kita ng trabaho," aniya.
"Talaga po? Nako! Ano pong trabaho?" nanglalaki at tuwang-tuwa namang tanong ni Emily.
Napaisip ng malalim si Mr. Fowler. Hindi siya handa para rito. Hindi naman niya pwedeng ipasok sa kumpanya ang kaniyang anak dahil kulang pa ito sa kaalaman at maya't maya rin siya umaalis ng bansa at hindi niya ito lubos na magagabayan.
"Hm, ano bang kaya mong gawin?"
"Nako! Basic! Magaling po akong magluto, maglinis ng bahay, magturo, magbilang at makipaglaro sa mga bata. Aba! Marunong din po akong mag-alaga ng mas matanda sa akin. Ako nga lang po ang nag-aalaga kay Papa simula nang umuwi siyang wala ng mga paa, e. Ako lang din po ang halos nag-aalaga sa mga kapatid ko kaya kung yaya o baby sitter lang, kering-keri ko na 'yan! Teka, may alam po ba kayong naghahanap ng mag-alalaga sa anak nila?"
"A-Ah, m-mag-aalaga? T-Teka?" Muli ay malalim at tarantang napaisip si Mr. Fowler. Biglang sumagi sa kaniyang isip si Gavin, ang kaniyang anak.
"Alam ko na! May anak ako at kaedaran mo siya. Kaya mo ba siyang alagaan?"
"Nako! Basic! Kahit pa po senior citizen iyan, kayang-kaya!"
"Sure! Sige na at kumain ka na ulit."
"Maraming salamat po!"
Nagpatuloy siya sa pagkain nang muli siyang mapaisip.
"Ah, Mr. Fowler, ano pong requirements ang kailangan ninyo? Wala po kasi akong pera na ipangkukuha ng mga dokumento, e," nahihiya niyang pag-amin.
"Requirements? No problem! Walang—" Natigilan si Mr. Fowler nang pumasok sa kaniyang isip na kuhanin ang birth certificate ni Emily. "Birth certificate. Birth certificate mo lang ang kailangan ko, Emily. Kapag naibigay mo sa akin iyon, ngayon din ay pwede ka nang magsimula."
"Talaga po?" Nanglaki ang mga mata ni Emily. "E, sakto! Nasa bag ko po ang birth certificate ko. Hindi ko po ito iniaalis dito dahil noon pa po ako nagbabakasaling makapasok sa mga karenderya o nagtitida ng gulay o tulya sa palengke. Ito lang po ang pinapakita ko sa kanila kaso walang ni isa man sa kanila ang tumanggap sa akin dahil sa itsura ko." Kinalkal ni Emily ang bag na nakasabit sa katawan niya. Mistulang kinurot naman ang puso ni Mr. Fowler dahil sa mga sinabi ni Emily.
Kung sanang noon ko pa nalaman na ikaw ang anak ko, hindi mo na mararanasan ang mga iyan, aniya sa kaniyang isipan.
"Heto po, Mr. Fowler." Iniabot ni Emily ang kaniyang birth certificate sa matanda. Nakaramdam agad ng sobrang kaba si Mr. Fowler nang sa wakas ay nahawakan din niya ang birth certificate ng sarili niyang anak.
Kaagad niyang binasa iyon at katulad ng sinabi ni Emily ay tunay ngang anak siya ng mag-asawang Antonio at Cecille Delos Reyes. Tunay ngang si Emily ang kaniyang anak.
Muli'y nanggilid ang mga luha niya dahil sa tears of joy na kung tawagin na kaniyang kasalukuyang nararamdaman. Napahawak siya sa kamay ni Emily at saka niya ito nginitian.
"Tanggap ka na," aniya.
Nagliwanag ang mga mata ni Emily at biglang napatayo.
"Yes! May trabaho na 'ko!" sigaw pa nito at umalis sa kaniyang kinatatayuan. Nilapitan niya si Mr. Fowler pagkatapos ay mahigpit siya ritong napayakap.
"Maraming salamat po, 'Tay!"
Natigilan, nanglaki, at natulala si Mr. Fowler. May kung anong pumisil sa kaniyang puso na mas lalong nagpakawala sa mga namumuong luha sa kaniyang mga mata.
"T-Tinawag mo akong 'tay?" tanong niyang hindi makapaniwala.
"Hehe, pwede po ba?" Kumalas sa pagkakayakap si Emily kay Mr. Fowler at saka nagkamot ng ulo. "Anak po kasi ang palagi niyong itinatawag sa akin kaya para ko na rin po kayong tatay kahit hindi tayo magkadugo. Nakikita niyo po sa akin ang anak ninyo at lubos ko pong ikinalulugod ang bagay na iyon."
Hindi na nakapagsalita si Mr. Fowler at niyakap na lamang niya si Emily.
Maraming salamat! Maraming salamat at nakita rin kita, anak.