LYANNAH POV
Matapos ang tanghalian, parang nabingi ang buong paligid sa sobrang tahimik ko. Hindi ko namalayan na nakaalis na pala sina Eloy at Jannah papuntang eskwelahan naramdaman ko lang nang biglang tumahimik ang bahay. Si Nanay naman ay naglalaba at nagsasampay sa bakuran, habang si Tatay ay abala pa rin sa pag-aayos ng lambat para sa paglaot niya mamayang hapon.
Ako? Nasa balkonahe lang, nakaupo sa lumang bangkong kahoy. Nakaharap ako sa dagat ang dagat na kinalakihan ko, ang dagat na saksi sa lahat ng pagod at pangarap ng pamilya namin. Humahampas nang marahan ang maliliit na alon sa dalampasigan, parang sinasabi sa akin na maghintay, mag-isip, maglakbay… o baka naman magtanim ng tapang.
Huminga ako nang malalim. Ang bigat kasi. Parang may bato sa dibdib ko na hindi ko mailabas. Iniisip ko pa rin ang alok sa akin ang “magandang trabaho” raw sa Manila. Ang bilis ng pangyayari. Para bang isang iglap, may pintong bumukas na hindi ko alam kung para ba talaga sa akin.
“Ang lalim non, nak ha.”
Napalingon ako kay Nanay. May hawak siyang empty basket, halatang tapos na sa unang batch ng labada. May pag-aalala sa mata niya pero may lambing din.
Ngumiti ako nang mahina. “Nay…”
Umupo siya sa tabi ko, hindi nagsalita agad. Hinayaan niya lang na sumabay ang katahimikan sa tunog ng alon. Pagkatapos ng sandali, marahan siyang nagsalita.
“Alam mo, anak… ‘yong sinabi mong biro kanina hindi ‘yon biro. Kita sa mata mo.” Tinapik niya nang marahan ang kamay ko. “At ang sagot ko kanina, totoo din. Susuportahan kita.”
Napayuko ako, pinaglalaruan ang laylayan ng damit ko. “Nay… natatakot po ako.”
“Natural lang ‘yan,” sagot niya agad. “Ako rin natatakot. Ang layo kaya nun. Manila. Ibang buhay. Ibang tao. Baka mapagod ka, baka mahirapan ka, baka ma-miss mo kami.”
Tumingin siya sa dagat, malayo ang tingin, para bang may kinakausap na alon.
“Pero anak… mas matatakot pa ako kung hindi mo susubukan,” dugtong niya. “Pangarap mo ‘yon. At ang pangarap, hindi tinatakbuhan hinaharap.”
Napakagat-labi ako para pigilan ang luha.
Pinisil ni Nanay ang kamay ko. “Malulungkot ako, oo. Pero kung doon ka sasaya, doon ka uunlad… bakit hindi kita papayagan?”
Napahinga ako nang mas malalim kaysa kanina. Mas lumuwag nang kaunti ang dibdib ko.
“Nay… paano kung hindi maganda ang mangyari? Paano kung…”
Hinawakan niya ang pisngi ko at pinutol ang sasabihin ko. “Anak, lahat ng simula may kaba. Kahit kami ng tatay mo, noong kabataan namin, takot din kami. Pero tinaya namin ang sarili namin. Ngayon, ikaw naman.”
Tumingin ako sa kanya, ramdam ko ang pag-aalalang may halong buo at matatag na tiwala.
“At isa pa,” ngumiti siya, “hindi ka namin pababayaan. Kahit nasaan ka pa. Nandito kami. At uuwi ka dito. Palagi.”
Doon ko na hindi napigilan ang luha ko. Umagos iyon nang tahimik, parang alon na hindi mapigilan ang paglapit sa baybayin.
“Salamat po, Nay…” bulong ko habang niyayakap ko siya nang mahigpit.
At doon ko naramdaman na kahit gaano kalayo ang Manila, kahit gaano ako kabado, hindi ako mag-isa.
At siguro… baka nga oras na para harapin ang mundong matagal ko lang pinapangarap.
Niyakap ko pa si Nanay nang mahigpit, pero bago pa man ako tuluyang kumalma, may narinig akong mahinang “Ehem.”
Napapitlag kaming dalawa.
Si Tatay pala nakatayo sa bungad ng pintuan, hawak-hawak pa ang lambat. Hindi ko alam kung gaano na siya katagal nakikinig, pero halatang narinig niya ang halos lahat.
Dahan-dahan siyang lumapit, mabigat ang hakbang pero hindi galit. Para bang bawat isang yapak ay may iniisip na mabigat sa dibdib.
“Anak…” tawag niya na may halong pag-aalala at pilit na katatagan. “Narinig ko ang usapan niyo ng nanay mo.”
Kinabahan ako. Baka magbago ang sinabi niya kanina?
Baka tutol pala talaga siya?
Pero paglapit niya sa amin, huminga siya nang malalim at naupo sa tabi ko.
“Totoo, ayaw kitang umalis,” diretsong sabi niya walang paligoy-ligoy gaya ng nakasanayan ko sa kanya.
“Babae ka. Bata ka pa. At malayo ang Manila. Hindi ko kayang hindi isipin kung ligtas ka ba ro’n.”
Napayuko ako.
Pero nagpatuloy siya, mas malumanay.
“Pero anak… kahit ayaw ko, pipilitin kong intindihin. Kasi para sa pangarap mo ‘yan.”
Napatingin ako sa kanya.
Nginitian niya ako tipid, pero puno ng pagmamahal.
“Alam mo, Lyannah,” sabi ni Tatay, habang tinitingnan ang dagat sa tapat namin, “ang tao… kailangan minsan lumayo para lumaki. Kahit masakit sa mga magulang.”
Tinapik niya ang balikat ko.
“Kung sa tingin mo kaya mo… subukan mo. Pero anak, pakinggan mo ‘ko nang mabuti.”
Tumango ako.
Nakatingin ako sa kanya na parang hinihintay ang pinakamahalagang salita sa buong buhay ko.
“Kapag hindi mo kaya ro’n… kapag masama ang pakiramdam mo… kapag hindi maganda ang trato sa’yo…”
Tumigil siya sandali, lumunok, para bang pinipigilang masaktan.
“Umuwi ka. Huwag kang matakot. Huwag kang mahiyang bumalik dito.”
Mabilis akong napaluha.
“Hindi ka namin tuturinging duwag,” dagdag niya. “Mas matapang ang taong bumabalik kapag hindi na tama ang sitwasyon.”
Hinawakan niya ang kamay ko yung malaking kamay na umalalay sa akin mula bata pa ako.
“Pangalawa,” sabi niya, “makinig ka sa kutob mo. Kapag hindi maganda ang pakiramdam mo sa isang tao o lugar, umalis ka ro’n. Huwag kang papasok sa trabaho na hindi malinaw. Huwag kang basta-basta magtitiwala.”
Tumango ako, pinupunasan ang luha ko.
“Pangatlo,” nagpatuloy siya, “kahit gaano kahirap ang buhay dito, anak… tandaan mong may uuwian kang pamilya.”
Mas lalo akong naiyak.
Umakbay si Tatay sa akin bihira niya iyong gawin.
“Kaya mo ‘yan. Marunong ka, maingat, at may mabuting puso. Pero kapag napagod ka… umuwi ka. Palagi kaming nandito.”
Para akong nabunutan ng tinik.
Yung bigat na ilang araw kong dala, unti-unting gumaan.
“Naiintindihan ko ang pangarap mo,” sabi niya, mas malumanay na ngayon. “At kahit nakakatakot… mas masaya akong makita kang lumalaban para sa sarili mo.”
Hindi ko na napigilang yumakap sa tatay ko.
Ngayon lang ulit.
Ngayon lang ulit ako nakadama ng ganitong kalakas na suporta mula sa kanya.
At sa yakap na iyon, doon ko naramdaman
Handa na akong lumayo.Handa na akong mangarap.At handa na akong harapin ang mundong naghihintay sa akin kahit delikado, kahit malayo.
Dahil alam kong may tahanang uuwian.
At may pamilya akong hindi ako iiwan.