LYANNAH POV
Unti-unti akong lumapit kay Rosenda, ramdam ko ang pagbigat ng bawat hakbang ko. Parang mas lumalawak ang hallway habang papalapit ako sa kanya, at mas bumibigat ang hangin. Nakatayo lang siya roon, nakapamewang, ang isang paa nakausli, at ang tingin niya… parang tinging sumusuri ng kalakal.
Paglapit ko, tumigil ako isang dipa mula sa kanya. Tiningnan niya ako mula ulo hanggang paa, mabagal, parang may sinusukat, parang may pinagkukumpara. Ramdam ko agad ang pag-init ng mukha ko.
Napansin kong bahagyang tumaas ang sulok ng labi niya isang mapanuring ngisi, isang ngiting hindi ko mabasa kung tuwa ba o paghamak.
“Tsk,” mahina pero malinaw niyang sabi habang nakatitig pa rin sa akin. “Maganda ka talaga, ineng.”
Hindi ko alam kung matutuwa ba ako o matatakot.
Biglang may nagsalita mula sa likuran, isa sa mga babaeng naninigarilyo.
“Aba, panalo na naman ’yan mamaya, Ate Rosenda. Paldo ka nanaman, sigurado!” sabi nito sabay tawa.
Tumawid ang tingin ng iba pang babae sa akin, may nakangisi, may naghihintay ng reaksyon ko, may halatang sanay na sa ganitong usapan.
Si Rosenda, hindi nag-iba ang ekspresyon. Ngumisi lang siya nang bahagya, pero hindi niya inalis ang tingin niya sa akin parang mas lalo pa niyang pinagbuti ang pagsusuri.
“Syempre naman,” sagot niya sa mga babae, hindi pa rin lumilingon.
“Kapag may bago, mas mataas ang kita. Lalo na kung sariwa at… mukhang inosente.”
Napakagat ako ng labi. Hindi ko alam kung ako ang tinutukoy niya, pero sa tingin ng lahat na nasa paligid… ako nga.
Pinilit kong hindi ipahalata ang kaba ko, pero parang pinagpapawisan ang palad ko. Ramdam ko ang t***k ng puso ko sa tenga ko.
Lumapit pa ng isang hakbang si Rosenda dalawang dangkal na lang ang pagitan namin. Itinuro niya ang mukha ko, ang buhok ko, pati ang leeg ko.
“Tama,” sabi niya. “Ikaw ang inaasahan ko ngayong gabi.”
Parang may malamig na hangin na dumaan sa likod ko. Hindi ko alam kung ano ang ibig niyang sabihin, pero sa tono niya… hindi ito katulad ng iniisip kong trabaho noon sa isla.
“Ah… Ate Rosenda,” halos paanas kong tanong, “ano po bang”
Hindi ko natapos ang sasabihin ko nang itaas niya ang kamay niya, pinatigil ako.
Hindi galit ang mukha niya, pero hindi rin mabait.
“Maliligo ka pagkatapos kumain,” sabi niya diretso. “Papapahiran kita mamaya. Aayusin natin itsura mo. Gusto ko presentable ka.”
Presentable? Para saan? Para kanino?
Naramdaman kong may humawak ng banayad sa braso ko si Meryl pala, bagong gising, nakasilip sa pinto. Maputla ang mukha niya, parang may sasabihin pero hindi makasabi.
Lumingon siya sandali kay Rosenda, tapos ibinalik ang tingin sa akin at marahang umiling.
At doon ko naramdaman ang pagbigat ng loob ko.
May mali.
May hindi tama.
At baka hindi ito ang trabaho na pinangarap kong puntahan sa Maynila.
Pero nakatingin si Rosenda sa akin, nakangisi, para bang may hawak siyang lihim na ako lang ang hindi nakakaalam.
“Halika na, Lyannah,” mariing sabi niya.
“Magsisimula na ang buhay mo dito.”
Umupo ako sa mahabang lamesa kung saan nakalapag ang ilang pinggan ng pritong itlog, kanin, at tinapang halatang minadaling niluto. Kasama ko si Meryl, pero tulad ko, halos wala rin siyang imik. Tahimik siyang kumakain, nakayuko, parang ayaw makipag-eye contact kahit kanino.
Ako naman, mechanical lang ang paggalaw ko. Subo… lunok… subo… pero wala akong malasahan. Parang wala ako sa sariling katawan. Ang utak ko, paulit-ulit na bumabalik sa nangyari kanina.
Ang tingin ni Rosenda.
Ang ngisi niya.
Ang usapan ng mga babae.
“Mas mataas ang kita kapag bago… lalo na kung inosente.”
“Paldo ka nanaman mamaya, Ate Rosenda.”
Napahinto ako sa pagsubo.
Hindi kaya…?
Baka mali lang ang interpretasyon ko.
Baka mabuti naman ang trabaho… baka maganda talaga.
Pero napatingin ako kay Meryl, at tulad ng dati, mabilis siyang umiwas. Hindi ko alam kung ano ang mas nakakatakot ang hindi ko alam ang totoo… o ang pakiramdam na alam niya pero hindi niya masabi.
Tahimik.
Mas tahimik pa kaysa sa saglit na katahimikan ng dagat bago ang bagyo.
Nagulat kaming lahat nang biglang bumukas ang pinto ng kwarto ni Rosenda. Lumabas siya na nakaayos na, nakasuot ng masikip na pulang dress, pulang lipstick, at mabangong pabango na agad sumingaw sa buong lugar.
Pinadausdos niya pababa ang tingin sa amin.
“Hoy, malapit na ang oras,” sabi niya, medyo malakas ang boses. “Mag-si-PAGLIGO na kayo. Ayusin n’yo sarili n’yo. Hindi tayo p’wedeng mahuli.”
May bahagyang kaba agad na sumundot sa dibdib ko.
Humakbang siya pabalik sa kwarto niya pero bago niya isara ang pinto, tumingin siya diretso sa akin hindi sa amin.
Sa akin.
“Ah, Lyannah.”
Napasinghap ako nang marinig ko pangalan ko sa bibig niya.
Naglakad siya pabalik ng kaunti, nakapamewang, nakataas ang kilay.
“Matapos mong kumain… bago ka maligo…”
Huminto siya saglit, at parang sinadya niyang tumbukin ang bawat salita.
“…pumunta ka sa kwarto ko.”
Nalaglag halos ang kutsara ko sa sahig.
Ibinaling niya ang tingin sa ibang babae saglit, parang gusto niyang siguraduhing ako lang ang nakakarinig ng sinabi niya kahit narinig naman iyon ng lahat.
“Ibibigay ko sa ’yo,” sabi niya, dahan-dahan, “ang ISUSUOT mo ngayong gabi.”
Parang tumigil ang mundo.
Parang may malamig na hangin na dumampi sa batok ko. At parang biglang humina ang tuhod ko.
Sa tabi ko, napatigil din sa pagkain si Meryl at bahagyang umirap ang mata niya, halatang may alam siya na hindi ko pa alam.
Si Rosenda naman, ngumingiti pero hindi iyon ngiting mabait. Mas parang ngiting… nakahuli ng gusto niyang pain.
Pagkalipas ng ilang segundo, umikot siya at naglakad pabalik sa kwarto niya, sabay sara ng pinto.
Isusuot ko ngayong gabi?
Bakit ako? Anong trabaho ba talaga ito?
Napatingin ako sa plato ko, nanginginig ang mga daliri ko. Wala na akong ganang kumain, pero hindi ko alam kung kakayanin ko ang gabing darating nang walang laman ang tiyan.
“Lyannah…” mahinang sabi ni Meryl.
Lumingon ako.
“mag-ingat ka.”
Mabilis siyang umiwas pagkatapos, halatang ayaw niya nang may magtanong pa.
Mas lalo lang akong kinabahan.
At doon ko naramdaman…
na ang takot ko kanina?
Hindi pa pala iyon ang pinakamalala.