Nangiti naman na napalingon sa ‘kin si Jade.
“Shayne, si Brianna.”
Hindi ko alam bakit ngitian nang ngitian ‘tong mag-ama na ‘to.
Hinawakan na ‘ko ni Brianna at nagsimula na siyang ibida ang kanyang ama na napapailing naman.
“Magaling magluto si papa, hindi siya nagagalit, mahaba ang pasensiya niya, tinuturuan niya ‘kong magbasa at magsulat, hindi rin siya nakakalimot mag I love you—”
Pakiramdam ko iniaalok ng bata ang ama niya sa ‘kin kaya puro ngiti lang ang naisagot ko.
“Dito ka titira kasama ko, kapag mag-asawa na kayo ni daddy—”
“Brianna.”
Natigil ang bata sa pagsasalita dahil sa pamimigil ng ama.
Nang balingan ko si Jade ay nag-iiwas siya ng tingin at tila pinamumulahan.
Hanggang sa hapagkainan kung nasaan ang lola niya at si Brianna ay parehong nagpapaligsahan ang matanda at si Brianna sa pagbibida kay Jade na ilang beses ng sinuway ang anak at ina. Pero katulad nang pagkakakilala ko sa kanya, kalmado siya at marahan magsalita. Kompara sa matataas ang ere na Alpha.
“Anak ka rin pala ng Alpha at Omega…” sabi ko nang nasa hardin kami nakaupo at may set-up na picnic na gusto ni Brianna.
Tumango siya, “Namatay na si dad, five years ago. Markado si mommy kaya naman nang mamatay si dad ay hindi na rin siya naghanap ng iba. Siguro, ang maganda lang ro’n, nang mamatay si dad, matanda na sila pareho. Tapos na rin ang heat ni mommy kaya hindi na niya kailangan mag suffer alone sa heat.”
“Wala akong pakialam sa Alpha, Omega, at Beta na ‘yan. Isa pa, hindi ko naisip na markahan ang sinuman para lang itali siya sa ‘kin, kaya hindi malaking bagay sa ‘kin na napabilang ako sa Beta.”
Nangiti ako sa sinabi niya.
“Pero hindi ko naisip na darating ako sa punto na gugustuhin kong maging Alpha para mamarkahan ang Omega na gusto ko, para mapanatag na siya. Para mabawasan na ‘yong pag-aalala ko para sa kanya.”
Kumabog ang dibdib ko dahil sa titig niya na parang tumatagos sa ‘king kaluluwa.
Kung isa ba siyang Alpha, gugustuhin ko siya?
Hindi. Lalayuan ko rin siya katulad kay Miggy.
Pero sa paraan ng pagtitig niya nakaramdam na naman ako ng kaba at takot.
Kahit pala gusto ko siya, hindi iyon konsiderasyon para pumasok ako sa relasyon kasama siya.
Ayokong maging problema.
Ayokong maging rason para masaktan siya. Lalo at alam ko na nabubulagan ako sa pag-iinit. Simula nang may mangyari na gano’n sa ‘min ni Miggy, mas nangamba na ‘ko na kung kanino na lang ako makipagniig.
Nakita ko ang pagkataranta niya at pagpahid sa mga luha ko na bumabagsak na ‘di ko na halos napansin.
“Hindi naman mahalaga iyong pagmamarka. Pero mas maganda kung isang normal Omega ang magugusutuhan mo at hindi ‘tulad ko.”
Iniwasan ko na siya nang tingin at inabala ang sarili sa pakikipaglaro kay Brianna.
May kirot akong nararamdaman pero kailangan ko na supilin na kaagad ang damdamin na ‘to. Kailangan na magpokus na lang ako kay mama, tigilan ko na ang delusyon, iwasan ang mga Alpha at ‘wag ng maging problema ng Beta na gugustuhin ko. Baka mas magalit lang ako sa sarili ko, kung makagawa ako ng kasalanan sa kanya. Alam ko na puwedeng tanggap niya ‘ko sa umpisa, pero kalaunan, magsasawa rin siya dahil sa heat ko. Hindi pa niya ‘ko nakikita sa sitwasyon na ‘yon. Kung hindi naman ako magtatrabaho, may sakit si mama, hindi responsibilidad ng sinuman ang magulang ko para ipagamot. Responsibilidad ko ‘yon bilang anak niya.
Iniwasan ko na mag-usap kami hanggang sa pag-uwi.
Pinipigil ko ang mga luha na namumuo sa ‘king mga mata.
Nang huminto ang sasakyan ay nagpaalam na ‘ko sa kanya.
“Mauuna na ‘ko—”
Bago ko pa mabuksan ang pintuan ay pinigil niya ang braso ko kaya binalingan ko siya nang tingin. Nanlaki ang mata ko nang sa isang iglap nakalapat na ang labi niya sa labi ko. Saglit lang ‘yon na halik bago niya pinagdikit ang noo namin.
“Dalawang buwan akong mawawala. Hindi mo kailangan pilitin ang sarili mo na gustuhin ako kung iyong trabaho mo ang iniisip mo, Shayne. Hindi ko rin gusto na umalis ka sa trabaho dahil sa pagkailang. Sa dalawang buwan na mawawala ako, pagbalik ko, ibigay mo sa ‘kin ang sagot mo kung puwede kong iparamdam sa ‘yo ang nararamdaman ko o hindi. Kahit hindi, walang magbabago. Manatili ka lang na nasa trabaho, safe and healthy then it’s fine.”
Wala siyang amoy ‘tulad ng Alpha na ‘yon.
Pareho silang nakakakalma sa pang-amoy kahit gano’n.
Pero kung may pagpipilian ako, mas gugustuhin kong manatili sa lalaking ‘to. Kung sana, isa lang akong pangkaraniwang Omega na tinatablan ng suppressant. Hindi magiging malaking problema sa ‘min ang relasyong papasukin. Pero kung ang normal na Omega na tinatablan ng suppressant, marami ng kaso ng pagtataksil sa mga Beta na kinakasama nila, ano pa ako na may kakaibang kondisyon?
Huminga ako nang malalim nang makaakyat na ‘ko patungo sa bahay namin. Salamat sa barangay na sumasakop sa ‘min at ang dating bato-bato paakyat sa lugar namin ni mama ay nilagyan nila ng kahoy na akyatan. Kahit malayo kami sa mga kapitbahay, hindi naman sila mailap sa ‘min at kung may pagkakataon ‘tulad ng handaan ay ‘di sila nakalilimot imbitahan kami o padalhan ng pagkain. Inilagay ko na ‘yong ngiti ko pagkapasok ko pa lang sa bahay namin.
“Ma.”
Naabutan ko siyang nakaupo sa dulong bahagi ng single na papag at nakangiti rin sa ‘kin.
“Maaga pa,” aniya.
Lumapit ako sa kanya at nahiga sa papag na kinauupuan niya at ipinatong ang ulo ko sa kanyang hita.
Hindi ako nagkaro’n ng matalik na kaibigan.
Hindi ako mapagtiwala sa iba, kahit pa sabihin na ilang taon ko na silang kilala. Nakikinig lang ako ng mga sinasabi at kuwento nila, pero hindi ko ikinukuwento ang sarili ko.
Naramdaman ko ang paghaplos niya sa buhok ko. Hindi ko alam kung bakit nagsimulang mamuo ang luha ko at magbagsakan ‘yon. Tahimik lang siya kahit naririnig niya ang pinipigil kong paglakas ng pag-iyak pero hindi ko naman mapigil ang paghikbi.
Natapos ko naman ang Junior High ko, pero t’wing heat ko ay absent ako. Binawi ko ‘yon sa paghingi ng mga projects at iba pang bagay para mapunan ang pagkukulang ko. Iyong mataas kong grades mabilis silang nagbababaan.
Hindi na ‘ko nagtuloy ng senior high, takot ako, takot si mama, gusto ko na lang magkulong sa bahay. Iyong mga kaibigan ko no’n simula elementarya ay hindi ko pinagkatiwalaan na sabihan kung ano ang sitwasyon ko.
Si Ae, hindi ko siya naging kaibigan no’ng highschool pero naging kaklase ko siya ng huling taon ko sa Junior High dahil nailipat siya ng klase. Simula nang malaman ko ang tungkol sa heat ko, umiwas na ‘ko sa marami.
Wala rin akong kakayahan, pera, na mag-aral sa isang institusyon na puro Omega lang. Nagkaro’n ako ng tiyansa na kumuha ng scholarship sa lugar na ‘yon, nang malaman ko na kailangan ko na tumira mismo sa lugar ay hindi na ‘ko tumuloy. Hindi ko kayang iwanan mag-isa ang mama ko. Hindi ko rin kayang mabuhay ng wala siya sa tabi ko. Sa edad kong twenty-one, hindi ko pa rin kayang mabuhay mag-isa.
“Naalala mo ba si Rion?”
“Iyong favorite mong singer na artista,” pinahid ko ‘yong luha ko.
“Pareho kayong Male Dominant Omega kaya ko siya nagustuhan.”
“Tingin ko nga,” nangiti na ‘ko.
“Binukas niya ‘yong buhay niya na ibinenta siya sa isang pamilya ng mga Alpha, hindi ba?”
Hindi ko ‘yon alam kaya iniayos ko ang higa ko para tingnan siya.
“Naabuso siya ng anak ng Alpha na umampon sa kanya, hindi rin naman siya itinuring na anak ng pamilya na ‘yon. Walang-wala siya na kahit na ano, sino, pero nagawa niyang makawala dahil pakiramdam na sobra-sobra na ang nararamdaman niyang pangmamaliit at pang-aabuso. Minsan niyang sinabi sa sarili niya na gusto niya ng sumuko na lang, pero dinala siya ng mga paa niya sa lugar na magpapabago sa buhay niya. Pero hindi naman mababago ang buhay niya kung hindi siya sumubok uli, hindi ba? Hindi mababago ang buhay niya kung naupo lang siya at inisip na kakaiba siya sa lahat… at lalong kung hindi niya pinatunayan na sa dami ng mga Alpha sa audition na ‘yon na pare-pareho lang silang tao at walang silbi ang salitang Alpha, Omega, at Beta na katawagan para hindi niya madaig ang mga naro’n.”
“Malakas ang loob niya…suwerte rin siya na naging madali sa kanya ‘yon…” Hindi ako gano’n.
“Hindi ‘yon naging madali. Marami pa rin siyang dinanas na pangmamaliit, iyon lang hindi na siya nagpaapi pa. Tingnan mo na siya ngayon, Alpha na ang nagkandarapa sa atensiyon niya. Hindi lang Omega ang kumikilala sa kanya, kundi maging ang mga Beta at Alpha.”
Nginitian niya ‘ko, “Kung sakaling mawala ako sa tabi mo, hindi ko gusto na mawalan ka ng direksiyon. Pero pinipilit kong lumakas at gumaling para sa ‘yo. Hindi ko rin gustong iwanan ka sa kaalaman na mag-iisa ka.” Lumamlam ang kanyang mga mata, parang biglang piniga ang puso ko sa sinabi niya. Hindi ko kasi kakayanin, kahit isipin man lang na mawawala siya sa ‘kin, “Pero kung talagang mangyari ‘yon na mawala ako, bumangon ka ‘tulad niya, ‘wag kang tumulad sa ‘kin na mahina ang loob.”
“Hindi naman ‘yon mangyayari, gagaling ka, mama…” ngiti ko sa kanya. “Pero iyong Omega ko na ‘di tinatablan ng suppressant lang naman ang problema ko. Hindi ako magiging api sa kahit na sinong Alpha. Bata pa naman ako para isipin ang pagpapamilya, hindi ba?”
Tumango siya at ngumiti bago ‘ko hinalikan sa noo.
Mas gusto ko na gumaling siya. Kahit paano, umaasa pa rin ako na makaalam ng solusyon bukod sa pagpapamarka sa Alpha. Oras na mamamarkahan ako, hindi na ‘ko m************k sa ibang Alpha. Iisa na lang ang hahanapin ko. Hindi na ‘ko mag-iinit sa haplos ng ibang lalaki, hindi na rin ako tatablan ng Pheromones ng ibang Alpha, tanging ang nagmarka na lang sa ‘kin ang makapagpapawala ng katinuan ko. Pandidirihan ko na ang ibang haplos at halik. Sa gano’ng paraan magiging pangkaraniwan ako. Nasanay na ‘kong naghihirap sa heat ko, kung iiwanan ako ng Alpha na ‘yon, hindi na ‘yon magiging bago sa ‘kin. Ang mahalaga, iisa na lang siyang hahanapin ng katawan ko.
Pero ang kapalit ng marka na ‘yon, hindi na ‘ko puwedeng magmahal ng iba. Dahil kung markado ako ng iba, maging ang pagmamahal ko sa isang Beta, hanggang doon na lang. Oras na haplusin niya ‘ko, makararamdam na ‘ko ng pandidiri, magkakasakit, at manghihina. Mawawalan na ‘ko ng silbi sa iba.