Kabanata 39 Pinanonood lang ni Peter na maglaban ang dalawa dahil hindi pa rin siya makagalaw. Halos pantay lang ang laban, bagay na ikinagulat ni Peter. Alam niyang kakaiba ang bilis at liksi ng mga mortal na gaya ni Cylinder at ang buo nitong pamilya. Pero hindi maipagkakailang mga mortal pa rin sila. Kung sa tagal ng pakikipaglaban ang pagbabasehan ay paniguradong mabilis mapagod ang mga mortal lalo na kung laban sa isang hellhound. Ngunit sa nakikita ni Peter ay para bang wala ni isa sa kanila ang napapagod at gustong magpatalo. Mukhang matindi ang pagsasanay na ginawa ni Cylinder mula nang maghiwalay sila ng landas ni Prinsipe Chronos. At nakikita niya ngayon ang epekto ng pagsasanay na iyon. Nakakatakot ang bilis ng pagbabago nito. Para bang napag-iiwan na si Peter ng impormasyon.

