NAPATINGIN SA suot na relo si Vivienne. Five-thirty na. Pero hindi pa rin siya tinatawagan ni Railey para yayaing umuwi. Nag-overtime kaya ito? O baka naman ay nagsawa na ito sa kanya dahil ilang araw ng hindi niya ito kinikibo? Napasulyap siya sa telepono sa mesa niya? Tawagan kaya niya ito? Akmang iaangat na niya ang receiver nang biglang magbago ang isip niya. Hindi na bale. Hihintayin na lang niya ang tawag nito. Kung hindi man ito tatawag, baka mamaya lang ay susunduin siya nito. Kanina pa umalis ang mga kasama niya. Sanay na siyang laging naiiwang mag-isa. Muli niyang ipinagpatuloy ang ginagawa. Maya-maya ay nagulat siya ng may magsalita sa tabi niya. "Hello, Miss Landagora! Nandito ka pa pala." Awtomatikong nag-angat siya ng tingin. "Kayo pala, Mr. Hidalgo. Good afternoon po!"

