Gabi na pero mulat na naman ang mata ko. Ang dami kong iniisip at hindi ako makatulog.
Si Zenon.
Si Redson.
Si Lourd.
Punyeta, puro lalaki ang iniisip ko? Kailan pa ako naging ganito?
Iniisip ko ang kapatid ko. Paano kung hindi kami nakahanap ng pangpiyansa? Tuluyan na ba siyang makukulong? Kung patigilin ko nalang kaya si Zenon at pahanapin ng matinong trabaho?
Tama. Susubukan ko siyang kausapin bukas para mabawasan naman ang isipin ko.
Si Redson naman, hindi ko siya naiintindihan nitong mga araw. Parang iiba na ang gusto naming gawin hindi tulad ng dati na palagi kaming nagkakasundo.
At higit sa lahat, si Lourd – natigilan ako sa iniisip nang marinig na sumisinghot si Gracia.
“Hoy, anong nangyari sa’yo?” Habang nag-eemote ako rito siya namang pag-eemote niya rin sa K-drama niya.
“Ate…” Aba, talagang humagulgol na.
“Anong iniiyak mo?”
“Ito kasing pinapanood ko nagkaalaman na sila. Tingnan mo oh.”
“Hindi ako nakakaintindi ng intsik na ‘yan.”
“Ate naman. Korean sila, Korean. At saka may subtitle naman.”
“Hindi pa rin ako makakaintindi.”
“Kaya ‘yan ate, grabe ‘to. Sige na, oh. Para madama mo rin ang sakit.”
Huh? Dami ko ng iniisip na nakakapagpabigat ng pakiramdam ko. Dadagdagan mo pa ng sakit?
Pero di na ako sumagot pa at nakinood nalang din.
“Trust should be the foundation of the relationship but…it’s so funny that ours are lies. Okay, I lied to you. You lied to me. Don’t you think we need to end it already?” sabi ng bidang babae at hindi nakasagot ang bidang lalaki.
Coincidence pa rin ba ito? Itong eksena pa talaga ang pinanood niya sa akin?
“Ah ayoko na nga. Wala akong maintindihan.”
“Ay, ate naman eh. Walang pakiramdam.”
Anong walang pakiramdam? Damang-dama ko nga Gracia.
Tinalikuran ko na siya.
Ito naman ang gusto ko diba? Tinutulak ko pa ngang labanan niya ang kapatid niya, pero bakit ang bigat sa pakiramdam? Bakit feeling ko tinraydor ako? Wala naman akong karapatan makaramdam ng gano’n dahil unang-una, iyon naman ang sadya ko sa kanya.
Magsinungaling para sa pera.
Nasa kailaliman ng isip ko’y gusto ko siyang magpaliwanag. Gusto ko siyang tanungin, bakit kailangan niyang magsinungaling?
Malamang may rason siya katulad ko.
Pero bakit?!
Ugh! Padabog akong nagtalukbong ng kumot.
Siguro dahil nasasayangan lang ako. May pinagsamahan na rin kasi kami ng tao.
Mawawala lang din ito. Tama, lilipas lang ito.
Sana bukas wala na ito.
Kinabukasan ay kinausap ko si Zenon. Kumpleto kami sa hapag-kainan para sa umagahan.
“Zenon, ano kaya kung maghanap ka nalang muna ng matinong trabaho?” pagbasag ko sa katahimikan ng umaga namin. Kalansing lang ng mga kutsara ang naririnig.
“Tiyang ano kasi…natatakot lang ako. Baka mahuli siya ulit, paano kung wala na tayong pangpiyansa?”
“Walang problema sa akin ‘yan. Hindi ko naman kayo pinipilit sa ganito pero kasi dahil sa sobrang gipit sa buhay, kailangan natin ng gan’to.”
“Hindi na ‘yon mauulit, ate,” ani Zenon. Pahiwatig lamang na hindi siya sang-ayon sa akin.
“Paano mo naman nasasabi ‘yan? Nakausap mo ang pulis na huwag ka ng hulihin?”
“Magdo-doble ingat na ako.”
“Zenon.”
“Ate, hindi na ako bata. Kaya ko na ang sarili ko.”
“Kaya ko na ang sarili ko…” ginaya ko pa ang paraan ng pagsasalita niya. “Kung makatawag ka nga ng ate noong pinuntahan kita sa police station, mangiyak-ngiyak ka.”
Pilit inipit nina Gracia, Lucio, at Redson ang tawa nila.
“Tsk. Susubukan kong maghanap.”
“Gawin mo. Huwag mong subukan.”
Nang matapos nang kumain ay kanya-kanya na silang alisan. Kami nalang ni Tiyang ang naiwan.
“Kamusta Zamora, hinahanap na ba ni Lourd ang shop?” tanong ni Tiyang habang tinutulungan kong maglinis ng mesa.
“Wala naman, Tiyang. At saka…ianunsyo kahapon…siya na ang bagong CEO ng Patriarch,” mahina kong wika.
“CEO? As in ‘yong pinakataas-taasan? Siya ang pumalit sa tatay niya?”
Tumango ako.
“Oh, bakit parang nalungkot ka sa balita?” Nakayuko lang ako at tinungo ang lababo para maghugas ng pinggan.
“Wala naman Tiyang. Iniisip ko lang kung pagpapatuloy ko pa ba. Hindi kasi basta-basta na iyong dalawang milyon.”
“Okay na iyon. Pagkauwi mo nga ng perang iyon noon, akala ko hindi ka na magpapakita sa kanya. Pero mas lalo ngang madalas ang paglabas mo kasama siya. Kaya hinayaan na kita baka may plano ka pa.”
Napakunot ang noo ko at naalala si Redson.
“Ayan!” Napatigil ako at hinarap si Tiyang. “Diba dapat ganyan ang reaksyon, Tiyang?”
“Huh? Bakit?”
“Si Redson po kasi. Panay ang bangayan at hindi kami magkasundo nitong mga araw. Nagagalit siya bakit pa raw ako sumasama kay Lourd kung tapos na ang trabaho. Pinaliwanag ko naman sa kanya na baka kaya pa nitong maglabas ng pera sa akin. Pero ayun…kung anu-ano ng pinagsasabi.”
“Hayaan mo na. Natatakot lang iyon na baka maranasan mo ang buhay na marangya, eh hindi ka na babalik sa dating gawi.”
Sandali akong natahimik at napaisip sa sinabi ni Tiyang.
“Bakit niya naman ikakatakot ‘yon, Tiyang? Gano’n ba kababaw ang tingin niya sa akin? Alam kong madali akong nakukuha ng pera pero alam ko naman kung kailan pipiliin ang pamilya.”
“Nakapag-usap na ba kayo?”
“Nag-uusap naman po, pero hindi talaga katulad ng dati.”
“Pag-usapan niyo lang iyan para magkaliwanagan. Mahirap ‘yan. Tayo na nga lang ang magkakasama rito, hindi pa kayo nagkakaunawaan.”
Dumaan lang yata talaga ang isang Lourd Patriarda sa buhay ko para iparanas ang pera at gala rito, gala roon.
Linggo na kasi ang lumipas, tiniis kong hindi ako ang unang mag-text sa kanya. Para ano pa? Baka nga kinalimutan na niya ako ngayon at siya na ang namamahala sa kumpanya nila at mas naging abala pa.
Nang minsang sumasakay ako ng jeep para pumunta sa sentro, nakita ko pa ang mukha niya sa billboard bilang bagong CEO ng Patri Homes.
Mas naramdaman ko ang layo ng agwat namin na mapapakanta ako ng, Langit ka, lupa ako.
Kaya tinanggap ko na. Hindi na rin naman siya ulit nagparamdam. At oo, medyo nakakalungkot pero gano’n talaga. Pero sinisimulan ko nang mag-ipon baka sakaling balikan niya ako at singilin ng pinangpiyansa kay Zenon.
Mabuti na ang handa.
Balik na ako sa dating gawi. Hintay uli kung may bagong pinapa-target na naman si Tiyang sa akin. Alam naming hindi magandang gawain itong amin, ngunit ito lang ang alam naming mabilis na paraan.
Tinatanaw pa rin naman namin ang araw na titigilan na namin ito. Alam ko, darating din kami sa araw na iyon.
Magkasama kami ni Gracia ngayon sa repair shop. Nasira kasi ang electric fan namin kaya ipapaayos.
“Maayos ba ‘yan?” tanong ko sa nagre-repair.
“Oo. Madali lang ito.”
“Mga magkano ba?”
“850, pwede na ito.”
“Ang mahal naman, 700?”
Umiling-iling ito.
“850,” mabilis niyang sagot.
“Sige na kuya, ito naman. Pampamasahe at pangkain pa namin,” pangungulit ko pa.
Napakamot siya sa ulo. “Sige na nga, 750, last na.”
“’Yon sige, ayan, kung ganyan ba naman eh baka lahat ng gamit namin, dito ko na dalhin sa’yo – “
“Ate!” Naputol ang pambibilog ko nang hilain ni Gracia ang braso ko at tinuro ang TV sa loob.
“TV? Bili tayong TV? Wala pa tayong budget niyan, Gracia. Alamin mo nalang sa nanay mo.”
“Ano ka ba, hindi! Ang balita, tingnan mo!”
“Bakit, anong—”
“Pinagbantaan ang buhay ng bagong presidente ng Patriarch Homes Co. nitong Lunes, alas nwebe ng gabi. Kinilala ang bagong CEO na si Lourd Patriarda, anak ng dating presidente ng kompanya.”
Natigilan ako sa laman ng balita.
“Tinambangan umano si Patriarda sa parking lot sa condominium nito nang ito’y pauwi na. Shoot to kill ang ginawang pangbabanta dahil sa narekober na dalawang basyo ng bala sa pinangyarihan ngunit bigo dahil bulletproof ang sasakyan nito. Agad ding umaksyon ang kasa-kasama nitong bodyguard at tinamaan pa nito ang driver ng sasakyan lulan ang mga suspek. Sinubukang kinuha ang kopya ng CCTV footage sa building ngunit burado na ito. Nasa ligtas namang kalagayan si Patriarda at sa ngayon ay patuloy pang iniimbestigahan ng pulisya ang insidente. Matatandaang nitong nakaraang linggo lang ay ipinasa ng ama ang posisyon bilang Chief Executive Officer ng Patriarch Homes sa kanya. Inaalam pa kung konektado rito ang motibo sa insidente.”
Nanliit ang mata ko. Mukhang nakukuha ko na ang sitwasyon. Una pa lang, siya na talaga ang tagapagmana. Dahil nga para maiwasan ang pangyayaring ito, kasa-kasama niya na si Drac. Tinago niya rin ito para na rin sa seguridad niya.
Umismid ako. Kahit gaano pa pala kalaking pera ang pinagkatiwala niya sa akin, alam niya pa rin kung kanino niya protekahan ang sarili. Kaya niya tinago ang totoo.
Pinakita niya pang hindi siya interesado sa posisyon.
“Well, my dear brother. Dad’s gonna announce the heiress this month, on the last week maybe.”
“Heiress?”
Totoo ba ang gulat niya noon nang akala ng ate niya, ito ang susunod sa ama? O kasama rin iyon sa pagpapanggap niya?
Kinongrats pa niya ang kapatid niya. Grabe.
“Can I enjoy your money, too? Once you take over?”
Ang galing niyang sumakay. Naalala ko rin ang usapan namin noong seryoso ko siyang tinanong.
“Okay lang sa’yong mamanahain lahat ng ate mo ang negosyo niyo?”
“Hindi niya naman talaga mamanahin lahat, siya lang ang magpapatakbo ng negosyo. Dad’s property and others…we have both the right for it.”
Kaya pala napaka-confident niya ng oras na iyon, na para bang okay lang sa kanyang minamaliit siya ng ate niya. Hawak niya na pala ang alas.
Bumalik din sa isipan ko ang narinig kong wika niya noong may kausap siya sa cellphone noong sa mini-bar kami ng shooting range.
“Let her celebrate for now…I’ll do that next week…”
Planadong-planado niya na.
“You don’t need to work hard, you just need to think wisely and work smart.”
Ang mga salitang ‘yon, manggagaling ba talaga iyon sa tatanga-tanga at madaling mautong Lourd Patriarda?
Napailing-iling ako.
Kailangan ko na talagang tuluyang mawala sa paningin at isip niya. Delikado siyang tao. Tahimik at sa likod tumitira.
Kung dati’y nalulungkot ako sa paggising na ni isang text mula sa kanya, eh wala. Ngayon, para akong nabubunutan ng tinik dahil lumipas nang matiwasay ang araw na walang text galing sa kanya.
Tama si Redson noon na mag-ingat ako sa kanya. Pero hanggang ngayon ay hindi ko pa rin makuha ang pagbigay kahulugan niya noon ng who’s that at good morning. Dahil sa good morning, kung panggagamit ang usapan, ako ang tunay na nanggamit. Pero siya? Ako lang ang nag-isip na may kapalit ang dalawang milyon.
Ngayo’y wala na akong pakialam sa kaganapan sa mundo nilang magulo. Nagpapatayan dahil sa negosyo.
Balik ako sa pagiging tambay ko sa palengke, tuma-timing. Nakatayo lang ako sa gilid. Araw ng linggo ngayon, araw ng pamalengke kaya marami-rami ang tao. Nasa paligid lang din sina Tiyang, Redson, at ang kambal. Wala si Zenon, may tinanggap na trabaho bilang kargador. Pero pansamantala lang iyon.
Sa maingay na palengke, maya’maya’y nangibabaw ang boses ni Gracia.
“Carlo! Naku, tulong! Hinimatay ang kapatid ko!” sigaw niya habang nakahiga si Lucio.
Pinaligiran sila ng mga tao at kami namang tatlo ni Tiyang at Redson ay gumalaw na. Gumawa sila ng eksena para malaya kaming makabingwit sa mga tao dahil abala sa pakikipag-usyuso.
Lumulusot lang ako sa pagitan ng mga tao at sa bawat lusot ko’y dala ko na ang wallet o cellphone nila.
Nanatili pa ring nagsisigaw si Gracia na siyang pinapakalma ng mga tao. Binilisan ko pa ang galaw nang nasa estadong patawag na ng ambulansya ang mga tao para kay Lucio.
Huling target. Lalaking nakamaong na pantalon, itim na t-shirt, at itim ding sombrero. Kumakaway na sa mata ko ang nakausli niyang makapal na wallet sa likurang bulsa ng pantalon niya.
Dahan-dahan ko itong nilapitan mula sa likuran at nakiramdam. Nang clear na ang area ay dahan-dahan ko na itong biningwit. Ngunit napahinto ako nang bigla kong naramdaman ang paghawak niya sa kamay ko at lumingon siya sa akin.
Nanlalaki ang mata ko at walang mapaglagyan ang gulat ko nang makilala ang lalaki.
Bumaba ang tingin niya sa kamay kong nakahawak sa wallet niya. Hindi ko ito nabitiwan agad dahil para akong nasemento sa kinatatayuan ko.
Anong ginagawa niya rito? At bakit ganito ang suot niya? Hindi ko siya nakilala mula sa likuran.
“L-Lourd?”
“Za?”
-----