Chapter 14

2491 Words
Hindi man lang ako makatakbo sa pagkakataong ito. Sa gulat, at dahil sa hawak niya ang kamay ko. Nablangko ang isip ko. Hindi ko alam ang gagawin. Napatiim-bagang siya at mas lalong hinigpitan ang hawak sa kamay ko. Napayuko ako nang may naramdamang may nagsuot sa ulo ko ng hoodie ko at marahas na hinila ang kamay ko mula sa kanya. “Zamora!” Dinig ko bago ako tinangay sa takbo ng kung sino man ito. Mabilis kaming tumakbo at nakasunod siya sa amin. Panay pa rin ang pagtawag niya sa pangalan ko. Lumusot kami sa mga eskinita hanggang sa hinila ako ng kasama ko paupo para magtago. “Sshh.” Hinihingal man ay pilit kong pinigilan ang paghinga. Kinilala ko ang humila sa akin. Si Redson pala. Masyadong masikip ang pinagtataguan namin kaya nama’y halos magkapalit na ang mukha namin sa sobrang lapit. Nakatingin lang kami sa isa’t-isa habang nagpapakiramdaman. Napalunok ako ng laway. Ang bilis ng t***k ng puso ko. Dahil siguro ito sa pagtakbo namin. Ilang segundo kami sa gano’ng posisyon na naiilang na ako. Bago pa ako makareklamo ay tinalikuran niya ako para tingnan kung nandiyan pa ba si Lourd. “Wala na siya,” aniya at muling humarap kaya halos magkadulingan na naman kami. Bahagya ko siyang tinulak. Kapwa kami napasandal sa likuran at sabay ring napabuga ng hangin. “Hindi mo ba siya nakilala?” tanong niya habang hinahabol pa rin ang hininga. “Hindi. Hindi gano’n ang pormahan niya at hindi ko rin inakalang magagawi siya rito.” “Nakilala ka ba niya?” tanong pa niya at tiningnan na ako. Tumango ako. “Tsk. Sabog ka na. Kailangan mo na talagang mag-ingat.” Napapikit ako at sabay na naman kaming napabuntong-hininga. Kanya-kanya kaming lapag ng aming nadekwat ngayong araw. Puro cellphone, wallet, relo, at alahas ang nasa ibabaw ng mesa namin. “Anong nangyari sa inyo kanina, Za, Red?” Hindi agad kami nakasagot sa tanong ni Tiyang. “May nanghabol ba?” Hindi pa rin ako umimik at naramdaman ko na ang tingin ni Redson sa akin. Tumikhim ako. “Nandoon po si Lourd Patriarda, Tiyang. Siya ang tinakbuhan namin. Nakilala niya ako.” Umawang ang labi ni Tiyang at si Gracia nama'y napasinghap. “Delikado ka na sa kanya, Za. Hindi na natin alam ang tumatakbo sa utak niyang Patriarda na 'yan. Hindi ko naman akalaing…” Napatingin ako kay Tiyang nang bumuntong-hininga. “Akala ko parang tutang sunud-sunuran lang sa ama 'yon. Hindi ko naman inakalang may pinag-aralan pala iyon.” “Huwag mo ng isipin 'yon Tiyang, hindi mo lang talaga kasi alam.” “Anong ginagawa niya rito?” tanong ni Redson sabay tingin sa akin. Nagkibit-balikat ako. 'Yan din kasi ang tanong ko kanina pa. Anong ginagawa niya rito sa ganoong ayos? Kung iisipin, talagang nag-adjust siya para hindi madaling makilala. “May nakwento ba siyang kakilala niya rito?” tanong pa niya ulit. Naalala ko noong pinitikan siya ni Lucio na hinagis nito sa akin kaya nakilala niya ako. “Oo. Noong nabiktima rin siya ni Lucio noon, sabi niya may binisita lang siyang kaibigan kaya siya nandoon.” “Anong ayos niya no'n?” Tiningnan ko si Tiyang dahil dalawa naman kaming nakasama siya noong araw na iyon. “Iyong usual na pormal niyang suot,” si Tiyang na nga ang sumagot. Nahulog kami sa katahimikan ng pag-iisip. Tsk. Lourd Patriarda. Dapat talaga hayaan na kita. Dahil ang paglapit ko sa’yo ay parang naghuhukay lang ako ng sarili kong libingan. Pero bakit mas lalo pa akong nahuhulog sa misteryong bumabalot sa’yo? Sumunod na araw, katulad ni Zenon ay naging taong-bahay na rin ako. Natawa ako nang pagak. “Nakakatawa. Kahit sa sarili kong teritoryo, hindi na ako ligtas,” sambit ko sa sarili habang nagluluto ng pananghalian. Ilang araw pa lang akong nasa bahay ay buryong-buryo na ako. Pati panonood ng K-drama ni Gracia ay pinatulan ko na, pero wala. Hindi talaga para sa akin ang manatili at palagi lang nakaupo. Kinahapuna’y lumabas ako. Wala akong balak sa hapon na ‘to. Gusto ko lang lumabas. At sabi ko naman ay pugad ng tsismis ang daanan kaya sari-saring kwento ang naririnig ko. Ngunit isang kwento lang ang nagpanting sa tainga ko. “Naku, alam niyo ‘yang si Hara? Anak ni Arlene, iyong may-ari ng itlugan diyan sa palengke?” “Bakit, anong meron? Buntis ba? Hindi naman malayong mabuntis ‘yon dahil sa kani-kaninong lalaki sumasama kapag gabi.” Napapailing ako’t mahinang natatawa. Si Hara naman ang napagdiskitahan nila ngayon ha. Hindi naman malayong mabuntis iyon dahil may iba palang binebenta kapag gabi. Hahakbang na sana ako nang may maalala. Iyong text niya kay Lourd. May alam kaya ang isang ‘to? O isa lang din siya sa mga tulad kong napaniwala ng lalaking ‘yon? May kaugnayan pa kaya sila? Sino ba ang binibisita ni Lourd dito? Sa tagal ng panahon ko siyang iniiwasan, mukhang kailangan kong lapitan si Hara para makakuha ng impormasyon. Hindi ko na naipagpatuloy ang paghakbang dahil sa naririnig kong pinagtsitsisman nila. “Kahit mabuntis pa ‘yon, palagay ko naman okay na okay pa rin kay Arlene iyon. Kasi ang jowa, hindi basta-basta!” “Sino bang jowa?” “Nabalitaan niyo ba ang bagong CEO ng Patri? Iyon ang jowa!” Napasinghap silang mga nakikinig at kahit pati ako’y napalingon din sa kanila. Boyfriend ni Hara si Lourd?! Putangina. Totoo ba ang narinig ko? Ito naman kasi minsan ang mga chismis nila rito, talaga ngang chismis, hindi mapagkatiwalaan. Kaya mula pa dati, hindi ako nagpapaniwala sa kanila, pero kung ganito ba naman ang narinig ko, hindi ko maiiwasang hindi maapektuhan. Ibig kong sabihin, hindi naman ako apektado na magkarelasyon pala sila… pero gusto ko lang malaman kung kailan pa? Maliban sa sinungaling, babaero din pala siya? Punyeta, mukhang bumabalik sa akin ang ginawa kong tadhana. Imbis na maglalakad lang ako’y dumiretso ako ng palengke. Huminto ako sa harap ng itlugan nila Hara. Nandoon siya at nagpapa-cute sa lalaking bumibili. “Balik po kayo para sa iba pang itlog,” malandi niyang wika. Hindi ko maiwasang mapangiwi. Gano’n ba dapat? Hinawakan ko ang isang itlog. “Bakit? May ibang klaseng itlog ka pa bang binebenta?” “Zamora.” Gulat ang puminta sa mukha niya nang makita at makilala ako. “Kamusta ka na, Hara? Ang tagal ko na rito, hindi ko alam na may itlugan pala kayo rito,” tanong ko habang sa mga tray ng itlog pa rin ang tingin. Narinig ko ang sarkastiko niyang tawa. “Huh, talaga ba? Sa’yo na nga nanggaling na ang tagal mo na rito, kaya imposibleng hindi mo malaman. Nakita mo ako ng araw na ‘yon diba? Bakit hindi mo ako tinulungan?” Sa pagkakataong ito’y tiningnan ko na siya. “Wala akong rason para tulungan kita.” “Rason? Ang bilis mo naman makalimot, para wala tayong pinagsamahan.” Nandoon pa rin ang panunuya sa boses niya. Ako naman ngayon ang natawa. “Pinagsamahan? Hmm…sino ba ang unang nagtapon no’n dahil lang sa nawalan ka ng cellphone? Ako ang sinisi mo diba? Sa tagal ng pagkakaibigan natin, ako pa ang una mong pinagbintangan.” Pinaikutan niya ako ng mata. “Bibili ka ba? Kung hindi, umalis ka na.” “Napadaan lang ako. Ikaw kasi ang bituin ng kalye ngayon doon banda sa amin. Alam ba ng boyfriend mong ibang itlog ang hinahawakan mo kapag gabi?” Napakunot ang noo niya. “Boyfriend?” “Lourd Patriarda. Boyfriend? O isa lang sa mga kliyente?” Agad kong bagsak. Wala akong masyadong oras para tapatan ang kaartehan niya. Ngumiti siya. “Ang bilis talagang kumalat ang balita. Iyan ba ang nagdala sa’yo rito? Hmm…para matahimik ka, oo, boyfriend ko siya. Bakit?” aniya. Sinungaling ang dila at mukha pero hindi ang mata. Napangisi ako. “Nakakainggit. Ibang klase ka pa rin talaga, Hara. Hindi ba’t siya ang bagong presidente ng Patri Homes?” pagsakay ko sa kanya. Mula sa pagkunot ay naging maaliwalas ang mukha niya. Hindi niya inasahan ang sagot ko pero agad ko siyang nakuha. “Oo naman, pakiramdam mo sa akin, cheap? Huh! Si Hara ito.” Tumango-tango ako. “Binibisita ka rin ba niya rito?” tanong ko. Agad nag-iba ang timpla ng mukha niya. “M-minsan. Noong araw nga lang eh nandito siya.” Siya talaga ang sinadya niya rito? So, talagang may relasyon silang dalawa? “Matagal na kayong magkakilala?” Hindi niya ako sinagot bagkus ay nagtawag siya ng tauhan nila sa loob para magbantay muna dahil hinila niya ako sa malapit na halo-haloan. “Ano 'to?” tanong ko sa set-up naming dalawa. Hindi pa kami masyadong close ulit para ayain akong kumain ng sabay. Hindi na naman siya sumagot at nag-order na. Akmang tatayo na ako ngunit muli niya akong pinaupo. “Sandali lang, may gusto lang akong sabihin.” “Hindi ko gustong marinig,” matigas kong tugon. “Sigurado ka?” “Oo.” Agad na akong tumayo at humakbang. “Tungkol sa pagkakilala sa kanya. Ang totoo niyan, gusto kong humingi ng tawad sa’yo.” Napahinto ako sa narinig. Tumaas ang kilay ko. Teka, anong palabas ‘to? “Mali na napagbintangan kita noong mawala ang cellphone ko noong high school tayo. Papunta pa lang ako ng school niyon, wala na pala sa akin ang cellphone ko. Nanakaw pagkasakay ko ng jeep. Nakita iyon ni Lourd habang nasa loob siya ng sasakyan nila. Pilit niya pala akong tinatawag noon pero ni isang beses hindi ako nakalingon hanggang sa umalis na ang jeep.” Parang nahihirapan na akong magtiwala ngayon kaya hindi ko alam kung paniniwalaan ko ba ang kinikwento niyang ito. Pero bumalik ako sa upuan ko. “Hindi na tayo magkasabay na umuwi ng araw na ‘yon diba? Dahil nag-away tayo. Pagkalabas ko ng gate, nandoon siya, nag-aantay, maibalik lang ang cellphone ko. Binawi niya pala sa magnanakaw. Simula no’n, palagi na kaming nagte-text hanggang gumraduate. Pero hindi nagbunga ‘yon. Ako lang yata ang na-develop sa kanya. Pagkatapos ng high school graduation, lipad agad siya ng UK, sa England at doon siya pinag-aral ng Daddy niya sa Oxford.” UK? Sabi ni Drac sa US daw. Tangina naman oh. Ano ba talaga ang totoo? Dagdag pa ito sa listahan ng kasinungalingan si Drac. Sabi ni Lourd, 6 na taon ng nagtatrabaho sa kanya si Drac. Tapos si Drac naman ang sagot, three months. Ito na yata talaga ang parusa ng madalas kong pagsisinungaling. “Saan ba ang Oxford?” hindi ko mapigilang tanungin. “Sa England, UK.” Baka nagkamali lang si Drac? “Diba? Napakayaman? Ang dami namang unibersidad dito sa Pilipinas, doon pa talaga.” “Bakit siya roon pinag-aral?” Dumating na ang in-order niyang halo-halo. Hindi na rin ako nag-inarte pa at hinalo na rin ito bago kainin. “Para sa seguridad niya. Pinatay ang mommy niya ng kaaway nila sa negosyo.” Natigil ako sa paghahalo. Bahagya akong nagulat sa isiniwalat niya. Hindi ito nakwento ni Lourd sa akin. Hindi naman kasi ako nagtanong, siya lang naman kasi itong hilig magtanong. “Para siyang tinago?” wika ko. Tumango siya. “Oo. Lalaki siyang anak ng Patriarda. Kaya pwedeng siya ang isusunod para mawalan ng tagapagmana ang apelyido nila – teka, bakit ba ako nagkwento ng tungkol sa kanya? Doon lang tayo sa isyu natin kanina, ah?” Hindi pa rin talaga nagbabago itong si Hara. Tulak ng bibig, kabig ng dibdib. Kaya madali siyang kuhanan ng impormasyon eh. “Kasi siya ang nakapulot ng cellphone mong binintang mo sa akin. Ipagpatuloy mo nalang ang pagkwento, nasimulan mo na eh. Pero nandito ang ate niya diba?” Umismid siya pero nagpatuloy pa rin sa kwento. “Oo. Pero walang banta sa kanya, dahil sa oras na mag-asawa siya, hindi niya na maipagpatuloy ang apelyido nila.” Tsk. Iyan talaga ang mahirap sa mga mayayaman eh. Iilan lang ang anak, tapos gusto maipagpatuloy lang ang mga negosyo nila sa apelyido nila. Paano naman maipagpatuloy ‘yon kung nagkaanak ng isa, babae pa. “Teka, paano mo nalamang may ate siya? Kilala mo siya?” Oops. “Engr. Alessandra Patriarda-Finesa, sinong hindi makakakilala? Laman siya ng balita noong nagwala siya sa pag-anunsyo ng bagong presidente.” Ayan, lusot. “Paano mo nalaman ang lahat ng ‘to?” tanong ko para hindi na siya mag-focus sa mga alam ko. Kumurba ang labi niya. “Kasi boyfriend ko siya?” aniya na may sarkasmo. Okay, nakalimutan kong mag-jowa pala sila. Hindi ko pa rin kasi matanggap. “Anong nagustuhan mo sa kanya?” pag-iiba ko ng tanong. Sa pamamagitan nito’y mas makikilala ko ang tunay niyang pagkatao kung…nagsasabi ng totoo si Hara. Mas lalong lumapad ang ngiti niya. “Napakasweet niya. Kung nakita mo naman siya, hindi mo na makekwestiyon ang kagwapuhan niya. Mayaman pa, at higit sa lahat matalino.” Muntik ko nang hindi malunok ang minatamis na saging sa halo-halo. “Matalino?” paninigurado ko. “Mmm…” Sumubo muna siya bago sumagot. “Siguro narinig mo rin ang tsismis noon na sunud-sunuran lang siya sa Daddy niya? Na marami na ring umaasang ang ate niya nga ang susunod na presidente dahil wala namang tinapos si Lourd?” Tumango lang ako. “Pero nakakagulat na may master’s degree na pala siya? At take note, galing pa sa prestihiyosong paaralan.” Patuloy lang ako sa pagtango. “Ayun, kailangan niya lang ipakita iyon para hindi siya pagkainteresan ng kaaway nila sa negosyo. Kailangan niyang pangatawanan dahil kahit saan man siya magpunta, may mga mata ng kalaban ang nakabantay sa kanya.” Hindi niya ako hinawakan sa leeg. Talagang nagkataon lang na pati ako kailangan niyang pagsinungalingan. Tsk. “Pero, paano ‘yan ngayon at ibinulgar na nila?” “Ayun, bantay-sarado siya. Doble-ingat. Kaya nga kahit sa pagpunta niya rito, kailangan niyang magbalat-kayo.” “May kilala ka pa bang ibang kaibigan niya na taga-rito?” Kung siya lang ang kilala nito, noong dating tinakbuhan ni Lourd si Lucio, baka siya rin ang binisita nito. Pero kung sa panahon na ‘yon, si Hara ang binibisita niya rito, bakit siya nagsasabing gusto niya ako? Anak ng pucha, babaero?! Mabuti nalang talaga at pinipigilan ko pa. Hindi ako nagpadala. “Wala. Ako lang.” Gusto kong sabunutan ang sarili. Ang gulo! Napakagulo! Hindi ko lang pinapahalata kay Hara pero parang bulkang tahimik kung sumabog ang kinikwento niya sa akin ngayon. Ang dami kong naiisip. Ang dami kong katanungan. Bakit nakapaglabas agad siya ng pera sa akin kung mataas naman pala ang pinag-aralan niya? Ni hindi niya pa nga alam ang pangalan ko noon, pero nakapangako na siyang mag-iinvest siya. Talaga bang naloko ko siya? Talaga bang nalulusutan ko siya kapag nagtatanong siya tungkol sa shop? Tsk. Nasa dalawa lang iyan, nagtatanong dahil alam na ang katotohanan at hindi nagtatanong dahil alam na ang katotohanan. Ang gulo, ano ba ‘tong pinasok ko?
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD