Chapter 3

2189 Words
Sa pangatlo naming pagkikita, tadhana na talaga iyon. “Gracia, saan mo ba natutunan 'yong pinagsasabi mo sa akin noong araw?” tanong ko at humarap sa kanya. Pinagharap ko ang dalawang palad. Ginawa kong unan ang magkadikit kong braso habang nakahiga ng patagilid at nakaharap sa kanya. Patulog na kami, pero mulat pa ang isipan ko sa mga susunod na hakbang na gagawin ko. “Ang alin ate? Dami ko ng sinabi sa'yo.” Pilosopo rin 'to minsan eh. Alam niya naman na ang ibig kong sabihin, itatanong pa. “'Yong sa post mo na tatlong coincidence.” “Huh? Naalala mo 'yon? Bakit?” “Ay 'wag ka na magtanong.” “Hmm... sa k-drama nga, tas ginawan ko lang ng sarili kong interpretation.” Ngumiti ako. 'Yong as in binat na binat, pinasingkit ko pa ang mata ko. “Pagpatuloy mo lang 'yang panonood mo ng k-drama, may natutunan ka.” Napatakip siya sa bibig na nanlalaki ang mata at bahagyang napalayo sa akin. “Seryoso? Ikaw ba 'yan ate Zamora Villamor? Parang noong araw lang din yamot na yamot ka sa panonood ko.” Noong araw kasi e naabutan ko siya rito sa bahay na nanunuod. Minsan tinatamad ng maghanap ng pera kaya napagsabihan kong wala naman siyang makukuha sa panonood niya at ni hindi niya nga maintindihan lahat ng sinasabi ng mga koreanong 'yon. Aniya may subtitle naman daw. Pero kahit na, pinaglaban ko pa ring wala siyang makukuha sa drama drama na 'yan. Edi ito, busog ako ngayon. “Oo, goodnight na. Matulog ka na. Tama na 'yan,” sabi ko at tinalikuran na siya. “Tatapusin ko lang itong episode ate.” “'Wag na tayo maglokohan. Paggising ko ng ala una mamaya, nasa huling episode ka na.” Hindi ko na siya nilingon pero hinampas ko nang mahina ang cellphone kaya nabitiwan niya. “Ate naman eh.” “Tulog na.” Pagkaumaga, may naramdaman akong umaalog sa akin. “Zamora, gising na. Ikaw nga muna mamalengke, wala na tayong kahit toyo rito oh.” Ginulo ko ang buhok at uminat. Si Grasya naman tulog pa sa tabi ko. “Tiyang naman, bakit ako pa?” “Sino ba dapat kong utusan? Si Redson?” Lumabas na siya ng kwarto pero dinig ko pa rin ang litanya niya. “Eh wala ngang alam 'yan kung bulok na ba ang kamatis na binili niya o hindi.” “Oops, narinig ko ang pangalan ko.” Boses ni Red iyon. Bumangon na ako saka tinupi ang manipis na kumot at lumabas ng kwartong tanging manipis na plywood lang ang nagsilbing dingding. “Oo, pangalan mo nga 'yon. Maghanda ka na rin, sasamahan mo ako sa palengke para malaman mo ang bulok sa hindi,” sabi ko at hinila ang tuwalya na nakasabit malapit sa pinto ng kwarto namin. Napataas ang dalawa niyang kilay. “Hmm,'di mo man lang ako binigyan ng pagpilian.” “Meron. Kakain kang bulok na kamatis o sasama ka sa akin?” “Kaka – samahin ka, sasamahan kita,” aniya. “Anong kakasamahin? Pinagsasabi mo, Redson?” “Nagbago isip ko sa kalagitnaan.” Hindi niya na kasi naipagpatuloy ang unang sasabihin dahil pinanlisikan ko siya ng mata. Napapailing akong pumasok ng CR. Balde at tabo lang ang gamit namin dito. Pinagtagpi-tagping lumang tarpaulin na may mukha ng mga kumandidato noon ang pinto na nangakong tutulong dito sa amin. Kahit takpan lang iyong mabahong kanal, pero noong nanalo na sila, naging kasingbaho na rin ng kanal ang mga pinangako nila. Pagkatapos maligo ay nakita kong nakaupo na sa labas si Redson at nakaligo na. Aba ang bilis. Kahit hindi niya sabihin, basang-basa ko sa mata niya na pinagmamadali niya ako. “Maghintay ka, magbibihis lang ako. Madali lang 'to,” wika ko na pinanlalakihan siya ng mata at pumasok na sa kwarto. Nagkikilay pa ako nang kumatok siya. “Ano ba Zamora, nag-gown ka? Mamalengke lang tayo. Anong akala mo magde-date tayo?” “Tumahimik ka nga riyan! Ang pag-date sa'yo ang pinakahuli kong iisipin.” “'Wag ganon Za,'di natin alam ang panahon.” Seryoso ang tono niya pero alam kong kung magkaharapan kami ngayon eh panay na ang ngisi niya. “Malinaw ang standard ko na kahit hindi gwapo, basta marunong tumingin sa bulok na kamatis at hindi.” Wala na akong narinig pa sa kanya. Nang matapos na ako'y lumabas na rin ako. Agad namang tumayo si Redson na parang pinasalamatan lahat ng santo dahil tapos na ako. Itim na t-shirt at gray na jogging pants lang naman ang suot ko. Anong gown ang pinagsasabi nito. “Tara na,” aniya at iwinagayway pa sa harap ko ang listahan at wallet na binigay ni Tiyang. Sakay ng tricycle, nasa palengke na kami ni Redson. Tuturuan ko na ang isang 'to para sa susunod na tamarin ako e pwede ko na talagang ituro 'to. “Ano bang mga bibilhin, Za?” “Do'n tayo sa mga rekados. Mga sibuyas, luya, bawang... kamatis.” Talagang pinagdiinan ko ang kamatis sa tainga niya na ikinatawa niya lang. “Magkanong sibuyas?” tanong ko sa babaeng tindera. Napakakikay ng tindera. Tantya ko ka edaran lang namin ito ni Redson o mas bata pa ito. Kumikintab ang pula niyang lipstick, may pa-light eyeshadow at blush on pa siya. Black na jumpsuit ang suot at naka hati pa sa dalawa ang buhok na nakatali sa baba. “Bente ang gramo, ilan sa inyo?” Hmm, okay naman ang pananalita. Inaasahan kong maarte siya. Pero ako 'yong nagtanong, sumagot naman siya pero kay Red siya nakatingin. Nilingon ko naman si Red na alanganing ngumiti pabalik sa kanya. Type niya pa yata si Redson. Okay naman si Redson, may mukha siyang gugustuhin ng mga babae. Matangos ang ilong, pinagpala. Matangkad pa. Hmp! Hanggang dibdib nga lang ako. Hindi nga lang kaputian, dahil sa kakabilad niya 'yan sa kalye para magkapera. “Bale singkwenta lang,” sagot ko. Kumuha siya ng cellophane at naglagay ng sibuyas dito pero ni hindi iniwan ng mata niya si Redson. “Type ka yata, kindatan mo,” bulong ko sa kanya. “Huh?” “Gawin mo nalang.” Nawala ang pilit niyang ngiti saka kumindat. Dinig namin ang mahinang pagsinghap ng babae. “Dagdagan ko na ng dalawa, libre na,” aniya habang kinikilo na ito sa maliit na kiluhan. “Yown, salamat! Kung ganyan ka ba e lalago itong negosyo mo,” sabat ko at inabot na ang bayad. “Salamat. Kung ganyan ba naman kagwapo kasama mo — may bibilhan ka pa ba? Bawang? Luya?” Mukhang nagising yata siya sa pantasya niya kay Redson. Pero wala na, nasabi niya na. Nakakatawa naman 'to. Sa huli, sa kanya na kami bumili ng mga bibilhin na nandyan din sa mga paninda niya. Nabigyan ko na rin ng leksyon si Red sa pagkakaiba ng bulok at hindi na gustong-gusto naman ng babae dahil natagalan kami. Mas mahabang oras para gahasain niya sa mata si Red. “Hanep ang laking menos gastos ng mga dinagdag niya,” komento ko habang tinitingnan ang mga cellophane na bitbit niya. “Benta na kaya kita, Pula? Mukhang malaki pa kikitain ko sa'yo.” Dahan-dahan niyang tinakip sa dibdib ang magkakrus na braso na ikinatawa ko. “Para ka namang virgin,” sabi ko at tinalikuran na siya. “Virgin pa naman talaga ako ah,” aniya habang sinasabayan ako sa paglalakad. “Huwag na tayo maglokohan Redson. Namutla ka noong may pumuntang babae sa bahay at si Tiyang ang kinausap.” “Eh ikaw ba naman pagkarating sa bahay tapos may magpapakilalang nabuntis mo. Hindi ka mamumutla?” “Hoy hindi ka mamumutla kung alam mong wala kang ginawa.” “Oo na, oo na. Tumahimik ka na.” Nagpatuloy na kami sa pamimili hanggang nagpaalam muna si Red na may pupuntahan lang saglit. Naiwan naman ako sa bilihan ng mga itlog. Hindi pa man ako nakakalapit sa tindahan ay nakita ko ang dati kong kaklase. Si Hara. Kaklase ko noong highschool na nambintang sa akin na kinuha ko raw ang cellphone niya. Talagang hindi naman ako ang kumuha niyon. Nakatayo siya sa harap ng mga itlog at nagse-cellphone. Kanila pa yata itong itlugan. Bago pa ako makalapit, may mga nag-uunahang yabag. Alam ko ang tunog ng mga yabag na 'yon. Sa bilis ng pangyayari, ang sumunod niyon ay si Hara na nagsisigaw dahil tinangay ang cellphone niya. Kaya kong habulin ang magnanakaw. Sa ilang taon ko ng ginagawa ang pagtakbo, sisiw nalang sa akin ito. Ngunit hindi ako kumibo. Sa kakasigaw ni Hara nagkasalubong ang mata namin. Napatigil siya at tila ba tinatanong niya mata sa mata kung bakit nakatayo lang ako kung nakita ko ang nangyari. Bakit ko naman hahabulin? Hindi ko alam kung ano ang rason ng lalaking tumangay ng cellphone niya. Hindi natin alam na mas kailangan ng taong 'yon ang bagay na iyon. Ngumisi ako at tumalikod na para maghanap ng ibang bibilhan ng itlog. Hindi kaya ng pride ko ang harapin siya. Pinagbintangan niya ako noon hindi ko pa man ginagawa. Hindi ko na alam kung ano pang panghuhusga ang sasabihin niya sa akin kapag malaman niya ang buhay ko ngayon. “Zamora?” Maingay ang palengke pero dinig na dinig ko ang mahina niyang pagbigkas ng pangalan ko. Hindi ako lumingon. “Zamora!” Dali-dali akong nakipagsabayan sa mga taong naglalakad. Dahil sa nawala niyang cellphone, nasiara ang pagkakaibigan namin. Ngayon kung hahabulin ko pa ang magnanakaw na iyon, baka sabihin niya pang pinlano ko iyon. Patukoy akong nakipagsabayan sa mga taong naglalakad na tila walang naririnig. Pagkatapos mamalengke ay umuwi na kami ni Redson. Nilagay ko sa mesa ang mga pinamili. Ibang bagay naman ang mga nilapag ni Redson sa mesa. Tatlong wallet, dalawang relo at dalawa ring cellphone. “'Yan ba pinagpaalam mo kanina?” tanong ko habang isa-isang nilabas sa cellophane ang mga pinamili. Tumango lang siya. Napatigil ako sa ginagawa nang mapansin ko ang jacket niya. Kulay gray at nakaitim siyang sumbrero. Pinasadahan ko siya ng tingin mula ulo hanggang paa. Umupo ako at in-on ko isa-isa ang mga cellphone. Ang isang mukhang mamahalin ay mukha ni Hara sa wallpaper. Umiling-iling akong bahagyang napapangiti. Mabuti nalang talaga hindi ako naghabol kanina. “Ba't 'di mo sinabi plano mo kanina?” “Nagyosi lang talaga ako noong nagpaalam ako sa'yo. E tawag ng kamay, ayun.” Tumayo ako at nilagay sa mga lalagyan ang mga pinamili ko. “Iwan mo muna sa akin 'yang puting cellphone, may kakalikutin lang ako.” “Ano naman?” “Basta, kilala ko kasi may-ari niyan.” Hindi naman siya nagtanong pa at lumabas ng bahay. Tatawagin lang siya mamaya kapag kakain na. Hindi kasi mismong sa bahay natutulog si Red. Sa bahay siya kumakain at lahat-lahat pero ang kwarto niya'y nasa labas ng bahay, parang extension ng bahay namin. Ako at si Gracia ang magkatabi sa pagtulog sa loob ng kwarto at nasa kabilang kama si Tiyang. Sa sala naman ang kapatid kong si Zenon at ang kambal ni Gracia na si Lucio. Dumating na rin si Tiyang kinahapunan kasama si Lucio. Sinalubong namin siya ng mano. Nagulat pa kami sa dami ng bitbit niyang mga pagkain, de lata pa ang iba. “Tiyang, ang dami mo yatang dala ngayon?” “May mga taong naghahanap ng magra-rally kanina sa harap ng Leondale Builders. Sumali na ako, laki ng bayad eh.” Tumango-tango lang kami. Wala na kaming ikabahala kay Tiyang. Kwarentay dos anyos at malakas pa rin. Pinagluto ko na si Zenon ng ulam para sa hapunan. At sabay-sabay na rin kaming kumain. Kinagabiha'y hinalungkat ko na ang cellphone ni Hara. Madali nalang buksan kahit may password pa iyan. Una kong pinuntahan ang messages niya. Bakit ba, gusto ko lang malaman kung anong ganap niya, kung may jowa na ba — Napatigil ako sa pag so-scroll nang mabasa ko ang pamilyar na pangalan. Lourd Patriarda Agad kong binuksan ang messages nila. Napapatakip ako sa bibig sa bawat messages na nababasa ko na sinend ni Hara. 'Are u free tonight? Painitin natin ang gabi mo.' Anak ng makati at kalandian mo Hara. Hindi ko alam na ganito na ang mga galawan mo. At... Lourd Patriarda tadhana na talaga ito. Sa dami-dami ng taong makikita ko ngayong araw si Hara pa. At sa dami-daming taong mapitikan ni Red, si Hara pa. At sa dami-daming lalaking pwedeng landiin ni Hara, ikaw pa. Nagbasa pa ako ng ibang messages niya rito. Wala naman pala akong dapat ikahiya kapag magkikita kami. Iba pala ang pinagkakaabalahan niya 'pag gabi. Ibang itlog ang binebenta. At ikaw naman Lourd, sa likod ng maamo mong mukha, pumapatol ka rin pala sa mga ganito. Akala ko talaga, wala kang alam sa mundo. Pangalan mo lang ang nabasa ko ngayon. Hindi pa tayo talagang nagkikita sa pangatlong pagkakataon. Pero parang hindi ko na kailangang mag-isip magdamagan ng mga gagawing hakbang. “Hay kayliit ng mundo,” sambit ko at ginamitan ng sim ejector ang cellphone ni Hara. Kinuha ko ang sim at binali ito. Na-restart ko na rin ito bago ko pa pinatay. ----
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD