(BoyxGirl)
Jake x Rose
"Jake, papunta na ako. Huwag ka ng malungkot, magiging maayos rin kayo."
Hindi ko alam kung anong nakita ko sa'yo, bakit sa tuwing nagkukulang siya, ikaw ang hinahanap ko.
Hindi ko alam kung bakit sa tuwing lumuluha ako, ikaw ang pamunas na gusto kong nandiyan sa tabi ko.
Hindi ko rin alam kung bakit sa tuwing lumalamig ang gabi, ang init mo ang gusto kong yumakap sa magdamag ko.
Sa tuwing may mga bagay akong hindi makuha mula sa kanya, ikaw ang nagbibigay at pinupunan mo ang lahat ng ito. At hindi ka nag-aalinlangan na ibigay iyon ng buo, kahit na wala ng natitira pa sa'yo.
Kahit na alam mong kapag tinitignan kita, hindi naman talaga ikaw ang nasa isip ko. Nandiyan ka pa rin at hinahayaan ko rin na mangyari ang lahat ng ito.
Hinahayaan kong maging isang pagkakamali ka sa mata ng ibang tao, sa mga mata ko at mga mata mo. Hinahayaan kong maging iba ang tingin nila sa'yo.
Ang gago ko lang, hindi ba? Kasi 'yung pinapangarap at gusto nilang alagaan, palaging pinipili ay ako.
Hindi dapat kita tinatawagan sa tuwing may problema kami, ngunit pangalan mo at numero ng telepono mo ang palaging isinusulat ng mga daliri ko, na para bang kabisado na nila ang mga ito sa tuwing magulo kami ng mahal ko.
Alam kong hindi ko dapat ginagawa ito sa iyo, pero sa tuwing nalulungkot ako, ikaw lang ang tanging nagpapangiti sa mga labi ko, kahit na alam ko sa sarili kong mas masaya pa rin ako kapag siya ang nasa tabi ko.
Hindi man kita mabigyan ng malaking lugar sa puso ko o maibigay man ito ng buo sa iyo, tandaang mong isa ka parin sa malaking parte ng buhay ko, na palagi kong hahanapin at lilingunin sa tuwing naliligaw ako.
Ikaw ang nagsisilbing kumpas ko, sa tuwing naliligaw at nawawala ako sa relasyon na hindi ko mabuo-buo. Ikaw ang nagsisilbing panagpi sa tuwing nawawasak ako, at ang siyang nakakapitan at kakampi ko sa tuwing pinipitpit ako ng mundo.
IKAW, na hindi ko mabigyan ng sapat at buo, dahil may nauna na akong pinaglalaanan nito.
At ngayon, habang pinagmamasdan kitang mahimbing na natutulog sa tabi ko, habang balot ng kumot ang hubad mong katawan, wala akong ibang maisip kundi ang--- napakaswerte ng taong mamahalin ka ng buo. At mamahalin mo rin ng buo, higit pa sa maling pagmamahal mo sa tulad ko.
Napangiti ako, hindi ko alam na may luha na palang tumutulo sa mga mata ko. Ngayon, alam ko na ang luhang ito ay hindi galing sa kanya o ang siyang dahilan nito, kung hindi dahil na sa'yo.
Ikaw na ang dahilan ng mga luhang tumutulo ngayon sa mga mata ko.
Ayaw kitang bitiwan, ayaw kitang pakawalan, kasi palagi mong pinaparamdam sa akin na sapat ako. Palagi mong pinapakita na hindi man ako perpekto, pero kaya kong maitama ang mga pagkakamali ko.
Oo, maari ngang tama ka. Kaya ngayon, itatama ko na ang mga pagkakamaling iyon at sisimulan ko sa pagbitiw sa'yo.
Bibitiwan na kita, dahil hindi habambuhay ay pagkakamali ka lamang.
Isa kang tamang tao, sa tamang tao rin na totoong nakalaan para sa'yo.
At ako? Aaralin ko nang harapin ang bukas na hindi na kita guguluhin pa.
"Paalam, Rose." Bulong ko sa tenga mo habang mahimbing ka paring natutulog.
"Salamat sa maraming pagkakamali ngunit tama para sa iyo, dahil lamang sa mahal mo ako." Muli ay napangiti ako, ngunit luha ay patuloy na umaagos sa mga pisngi ko, habang dahan-dahan na binubuksan ang pinto ng iyong kuwarto, na naging tahanan ko narin sa tuwing bigo ako.
Matagpuan mo sana ang tao na hihigitan pa ang pagmamahal na kaya mong maibigay sa isang maling tao na katulad ko.
Mahal kita, pero hindi katulad at kasing lalim ng pagmamahal ko para sa kanya.