(BoyxGirl)
Clark x Lyka
Si Lyka, ang babae na abot kamay ko naman, ngunit tila ba milyong milya ang layo at ang hirap na makuha.
Palagi ko siyang pinagmamasdan mula sa malayo. Palagi ko siyang tinatanaw, tapos mapapangiti na lang ako ng hindi ko namamalayan.
Nakakahawa kasi ang mga tawa at ngiti niya. Lalo na 'yung nakakasilaw niyang mga mata, para silang mga bituin na sinungkit sa kalangitan. At ang boses niya, nakakaadik pakinggan, para bang kahit saan, naririnig ko sila. Tapos mapapalingon ako kahit na wala naman siya sa paligid at hindi ko nakikita, guni-guni ko lang naman kasi pala.
Natuto na lamang akong maging kontento, iyon bang pinapangarap na lamang siya, hanggang pangarap nalang sa kanya. Alam ko naman kasi na hindi ko siya makukuha. Masyadong malayo ang pagitan naming dalawa, at sa bawat pagitan na iyon, marami ang nakapila.
Sino ba naman ako para mapansin niya, 'diba?
Isa lang naman akong 'di hamak na hangin para sa kanya, na kailan man ay hinding-hindi nito makikita.
Kahit na wala akong magawa sa katotohanang nasasaktan na rin siya. Oo, sinasaktan lamang siya ng taong minamahal din niya. Sinasaktan lang 'yung taong pinapangarap ko at inaasam kong makuha.
Ang sama naman nila. Pinapaluha lamang kasi palagi 'yung mga mata n'ya, na gustong-gusto ko palaging makita na masaya.
Pero wala eh, kahit na anong gawin, mahal din talaga niya. Mahal na mahal parin niya kahit na durog na durog na siya.
Habang ako, heto, nadudurog din ng palihim dahil sa kanya. Dahil hindi nito nakikita ang tunay niyang halaga.
Kailan ba niya makikita ang halaga niya?
Kung minsan, gusto ko siyang lapitan, bigyan ng panyo o kung hindi naman ay punasan mismo ang luha na tumutulo sa mga pisngi niya.
Gusto ko siyang yakapin, kahit na isang beses lang. Iyon bang maparamdam ko lang sa kanya na may isang tao parin na nakakakita ng halaga niya--- ako.
Kaya lang, ang duwag ko, hindi ko kasi magawa. Hindi ko magawa, dahil natatakot akong baka kapag nagawa ko ng kahit isang beses, eh kaadikan ko na ito at gawin ko na ng paulit-ulit, hanggang sa makalimutan ko na hindi na nga pala siya pwede.
Puso nga pala niya ay hindi na pwede at sa iba na nakatali.
Hanggang isang araw, nagulat nalang ako, habang naglalakad ako sa dilim at tumatakbo sa gitna ng ulan. Bigla siyang sumulpot sa harapan ko, umiiyak at gaya ko ay basang-basa rin ng ulan.
Hindi niya ako kilala, kasi never naman akong nagpakilala. Hindi niya alam ang pangalan ko, pero bigla niya akong tinignan sa aking mukha, habang may tumutulong luha sa kanyang mga mata at sinabi niyang...
"P-Pwede ba akong makahingi kahit na isang yakap? K-Kailangan na kailangan ko lang k-kasi talaga..."
Hindi ko na hinintay pa na patapusin siya no'n, hindi ko na hinintay pang marinig ang kasunod na mga salita na bibitiwan n'ya, dahil basta ko na lamang siyang niyakap.
Niyakap ko siya hindi lang dahil kailangan niya, niyakap ko siya ng sobrang higpit na parang ayaw ko na siyang bitiwan pa, dahil alam kong iyon na ang magiging una at huli na mayayakap ko siya.
Dahil alam kong pagkatapos ng sandaling iyon, ay muli siyang babalik sa tao na totoo talagang kailangan niya. Sa taong kahit na wasak na siya, ay paulit-ulit pa rin niyang kinakapitan at minamahal niya.
Dito lang naman ako, hindi ako mawawala. Palagi ko lang siyang tatanawin, hanggang sa muling makita ko ang saya sa kanyang mga mata. Hanggang sa makita na nito ang totoo niyang halaga.
Nandito lang ako, sa malayo at patuloy pa rin na papangarapin siya, hanggang sa mahanap ako ng mga mata niya, iyon bang babalik sa alaala niya ang imahe ng aking mukha--- hanggang sa pwede na akong magpakilala.
Hanggang sa tuluyang marinig ko na bigkasin nito ang pangalan kong never pa namang lumabas mula sa mga labi n'ya.