Balang Araw

852 Words
(BoyxGirl) Cassi x Sean Kanina pa ako naghihintay dito, hinihintay at umaasang darating siya. Si Sean, ang best friend ko. Sabi niya darating siya. Kaya maghihintay lang ako. Hihintayin ko siya kahit pa abutin pa ako ng ilang oras dito. Palagi nalang ganito. Palagi nalang akong naghihintay sa walang kasiguraduhan. Ewan ko rin ba sa sarili ko kung bakit hindi ako napapagod na gawin ang mga bagay na ganito para sa kanya. Lahat ginagawa ko, pero hindi naman niya nakikita. Napatawa ako sa aking sarili. Paano niya naman kasi makikita ang mga ginagawa ko, ang mga effort ko, eh may minamahal na siya? Nandiyan lang naman siya kapag kailangan niya ako. Kapag wala na siyang ibang malalapitan at ako ang huling maaalala niya. Naaalala lang niya ako kapag malungkot siya. At kapag masaya nang muli ito, naglalaho siya na parang bula. Ako lang naman kasi itong si tanga, patuloy pa rin ang pagmamahal sa kanya. Patuloy na pinagsisiksikan ang sarili sa kanya. Baka kasi pwede rin na maging kami sa huli? Baka balang araw pagbigyan kami ng mundo at hayaan naman niya na mangyari ang gusto ko, ang pinapangarap ko. Baka sakaling mapansin din niya ako at isang araw bigla nalang niyang sabihin ang mga katagang matagal ko nang gustong marinig mula sa kanya. Pero nakakapagod pala, ang magmahal ng taong matagal nang nakatali sa iba. Bakit ko ba pinapaasa at pinapahirapan pa ang sarili ko. Ang dami namang nanliligaw sa'kin. Pero bakit kahit isa sa kanila, walang makakapantay sa kanya? Alam ko naman na kaibigan lang ang turing nito sa akin. Isang best friend na maaalala lang niya kapag nasasaktan na siya sobra at comforter niya. Pero napapagod na kasi ako. Sa maraming taon naming pagkakaibigan, ang manhid niya naman para hindi maramdaman 'yung nararamdaman ko. Sabi niya, magtatapos kami sa pag-aaral ng walang nobyo at nobya. Pero ayun, matapos ang ilang araw na nangako siya sa akin, bigla nalang malalaman ko, may girlfriend na siya at buntis na. Samantalang ako, hindi ako nag boyfriend para sa kanya. Dahil sa kanya. Muli akong napatawa sa sarili habang napapatingala sa kalangitan. Napapamura rin dahil...bakit naman kasi gano'n? Ang daya lang! Ang daya ng mundo. Isang tao na nga lang ang gusto ko, hindi ko pa pwedeng makuha. Pilit na ipinagdadamot pa nito sa akin. Kaya ngayon, nagdesisyon na akong sabihin na talaga sa kanya ang lahat. Sasabihin ko na ang totoong nararamdaman ko. Gusto ko lang namang ipaalam sa kanya. Hindi ko naman siya aagawin sa pamilya niya. At mas lalong hindi ako hihiling ng kahit na anong kapalit. Ang hirap lang kasi 'yung ganito, minamahal ko siya ng palihim at patago. At least kapag namatay ako bukas, wala akong regrets, hindi ba? Parang tanga na sabi ko sa aking sarili bago pinunasan ang sariling luha. Sawang-sawa na akong kaibigan lang talaga ako sa mga mata niya. Pero wala naman kasi akong magagawa. Iyon naman talaga kasi ang turing niya sa akin. Kaibigan lang ako sa kanya. Iyong tipo na, isang 'best' lang niya, hindi pa nga nito nasasabi ang kasunod na salita, 'OO' na agad ang sagot ko sa kanya. Hahaha. Ang tanga-tanga ko, diba? Ako rin mismo ang nagdudurog sa puso ko. "Best!" Mabilis na pinunasan ko ang mga luha sa aking mata at pisngi noong marinig ko ang boses niya. Napapalunok din ako nang maraming beses bago tuluyang napaharap sa kanya. Halatang nagmadali ito at tumakas lang na naman sa asawa niya. Hindi ako makatingin sa mga mata niya kaya napayuko na lamang ako. "Hindi ako magtatagal best, ano 'yung sasabihin mo? Importante ba?" Tanong nito sa akin. Hindi ako kaagad nakapag salita. Pinipigilan ko kasi na muling pumatak ang aking mga luha. Muli ay napalunok ako ng mariin. "Best, may problema ba?" Napailing ako bilang sagot sa tanong niya. At noon din ay lakas loob na sinalubong ko ang kanyang mga mata. Pagkatapos ay binigyan siya ng isang assurance smile upang hindi na ito mag-alala pa. Gustong-gusto kong isigaw sa mukha niya 'yung salitang 'Mahal kita, hindi bilang isang kaibigan kundi, mas higit pa!' Pero bakit hindi ko magawa? Bakit hanggang sa isipan ko lang sila? Bakit hindi ako makapagsalita? Naduduwag ako! Kaya napailing na lamang ako at humakbang ng isang beses palapit sa kanya. "Sorry kung naabala kita." Paghingi ko ng tawad sabay yakap sa kanya. Awtomatiko naman akong napapikit noong maamoy ang paborito niyang pabango mula sa suot nitong damit. "Na-miss lang kita. 'Yun lang." "Yun lang?" Tanong nito bago ako niyakap pabalik. Hindi na ako muling nagsalita pa at napatango na lamang. Iyon na lamang ang tanging nasambit ko. At pagkatapos ay hinayaan ko na ito na muling umalis, para umuwi sa kanyang pamilya. Ang tanga lang! Sabi ko sa aking sarili habang pinagmamasdan ang sasakyan nito papalayo sa akin, habang muling napapaluha. I guess, ito lang talaga ang role ko sa buhay niya. Ang maging kaibigan niya. Kaibigan na minamahal siya ng palihim. At habang buhay ko na yata siyang mamahalin ng hindi niya man lamang nalalaman ang totoong nararamdaman ko. Wala eh! Hindi ko rin kayang sabihin. Hindi ko kayang magtapat sa kanya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD