INDEPENDENT WOMAN 09.2
“Andito na tayo,” anunsyo ko ng makarating na kami sa harap ng pinto na aking tinutuluyang bahay.
Madilim na sa paligid, anong oras na din kami natapos sa paglilinis ng buong cruise ship at may iba pa na hindi naayos. Ang balak ko kanina ay humanap ng inspirasyon sa gitna ng dagat pero sa tuwing naiisip ko na naglilinis siya sa loob at ako ay nakaupo lang habang hawak-hawak ang laptop sa aking mga kamay ay hindi ko mapigilan ang makunsensya. Kaya naman ay matapos maisulat ang susunod na kabanata ay sabay na namin na nilinis ang aming sinasakyan.
“Hmm,” sagot niya bago marahan na tumango, “Huwag ka na humarap sa laptop mo pagpasok mo sa loob, magpahinga ka na agad. Alam ko na pagod ka sa buong araw na ‘to.” Paalala niya sa akin bago marahan na hinigpitan ang pagkakahawak sa aking kamay.
“Ikaw din,” nakangiti kong ani.
Hinila niya ‘ko papalapit sa kanya, mabilis niyang ipinulupot ang kanyang kamay sa aking bewang. At sunod ko na lamang na namalayan ay mahigpit na siyang nakayakap sa akin habang ang kanyang paghinga ay unti-unti ng lumalalim.
“Ayos ka lang ba?” tanong ko sa kanya bago tinapik ang kanyang likod.
“Pasensya na kung sinama pa kita sa trabaho ko kanina, alam ko na napagod ka na tulungan ako sa paglilinis.” Paghingi niya ng paumanhin bago humigpit ang kanyang pagkakayakap.
“Huwag mong isipin ang bagay na ‘yon, ako naman ang nagpresinta na tulungan ka kaya wala ka dapat ikahingi ng pasensya.” Pagpapalubag loob ko sa kanya.
“Minsan ba ay naiisip mo na nakakahiya ako?” kung saan galing niyang tanong bago bumitaw sa pagkakaakap sa akin, “Isa lang akong hamak na taga-linis at mangingisda, wala akong sariling akin, hindi ko nga mabayaran ang restaurant ng noong unang paglabas natin, at hindi kita madala sa lugar na kung saan ka nababagay.” Malungkot nitong tanong.
Muli siyang bumuntong hininga, hinilamos ang kanyang kamay, at ngumiti sa akin. “Huwag ka mag-aalala, gagawin ko ang lahat para maidala ka sa mamahaling restaurant na hindi mo na kailangan tipirin ang sarili mo.” Pangungumbinsi niya sa akin.
Napataas naman ang aking kilay sa kanyang sinabi, “Sa tingin mo ba ay ganon akong klaseng babae?” tanong ko sa kanya.
“Hindi, alam ko na maintindihin at malawak ang pag-iisip mo. Hindi ko lang din maiwasan na maganda ka, mayaman, at may pinag-aralan, hindi malabo na walang magkakagusto sa ‘yo na mas higit pa sa akin. Lalaking kayang ibigay ang lahat ng gusto mo, lalaki na kayang ibigay sa ‘yo lahat pati na din ang magandang buhay na pwedeng hindi ko maibigay sa iyo.” Paliwanag nito bago napaiwas ng tingin.
“Edi huwag mong isipin,” maigsi na sagot ko sa kanya bago marahan na kinurot ang kanyang pisngi, “Hindi mo naman kailangan isipin ang mga bagay na ikakasakit mo, besides, ikaw na din ang nagsabi na malawak ang pag-iiisip ko at hindi ako ganong babae.”
“Pero—“ hindi ko na pinatapos pa ang kanyang sasabihin.
Tiningkayad ko ang aking mga paa, hinila ang likod ng kanyang ulo at mabilis na hinalikan ang kanyang labi na kanyang ikinagulat. “Sabi nila, relasyon ang pinapatagal, hindi ang panliligaw.” Putol ko sa kanyang sinabi.
Nanatili naman siya sa kanyang pwesto, nakatulala habang nakatingin sa akin. Mukhang hindi pa din nagfufunction ang aking sinabi sa utak niya pati na din sa aking ginawa.
“Papasok na ‘ko sa loob, magpahinga ka na din at bukas ulit.” Nakangiti na paalala sa kanya.
Mabilis akong pumasok sa loob ng aking bahay, isinara ang pinto at iniwan siyang nakatulala sa harap nito. Palihim akong napangiti sa aking ginawa, ang aking ngiti ay hindi mapigilan sa pagngiti habang nakasandal sa likod ng pinto.
“Ano ba ‘tong nararamdaman ko?” sabay malakas na sinampal ang aking pisngi.
Patakbo akong nagpunta sa kwarto at hindi na din nag-abala na buksan ang ibang mga nakapatay na ilaw sa unang palapag. Ibinagsak ko ang aking katawan sa higaan at parang timang na nagpagulong-gulong sa kilig na aking nararamdaman,
Kilig? Isip-isip ko at muling napangiti. Ganito pala ang klase ng kilig na nararamdaman ni Kaith noon hanggang ngayon.
“Makapagpalit na nga lang muna,” usal ko sa aking sarili at nagpalit ng pangtulog.
Alas-otso pa lamang ng gabi pero karamihan sa mga tao ay nasa loob na ng kanikanilang mga tahanan. Matapos kong mag-ayos ng aking sarili ay agad na kinuha ko ang cellphone sa gilid, at denial ang isang number na ayaw kong magparamdam—si mama.
“Buhay ka pa pala, Destiny?” bungad nito sa kabilang linya at hindi ako nakuhang batiin pa.
“Ma, malamang buhay pa ‘ko.” Pairap na sagot ko, “Hindi naman ako tatawag kung patay na ‘ko ‘di ba?” dagdag ko pa sa kanya.
“Ikaw, Destiny, saan ka bang lumapalop nagpupunta?” tanong niya muli na tumataas ang boses, “Sinabi ko sa ‘yo na lumayas ka pero hindi ko sinabi sa ‘yo na hindi ka magpapaalam kung saan ka magpupurupunta.” Sermon niya.
Mahina akong napatawa, “Ma, may naglalayas ba na nagpapaalam at pinapaalam kung saan sila pupunta?” tanong ko sa kanya bago mas lalong nilakasan pa ang aking tawa.
“Abat! Ikaw na bata ka talaga!” gigil niyang ani.
Napangiti na lamang ako, tumingin sa harap ng salamin at inayos ang aking buhok. “Pero pwera biro, ma. Kaya ako tumawag sa ‘yo para sabihin na tigilan na ang paghahanap ng lalaki na para sa akin dahil meron na ‘kong nahanap.” Walang kahit anong bakas na pag-aalinlangan kong ani sa kanya.
“Really? Willing ba siya na pakasalan ka?” sunod-sunod na tanong nito.
“Kasal agad?” gulat na tanong ko sa kanya, “Usapan natin ay kahit boyfriend lang ay ayos na basta ay makisigurado ka na mag-aasawa ako at may papahantungan sa buhay.” Napalitan ng simangot na sagot ko sa kanya.
Usapan namin ay una ay kahit nobyo lang, kahit na hindi na asawa ay basta meron siyang makikita na karelasyon ko. Hindi ko din alam kung paaano ‘to sasabihin kay Sabry, na kaya ako nagpunta sa lugar na ‘to dahil lamang ay napalayas ako para maghanap ng kasintahan o ng lalaki.
“Fine! Make sure na may maayos na background ang lalaki, ayaw ko ng putsu-putsu lang na nadampot mo lang sa daan or what. Kung hindi siya pumasa sa panlasa ko ay ekis agad.” Mahaba niyang ani sa kabilang linya at tila nag-iinarte.
“Teka! Hindi ba kahit ano, basta ay lalaki?” nag-aalinlangan ko na tanong bago pinindot ang video call request para makita ang reaction nito. “Ma, usapan natin ay usapan.” Dagdag ko pa.
“Alam ko, Destiny. Para sa ‘yo din naman ‘tong ginagawa ko, ayaw ko lang na makita ka sa kalsada, nagbebenta ng kung ano-ano o ‘di kaya naman ay nagpapaalipin sa mga mayayaman.” Paliwanag niya bago binuksan na din ang kanyang camera.
“Ang oa mo naman, ma!” sagot ko sa kanya, “Aanhin ko naman ang lalaki na kaya akong buhayin, ibigay ang lahat ng gusto ko kung hindi naman din ako magiging masaya ‘no. Hindi bale nalang.” Reklamo ko sa kanya.
Ang ganda-ganda ng araw ko kahit nakakapagod pero sinira lang ng dahil sa rason na maganda ang buhay at sa tipo na lalaki na ‘yan. Ayaw ko pa namam sa lahat ay ang didiktahan ang nagugustuhan ng isang tao—hindi naman umiikot ang lahat sa pera lang.
Oo nga’t napapagalaw nito ang mga tao at bagay-bagay pero walang pera ang matutumabsan ang pagmamahal ng isang tao.
“”Sinasabi ko lang sa ‘yo, Destiny.” May pagbabanta na ani sagot nito sa akin.
“Bahala ka, ma. Kung ayaw mo sa napili ko ay mas gugustuhin ko na lang ang hindi mag-asawa kesa magpakasal sa lalaki na sinasabi mo.” Naiirita na sagot ko dito.
“Basta ang sinabi ko ay sinabi, Destiny. May nahanap na ‘ko para sa iyo, kung hindi kayang mapantayan ng lalaking napili mo ang napili ko sa ‘yo ay wala ka ng magagawa.” Seryoso niyang sagot sa akin bago pinatay ang tawag.
Napahilamos na lamang ako ng aking mukha at muling ibinagsak ang aking sarili sa malambot na higaan. Paano na ‘to?
Paano ko ihaharap si Sabry kay mama kung una palang ay hindi na ito papasa sa panlasa niya? Bahala na.
Ipinikit ko nalang ang aking mga mata hangggang sa hindi ko na malayan na nakatulad na ‘ko sa aking pag-iisip at sabayan na din ng pagod na aking nararamdaman sa buong araw.