“BAKIT PATI SI KATH, gusto ninyong isali diyan sa kalokohan ninyo?"
Ay, sus! Nagpapaka-prince charming na naman itong si James, daig pa ang istriktong Tatay ni Kathleen.
Aaminin ni Ike nasaktan siya sa sinabing iyon ni James pero nagsawalang-kibo na lang siya. Naipaliwanag na rin naman niya ang lahat, pero alam niyang hindi pa iyon sapat para makumbinsi si Kathleen. Dahil wala pa siyang sapat na katibayan kung talagang nawawala nga ba si Samuel.
"Sigurado ka bang nawawala si Sam?" Paninigurong tanong bigla ni James habang hawak nito ang cellphone, "Tingnan mo, kaka-upload lang niya sa nangyaring Midnight Man Game!"
Nagkunot ang noo ni Ike, at saka na rin niya kinuha ang cellphone ni James para mapanuod ang tinutukoy na video nito. Nakita niyang isang oras palang simula nang ma-upload ito.
"Mukhang okay naman pala si Sam," sabi ni Katleen.
Kumabog muli ng malakas ang dibdib ni Ike. Kung totoong ayos lang si Sam, at nakapag-upload ito ng video ibig sabihin posibleng si Samuel ang may pakana ng Stranger's Challenge. At gagamitin niya ang pagkawala ni Aimee para iparating sa kanya na alam na nito ang tungkol sa kanila ni Christine?
Pero bakit si Kathleen? Dahil pare-pareho nilang alam na malaki ang ginawang kasalanan ni Kathleen kay Aimee?
“Okay ganito na lang…” ani Kathleen, at dala na rin marahil sa pagtuturok ng Glutathione kaya parang ang putla na nitong tingnan, “…Humanap ka na lang din ng representative ko na katulad na ginawa ninyo noong nakaraan. Si Christine, pwede naman siya diba? O, kaya si Danica.”
“P-Pero…” pagtutol sana ni Ike sa inimungkahi nito.
“Dugo ko naman ang ipapahid ko sa card, eh. Pero si Christine na lang ang kunin mong representative ko…” mungkahi pa rin ni Kathleen.
Hindi na nakakibo pa si Ike. Hindi na rin niya napigilan ang pagtusok ni Kathleen sa hintuturong daliri nito gamit ang isang matulis na pin. At nang lumabas na ang dugo roon ay ipinahid na nito sa white card kung saan nakasulat roon ang pangalan nito.
“Sorry ulit, Ike…” sabi pa ni Katleen habang inaabot na sa kanya ang naturang card, “…iyan na lang ang magagawa ko. Pasensya na.”
Nabigo si Ike na kumbinsihin si Kathleen. May halong pagkadismaya at inis ang naramdaman niya nang umalis sa bahay ng mga Tan, "Hindi ko talaga siya gusto! Kung hindi lang siya pinsan ni Christine baka sinakal ko na siya. Alam ko namang hindi ako pipigilan ni James dahil kung tutuusin gusto na rin niyang mawala ang babaeng iyon!" Nanggagalaiting bulong niya.
Matapos na makausap ni Ike si Kathleen ay dumiretso naman siya sa apartment na tinitirhan ni Christine. At hindi na siya nagdalawang-isip na sabihin sa dalaga ang tungkol sa Mystery Box na natanggap niya. At hindi niya inaasahan na ganoon ang magiging reaksyon nito, "May Yearbook bang kasama ang mystery box?" Usisa nito.
"O-Oo, at nakapangalan kay Samuel," tugon ni Ike, "Kaya malakas ang kutob kong si Samuel talaga ang may pakana talaga ng stranger's challenge! Saka ugali talaga ni Sam ang ganito diba?"
"H-Hindi ko alam," umiling si Christine, “Nasa bahay nila ako noong araw na natanggap niya ang Mystery Box. Hindi rin niya sinabi sa inyo ang tungkol sa Yearbook, dahil alam naming mahihirapan siyang kumbinsihin si James. Pati ang lugar na pinuntahan natin noon. Pinalabas namin na rush lang kaya doon natin ginawa ang unang challenge.”
"Pero hindi mo naisip na baka umaarte lang si Sam sa harapan mo?" Seryosong tanong ni Ike saka kinuha nito ang cellphone, "Kakaupload lang ni Sam ng video sa channel niya tungkol sa Midnight Man Game."
Namilog ang mga mata ni Christine, "Bakit kapag tinatawagan ko siya, out of coverage area?" Tanong nito.
"Tingin ko alam na ni Sam ang tungkol sa ating dalawa," tugon ni Ike, "Siguro iyon din ang dahilan kaya umalis siya na hindi man lang nagpapaalam sa'yo. At ginagamit niya ang pagkawala ni Aimee para mabuo ang Stranger's Challenge."
Napakagat ng kuko si Christine, "Tingin mo kaylan pa niya nalaman?"
Napakibit-balikat si Ike, "Pero kung ganitong paraan ang gusto niya, makipaglaro tayo sa kanya! Gawin natin ang ‘The Closet Game," determinadong sabi ni Ike kay Christine na siyang kinagulat ng dalaga, “Pinalabas niyang nabigo ang unang challenge para matuon sa akin ang lahat."
"Kapag hindi mo nagawa ng tama ang challenge, ano ang mangyayari?" Tanong ni Christine, "Sa tingin mo lilitaw si Samuel para suntukin ka, at murahin tayong dalawa? Baka nga mapatay ka pa niya!"
"Ngayon alam ko na kung bakit si Kathleen ang kasama ko!" may namumuong theory sa utak ni Ike, "Dahil gusto niyang mabigo ako. Dahil magkakaroon ng rason para ipagpatuloy ang laro. Iikot ang mystery box ngayon sa inyong apat nila James, Madz at John."
"Kahit gawin pala natin ang 'The Closet Game' hindi mo na nasunod ang isang rule!" Sabi ni Christine.
"Hindi nga natin kasama si Kathleen. Walang sinabi na bawal ang representative..." Kinuha ni Ike ang white card na nakapangalan kay Kathleen, "...Kahit wala si Kathleen, dugo naman niya ang nakalagay dito. At may patunay akong dahil videohan ko siya kanina."
"Tingin mo magiging okay 'yun kahit ako ang maging representative ni Kath?" Nag-aalalang tanong ni Christine.
"Oo dahil ito talaga ang gusto g mangyari ni Samuel!" Diin ni Ike, "Kakagatin natin ang pain na ihinahanda niya. At handa na rin ako kung sakaling magkaharap kami."
Hindi na nakakibo pa si Christine.
Batid ni Ike na nagdadalawang-isip pa si Christine dahil na rin sa takot. Pero wala na rin naman itong magagawa pa kungdi ang sumunod sa kanya.
Nagdesisyon silang sa apartment na lang ni Christine gawin ang naturang larong iyon. Ganoong may magkatapat na closet naman sa kuwarto nito.
Hindi man si Kathleen ang kasama ni Ike sa challenge na ito, totoong dugo naman nito ang ipinahid nila sa white card nito.
Saka kahit anong paliwanag ang sabihin ni Ike sa mga ito ay hindi pa rin niyang magawang kumbinsihin si Kathleen. Kung sakali mang mali ang gagawin nilang laro ngayon ay hindi na niya kasalanan. Ang mahalaga sa kanya ay maligtas silang lahat sa larong sinimulan ni Samuel.
“Ano’ng gusto mong gawin habang naghihintay ng oras?” masuyong bulong ni Christine.
At naramdam ni Ike ang marahan nitong paghaplos sa kanyang braso.
“Alam ko ang iniisip mo,” napangiting sabi niya.
“Mahaba-habang oras pa naman ang hihintayin natin,” pilyang bulong pa rin ni Christine, “Gusto mo bang sa akin ka muna makipaglaro?”
“It’s my pleasure!” tugon niya, at saka niya ito siniil ng halik.
Naging mapusok at mainit kaagad ang bawat pagkilos nila. Wari’y naging sabik sila sa isa’t isa. At halos ibinuhos na nila ang init ng kanilang katawan habang inihintay nila ang oras. Ipinapanalangin na lang ni Ike sana ay palagi silang ganito ni Christine. Na sana ay hindi na matapos ang mga sandali na masasabi niyang… pagmamay-ari niya ang dalaga!