Kinabukasan ay maaaga siyang nagising at naligo na rin siya at pinatuyo ang maganda niyang buhok. Balak kasi niyang tumulong sa paghahanda ng almusal nila at nakakahiya kung pati siya ay tanghali nang gigising samantalang nakikitira lang siya sa bahay na iyon.
Napagdesisyunan niyang magsuot ng isang floral dress na hanggang tuhod ang haba na kita ang balingkinitan niyang mga binti. Maging ang hubog ng kanyang katawan ay sadyang lumitaw dahil sa lambot ng tela ng suot niyang damit. Buo naman ang confidence niya na maayos at simple lang ang suot niyang damit kaya lumabas na siya ng kuwarto para tunguhin ang kusina sa baba.
Pagbaba niya ng hagdan ay napansin agad niya si Kuya Edison na nakasuot na ng pang opisinang attire, mukhang may pasok ito sa trabaho. Kasalukuyan itong nakaupo sa sofa sa sala at nagbabasa ng newspaper.
Awtomatiko namang napaangat ito ng mukha ng marinig ang mga yapag ng paa niya ng pababa ng hagdan, binati siya nito agad pagsapit niya sa baba.
"Bakit ang aga mong gumising Chantal?Hindi ka ba napagod sa biyahe mo?" Ibinaba nito ang binabasang dyaryo at tasa ng kape sa sidetable.
"Nakapagpahinga naman ako ng maayos kagabi,Kuya Edison." Simple niyang sagot dito. Napatango lang ito sa kanya. "Ammm, tutulong lang ako sa paghahanda ng umagahan, maiwan muna kita." Wala sa loob na sabi niya dito. Napatango na lang ito sa sinabi niya at tahimik siyang tinitigan nito. Dahil doon ay nagdesisyon na siyang tunguhin ang kusina kung saan nagluluto ng umagahan ang kasambahay sa tahanang iyon na kung hindi siya nagkakamali ay Manang Melinda ang pangalan. Ipinakilala ito sa kanya ni Cherry kagabi habang pinaghahanda sila nito ng hapunan.
"Manang..." tawag niya dito mula sa likuran nito.
"Oh, Ma’am Chantal… may kailangan ka ba?" tanong agad nito sa kanya.
"Wala po, gusto ko lang po sanang tumulong magluto ng umagahan natin."
"Ah...yun ba, okay na at matatapos na ako dito sa niluluto ko. Pero kung gusto mo akong tulungan ay puwede mo naman na ilagay na ang mga nailuto ko na sa dining table." Suhestiyon nito sa kanya na ikinatuwa naman niya.
"Sige po Manang, ako na rin po ang maglalagay ng mga plato sa mesa." Bigla niyang naisip.
"Salamat sa tulong mo hija. Bukod sa maganda ay mabait ka rin pala." May paghangang tugon nito sa kanya, napangiti muli siya dito.
"Salamat po, Manang Melinda…"
"Taga Bicol ka nga pala hanu?" tanong nito sa kanya habang sinasalin na nito ang huling putahe na niluto nito para sa umagahan.
Tumango siya saka niya inayos ang ulam na naisalin na nito sa plato. "Opo, pareho po kaming taga Bicol ni Tita Clarisse," kuwento niya dito.
"Ganun ba, naku mabuti naman at may pagtatanungan na rin ako ng tamang pagluluto ng bicol express kapag nagluto ako. Minsan kasi ay hindi magustuhan ng mga amo ko ang luto ng bicol express at syempre taga roon sila, tiyak na may sarili silang pansala pagdating sa delicacy ninyo sa Bicol hindi ba?" Nangiti siya sa kwento nito. Talagang mahilig sa mga maanghang ang mga taga Bicol kaya kailangan talaga ay magandang sili ang gagamitin sa pagluluto ng bicol express para mas masarap ito pag naluto, naisaloob na lang niya.
"Sige po Manang Melinda, wala pong problema at tuturuan ko po kayo ng tamang pagluluto ng bicol express." Napangiti ito sa tuwa.
"Siya, halika na magandang dilag at ilagay na natin ito sa mesa at baka mamaya ay gutom na ang mga amo ko." Biro nito sa kanya na ikinatawa naman niya.
Sakto namang nakahain na sa mesa ng bumaba mula sa kanilang kuwarto sila Tito Conrado at Tita Clarisse.
"Oh hija...bakit pati ikaw ay naghahain sa mesa?" Nagulat si Tita Clarisse ng makita siya nitong inilapag sa mesa ang huling putahe ng ulam na niluto ni Manang Melinda.
"Okay lang po ako Tita, maaga po kasi akong nagigising kaya naisipan kong tumulong kay Manang Melinda sa paghahanda po ng umagahan."
"Sa susunod ay puwede mo namang hindi gawin ang mga bagay na iyan hija, bisita ka namin." Malumanay nitong sabi sa kanya.
"Okay lang po tita, magaan lang naman po ang mga gawain dito kaya kaya huwag po kayong mag-aalala." Nakangiti ko pa ring sagot kay Tita. Napatingin naman kami sa pinto ng sabay na pumasok si Cherry at Edison.
"Hayan na pala ang magkapatid,puwede na siguro tayong kumaen ng umagahan." Narinig naman niyang sabi ni Tito Conrado.
"Chantal,kanina ka pa gising?" Bati sa kanya ni Cherry na ngayon ay inaayos na ang napkin sa lap nito na pamunas.
"Oo,kani-kanina pa."
“Itong si Chantal, tumulong pa kay Manang Melinda na maghanda ng umagahan.Ang sabi ko nga ay hindi na niya kailangan pang gawin ang mga bagay na iyon," kuwento ni Tita Clarisse.
"Oo nga naman friend,saka bisita ka namin dito nuh! Nga pala Mommy, hihiramin namin ni Chantal ang isang kotse may mahalaga lang po kaming pupuntahan." Paalam ni Cherry sa ina.
"Okay, pero sino ang magdri-drive sa inyo?" Balik na tanong nito sa anak.
"Ako na lang po Mommy, may lakad daw po kasi si Kuya at Daddy ngayon araw. Ngayon po kasi ang sched ng screening para sa sasalihan ni Chantal na beauty pageant Mommy."
"I see." sagot ni Tita Clarisse.
"Sorry, hindi ko kayo masasamahan ngayon Chantal at may biglaan lang kaming meeting sa office. But I will try to catch you up after the meeting." Si Kuya Edison ang biglang nagsalita na kinagulat niya.
"Okay lang Kuya Edison," sagot naman niya. "Kami na lang ni Cherry at baka makaabala pa ako sayo." Alanganin siyang lumingon kay Cherry na nakatingin lang sa kanilang dalawa ni Kuya Edison habang nag-uusap.
"Oo nga kuya, kami na lang ni Chantal ang pupunta ngayon sa screening. Next time mo na lang kami samahan at tiyak naman na pasok na siya sa top 50." Buong pagmamalaking sabi Chantal sa Kuya Edison nito. Medyo nahiya pa siya sa tinuran nito at mukhang proud na proud ito sa kanya which is hindi niya alam kung makakaya niyang makapasok sa top 50, ang alam lang niya ay handa siyang gawin ang lahat para makuha sa pageant na iyon.
"Naniniwala kami sinabi mo anak,ang ganda naman kasi nitong si Chantal." Pagsanga-ayon ni Tita Clarisse sa sinabi nito.
"So…Mommy, sino ang next na maganda after ni Chantal?" Mayamaya ay tanong ni Cherry sa ina.
"Syempre,ang nag-iisa kong anak na babae sino pa?" Nagtawanan silang lahat sa sinabi ni Tita Clarisse, si Kuya Edison naman ay napaismid pa.
"Tsssk! Saang banda ka maganda, sa ngipin?" pang-aasar nito kay Cherry.
"Mommy oh! Magsisimula naman si kuya," sumbong naman nito sa ina.
"Edison,ano ka ba! Iniinis mo naman ang kapatid mo,"
"Whatever Mom…" At nakita niyang inirapan ni Cherry ang kapatid nito. Larawan ng isang masaya at perpektong pamilya ang mga magulang at kapatid ni Cherry na kahit kailan ay hindi siya nagkaroon sa buhay niya. Lihim siyang nalungkot dahil doon…