Chapter 4
R-18+
MATURE CONTENT
READ AT YOUR OWN RISK❗
Third-Person POV-
Bumaba ng sinasakyang bus si Jasmine at nagpalinga-linga sa paligid. Kinuha niya ang kanyang lumang telepono at nag-text kay Aling Nelia na nasa terminal na siya ng mga bus dito sa Cubao. Napahigpit ang hawak niya sa kanyang lumang bag nang mapansing may ilang kalalakihang nakatingin sa kanya mula sa hindi kalayuan. Agad na iniwas na lamang niya ang tingin mula sa mga ito at nagpasya siyang lumapit sa mas mataong bahagi ng terminal.Natatakot siya lalo pa at naririnig na niya dati pa na maraming halang ang kaluluwa sa lungsod.Hindi siya sanay sa ganitong lugar lalo't wala naman silang kamag-anakan sa maynila.Kaya bago sa kanya ang ganitong ingay at init sa paligid.
Ilang minuto na ang lumipas ngunit wala pa rin siyang natatanggap na mensahe mula kay Aling Nelia.Kaya binaba niya sa paanan niya ang hawak na bag at umupo sa may bangko s gilid sabay malalim na napabuntung-hinigi.
" Dios ko, huwag ninyo po ako pababayaan"
Taimtim niyang panalangin habang tinitigan ulit ang hawak niyang teleponon.
“Ikaw na ba si Jasmine?”
Gulat na napaangat ng tingin si Jasmine nang may narinig siyang boses ng isang lalaki sa kanyang likuran. Atubili siyang tumango at agad niyang napansin ang maaliwalas na ngiti ng nito. May katandaan na ito—tantya niya ay nasa singkuwenta anyos mahigit na.Hindi niya alam ang gagawin kaya tumayo siya at nagbigay galang dito.
“Tawagin mo na lang akong Mang Kiko. Ako ang sundo mo, ipinasundo ka sa akin ni Maam at ibinilin din ni Nelia. Ipinadala din niya ang litrato mo kaya’t agad kitang nakilala at namukhaan.” Nakangiti pa rin sabi nito sa kanya.
Tumango si Jasmine at saka lang siya bahagyang nakaramdam ng ginhawa. Nginitian niya ang matanda na agad namang inabot nito ang kanyang dala na may kalumaang maliit na bag.Pero iniwas niya agad ito sa lalaki dahil nahihiya siya.
“Ako na po, Mang K-kiko. Kaya ko naman po,” mahinahong sabi niya.
Hindi naman na din ito nagpumilit pa.
“Sige, halika na at nandoon ang sasakyan sa may unahan,” yaya nito sa kanya. Agad siyang sumunod nang nagpatiunang lumakad ito. Tahimik lamang si Jasmine habang nasa likuran ni Mang Kiko, sumakay siya ng umandar na ang sasakyan. Naamoy niya ang mabangong halimuyak sa loob ng magarang kotse, pero mas pinili niyang pagmasdan ang paligid. Ngayon lang siya nakarating ng Maynila, at bago sa kanya ang lahat ng nakikita niya ngayon.Malayo sa nakasanayan niya sa probinsya nila.
Matatayog ang mga gusali at namamangha siya sa malalaking bahay na nadaraanan nila.Dati pangarap din niyang makapagpatayo ng malaking bahay para sa kanilang lahat,kaya nga kung palarin siya hindi pa rin niya susukuan ang pangarap na yun para sa kanyang mga kapatid at inay.Maiahon lang niya sa hirap ang mga ito ay kumporme na siya sa buhay.Kaya nga hindi niya na iniisip ang mag-asawa pa lalo't alam niya ang katayuan nila sa buhay.
“Ilang taon ka na ba, Ineng?” tanong bigla ni Mang Kiko kaya napatingin siya dito.
Nagulat pa siya sa tanong, pero agad din siyang sumagot, “Ah, twenty-four na po ako, Mang Kiko.”
Nakita niyang sumulyap ito sa kanya mula sa salamin sa harap nito.
“Mabuti at pinayagan ka ng mga magulang mo na lumuwas ng Maynila.”
Malungkot na tumango si Jasmine. Muling sumagi sa isip niya ang kanyang mga kapatid at ang kanyang Inay. Kumusta na kaya ang mga ito? Ano na kaya ang ginagawa nila sa mga oras na ito? Bigla,nakaramdam siya ng lungkot.
“Kailangan po, Mang Kiko. Para sa pamilya ko,” sagot niya.
Tumango-tango si Mang Kiko. “Tiyagaan mo lang, Ineng. Makakaraos ka rin. Mabait naman ang amo natin, wala kang magiging problema doon basta sumunod ka lang sa mga utos nila.”
“Opo, Mang Kiko,” sagot niya.
“Baka gusto mong pumikit muna. Pwede kang matulog, baka matagalan tayo sa traffic dito sa Maynila. Mga dalawa o tatlong oras pa bago tayo makarating sa bahay ng amo natin.” pagkuway sabi naman nito sa kanya.
“Sige po, Mang Kiko. Huwag na po kayong mag-alala okey lang po ako dito.”
Hindi na sumagot ang matanda kaya sumandal na lamang si Jasmine. Pinilit niyang pumikit, kahit na halos wala siyang tulog mula pa sa biyahe niya galing Bicol. Inayos niya ang kanyang bag at muling tumingin sa labas. Kahit inaantok siya, hindi pa rin siya makatulog, lalo na at doble ang kaba sa dibdib niya ngayon.
Simula kagabi, hindi na siya mapakali. Bukod sa panibagong hamon na kakaharapin niya, biglang gumulo rin sa isipan niya ang anak ng kanilang magiging amo—ang lalaking minsan na niyang nakita noon. Kumusta na kaya ito? May asawa na siguro. Hanggang ngayon, hindi pa rin siya makalimot sa una niyang pagkakita rito.
Napakagwapo kasi nito, at sa edad niyang katorse noon, nabighani agad ang puso niya. Lihim niya itong pinagmamasdan tuwing nagbabakasyon ito sa Bicol. Pero mula nang umalis sila sa mansyon ng mga Cordova, hindi na niya ito muling nakita. Simula noon, lagi niyang pinangarap na sana, kung mag-aasawa siya, kagaya ito ng lalaking iyon—mayaman, gwapo, at higit sa lahat, ipagmamalaki siya.
Pero alam naman ni Jasmine na imposibleng mangyari iyon. Sino ba namang mayaman at gwapo ang magkakagusto sa isang katulad niya? Bukod sa mahirap siya, pakiramdam niya ay ni ang isang ordinaryong taga-lungsod ay hindi siya mapapansin. Maganda naman daw siya, sabi ng kanyang Inay. Namana raw niya ang makinis at maputing kutis nito. Totoong maganda ang kanyang ina noon, pero dahil sa hirap ng buhay, tila natabunan na ito ng pagod, lumang damit, at mga uban sa buhok kaya hindi na ito ang inay niya na palaging napupuri.Kagaya niya marami din ang nagsasabing maganda siya, pero lahat ng iyon ay hindi na iniisip pa ni Jasmine, Basta ang alam lang niya ay sanay na siyang magbilad sa araw at maghanap ng trabaho kabilaan para may pangkain sila araw-araw.
Dahil sa lalim ng iniisip niya hindi na niya namalayan na unti-unti na rin siyang nakatulog.
-Itutuloy...