Kabanata 7 - Hinahanap

3037 Words
Palapit na ang tanghalian pero nandito pa rin ako sa loob ng kwarto. Nahiga na ako sa kama ngunit kanina pa hindi mapakali. Ngayon ay pabalik-balik ang lakad ko at paminsan-minsan ay nagagawi sa pintuan dahil sa kagustuhang sumilip doon, pero hindi ko rin naman magawang pihitin nang tuluyan ang seradura at buksan ang pinto! Kinagat ko ang labi at dinala roon ang daliri. Kulang na lamang ay mapahilamos na rin ako sa aking mukha! Nag-aalala ako. Naiisip ko na baka bigla siyang atakehin ng sama ng pakiramdam lalo pa dahil aksidente ang kaniyang kinasangkutan. Paano kung kailangan pala siyang maidala sa ospital sa lalong madaling panahon?! At iniwan ko lang siya roon sa sala? Tiningnan ko ulit ang oras. It’s already past ten in the morning. Ngayon pa lang, dapat nagluluto na ako ng tanghalian, pero mas kailangan ko yatang dalhin sa ospital ang lalaking ‘yon. Huminga ako nang malalim. Bahala na! Kinuha ko ang aking bag at hindi na nag-isip pa. Ilang oras na rin naman ang lumipas at nagpapahinga siya sa labas dahil wala akong naririnig na ingay. Baka kung iniwan ko siya nang matagal doon sa sala, hindi niya mapigilan ang mag-isip na mag-isip at pilitin na makaalala. Baka lalo lamang iyong makasama sa kaniyang kalagayan. Nagbihis na rin ako dahil nabasa kanina sa tabing-dagat. Tinabi ko na rin muna ang mga labahin ko. Bahala na talaga! Kinuha ko ang ipon at nilagay sa loob ng bag. Pagtapos ay nagsuot ng sandals at lumabas na ng kwarto dala ang bag na hinanda. Naabutan ko siya agad sa sala. Akala ko ay nagpapahinga pa siya at nakahiga roon sa parihabang upuan na yari sa kahoy pero nakaupo na pala siya at nakasuot na rin ng puting t-shirt na pinakuha ko kanina kay Tonyo. Nakatupi nang maayos ang kumot at nakapatong na sa ibabaw ng unan. Hindi yata siya nagpahinga nang matagal at bumangon din. Tinitingnan niya ang sugat na natamo sa kaniyang braso. Naabutan ko siyang salubong ang mga kilay at tumitiim ang panga dahil sa pagmumura sa sakit, ngunit nang nagawi ang tingin sa aking kwarto at napansin niyang lumabas ako, biglang siyang umayos. He straightened his face even when sweats are trickling down his temples. Pinagpapawisan pa yata siya. Saka ko lang din napansing hindi ko pala nabuksan ‘yong electricfan sa sala! Nakaramdam ako ng guilt. Agad kong sinaksak ang electricfan at tinutok sa kaniya. “May pupuntahan lang ako sandali. B-Babalik agad ako,” sabi ko habang binubuksan ang electricfan at pinagamit sa kaniya. Kailangan ko nang pumunta kay Aling Carmen para makapagtanong. Hindi na talaga ako mapalagay. Dapat nga siguro noon pa lang na nakita namin siya ni Tonyo sa tabing-dagat ay pinagsabi na namin sa iba! Para nadala siya sa ospital at matanggap ang kailangang tulong. Wala naman akong gaanong maitutulong sa kaniya kaya bakit nga ba ako pa ang nagpatuloy rito sa bahay ko na kahit electricfan, bihira ko lang paganahin? “H-Huwag kang aalis. B-Babalik agad ako.” Nanatili siya sa kinauupuan at nakatingin na naman sa akin lalo na sa mukha ko. Kulang na lang ay itagilid niya ang ulo at sipatin ako! Kumuha ulit ako ng isang baso ng tubig at dinala sa mesa sa kaniyang harapan para kung mauhaw siya ay hindi na siya tumayo pa. “Uh, kung kailangan mo naman ‘yong banyo, pumasok ka lang doon,” sabay turo ko sa banyo. Hindi siya sumagot kaya napaangat ang tingin ko sa kaniya pagtapos ilapag ang baso ng tubig. Ang kaniyang medyo basa pa ring buhok ay medyo magulo sa ngayon. Ang ilang kumpol ng hibla ay nahulog sa kaniyang noo. He was now wrapping his wounded arm with the gauze once again, panay pa rin ang kaniyang sulyap. Paminsan-minsan ay bumubuka ang kaniyang labi na tila may gustong sabihin o itanong pero hindi niya naman tinuloy. Nahala niya ring aligaga ako at nagmamadali kaya hindi malaman kung magtatanong ba siya! “Aalis na muna ako,” sabi ko at kinuha na ulit ang bag. Kailangan ko nang magmadali para makarating din kami agad sa ospital! Ngunit bago pa ako tuluyang makahakbang man lang paalis ng sala ay nagsalita siya. “Ayos lang naman kung hindi na pumunta ng ospital. Wala naman akong ibang nararamdaman…” nakalabi niyang sagot at may pagkaseryoso, para bang pinigilan niya ako. May mga maliliit pa ring sugat sa kaniyang mukha. Tinapalan ko ng band aid ang isang sugat sa kaniyang cheekbone. “I can just wait until I remember something.” Maghihintay pa siyang makaalala bago kumilos? Paano kung… may nangyayari na pala sa kaniyang masama at hindi lang niya nakikita sa panlabas niyang mga sugat? “Kailangan mong magpaospital tulad ng sinabi ng mga mangingisda. Baka masiyadong delikado. May mahihingian naman ng tulong.” Hindi ko na hinintay ang kaniyang sasabihin at dumiretso na ako sa pinto. Hindi na siya sumagot pa ngunit mukhang naintindihan niya naman ang sinabi ko. His eyes are still exhausted and he’s wounded, parang kailangan niya talagang magpahinga nang ilang araw dahil sa nangyari sa kaniya. Nagkatinginan pa kami bago ako tuluyang lumabas. Nakaka-guilty man na iwan siyang mag-isa sa sarili kong bahay nang wala siyang kasama, kailangan ko nang magmadali! Tinahak ko na agad ang daan kahit mataas pa ang sikat ng araw. Hinihingal ako nang nakarating kina Aling Carmen dala-dala ang bag. Kadalasan makikita ko na agad si Tonyo sa bintana pero ngayon, wala ito roon kaya kailangan ko pang kumatok! Tinakip ko pa ang palad sa ibabaw ng mga mata dahil sa sinag ng tirik na araw nang tumingala sa kanilang bintana at pawisan na. Dumiretso na lang ako sa pinto at agad na kumatok. “Aling Carmen? Tao po!” tawag ko. Nakatatlong tawag pa ako ngunit walang sumagot. Sa sunod na katok, bumukas din iyon at muntik ko pang makatok ang nagbukas. Sa halip na si Aling Carmen o si Tonyo, bumungad sa akin ang pagmumukha ng anak ni Aling Carmen na si Alvaro! Agad akong napaatras nang kaunti. Si Alvaro ang bumungad, magulo pa ang buhok at papikit-pikit pa. Naka-jersey pa ito at mukhang kakabangon lang. “Oh? Ga?!” gulat niyang tanong at napangisi. Agad lumiwanag ang kaniyang mukha. “Sabi ko na’t hindi mo talaga matitiis na hindi ka tumira dito dahil sa ‘kin?” dagdag niya na agad ikinapait ng aking pagmumukha. “Alvaro… si Aling Carmen?” Ngumingiti-ngiti pa siya at kumikindat. Nang narinig ang sinabi ko, hindi natinag ang kaniyang ngiti. “Wrong timing ka, ga. Wala na si Inay. Kaaalis lang,” sagot ni Alvaro at inaangat-angat ang kaniyang jersey. Bago pa makasira ng araw si Alvaro, may nagsalita na mula sa loob ng bahay. “Mara! Ano iyon?” Si Ate Corine, ang panganay ni Aling Carmen at ate ni Alvaro, habang may hawak pang plato at mukhang nanananghalian. Siya ang hinarap ko. Gumilid sa pinto si Alvaro pero nakataas pa rin ang jersey at pinagyayabang ang katawan nito. “Ate Corine… si Aling Carmen po?” tanong ko agad at nilibot na rin ang tingin sa loob ng bahay lalo pa’t hindi ko na nakita si Tonyo. “Bakit mo hinahanap si Inay?” tanong na naman ni Alvaro kahit hindi pa ako naiintindihan ni Ate Corine. “Ano ba ‘yan, Alvaro! Tumabi ka nga’t ‘di ko maintindihan si Mara!” iritadong sigaw ni Ate Corine. “At bakit pa pataas-taas ka pa ng damit diyan? Pinagmamalaki mo pa talaga ‘yang busog mong tiyan?!” Bumalandra ang reklamo sa mukha ni Alvaro. “Si Ate Corine! Anong busog? ‘Di pa nga ‘ko nakain!” saad ni Alvaro at kinindatan ulit ako na parang nanunudyo pa. “Hindi ba, ga?” Bastos! I grimaced. Binalikan ko ng tingin si Ate Corine at nagmamadali na rin. Totoo bang wala si Aling Carmen? “Siraulo ka, a! Tumabi ka riyan!” Tumahimik na si Alvaro ngunit hindi natigkal ang ngiti sa mga labi. Lagi talaga silang nagbabangayan, lalo pa dahil ganitong oras ay patulog pa lang si Ate Corine dahil sa kaniyang trabaho sa call center na kadalasan ay night shift. Kabaliktaran naman ni Alvaro na pagising ng ganitong oras. “Si Aling Carmen po, Ate… nandiyan po ba?” pagtatanong ko ulit. “Saka si Tonyo po?” “Ah, si Inay! Naku, Mara, kakaalis lang kasama si Tonyo. Nasa terminal na siguro sila ng bus dahil ihahatid na si Tonyo sa tiyahin niyang taga-Cavite. Kinukuha na siya. Hindi mo ba alam?” tanong ni Ate Corine dahilan para natigilan ako. Huh? Si Tonyo kinuha na ng tita niya ngayong araw mismo? Hindi naman nito nasabi sa akin. Nagulat din kasi siya sa lalaking natagpuan namin sa tabing-dagat. Bigla ko na namang naalala ang estrangherong naiwan sa pamamahay ko kaya bumalik ang aking pangamba. “Ganoon po ba? Hindi naman po nabanggit sa ‘kin ni Tonyo o ni Aling Carmen.” “Oo, kaya ang lungkot ni Tonyo at naglalakad-lakad kanina riyan sa dalampasigan. Mami-miss n’on ang dagat, pero excited naman iyon doon sa tiyahin niya sa Cavite dahil pag-aaralin siya,” kwento ni Ate Corine at kumakain sa plato. “Bakit mo nga ba hinahanap ang inay, Mara? May problema ba?” Hindi na ako nakasagot. Hindi ko rin inasahan na ngayong araw mismo ihahatid ni Aling Carmen si Tonyo paalis ng Isla Verde. Hindi ko naman magawang banggitin kay Ate Corine na may lalaki kaming natagpuan ni Tonyo. Though, I probably should tell her… right? “Uh, kailangan ko po kasi sana ang tulong ni Aling Carmen. Magpapasama po sana ako sa ospital…” “Anong nangyari, Mara?! Nasaktan ka?!” pangingialam ni Alvaro at nahawakan pa ang aking siko. Nanlaki agad ang mata sa pag-alala. Hinampas siya ni Ate Corine kaya nabitawan niya rin ako at ininda ang hampas nito sa kaniyang braso. “Bakit ka pupunta sa ospital, Mara? May problema ba?” tanong ni Ate Corine. Kinagat ko ang aking labi at hinawakang maigi ang dalang bag. “Hindi naman po. May kailangan lang akong tulungan. At kailangan ko rin pong pumunta sa barangay.” “May nanakit sa ‘yo, Mara? Sinong ipapa-blotter mo?” tanong muli ni Alvaro. “Kung ganoon ay pumunta na kayo sa barangay. Samahan mo na si Mara!” Tatanggihan ko na sana iyon lalo pa’t kaya ko namang mag-isa kung sakaling wala si Aling Carmen, pero hindi rin naman umalma si Alvaro at sa halip ay mabilis nang kumuha ng bagong t-shirt at nag-toothbrush at hilamos. “Hindi mo pala alam na aalis na si Tonyo?” saad ni Ate Corine na ikinailing ko. Mabuti na lang at wala na siyang gaanong tanong pa. “Okay na ako, ga! Tara na!” ani Alvaro na nagwisik agad ng pabango. Naging mabilis siya at hindi naman nagtagal. Tumango na sa amin si Ate Corine. Nagpaalam na rin ako at umalis na nga kami ni Alvaro na nagtatanong pa rin kung anong meron. Ilang beses kong gustong sabihin na may natagpuan kami ni Tonyo na lalaki sa dalampasigan at wala itong naaalala. Pati pangalan niya hindi niya alam. Pero hindi naman barangay official si Alvaro kaya siguro, hindi ko na dapat pang sabihin dito. Nakarating agad kami sa barangay. May tricycle naman kaya hindi na kami nahirapan at pagkarating doon, agad kong tiningala ang buong barangay hall. Medyo maraming tao pero dahil kasama ko si Alvaro na kilala na rito, hindi ako gaanong mahihirapan. “Anong sabi?” hindi pa rin mapakali na tanong ko kay Alvaro noong may kinausap siya. “Maghintay lang tayo nang ilang minuto at makakausap din tayo ng sekretarya. May mga kausap pa raw,” sagot niya at pinapaupo muna ako ngunit hindi ko naman halos magawa. I’m almost biting my lip. Tama ba itong ginagawa ko? Ang i-report ang lalaking iyon na missing person sa halip na dalhin na sa ospital? Wala akong sapat na pera kung sakali at baka mas makatulong sila. “Ano bang meron, Mara?” Nangungunot na ang noo ni Alvaro sa kakatanong. Bumuntonghininga ako at napagdesisyunang magsabi na sa kaniya. “K-Kasi kanina ay may…” Naghihintay si Alvaro sa aking sinasabi, but for some reason, I stopped when a group of men caught my attention. May ilang mga lalaki sa bandang main door ng barangay hall. Tatlo sila at ang dalawa ay magkausap. They were wearing black and I don’t know why… bigla akong nakaramdam ng kakaibang kaba! Dahilan kaya lalong natuon ang atensyon ko sa kanila. Nagsimula ang ganito kong pakiramdam pagtapos ng nangyari sa akin. Pagtapos kong makatakas sa lalaking pinagbentahan sa akin nina Tita Hilde at Tito Samuel. Makakita lang ako ng kahina-hinalang mga lalaki, hindi na ako mapalagay. I can sense danger so easily. And most of the times, when I get suspicious, I’m never wrong. “Uy, Mara?” tanong ni Alvaro ngunit hindi ko agad napansin. Seryoso ang mga lalaki roon at nakatingin sa bandang labas. Malalaking tao sila. Naninigarilyo nang mga sandaling ‘yon at animo’y may hinihintay. Kulang na lamang ay yugyugin na ako ni Alvaro dahil natulala ako at nawala sa aking sarili sa panandalian. Saka lamang ako natauhan nang isa sa mga lalaking naroon ay napagawi ang tingin sa aming direksyon. Agad kong tiningnan si Alvaro na bumalatay na ang pag-aalala sa ekspresyon. “Ano ba ‘yon, Mara?” takang tanong niya. Napalunok ako at ilang sandali pa, binalik ang tingin doon sa pinto. Hindi naman nagtagal ang tingin nito at nadaanan lamang din kami ng mga mata. “Sige, Kagawad… salamat sa kooperasyon.” Isang boses mula sa kabilang banda habang nakaupo kami ni Alvaro. Doon naman ako napalingon at nakitang may isang lalaking kausap ang kagawad na nakaitim din. “Makakaasa kayo,” sagot ng kagawad. Just that one word, I already shivered. Hindi pa nakatulong na napagawi sa amin ang tingin ng lalaking kausap ng sinabing kagawad. Huminto sila malapit lang sa amin. Ako naman sa sobrang taranta at natulala, nagpaalam ako kay Alvaro na magbabanyo lamang. Bigla kong gustong makaiwas. Gusto niya pa akong samahan pero naging mabilis na ang aking lakad. Nakarating din ako sa nahanap na restroom at agad na pumasok doon. Pagharap sa salamin, doon ko lang napagtantong namumutla nga ako! Calm down, Cassandra. Those are just… normal men! Hindi ka nila kilala. Hindi sila ang mga lalaking naghahanap sa ‘yo! Pumikit ako at pinakalma ang aking sarili. Pagtapos kong gumamit ng cubicle at naghugas ng mga kamay, lumabas na rin ako. Natigilan pa ako nang nakitang nandoon pa rin ang mga lalaki at hindi pa rin pala umaalis. Iyon na naman ang kabog ng aking dibdib. Sa pasilyo kung nasaan ako ngayon ay mas naririnig ang usapan nila kahit hindi ko gaanong nakita ang kanilang mga mukha. “Mahahanap din natin ang lalaking iyon. Sabi ni Boss, hindi tayo pwedeng tumigil hangga’t hindi natin natutunton. Tayo ang mapapatay kung hindi natin mahanap ang lalaking ‘yon,” seryosong sabi ng isa sabay hithit sa sigarilyo. “Paano kung inanod na nga ‘yon sa ibayong dagat?” “Kahit pa! Kung kailangan nating isa-isahin ang dalampasigan ng Luzon, gagawin natin,” mariin namang sabi ng isa. Nanlaki ang mga mata ko. Para akong natuod. “Nandito raw ba? Anong sabi ng kapitan?” “Malaki ang tiyansang dito iyon napadpad sa Isla Verde. Kung buhay pa iyon, kailangan nating maunahan. Kailangan natin siyang patayin.” Hindi ko na narinig ang sagot doon. My heart is pounding and one more step forward, I bumped into someone. Galing iyon sa kung nasaan kami naghihintay ni Alvaro. Nang tumingala ako, nakita ko ang isang lalaking nakaitim! Mukhang hindi niya ako napansin dahil galing din ako sa kabilang pasilyo. Dahil tuloy roon, mayroon siyang nahulog na mga papel. Sa aking taranta, agad akong naupo para pulutin iyon! “Pasensya na,” paghinga ko ng paumanhin at mabilis nakipulot ngunit nang dumako ang kamay ko sa isang litrato na nasa sahig, nanlamig ako sa aking nakita. It was a picture of a man, at kahit sa iilang segundong dumaan, nakita ko iyon. Kumurap ako at kahit seryoso siya roon sa picture at maayos ang kasuotan, hindi ako maaaring magkamali. Kumurap-kurap pa ako at hindi pa agad natauhan kahit nang kinuha na ng lalaki ang litratong iyon mula sa kamay ko at agad tinago sa ilalim ng kaniyang jacket. I concealed the shock and fear in my eyes. Lalo pa dahil tumingin sa akin ang kaharap. “S-Sorry po.” “Mag-ingat ka sa susunod,” tanging sabi nito at pinalagpas na rin naman ako. Parang hindi ko na maramdaman ang mga paa ko. I felt like a statue. One wrong move, I would be caught and stripped of my disguise. Binalik ko ang tingin sa grupong iyon at naabutan pa ang isang napatingin sa aming gawi habang naninigarilyo. Kahit nanlalamig, nagpatay-malisya ako! Sinalubong na rin naman ako ni Alvaro na nag-aalala. “Okay ka lang, ga?” “Oo, Alvaro, s-sumakit lang ang tiyan ko.” Tumango na lang siya at bumalik na kami. Narinig kong paalis na rin ang mga lalaking iyon at bago pa sila maglaho sa aming paningin, ramdam ko na talaga ang panghihina ko. Who are those men and what kind of people are they? At bakit nila… hinahanap ang lalaking iyon?! At tama ba ang narinig ko? P-Papatayin nila! Mayroon silang tinawag na ‘boss’ at nasisiguro ko, hindi biro ang mga taong iyon at nakakatakot sila… “Oo nga pala, sandali na lang daw talaga sabi ng sekretarya. May tinatapos lang daw! Mukhang may inaasikaso yatang missing person,” kwento ni Alvaro. “Pwede kayang sa i-ibang araw na lang? Bigla kasing sumama ang pakiramdam ko,” bigla kong sinabi at nagkunwari pang nahihilo. Nagtaka naman si Alvaro pero hindi ko na maatim na magtagal pa rito. Halos hilahin ko na rin siya para makaalis na kami sa barangay hall. Takang-taka man, tumalima siya! Are those men really looking for the same man I’m about to report missing?! Siya rin ba ang… lalaking hinahanap nila? Dahil nasisiguro ko na siya ang nakita ko sa picture. Imposibleng kahawig niya lamang iyon… Kamukhang-kamukha niya! Nasisiguro kong siya iyon.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD