Hindi ko alam kung paano ko sasagutin iyon. Halos napalunok na lang din ako at hindi agad makakain dahil sa sunod-sunod niyang tanong. Baka pwedeng… kumain muna kami? Mula sa mga mata niyang hinuli ang buong atensyon ko, binaba ko ang tingin ko sa pagkain. Hawak ko na ang kutsara. Ito ba ang gagawin namin sa buong gabing ito? Magtatanong siya nang magtatanong at sasagutin ko naman? “Mahabang istorya. Nagugutom na ako…” nakayuko kong sinabi. Kinuha ko na lang ang kaniyang plato at nilapit sa tabi ng kalderong may mainit na kanin at umuusok pa. Naglagay ako sa kaniyang plato at hindi sumagot, kahit ramdam ko na para bang naghihintay nga siya roon. “Kahit kaunti lang? Baka maalala ko,” saad niya na ikinalunok ko. Nag-angat ulit ako ng tingin at naghahanap ng paraan para matakasa

