“Aril, letse kang babae ka! Gumising ka dyan na batugan ka! Aba, anong oras na at tulog ka pa rin!” Sigaw iyon ng Tiyahin ni Aril na si Eresh.
Hindi pa man pumuputok ang sikat ng araw ay ang ratsada ng bunganga na ni Eresh ang maririnig sa kanilang pamamahay.
Pupungas-pungas na bumangon si Aril na bagaman inaantok pa ay napilitan na tumayo na mula sa kanyang hinihigaan na papag na tanging karton at manipis na banig lamang ang nakalatag.
Kinukusot niya ang mga mata na bumaba sa hagdan ng may kalumaang bahay ng tiyahin. Nang makalapit na siya sa kusina ay binati ang tiyahin.
“Magandang umaga po, Tiyang,” bati ng dalaga pero imbes na ngiti ang isagot ay isang batok ang binigay nito.
“Batugan ka talaga! Wala kang silbi. Salot ka. Palamunin na ang gusto ay tanghali na gumising. ANo gusto mo ako pa magluto ng almusal mo? Kapag na-late ang pinsan mo na si Iris sa klase niya malilintikan ka talaga sa akin!” Parang armalite na talak ni Eresh sa pamangkin.
Hindi na sumagot si Aril at hinimas na lang ang batok na tinamaan ng kamay ng tiyahin. Manhid na siya sa mga panunumbat ng kanyang tiyahin. Napuyat siya sa pagtitinda ng balot kagabi at alas dos na ng madaling araw nakauwi. Kaya, natural na inaantok pa siya dahil alas sais pa lang ng umaga.
Nag-umpisa ng magluto si Aril. Lumabas siya sa dirty kitchen at nagpaningas ng mga panggatong na naroon. May nakita na siyang corned beef na de lata at ilang piraso ng itlog at patatas. Dali-dali niyang binalatan ang patatas at naghiwa na rin ng sibuyas at bawang. Madali lang niya natapos ng luto ang ulam at sinunod na ang garlic fried rice na paborito ng pinsan. Panghuli na ang sunny side up na niluto niya.
Saktong natapos niya ang pagluluto ay bumaba na ang pinsan na si Iris na nakasuot ng puting uniporme. Napatitig siya rito at sadyang bagay ito sa puting-puti na uniporme nito. Maganda si Iris, parang manika. Kamukha siya ng Tiya Eresh. Minsan ay hindi niya maiwasan na mainggit sa kanyang pinsan. Parang prinsesa kasi ito kung ituring ng tiyahin samantalang mas masahol pa sa alila ang tingin ng huli sa kanya.
“Anong tinutunganga mo dyan? Maghain ka na! Para ka pa ring pagong kung kumilos ang bagal!” sermon ng tiyahin sa pamangkin.
Napabuntong-hininga ang dalaga. Ilang buwan na lang ang kanyang titiisin. Malapit na siyang mag-disiotso kaya magpapakabait pa siya.
Parang kidlat sa bilis na nakahain si Aril at bumaba na rin ang kanyang tiyuhin na si Boyet. Lumapit siya rito at nagmano. Na malugod na tinanggap ng nabanggit. Tanging ito lamang ang bugtong tao na nagmamahal sa kanya. Nakababatang kapatid ng kanyang ina ang Tiyo Boyet. Samantalang ang kanyang tiyahin naman na si Eresh ay pinsan ng ama. Kaya, minsan ay hindi maintindihan kung bakit kumukulo ang dugo nito sa kanya. Na kung tutuusin magkabilaan ang pagiging magkamag-anak nila.
Naisin man ng kanyang tiyuhin na dumulog siya sa hapag-kainan ay hindi na niya pinilit na gawin iyon. Minsan na itong ginawa ng tiyuhin na isabay siya sa hapag pero nauwi lang sa pag-aaway ng mag-asawa.
Nasa gilid lang si Aril at parang isang kawaksi na nagsisilbi sa tatlo. Naroong taga-serve kung kulang ang ulam o kanin, taga-lagay ng tubig sa kanilang mga baso at taga-timpla ng kape.
“Ito Iris, gatas ang inumin mo para mas lalo kang tumalino at nang hindi ka magaya sa mga bobo sa gilid,” mapang-uyam na saad ng tiyahin.
Isang ngiti ang naging sukli ni Iris na nakataas ang kilay na nakatingin kay Aril. Parang sinasabi nito na siya lang ang mahal at ang dalaga ay isang alila lamang sa pamamahay na iyon.
Wala namang bago sa ganoong mga parinig ng kanyang tiyahin pero sa tuwina ay parang punyal na tinarak sa kanyang dibdib ang mga ganoong salita. Hindi na talaga nasanay ang dalaga na yumuko na lang na naghihintay sa bawat utos ng tiyahin. Sa kasamaang palad ay hindi siya natirhan ng pagkain. Siya ang nagluluto pero madalas ayaw talaga siyang pakainin ng almusal ng malupit na tiyahin.
“Papasok na ako sa trabaho, Aril. Magpakabait ka ha at pagpasensyahan mo na ang tiyahin mo,” halos pabulong na saad ng tiyuhin sa pamangkin.
“Ano ba Boyet? Mala-late na anak natin pero iyang sampid pa ang inuuna mo, letseng buhay ito oh!” Talak ni Eresh sa asawa na matalim ang tingin kay Aril.
“Andyan na!” pabalik na sigaw ni Boyet sa asawa.
Pagkatapos maglinis ng buong kusina si Aril ang labahin naman ang inatupag niya. Alas diyes ng umaga ay nakasampay na siya ng lahat ng nilabhan. Saktong tumunog na rin ang kanyang tiyan kaya pumunta muna siya sa tindahan ni Aling Perla na nasa tabi lang ng bahay ng tiyahin.
“Pabili ng tinapay, Aling Perla at kape na rin,” ani Aril.
“Naku, iyang tiyahin mo may sa demonyita talaga kayo naman ang kumakayod ng tiyuhin mo pero kung makaasta akala mo kung sino! Hindi ka man lang talaga ayain ng almusal,” litanya ng matandang tindera. Nasa singkwenta anyos na rin si Aling Perla at sa tuwina ito ang nakukonsumi sa trato ng tiyahin sa kanya.
“Huwag mo ng bayaran iyang kape, libre ko na sa’yo.” Nginitian ng matanda ang dalagang halatang pagod sa gawaing bahay.
Tatayo na sana si Aril nang bumaba mula sa hagdanan ang binatang apo ni Aling Perla na si Cholo. Tinanguan lamang niya ito at hahakbang na sana pabalik sa bahay ng tiyahin.
“Sandali, Aril. Bakit ka naman aalis na eh, gusto pa kitang makausap,” nakangiting saad nito sa dalaga.
Gwapo si Cholo. Mestiso intsik kasi ito at para siyang mga Kpop idol na nasa telebisyon. Crush ito ng pinsan niyang si Iris kaya iniiwasan niya. Masyadong nahumaling ang pinsan niya rito na kung may makapagsumbong dito na kinausap niya si Cholo ay paniguradong makakatikim na naman siya ng kung hindi sabunot ay sampal.
“Marami pa po akong gagawin. Sige po, Aling Perla maraming salamat sa kape.” Tumalikod na ang dalaga at nagmamadaling umuwi sa bahay ng tiyahin.
Wala na siyang nadatnan doon. Wala namang nakapagtataka dahil malamang ay nasa pasugalan na naman ito. Kaya, nagmamadaling maligo na si Aril. Kailangan pa kasi niyang pumunta sa supplier niya ng balut. Minsan kapag in demand ay nagkakaubusan talaga ng stocks kaya dapat mauna siya.
Nagsuot lang siya ng isang simpleng puting t shirt at leggings. Ang kanyang sapatos na malapit ng bumigay ay pinagtatyagaan pa rin niyang isuot. Pinuyod niya ang kanyang lagpas balikat na buhok at nagsuot ng sumbrero. Bitbit ang kanyang styro box, naglakad na siya patungo sa kanyang suki.
Eksaktong alas onse ay naroon na siya sa kanyang supplier. Siya ang unang buyer kaya madali lang niyang nakuha ang mga stocks. Inaangkat niya ang mga hilaw na itlog ng bebe na siya namang niluluto niya at nilalako sa hapon hanggang sa maubos iyon.
“Ano Aril? Kaya pa ba? Nangngangayayat ka sa kayod pero ang hindut mong tiyahin nagwawaldas lang ng pera. Hayaan mo minsan ititimbre ko sa kumpare kung pulis ang illegal na pasugalan na iyan at ng magtanda ang Eresh na ‘yan!” Halata sa mukha ng tindera ang inis sa kanyang tiyahin.
Ngumiti lamang ang dalaga sa tinuran ng kanyang suki na si Aling Remedios. Kaklase talaga ito ng tiyahin niya kaya gigil na gigil sa ginawa ng una sa pamangkin.
“Mauna na po ako at magluluto pa ako ng pananghalian,” paalam ng dalaga. Tumango lang ang matanda at humayo na si Aril. Bitbit ang kanyang styro box na naglalaman ng mga itlog, naglakad sa katirikan ng araw si Aril.
Samantala, hindi nakatingin sa kanyang binabaybay na daan si Kelvin habang minamaneho ang kanyang scooter. Abala siyang nakikipag-usap sa kanyang chatmate. Hindi niya namalayan na nasa pedestrian lane siya at may tumatawid. Huli na nang makabig ang manibela ng scooter. Nasagasaan na niya si Aril na tumilamsik ang dala-dalang styro foam na puno ng itlog.
“AYYYYY!” tanging sigaw ng dalaga na napaupo sa kalsada sa pagbundol ng scooter sa kanya. Tiningnan niya ng bumundol sa kanya. Matangkad na lalaki na medyo kulot ang buhok.
Dahan-dahan siyang tumayo at pinagpag ang kamay na napahawak sa kalsada. Namaywang siya na hinarap ang driver ng scooter.
“Sir, pasensya na po sa abala, pwede bayaran nyo na lang po ang mga nabasag na itlog pati ang nasirang styro?” anang dalaga.
Napanganga si Kelvin sa sinabi nito. Kung iba ang nabundol niya ay malamang tatalakan siya at baka ipa-pulis pa. Pero, ang babaeng nabundol ay ang mga nabasag na itlog lang pinababayaran. Kaya, dumukot siya kaagad ng dalawang libo sa kanyang pitaka at inabot sa dalaga.
“Sobra ito Sir! One thousand two hundred lang naman lahat ang damage,” walang kaabog-abog na saad ni Aril.
“S-sigurado ka?” tanong nito sa dalaga. Sinuri niya ang kabuuan nito kung may napilay ba o nabugbug sa katawan nito. “Baka kailangan mo na dalhin sa clinic o sa hospital?” saad niya.
Umalingawngaw ang halakhak ni Aril pero natigil iyon ng may traffic enforcer na lumapit.
“May problem ba tayo dito?”anang matabang pulis.
“Wala bossing, sobra pa nga bayad ni Sir Pogi sa mga nabasag na itlog. S’ya mauuna na ako at marami pa akong gagawin. Sir Pogi, salamat sa pasobra ha?” Tinaas ni Aril ang kamay at nilisan na ang lugar na iyon.
Napaawang na lang ang labi ni Kelvin sa sinabi ng dalaga.
“Sir, buti at si Aril ang nabangga ninyo at mabait ang batang iyan,” anang pulis.
“Bossing, alam mo ba kung saan siya nakatira?”