Kahit medyo masakit ang balakang sa pagbagsak ni Aril sa kalsada, pinilit niya ang sarili na maglakad pabalik sa pinagbilhan ng mga ititindang balot.
“Nabalik ka Aril?” ani Aling Remedios.
“Tumilapon po ang mga nabili kong itlog, Aling Remedios. May natira pa ba? Bibili sana ako ng halagang isang libo at pahiram muna ng lagayan. Nawasak ang styro box na dala ko eh.” Nag-inat si Aril at ramdam na ang pamamanhid ng balakang.
“Maswerte ka at hindi napunta ang isang buyer ngayon kaya sa’yo na ang laan sana para sa kanya.” Habang nag-uusap sila ay abala naman ang kamay ni Aling Remedios sa paglalagay ng mga itlog sa styro box. Bente minutos din ang pinaghintay ni Aril bago nakaalis sa tindahan.
Nagmamadali na siyang pumasok sa bahay ng tiyahin. Kaagad niyang inasikaso ang pagsasaing. Pagbukas ng ref may nakitang pakpak ng manok na nasa chiller na. Kapag ganoon ay alam na niya ang gustong ulam ng tiyahin, adobong manok. At dahil maramot ang tiyahin at bilang na bilang nito kung ilang piraso ng karne ang naroon. Kaya, ang ideya niya ay dinadamihan na lang niya ang sarsa at magluluto ng kanyang pangmalakasang ulam, ang nilagang itlog.
Saktong alas dose at naihanda na niya ang pananghalian nila. Nag-iwan na siya ng para kay Iris at panigurado na malalagot siya sa tiyahin kapag hindi niya maglalaan para sa pinakamamahal nitong unica hija. Naglagay na siya ng kanin at ulam sa isang stainless na baunan. Nagtimpla na rin siya ng 3n1 na kape at nilagay iyon sa isang maliit na thermos. Nasanay na siyang hatdan ng pananghalian ang tiyahin kung saang pasugalan ito napadpad.
Bitbit ang pananghalian ng tiyahin ay isa-isa niyang pinuntahan ang mga nagkalat na pasugalan na naroon: sa bingohan ni Aling Salud, sa tong its den ni Mang Caloy, at ang mahjongan ni ni Mang Nicanor. Doon niya nahagilap ang tiyahin sa kina Mang Caloy.
“Oy, Eresh! Narito na ang pananghalian mo,” anang matanda. Halos sitenta anyos na ito ngunit aktibo pa rin sa pasugalan ang matanda. Makailang beses na rin na-raid ang pasugalan nito ngunit palaging nakakapiyansa at mag-ooperate ulit.
Hindi na pumasok si Aril at diretso na siyang umuwi. Mabubwisit lang ang tiyahin niya at siya pa ang bubungangaan kapag nagkataon.Kailangan pa niyang isa-isang linisin ang ititinda na balot mamayang hapon. Plano niyang magtinda sa kabilang barangay kung saan may paliga ng basketball.
Pag-uwi ay ‘tsaka na siya kumain ng pananghalian. Ang sobrang kanin ay nilagay na lang niya sa kaserola at ang sarsang naiwan ang kanyang ulam pati ang itlog na nilaga kanina.
Masarap naman ang kain niya kahit halos pulos kanin lang iyon. Hinugasan na niya ang pinagkainan at nag-umpisa na siyang maglinis ng mga itlog. Natapos noon ay ini-steam na niya ang mga itlog.
Hinanda na niya ang mga gagamitin sa pagtitinda sa isang backpack. Tulak ang kanyang maliit na kariton, nag-umpisang maglakad si Aril na may salakot sa ulo. Alas tres pa lang ng hapon at tirik pa ang sikat ng araw. Habang nasa daan ay may mangilan-ngilan na bumibili sa kanya.
Kalahating oras ay naroon na siya sa basketball court kung saan may paliga. Wala pa masyadong tao pero ang mga nagkakabit ng sound system ay naroon na. May ilang players na rin na nakasuot na ng jersey at nagsasanay ng pagbuslo sa ring.
Sa bandang kanan pumwesto ang dalaga doon sa likuran ng isang team. Inumpisahan na niyang magpaningas ng kanyang kalan at uling na dala at pinatong ang kanyang stainless na steamer.
Ilang sandali pa ay may humintong van. May mga basketball players na sakay noon at nagsibaba na. Nagulat si Aril nang marinig ang tilian ng mga dalaga sa bandang likuran niya.
Nagpatuloy sa paggayak ng kanyang paninda si Aril. Marami siyang nilutong balut lalo pa at marami din siyang nabili kanina. Sana nga lang ay maubos iyon para maaga siyang makauwi.
Samantala, kararating lang ni Kelvin sa basketball court. Dala ang kanyang backpack kung saan niya nilagay ang bihisan at ilang bote ng tubig at towel. Lalapit na sana siya sa kanilang team nang makita ang babaeng nabundol niya kanina. Nagtataka siya kung bakit naroon ito. Hindi ba ito nasaktan? tanong nito sa isip niya.
“Trinidad, andyan ka na pala!” untag ng coach nila.
Tinaas lang ni Kelvin ang kanyang kamay at hindi pa rin niya tinatanan ng tingin ang dalagang abala sa kanyang paninda.
“Hoy Trinidad! Mukha kang nanuno dyan kay Aril?” pilyong untag ni Joseph sa kaibigan.
“Hindi pare, nabundol ko kasi iyang babae kanina lang ano at naglalako pa?” Napakamot na lang sa ulo si Kelvin at matay mang isipin ay hindi niya alam kung matutuwa siya o maaawa sa babae.
“Ah, akala ko ko kasi type mo. Hindi kasi kayo bagay nyan pare. Mangmang ang isang yan eh,” sabat naman ni Jack.
Nagsalpukan ang kilay ni Kelvin sa huling sinabi ng kaibigan. Hindi siya mapangmata ng tao kahit galing siya sa mayamang angkan. Hindi rin siya namimili ng kaibigan kahit anong antas ng pamumuhay at pinag-aralan, pero ang makarinig mismo sa kaibigan na hindi rin naman mataas ang antas ng pinag-aralan at pamumuhay ay nagbigay inis sa kanya.
“Grabe ka naman mangmata ng tao, Jack!” asik ng binata. “Naawa lang ako lalo at nasaktan ko iyong tao, bad trip ka talaga.”
Tumalikod si Kelvin sa kaibigan at binaba ang kanyang backpack doon sa water boy nila. Kinuha niya ang pantali ng buhok at tinirintas ang lagpas balikat na buhok na maalon at gumamit ng head band. Pinasahan siya ng kanilang coach ng bola at pinatalbog muna iyion bago i-shoot. Walang mintis niyang nabuslo iyon at nagtilian ang mga dalaga at mga baklang naroon. Nang lumingon siya sa kanan ay hindi man lang siya pinag-aksayahan na tingnan ng dalagang nabundol.
Tumaas ang kilay ni Kelvin at nahamon ang kanyang p********i. Sanay siyang tinitilian at hinahanggaan ng lahat ngunit ang dalagang nabangga ay wala yatang pakialam sa kanya. Kaya, nang muli siyang pinasahan ng bola ay nagpasikat ang binata. Nag-dribble siya papuntang ring at nag-slam dunk siya. Tilian ulit ang mga naroon pero sa inis niya ay hindi ulit siya pinansin ni Aril. Kaya, sa inis niya ay kunwaring nabitawan ulit niya ang bolang inihagis sa kanya at pinuntirya ang kinalalagyan ng dalaga.
Ngunit, minalas ang binata dahil hindi niya kaagad naabutan ang bola at palingon ang dalaga. Sapol ang mukha ni Aril at kaagad tumulo ang masaganang dugo sa ilong nito.
Nais panawan ng ulirat ng dalaga ng tumulo ang dugo sa ilong niya. Kaagad siyang nag-aalala sa mga paninda niya lalo pa at ni hindi pa man niya nakakalahati ng benta ang mga iyon. Napaupo siya sa kanyang foldable stool.
Napasinghap ang mga naroon at kaagad na tinulungan ang dalaga. May medic naman na nakatambay lalo pa at pawang galing sa mga may kayang barangay ang maglalaban sa liga. Abala ang mga medic sa paggamot kay Aril at kahiot naisin man na lumapit ni Kelvin sa dalaga ay mag-uumpisa na ang laban.
Patapos na ang laban ng maubos ang paninda ni Aril. Niligpit na niya ang kanyang mga gamit at ginayak iyon sa kanyang munting kariton. Napapayuko lamang siya habang dumadaan palabas sa basketball court lalo at tinitingnan siya ng mga dalagang naroon. Ang mga kaedad niya ay todo pustura at may mga make up pa. May mga cellphone pa na latest model samantalang keypad na cellphone pa rin ang gamit niya.
Palabas na siya ng basketball court at saka natapos din ang liga. Nagmamadali na siyang pumagilid sa daan lalo at maya-maya pa ay dagsa na ang lalabas doon. Tulak ang kanyang munting kariton maayos na natawid ang daan.
Samantala nagkasya na lang si Kelvin na tanawin ang dalagang dalawang beses na niyang nadisgrasya ngayong araw. Naghihinayang siya at hindi man lang siya nakahingi ng contact number kung sakaling may indahin ito sa mga pinsalang dulot niya.
“Pare, mukhang tinamaan ka doon sa bebot na iyon ah?!” ani Peter. Ka-team mate ito ni Kelvin na kanina pa napansin ang pagiging aligaga ng binata.
“Paano dalawang beses kong nadisgrasya iyong babae kanina,” matamlay na saad ni Kelvin.
“Baka sa pangatlong beses na madisgrasya mo iyan Pare ay lumobo na ang tiyan niya!” biro ni Jack.
Pinukol ng masamang tingin ng binata ang kaibigan kaya tinaas nito ang kamay.
“Ganito kaya mga Pare, kapag napasagot mo sa loob ng dalawang buwan ang babaeng iyon, ibibigay ko ang ducati kong motor. Kapag naikama mo siya sa loob ng tatlong buwan, sa iyo na ang BMW ko.” Naghiyawan ang magkaibigan at binubuyo nila si Kelvin na kagatin na ang offer ni Joseph.
Mula sa mayamang angkan si Joseph at ang mga nabanggit na sasakyan ay sariling pundar nito kahit pa sa murang edad nito. May sariling negosyo ang binata na buy and sell ng mga luxury cars kay maning-mani para rito ang mga nasabing pusta.
Sandaling nag-isip si Kelvin at tinanggap ang offer ng mga kaibigan.
“Game!”