Chapter 18

1387 Words
"Sa Maldives ang honeymoon ninyo, hindi ba?" tanong ng isang ginang na kamag-anak ni Fabian, nakatunghay ito sa amin. Nirentahan ang isang buong dome para sa aming wedding reception. Literal na maraming tao, halos mapuno ang paligid. Halos hindi ako makahinga. Lalo ngayon na para akong binibitay dahil sa ilang tanong. Hindi ko alam kung paano ko iyon nalulusutan, o kung tama ba ang mga pinagsasasabi ko batay sa buhay ni Ava Constanse. Minsan naman ay tinutulungan ako ni Fabian na sumagot. At ngayon ay ito naman. Honeymoon? Nangunot ang noo ko. Alam ko na ang patungkol diyan, na pupunta nga kami ng bansang Maldives para sa honeymoon. Pero naisip ko, since pagpapanggap lang naman ito ay posibleng hindi iyon matuloy. Oo at aalis kami, pero alam ko na palabas lang iyon para lang din magkaroon ng pormal na honeymoon sina Fabian at Ava sa madla, lalo at pareho silang kilala at sikat. "Yes," magkasabay pa naming sagot ni Fabian, dagli kaming nagkatinginan. Mabilis ko namang iniiwas ang tingin. Hindi ko alam kung bakit ngunit kaagad kong naramdaman ang pag-init ng pisngi ko. "Naku! Sana pagbalik mo rito, Ava, may laman na iyang tiyan mo!" segunda ng isa. "Panigurado 'yan, si Fabian pa ba? Ito ngang si Frank, nakalima!" Halakhak ng isang matandang lalaki, sabay turo sa Daddy ni Fabian na naging mitsa para lahat sila ay humagalpak ng tawa. Nailing-iling si Tito Frank, panay din ang tawa ni Tita Imelda. Ganoon din sina Fabio, Faith, Frankie at Faye. Si Fabian naman ay pangiti-ngiti lang, hindi siguro alam kung paano patatahimikin sila gayong nakikita niyang hindi ako kumportable sa ganitong usapin. Kahit nga sina Mommy at Daddy ay hindi natutuwa sa topic. "Hindi rin naman uurong si Ava! Patay na patay 'yan kay Kuya! Baka kambal pa maging anak nila!" sabat ni Frankie. Nalaglag ang panga ko at madali siyang nilingon upang panlakihan ng mata. Nag-peace sign lang ito, kasunod nang mas malakas niyang tawa. Nag-apir pa sila ni Faye na siyang katabi niya sa upuan. Ramdam ko ang pamumula ng pisngi ko, pati ang init sa batok ko. Sa oras na 'yon ay hinangad kong sana ay kainin na ako ng lupa. Hindi na halos maipinta ang itsura ko sa magkahalong ngiwi at ngiti. Dahan-dahan kong ibinalik ang atensyon kay Fabian para humingi ng tulong, pero naabutan kong nakanguso ito habang nakayuko. Mukhang nagpipigil siya ng ngiti. Tinutusok-tusok pa niya ang steak sa plato niya gamit ang tinidor na hawak. Nanginig ang labi ko. Nang mapansin niyang nakatingin ako sa kaniya ay bigla siyang umayos ng upo. Sa isang iglap ay seryoso na ang mukha niya. Ganoon pa man ay pilit pa ring kumakawala ang ngiti niya. Kinikilig ba siya? Ang tinutukoy ng mga kapatid niya ay si Ava. Alam nina Frankie at Faye na patay na patay si Ava kay Fabian, na gustung-gusto siya ni Ava. Roon ba siya kinikilig? Parang asidong tumapon sa puso ko ang pait. Hindi ko mawari kung ano itong nararamdaman ko, pero gusto kong tanggalin ang ngiti sa mukha niya. Ngunit mabilis kong ipinilig ang ulo. Gulat na gulat ako sa sarili. Ano itong iniisip ko? Kailan pa ako naging mapanakit? Napakurap-kurap ako para ibalik ang katinuhan sa katawang lupa ko. Pagtawa na lang din ang naging sukli ko sa usapang iyon. Hindi ko na masundan kung paano ko natagalan ang sunud-sunod na mga katanungan, kinatagalan ay natagpuan ko na lamang ang sarili sa gitna kung saan ay marahan akong isinasayaw ni Fabian. Sa salin ng klasikong musika, marami ang nakikisabay sa pagsayaw namin. Dapit-hapon na rin at patapos na ang araw na ito. Sa pagod na nararamdaman ko ay parang gusto ko na lamang ang humiga. Naging tahimik na ako at ayaw nang makipag-usap. Mabuti nga at inaya ako ni Fabian na magsayaw dito, kung 'di ay walang katapusang interrogation ang dadanasin ko sa mga kamag-anak niya. Nakatitig lang ako sa dibdib ni Fabian, samantalang damang-dama ko ang paninitig niya sa akin. Ang isa niyang kamay ay naroon sa baywang ko, ang isa ay kasalikop ng isang kamay ko. Ang isa ko namang kamay ay nakapatong sa kaniyang balikat. "I can feel you're tired. Gusto mo na bang umuwi?" pukaw ni Fabian sa mababang boses, parang nanlalambing. "Kung hindi pa tapos ang reception, huwag muna. Nakakahiya kung mauuna tayong uuwi," sagot ko— ayaw nang idagdag na ayoko munang umuwi sa bahay. Pagkatapos ng kasal, palaisipan sa aking kung paano ang magiging set up namin ni Fabian. Alam ko na titira kami sa iisang bahay, na-orient na ako sa parteng iyan. Ngunit hindi ko alam kung sa bahay ba nila, o may sariling condo unit si Fabian? "Maiintindihan naman siguro nila," ani Fabian habang nakatunghay pa rin sa akin. Kung ganoon, mayroon naman siguro kaming makakasama na katulong 'di ba? Hindi ko kailangang mag-alala na dalawa lang kami sa bahay niya. Napanguso ako, frustrated dahil sa bumabagabag sa utak ko. Nawala iyong excitement na naramdaman ko noong sinabi sa akin ni Fabian na iaalis niya ako sa bahay, napalitan ng pagkabahala. Hindi ko rin maintindihan. Ano ba ang ikinatatakot ko? Kaparehong takot ba sa reyalisasyong kailangan naming mag-ano para sa honeymoon namin? Umawang ang labi ko. Para akong napapaso nang bitawan ko si Fabian. Nagulat ito sa biglaan kong reaksyon. Tiningala ko siya at nakita ko ang pangungunot ng kaniyang noo. Nagsalubong ang dalawang kilay niya, pero kinuha muna niya ang kamay ko para ibalik sa kaniyang balikat. "What are you thinking?" malambing ulit niyang tanong, halos manindig ang balahibo sa batok at braso ko. Lumanghap ako ng hangin. "Uhm... hindi ba ay pupunta tayo ng Maldives?" Marahang tumango si Fabian. Kitang-kita ko ang pag-aaral niya sa emosyon ko, kinakalkula kung ano ba ang iniisip ko. "Para sa honeymoon..." dagdag ko, para akong binibitay at nahihirapan akong huminga. "Pwede ba... pwede ba na..." Hindi ko matuloy-tuloy. Hindi ko rin kasi alam kung paano iyon sasabihin sa kaniya. Napapangunahan ako ng hiya. "What?" Nagtaas siya ng kilay sa akin at mas lalo akong dinungaw. "What is it? Hmm?" "Pwede ba na huwag na nating ituloy ang honeymoon?" dere-deretso kong sabi at mabilis na inilihis ang tingin. Narinig ko ang mumunting pagtawa ni Fabian. Gusto ko siyang lingunin, gusto ko siyang sakmalin at singhalan, pero hindi ako ganoong tao. Ngayon lang— parang ngayon ko lang din unti-unting nakikilala ang sarili. "What do you mean?" natatawa pa rin niyang tanong, pilit pa niyang hinuhuli ang mga mata ko. "Ayaw mong pumunta ng Maldives?" "Ibig kong sabihin, pwede tayong tumuloy sa Maldives, pero huwag tayong mag—" "How can you call it a honeymoon if we don't do anything?" pagputol ni Fabian. Nakagat ko ang pang-ibabang labi ko. Saglit ko siyang tinapunan ng tingin at naabutan ko ang nang-aasar niyang mukha. Nakangisi siya habang panay ang pagtaas ng isang kilay niya, tila ba tuwang-tuwa rin siyang nakikita akong balisa at napipikon. "Palabas lang gano'n. Para lang masabi nila na nag-honeymoon tayo..." Tuluyan ko siyang binitawan. Napagod na akong magsayaw. Tapos man o hindi ang reception, sige at uuwi na ako. "Kung ayaw mo, hindi ako sasama sa Maldives," habol ko bago ako tumalikod at nagmamadaling nilayuan siya. Sa kabila ng musikang umaalingawngaw sa kabuuang lugar, sa malakas na tawanan at kwentuhan ng mga tao sa paligid ay dinig na dinig ko ang paghalakhak ni Fabian. Isang beses ko siyang nilingon mula sa pagitan ng leeg at balikat ko. Nakita ko ang mabilis niyang paghabol sa akin. Dumaan ako sa kumpol ng mga tao. Nakakita ako ng daan sa backstage kaya roon ako lumusot. Halos mapatili naman ako nang may biglang humila sa kamay ko. Hinatak ako nito at kaagad akong niyakap. Sunod kong na-realize ang mapusok niyang paghalik sa labi ko, mapagparusa at tila nanghahalina. Gamit ang malaki niyang katawan ay itinulak niya ako hanggang sa maramdaman ko ang malamig na pader sa likod ko. Pikit-mata ko namang nilalasap ang nagliliparang paru-paro sa aking tiyan. Akmang sasagutin ko na sana ang halik niya nang madali rin siyang tumigil. Naghihingalo kong tiningala si Fabian. Medyo madilim sa parteng iyon ngunit napanood ko ang senswal na pagdila niya sa nabasang labi habang titig na titig sa akin. "Sige, pagbibigyan kita. Saka ka na magdesisyon kapag hindi ka na nababaliw sa mga halik ko," namamaos na banggit ni Fabian at saka ako muling inangkin.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD