"Welcome, loved ones. We are gathered here today to join Fabian Ambrose Iverson and Ava Constanse Valentino in holy matrimony."
Sino bang mag-aakala na sa isang iglap ay bigla akong ikakasal? Sa lalaki pang kailan man ay hindi naman nanligaw sa akin. Sa lalaking hindi ko naman naging boyfriend. Sa lalaking hindi ko rin gaanong kilala.
Dati, ang pangarap ko lamang ay ang makapagtapos ng pag-aaral. Iyon bang may mapapatunayan ako kina Mommy at Daddy para matanggap din nila ako, kagaya ng pagtanggap nila kay Ava.
Ginagawa ko lahat ng mabuti at sumusunod sa kanilang utos nang sa gayon ay mamahalin din nila ako, magagawa rin nila akong pagtuunan ng pansin. Alam ko na hindi man ngayon, balang-araw siguro.
Ngunit hanggang kailan nga ba ako maghihintay? Hanggang kailan ko hihintayin na dumating ang pag-ibig nila sa akin?
Minsan ay nakakainip, pero palagi kong itinatatak sa utak ko na hangga't nabubuhay ako ay may pag-asa pa. Hangga't hindi nila ako pinapalayas sa bahay, siguradong darating din ang araw na iyon.
Ngayon lang... ngayon ko lang natanto na malabo na iyong mangyari.
Nariyan man si Ava o wala, buhay man siya o hindi, ganoon pa rin ang turing nila sa akin. Para pa rin akong invisible sa paningin nila, walang halaga at hindi importante— ‘parang bahala ka na sa buhay mo’ ang ganap.
Hindi ko alam kung ano bang mali sa akin, kung saan pa ako may kulang, o kung ano pa ba ang dapat kong gawin. Hanggang ngayon ay hindi ko pa rin maintindihan kung bakit iba ang turing nila sa akin.
Kaya ngayon, kahit papaano ay umaasa ang puso ko sa ipinagkaloob sa akin ni Fabian. Kalayaan, tila panibagong buhay, pagmamahal at pagtanggap.
Totoo man din o pawang pagpapangap lamang ang lahat, nandito na rin naman na ako ay wala na akong ibang pagpipilian. Wala na akong magagawa pa kung 'di ang sumang-ayon sa agos ng hiram na buhay.
"Ava Constanse Valentino..." panimula ni Fabian, magkaharap kaming dalawa kaya saglit ko siyang tinitigan.
Wala akong imik, ngumiti lamang din siya at muling nagsalita sa tapat ng mic.
"I vow to cherish you, devote my life to you and always be true," dagdag niya.
Gaano katotoo na gusto ako ni Fabian?
Isa iyan sa nagpapagulo ng utak ko, kasabay nang pagtataksil ng inosente kong puso.
"As I have spent my whole life looking for my other half, I knew it was you from the moment we met. Do you remember it?"
“On the night of September 12, I saw her leaving their house chasing a cat. She was smiling, walking restlessly while wearing a white dress. She's so pure and innocent. And with one glance at me, I fell in love.”
Naaalala ko ang sinabi niyang iyan, pero sino ba ang kausap ngayon ni Fabian? Ang pangalan ni Ava, o itong katawan ni Ada? Hindi ko rin alam kung paano sila nagsimula ni Ava, kung paano sila naging close.
"I promise that each kiss will be filled with more love than the last and that our days together will grow in love and devotion."
“Gusto kitang halikan sa pagkakataong maaalala mo sana, pero ngayong nakikita kitang ganiyan, nababaliw ako.”
Ang sarap sigurong magmahal ni Fabian, ano? Ang sarap din siguro sa pakiramdam na may nagmamahal sa 'yo.
Alam ni Fabian na uhaw na uhaw ako sa salitang pagmamahal at atensyon, kaya marahil ay ganito siya. Alam niya kung paano ako kukunin, kung paano paamuhin ang isang Ada Clementine Valentino.
"I am yours. You can have it all," pinal niyang bigkas habang titig na titig sa akin.
“Kapag kasama mo ako ay wala kang magiging limitasyon.”
Ibig sabihin, habang nasa akin si Fabian, lahat ay magagawa ko, lahat ay makukuha ko? Para lang ding sampung libo na pangako ni Cayetayo, ang sarap umasa kahit malabo.
Suminghap ako, kapagkuwan ay tipid na ngumiti. Pagkakataon ko naman para sa wedding vow. Mayroon nang nagawang script si Ava, binasa ko iyon kagabi nang ilang beses at ngayon ay kabisado ko na.
Tumikhim ako. "Fabian Ambrose Iverson."
Malapad na ngumiti si Fabian sa akin, tila ba lahat sa kaniya ay magaan. Kitang-kita ko ang kislap sa parehong mata niya, kasabay nang pagsasayaw doon ng labis na paghanga at pag-aasam, pagmamahal din.
"I vow to express my love for you as often as I breathe each breath..." Saglit akong lumanghap ng hangin bago nagpatuloy. "Let us build a home, a life and a family from our bonds of true love and our vows to stick together through all life’s challenges."
Kung tutuusin ay napakaganda ng vows na ito na alay ni Ava kay Fabian. Ngunit alam ba niyang simula umpisa ay wala namang pagmamahal sa kaniya si Fabian?
Totoo ba na lahat ay pagpapangap lamang?
"Nothing will divide us because I know that with your love, I will always have strength. And without you, my life has no meaning. I vow to always remember to treasure you."
Alam ko na gustung-gusto rin ni Ava si Fabian— pero bakit, Fabian?
Ngumiti ako, tanda ng patuloy ko ring pagpapanggap bilang si Ava. Nahihirapan na akong huminga at kagustuhan ko na lamang na matapos na kaagad ang seremonyas. Sa mga sumunod na eksena ay wala na rin akong maintindihan pa.
"And now, I pronounce you as husband and wife. You may now kiss," ani Father.
Hinarap ako ni Fabian, dahan-dahan naman niyang inangat ang belo mula sa ulunan ko. Pumikit ako at madali ring nagmulat. Kaagad na nagtagpo ang mga mata namin. Ngayon ay bulgar na niyang nakikita ang pagluha ko.
Luha para sa hindi ko malamang rason, halu-halo na lahat sa utak ko. Sabay-sabay din ang mga emosyong bumubundol sa puso ko. Kaba, mayroon ding pag-asa.
Hinawakan ni Fabian ang baba ko, saka niya iyon inangat para sa madaling access. Yumuko siya, pumikit at tuluyang inangkin ang labi ko. Malakas na nagpalakpakan ang mga taong naroon sa simbahan.
Ang iba ay sumisigaw at naghihiyawan, hindi ko alam kung sino sila. Basta ay dagling tumigil ang pag-inog ng mundo ko dahil sa paghalik ni Fabian, parehong dahilan din sa tuwing hinahalikan niya ako.
Matagal iyon, halos hindi na ako humihinga. Bahagyang gumalaw ang labi ko para sana makasagap ng hangin, pero iginalaw din ni Fabian ang labi niya. Sa pagkakataong iyon, para siyang nananabik.
Lalong naghiyawan ang mga taong nakapanood. Wala sa sarili nang mahawakan ko ang dibdib ni Fabian, marahan ko siyang itinulak doon. Hinihingal pa ako nang bumitaw siya at dinungaw ako.
Mahina siyang natawa bago hinaplos ang buhok ko, saka rin humalik sa noo ko. Masigabong palakpakan ang bumuhay sa paligid. Sa parteng picture taking ay obligado kaming mag-picture nina Mommy at Daddy.
Naroon sila sa magkabilaan kong gilid, hawak din ang dalawang braso ko. Sa ilang shot na nangyari ay kung todo ang ngiti ko sa katotohanang ito ang pinakaunang family picture na mayroon ako.
Wala man si Ava ay hindi ko naramdaman ang lungkot. Hindi siya ang nasa litrato, hindi siya iyong hawak nina Mommy at Daddy.
Ako. Si Ada iyon.
Hindi mawala-wala ang ngiti ko. Nakailang picture din kami ni Fabian, mayroon na nakaakbay siya sa akin, mayroong nakahalik sa pisngi ko, mayroon ding yakap niya ako mula sa likod. Parang totoong mag-asawa.
"Best wishes, newly weds!" nakangusong pagbati ni Fabio, nagkukunwaring malungkot. "Ako sana 'yan. Alam mo bang matagal na kitang crush?"
"Stop it, Fabio," giit ni Fabian kaya nag-ungasan silang dalawa.
Ngunit nagtawanan naman ang mga kapatid ni Fabian. Kasama sa grupo sina Tita Imelda at Tito Frank, ang kanilang magulang.
"Pero hindi bale... may nakilala akong babae sa bahay ninyo. Kung hindi ako nagkakamali, katulong niyo yata 'yon? Iyong anak ni Aling Rosa na katulong niyo rin?"
"Oh, my God, Kuya! Sa isang katulong ka pa talaga nagkagusto?" Humalakhak si Frankie.
"Anong masama sa pagiging katulong?"
Mahinang natawa si Tita Imelda, mabilis ko siyang nilingon at naabutan ko ang saglit niyang panunuri sa akin.
"Well, hija, don't get me wrong, okay? Don't get offended. Pero may pagkakahawig nga kayo ng babaeng 'yon. What is her name?"
Napakurap-kurap ako. Para akong sinabuyan ng malamig na tubig at hindi ako kaagad nakapagsalita— ako ang babaeng iyon.
"Ma, let's go. Gutom na kami ni Ava," si Fabian at hinila na ako, nauna na kaming lumabas ng simbahan.
"Wait, Ava! Ipakilala mo muna ako sa katulong niyo!" habol ni Fabio.